Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA MGA PANGYAYARI NOONG NAKARAANG TAON

“Gustong-gusto Namin ang JW Broadcasting!”

“Gustong-gusto Namin ang JW Broadcasting!”

NOONG Oktubre 6, 2014, inilunsad ang isang Internet television station sa wikang Ingles, ang JW Broadcasting. * Mula noong Agosto 2015, ang mga programa rito ay isinalin na sa mahigit 70 wika para masiyahan at mapatibay ang mas maraming kapatid. Maraming mánonoód sa buong daigdig ang nagsabi ng kanilang pagpapahalaga sa bago at kapana-panabik na paglalaang ito. Pero ano-ano ba ang ginawa para magkaroon ng JW Broadcasting?

Kailangan ang isang angkop na lugar, at nasumpungan ito sa gusali sa 30 Columbia Heights sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Sa loob lang ng isang linggo, nalinis na ang lugar, at naihanda na rin ito ng Maintenance Department para sa television production habang ginagawa naman ng design team ang isang disente at modernong set. Maraming kapatid mula sa buong Estados Unidos ang nagtrabaho nang maraming oras sa pagdidisenyo ng studio at pagpaplano kung paano ito mabilis na maitatayo. Ang pagsasaliksik na kadalasang inaabot nang mga buwan ay tinapos lang nang ilang araw, at mabilis na nakaorder ng daan-daang materyales ang Purchasing Department.

Kilo-kilometrong kable ang inilagay, at tiniyak ng team na gagana nang maayos ang lahat ng kagamitan. Samantala, inirerekord naman ng ating orkestra sa mga audio/video studio sa Patterson ang temang musika sa tulong ng mga kapatid mula sa iba’t ibang bansa na naroroon para sa regular na rekording ng musika. Isinulat ang mga iskrip, isinaayos ang mga pagsasadula, at ang video production ay puspusang tinrabaho ng mga audio/video crew sa Brooklyn, Patterson, Wallkill, at sa mga bansa sa buong daigdig. Nang matapos ang set at mailagay ang mga kagamitan, inihanda naman ang mga materyal para sa unang mga buwan ng broadcasting.

Ang recording studio ng JW Broadcasting sa Brooklyn, New York

Nang tanungin ang isang propesyonal sa industriyang ito kung gaano katagal karaniwang ginagawa ang ganito kalaking studio, sinabi niyang mga isang taon at kalahati. Pero ginawa ito ng masisipag nating kapatid sa loob lang ng dalawang buwan!

Nakapagpapasigla ang mga resulta! Ang buwanang programa, na karaniwang ipino-post sa unang Lunes ng buwan, ay mahigit dalawang milyong beses na pinanonood sa buwang iyon. Ang buwanang programa pati na ang lahat ng iba pang video ay pinanonood nang mahigit 10 milyong beses kada buwan.

“Dahil sa programa, lalo akong napalapít sa organisasyon ni Jehova at sa Lupong Tagapamahala. Alam ko na bahagi ako ng isang mapagmahal na pamilya.”—Kenya

Ano ang nadarama ng bayan ni Jehova sa bagong espirituwal na paglalaang ito? Narito ang ilan sa kanilang sinabi:

  • “Isa ito sa pinakamasayang gabi ng buhay ko! Pinanood namin ng misis ko ang programa ng Mayo 2015 sa JW Broadcasting, at hindi ko mailarawan ang kaligayahan ko. Isa ito sa pinakamahalagang regalong tinanggap ko mula kay Jehova. Nagpapasalamat kami sa Lupong Tagapamahala at sa lahat ng kapatid na puspusang nagtrabaho para sa magandang paglalaang ito.”—Indonesia.

  • “Maraming kapatid ang hindi pa nakakarinig ng pahayag ng isang miyembro ng Lupong Tagapamahala. Pero ngayon, hindi lang namin sila naririnig kundi nakikita pa. Damang-dama namin na kaisa namin ang Lupong Tagapamahala at ang ating pambuong-daigdig na kapatiran.”—Kenya.

  • “Dahil hindi Saksi ang mister ko, mahirap magdaos ng pampamilyang pagsamba kasama ng dalawa kong anak na tin-edyer. Kaya malaking tulong sa akin ang mga broadcasting. Nadama kong bahagi ako ng organisasyon, at kami ng mga anak ko ay labis na napatibay nito. Isa nga itong pagpapala mula kay Jehova.”—Britain.

  • “Gustong-gusto namin ang JW Broadcasting! Nasagot ang mga panalangin namin nang maging available ito sa ibang wika. Napapatibay n’yo kami habang tinatalakay ninyo nang may kabaitan at kaligayahan ang pagsamba kay Jehova. Mula nang ilunsad ang ating programa sa TV, mas nadama namin higit kailanman na miyembro kami ng kahanga-hangang organisasyon ni Jehova.”—Czech Republic.

  • “Dahil sa pakikinig sa mga miyembro ng Lupong Tagapamahala sa sarili kong wika, lalo akong napalapít kay Jehova.”—Brazil.

  • “Labing-anim na taon na akong naglilingkod kay Jehova, pero ang damdamin at kagalakang nadarama ko ngayon ay gaya ng nadama ko noong mabautismuhan ako. Salamat, mahal na mga kapatid, sa JW Broadcasting.”—Brazil.

Sa tulong ni Jehova, nagtitiwala tayo na ang JW Broadcasting ay patuloy na magiging isang mayamang espirituwal na pagpapala sa ating pambuong-daigdig na kapatiran, at magdudulot ng higit na papuri at kaluwalhatian kay Jehova.

^ par. 1 Ang JW Broadcasting ay maa-access sa tv.pr418.com.