Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

PANGANGARAL AT PAGTUTURO SA BUONG LUPA

Oceania

Oceania
  • LUPAIN 29

  • POPULASYON 40,208,390

  • MAMAMAHAYAG 97,583

  • PAG-AARAL SA BIBLIYA 64,675

Nag-iwan Sila ng Pake-paketeng Literatura

Bihirang mapaabutan ng mabuting balita ang maraming isla sa Micronesia, kaya isang grupo ng mga mamamahayag sa Marshall Islands ang nagplanong mamangka nang dalawang linggo para makapunta roon. Mula sa isla ng Majuro, narating nila ang mga islang Wotje at Ormed sa Wotje Atoll.

Para makapagpatotoo sa pinakamaraming tao hangga’t maaari, naghanda ang grupo ng pake-paketeng literatura bago sila bumiyahe. Ang bawat pakete ay may apat na magasin at dalawang brosyur. Dahil hindi alam ng mga mamamahayag kung kailan sila makababalik sa mga isla, nag-iwan sila ng tig-iisang pakete sa mga interesado, at hinimok ang mga ito na ibahagi ang mga literatura sa kanilang pamilya’t mga kaibigan. Sa loob ng dalawang linggong iyon, ang mga mamamahayag ay nakapamahagi ng 531 brosyur, 756 na magasin, at 7 aklat.

“Salamat at Hindi N’yo Kami Nalimutan”

Noong Pebrero 2014, anim na Saksi mula sa Papua New Guinea ang nangaral nang 10 araw sa mga nayon sa bulkanikong Karkar Island. Marami silang natagpuang interesado at nakapamahagi sila ng 1,064 na publikasyon. Sinabi ng isang sister na si Relvie: “Sa unang araw ng aming ministeryo, inabot kami nang hanggang alas-tres ng hapon sa pangangaral. Nang panahong iyon, wala nang laman ang lalagyan namin ng tubig, pagód na ang aming mga panga, at nanunuyô na ang lalamunan namin sa kasasalita. Kinakausap ko noon ang isang batang babae. Gusto ko sanang magbasa ng isang teksto, pero hindi ko magawa dahil sa sobrang uhaw ko. Tamang-tama naman, inalok niya ako ng tubig.”

Noong gabing iyon bago lisanin ang isang nayon, nagkaroon ng isang malaking pulong ang mga miyembro ng komunidad, at naroon din ang mga lider ng simbahan. Naaalaala pa ni Relvie: “Para akong si Esteban noon habang nasa harap ng Sanedrin para ipagtanggol ang katotohanan. Ang pagkakaiba lang, mababait ang mga tagapakinig namin.” Matapos magsalita ang anim na mamamahayag, tumayo ang koordineytor ng paaralang Lutheran Sunday at nagpasalamat sa kaniyang tiyahin, na isa sa mga mamamahayag, dahil sa pagdadala nito ng katotohanan sa kaniyang mga kababayan. “Ang inyo pong magandang halimbawa,” ang sabi niya, “ay gaya ng sa Samaritanang nagpunta sa kaniyang pamilya para sabihin ang magagandang bagay na narinig niya mula kay Jesus. Salamat at hindi n’yo kami nalimutan.”

Napakabata Pa Para Mangaral?

Kiribati: Sina Teariki at Tueti

Isang umaga, ang pitong-taóng gulang na si Teariki, nakatira sa isla ng Tarawa na bahagi ng Kiribati, ay nagbabahay-bahay kasama ng tatay niyang si Tueti. Pumasok sila sa isang bahay at nadatnan nila roon ang isang grupo ng mga 10 lalaki’t babae na mahigit 20 ang mga edad. Matapos ibahagi ng tatay ni Teariki ang mensahe ng Kaharian sa grupo, sinabi ng isa sa mga ito: “Napansin po namin na kayong lahat ay nangangaral kasama ang maliliit n’yong anak. Bakit n’yo pa sila isinasama? Napakabata pa nila para mangaral tungkol sa Diyos.”

Sumagot si Tueti: “Gusto n’yo bang makita kung kayang gawin ito ng anak ko? Puwede akong lumabas muna, at pakinggan n’yo kung ano’ng sasabihin n’ya.” Sumagot ang grupo, “Sige po, gusto namin siyang marinig.”

Paglabas ni Tueti, tinanong ni Teariki ang grupo, “Alam n’yo po ba kung ano’ng pangalan ng Diyos?”

“Oo. Jesus!” ang sabi ng isa sa kanila. “Diyos,” ang sabi naman ng isa. “Panginoon,” ang sabi pa ng isa.

