GEORGIA | 1991-1997
“Ang Diyos ang Patuloy na Nagpapalago Nito.”—1 Cor. 3:6.
NAKAMIT ng Georgia ang kalayaan nito noong 1991, nang mabuwag ang Unyong Sobyet. Ngunit dahil sa pagbabago sa politika at kaguluhang sibil, mabilis na naghirap ang bansa. Naalaala ni Genadi Gudadze, tagapangasiwa ng sirkito noong panahong iyon, na ang mga tao ay maghapong pumipila para makakuha ng tinapay.
Nang panahong iyon, karaniwan nang ibinabahagi ng mga Saksi ang mensahe ng Bibliya sa mga taong pumipila. Sinabi ni Genadi: “Noong mahihirap na taóng iyon, parang ang lahat ay interesado sa katotohanan. Tumanggap kami ng daan-daang papel na may adres ng mga gustong mag-Bible study.”
Sa pagtatapos ng bawat pulong, babasahin ng responsableng mga brother ang listahan ng mga pangalan at adres
ng mga taong gustong magpadalaw. Pagkatapos ay dadalawin sila ng mga kapatid.Naalaala ni Brother Levani Sabashvili, isang elder sa Tbilisi, ang mag-asawang humiling na dalawin sila. “Lahat ng adres ay nakuha na ng mga kapatid,” ang sabi niya, “pero walang nagboluntaryong dumalaw sa mag-asawang ito. Napakalayo ng bahay nila, at marami sa amin ang may ilang Bible study na.”
Makalipas ang ilang buwan, nagpadala ng isa pang request ang mag-asawang ito. Nang ipadala nila ang ikatlong request, may kasama na itong sulat na nakikiusap sa mga Saksi na manatili sana silang malinis sa dugo. (Gawa 20:26, 27) Natatandaan pa ni Levani: “Bagong Taon noon at karaniwang hindi kami dumadalaw sa panahong iyon. Pero naisip namin na hindi na namin puwedeng ipagpaliban ang pagdalaw.”
Isang umaga, hindi makapaniwala ang mag-asawang Roini at Nana Grigalashvili, na uhaw sa katotohanan, nang makita nila sa kanilang pintuan si Levani at ang isa pang brother kahit malamig ang panahon. Agad silang nagsimulang mag-aral ng Bibliya. Mga regular pioneer na ngayon sina Roini at Nana kasama ng kanilang mga anak.
Puspusang Pagsisikap Para Maabot ang mga Interesado
Gayon na lang ang pasasalamat ng mga tumanggap ng katotohanan anupat ibinigay nila ang kanilang panahon, lakas, at tinatangkilik para ibahagi ang mabuting balita sa iba. Sa kabila ng mga pananagutan sa pamilya, sina Badri at Marina Kopaliani ay kabilang sa masisigasig na nagpunta sa liblib na mga nayon para tulungan ang taimtim na mga tao.
Kapag Sabado’t Linggo, nagsasaayos sina Badri at Marina, kasama ang kanilang mga binatilyong anak na sina Gocha at Levani, na magpunta sa rehiyon ng Dusheti,
isang bulubunduking lugar sa hilaga ng Tbilisi. Kung minsan, naglalakbay sila ng mga 150 kilometro sa paliko-likong daan para marating ang malalayong nayon.Isang araw, inanyayahan si Badri at ang misis niya ng isang babae sa pinagtatrabahuhan nito. Sinabi ni Badri: “Mga 50 katao ang naghihintay sa amin doon! Noong una, nagulat ako, pero pagkatapos manalangin kay Jehova, tinalakay ko ang mga talata sa Mateo 24 tungkol sa pagkakakilanlan ng mga huling araw. Isang taong takang-taka ang nagtanong, ‘Bakit hindi ito sinasabi sa amin ng mga pari?’”
Nakatawag-Pansin ang Memoryal
Ang Memoryal ng kamatayan ni Jesus ay isa pang pagkakataon para marinig ng maraming taimtim na Georgiano ang katotohanan. Halimbawa, ang Memoryal na idinaos sa bahay ni Sister Ia Badridze sa Tbilisi noong 1990 ay totoong pumukaw ng interes ng mga kapitbahay.
Inialok ni Sister Badridze ang kaniyang apartment para
doon idaos ang Memoryal. Katulong ang kaniyang mga anak, inalis niya ang mga gamit sa sala para lumuwag. Ngunit paano siya makakahanap ng sapat na silya para sa mga bisita? Sa Georgia, ang mga pamilya ay karaniwang umuupa ng mga mesa at silya para sa malalaking pagtitipon. Yamang mga silya lang ang inupahan niya, paulit-ulit na itinanong ng may-ari ng tindahan: “Hindi ba kayo gagamit ng mesa? Paano kayo kakain?”Nagkasya ang lahat ng pumunta sa apartment ni Sister Badridze sa ika-13 palapag para alalahanin ang kamatayan ni Jesus. Nakakagulat, 200 ang dumalo! Hindi kataka-taka, maraming kapitbahay ang nagtanong tungkol sa mga Saksi ni Jehova!
