Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

GEORGIA

Bakit Ngayon Lang Kayo Dumating?

Artur Gerekhelia

Bakit Ngayon Lang Kayo Dumating?
  • ISINILANG 1956

  • NABAUTISMUHAN 1991

  • Walong buwan lang pagkatapos mabautismuhan, iniwan niya ang kaniyang bahay at lumalagong negosyo para maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan.

BAGONG bautismo lang ako nang tanungin ako ng mga elder kung gusto ko bang palawakin ang aking ministeryo. Noong Mayo 4, 1992, dumalo ako sa pantanging pulong na isinaayos para sa mga handang lumipat kung saan mas malaki ang pangangailangan. Kinabukasan, kami ng partner ko sa paglilingkod ay lumipat sa daungan ng Batumi, sa rehiyon ng Ajaria.

Nang una akong mangaral sa Batumi, sobrang nerbiyos ko. Tinanong ko ang aking sarili, ‘Ano kaya ang sasabihin ko sa mga tao?’ Nagulat ako sa reaksiyon ng unang babae na nakausap ko, na nagsabi, “Bakit ngayon lang kayo dumating?” Talagang sabik siyang makaalam ng higit pa tungkol sa mga Saksi anupat nagsimula siyang makipag-aral ng Bibliya sa amin kinabukasan!

Bago pumunta sa Batumi, tumanggap kami ng listahan ng mga adres ng mga interesadong tao. Yamang hindi pa namin kabisado ang lunsod, nagtanong kami sa mga tao sa lansangan para sa direksiyon. Hindi kami natulungan ng marami dahil binago na ang pangalan ng karamihan ng mga kalye, pero nagpakita sila ng interes sa aming mensahe. Di-nagtagal, nagdaraos na kami ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga grupo ng 10 hanggang 15 katao.

Pagkalipas lang ng apat na buwan mula nang dumating kami, mahigit 40 na ang regular na dumadalo sa aming mga pulong. Tinanong namin ang aming sarili, ‘Sino ang mag-aalaga sa mga baguhang ito?’ Pagkatapos, dahil sa labanan sa pagitan ng Georgian army at ng mga grupong humiwalay na nasa Abkhazia, lahat ng dati kong kakongregasyon ay lumipat sa Batumi. Isang bagong kongregasyon na may makaranasang mga elder at payunir ang naitatag sa loob lang ng isang araw!