Sinabi ni Teariki: “Tingnan po natin kung ano’ng sinasabi ng Bibliya. Kung bubuklatin po natin ang Isaias 42:5, mababasa natin.” Pagkabasa ng teksto, nagtanong siya, “Sino po kaya ang tinutukoy ng tekstong ito?”

Sumagot ang isang kabataan, “Diyos.” Pagkatapos ay sinabi ni Teariki: “Opo, ang tunay na Diyos. Kung babasahin natin ang talata otso, ano po’ng sinasabi sa atin ng tunay na Diyos? ‘Ako ay si Jehova. Iyan ang pangalan ko; at sa kaninuman ay hindi ko ibibigay ang aking kaluwalhatian.’ Nakita n’yo po ba kung ano’ng pangalan ng Diyos?”

Sumagot ang grupo, “Jehova.”

Noong nagbibigay-pansin na ang lahat, nagtanong si Teariki: “Ano po kaya ang pakinabang ng paggamit sa pangalan ng Diyos na Jehova? Puwede po nating tingnan ang Gawa 2:21 para malaman natin. Sabi po dito: ‘Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.’ Ano nga po ang pakinabang sa paggamit ng pangalan ng Diyos?”

Isang kabataan ang sumagot, “Maliligtas tayo.”

Sa pagkakataong ito, bumalik ang tatay ni Teariki. Tinanong niya ang grupo: “O, ano sa palagay n’yo? Kaya bang mangaral ng mga anak namin? Tama bang isama namin sila?” Ang grupo ay sumang-ayon na talagang kayang mangaral ng mga bata at tama lang na makibahagi ang mga ito sa pangangaral. Pagkatapos ay sinabi ni Tueti, “Puwede rin kayong magbahagi ng katotohanan mula sa Bibliya, gaya ni Teariki, kung matututuhan n’yo ang nilalaman nito.”

Nakarating sa Isang Nayon sa Bundok ang Mabuting Balita

Noong Nobyembre 2013, si Jean-Pierre, na nagtatrabaho sa remote translation office sa Port-Vila sa Vanuatu, ay umuwi sa kanilang isla para dumalo sa isang pansirkitong asamblea. Nang lumapag sa runway ng isla ang sinasakyan ni Jean-Pierre, sinalubong siya ng isang grupo ng mga interesadong tao mula sa timugang bahagi ng isla para humingi ng literatura sa Bibliya. Ibinigay niya ang halos lahat ng magasing dala niya. Pagkatapos, lumapit sa kaniya ang isang lider ng relihiyon at humingi rin ng literatura. Hinimok siya ng lalaking ito na pumunta sa kanilang nayon, at sinabi: “Nagugutom kami sa espirituwal. Kailangan mong pumunta sa aming nayon at sagutin ang lahat ng tanong namin.” Kinabukasan pagkatapos ng asamblea, maagang umalis si Jean-Pierre para sa mahabang paglalakad paakyat sa isang matarik na bundok. Nang maglaon, narating niya ang taluktok ng bundok na kinaroroonan ng liblib na nayong iyon. Pagkatapos ng mainit na pagtanggap ng mga taganayon, tinalakay ni Jean-Pierre ang Kingdom News Blg. 38 na pinamagatang “Puwede Pa Bang Mabuhay ang mga Patay?” Pinasigla niya ang lahat ng nakikinig, mga 30 katao, na subaybayan siya sa sarili nilang Bibliya. Tumagal nang halos pitong oras ang talakayan. Talagang gutóm na gutóm ang mga taganayon! Sinabi ng isang 70-anyos na lalaki, “Sa buong buhay ko, ngayon lang ako nakarinig ng napakalinaw na paliwanag tungkol sa mga patay!”

Si Jean-Pierre ay nagpalipas ng gabi sa nayon. Magkasama sila ng pastor sa kuwarto. Kinabukasan, pagkagising niya, nakita niyang binabasa ng pastor ang isa sa mga magasin natin. Tinanong siya ni Jean-Pierre kung tungkol saan ang binabasa niya, at tuwang-tuwa niyang sinabi na tungkol sa Kaharian ng Diyos ang binabasa niya. Sang-ayon siya na ang Kaharian ng Diyos ay wala sa puso ng mga Pariseo, kaya hindi puwedeng nasa puso ng tao ang Kaharian ng Diyos, gaya ng itinuturo ng kaniyang simbahan. (Luc. 17:21) Pagbalik sa Port-Vila, patuloy na sinubaybayan ni Jean-Pierre ang interes ng mga taganayon sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono. Tatlong brother mula sa kalapít na kongregasyon ang nagboluntaryong pumunta sa nayong iyon para sa Memoryal, at 109 ang dumalo!

Vanuatu