Di-malilimutang Memoryal
Noong 1992, malalaking awditoryum ang inuupahan para sa Memoryal sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Naalaala ni Davit Samkharadze, nakatira sa Gori, na nagtanong ang naglalakbay na tagapangasiwa tungkol sa mga plano nila para sa Memoryal.
Nang malaman niyang ang mga kapatid ay nagpaplanong magtipon sa isang pribadong bahay, nagtanong siya: “Wala bang malaking awditoryum sa lunsod? Bakit
hindi n’yo iyon upahan?” Yamang mahigit 1,000 katao ang puwedeng magkasya sa awditoryum, hindi maunawaan ng mga mamamahayag doon—na mahigit 100 lang—kung bakit kailangang umupa ng malaking bulwagan.Saka iminungkahi ng naglalakbay na tagapangasiwa: “Kung 10 tao ang mapapadalo ng bawat mamamahayag, mapupuno ang bulwagan.” Bagaman parang di-makatuwiran ang payo niya noong una, talagang nagsikap ang mga mamamahayag na sundin ito. Namangha sila at tuwang-tuwang makita na di-bababa sa 1,036 ang dumalo sa Memoryal! *
Narating ng Masisigasig na Payunir ang Bagong mga Teritoryo
Noong 1992, marami pa ring rehiyon sa Georgia ang hindi pa napaaabutan ng mensahe ng Bibliya ng mga lingkod ni Jehova. Paano mararating ang bagong mga teritoryong ito habang dumaranas ng matinding krisis sa ekonomiya ang bansa?
Natatandaan pa ni Tamazi Biblaia, nakatira sa kanlurang Georgia noon: “Tinipon ng naglalakbay na tagapangasiwa ang ilan sa amin para pag-usapan kung ano ang maaaring gawin. Wala kaming gaanong impormasyon tungkol sa pag-oorganisa ng kaayusan para sa special pioneer. Pero alam namin na kailangang apurahang maipangaral ang mabuting balita.” (2 Tim. 4:2) Kaya pumili sila ng 16 na payunir at inatasan ang mga ito sa iba’t ibang lugar sa buong bansa.—Tingnan ang kalakip na mapa.
Noong Mayo 1992, nagkaroon ng tatlong-oras na pulong sa Tbilisi para patibayin ang mga payunir na naatasang mangaral sa mga teritoryong iyon sa loob ng limang
buwan. Bawat buwan, dinadalaw sila ng mga elder para maglaan ng espirituwal na tulong at ng materyal na tulong din kung kinakailangan.Dalawang sister na payunir, sina Manea Aduashvili at Nazy Zhvania, ang naatasan sa bayan ng Ozurgeti. Naalaala ni Manea, na 60 anyos noon: “Alam namin na may interesadong tao na nakatira malapit sa Ozurgeti. Pagdating namin, agad kaming nagsaayos na makipagkita sa kaniya. Nang dumating kami sa bahay ng babae, naghihintay siya sa amin, pati na ang mga 30 iba pa na inanyayahan niya. Nang araw ding iyon, ilang Bible study ang napasimulan namin.”
Naging mabunga rin ang sumunod na mga buwan. Makalipas lang ang limang buwan, 12 na ang handang magpabautismo!
Ginantimpalaan ang Kanilang Mapagsakripisyong Saloobin
Dalawang brother na payunir, sina Pavle Abdushelishvili at Paata Morbedadze, ang ipinadala sa Tsageri. Nasa
isang rehiyon ito kung saan ang mga tao ay matinding nanghahawakan sa pinaghalong sinaunang tradisyon at turo ng Sangkakristiyanuhan.Habang papalapit ang matinding taglamig, papatapos naman ang limang-buwan na atas ng mga payunir. Si Paata ay inanyayahang tumulong sa gawaing pagsasalin sa ibang lugar kaya kailangan niyang magpasiya. Sinabi niya: “Alam kong mahirap ang taglamig sa Tsageri. Pero kailangan pa ng tulong ng mga inaaralan namin sa Bibliya, kaya nagpasiya akong manatili roon.”
“Nakitira ako sa isang pamilya roon,” ang sabi ni Pavle. “Halos maghapon akong nangangaral. Sa gabi ay sumasama ako sa pamilya sa palibot ng fireplace sa sala na nasa unang palapag. Pero kapag aakyat na ako sa aking silid, isusuot ko ang aking bonet at saka matutulog sa ilalim ng makapal na kumot.”
Nang madalaw si Pavle ng mga elder noong tagsibol, 11 ang naging kuwalipikadong maging di-bautisadong mamamahayag. Di-nagtagal, ang lahat ay nabautismuhan.
^ par. 20 Noong 1992, may 1,869 na masisigasig na mamamahayag sa Georgia at 10,332 ang dumalo sa Memoryal.