Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

GEORGIA

Inalaala Nila ang Kanilang Dakilang Maylalang

Inalaala Nila ang Kanilang Dakilang Maylalang

Marami sa mga nabasa natin sa naunang mga pahina ay mga kabataang ‘inalaala ang kanilang Dakilang Maylalang sa mga araw ng kanilang kabataan.’ (Ecles. 12:1) Sa katunayan, sangkatlo ng 3,197 payunir sa Georgia ay 25 anyos o mas bata pa. Bakit napakarami sa mga kabataang ito ang aktibo sa katotohanan?

May ilang dahilan. Una sa lahat, karaniwan nang malalapít ang ugnayan ng mga pamilya sa Georgia. Si Konstantine, na nagpalaki ng limang anak sa katotohanan ay nagsabi: “Ang nakaakit sa akin sa katotohanan ay ang madama ang pagiging maibiging Ama ni Jehova. Nang maging ama rin ako, gusto kong tulungan ang mga anak ko na maging palagay ang loob nila sa akin.”

Talagang nagsikap si Malkhazi at ang kaniyang misis, na may tatlong anak, na patibayin ang buklod ng pamilya. Sinabi niya: “Sa pana-panahon, sinasabi namin sa aming mga anak na mag-isip ng mga bagay na pinahahalagahan nila sa amin at sa kanilang mga kapatid. Pagkatapos, hinihiling namin na sabihin nila ito sa aming pampamilyang pagsamba. Kaya natuto silang tingnan ang mabubuti sa iba at pahalagahan ang mga ito.”

“Talagang Maligaya Na Ngayon ang Buhay Ko!”

Bilang pagsuporta sa pagsasanay ng mga magulang, sinisikap ng mga elder na isama ang mga kabataan sa gawain ng kongregasyon hangga’t maaari. Sinabi ni Nestori, na nabautismuhan sa edad na 11: “Binigyan ako ng mga elder ng iba’t ibang maliliit na atas noong bata pa ako. Nakatulong ito para madama kong talagang bahagi ako ng kongregasyon.”

Mahalaga rin ang mabuting halimbawa at suporta ng mga elder. Si Koba, isa sa mga kuya ni Nestori, ay nagsabi: “Di-gaya ng mga kapatid ko, magulo ang buhay ko noong tin-edyer ako. Isang nakababata at huwarang elder ang laging umuunawa sa akin at hindi mapanghusga. Talagang nakatulong siya sa akin para bumalik ako kay Jehova.”

Sa ngayon, sina Nestori at Koba, kasama ang kapatid nilang si Mari, ay sama-samang naglilingkod sa isang liblib na teritoryo. Sinabi ni Koba, “Talagang maligaya na ngayon ang buhay ko!”

“Ang Aking mga Anak ay Patuloy na Lumalakad sa Katotohanan”

Pinatitibay ng tanggapang pansangay ang pagsisikap ng mga magulang na sanayin ang kanilang mga anak, sa paghimok sa mga kabataang Kristiyano na makibahagi sa teokratikong mga proyekto. Isang miyembro ng Komite ng Sangay ang nagsabi: “Pinahahalagahan namin ang ating mga kabataan, kaya sinusuportahan namin sila sa pagsisikap nilang maabot ang kanilang espirituwal na mga tunguhin.”

Magkasamang nagtrabaho ang mga Saksing Georgiano at ang mga international servant sa pagtatayo ng Assembly Hall sa Tbilisi

Di-malilimutang karanasan para sa mga kabataan ang paggawa at pakikisama sa may-gulang na mga kapatid. Si Mamuka, na nagtrabahong kasama ng mga international servant sa pagtatayo ng Assembly Hall sa Tbilisi, ay nagsabi: “Nagkaroon ako ng magagandang pagkakataong matuto mula sa iba dahil sa internasyonal na mga proyektong iyon. Bukod sa pagtatamo ng praktikal na mga kasanayan, marami rin akong natutuhan sa espirituwal.”

Ang malapít na ugnayan ng pamilya, pampatibay-loob ng mga elder, at mabuting mga halimbawa ay nagkaroon ng positibong impluwensiya sa maraming kabataan sa Georgia. Nadarama ng kanilang mga magulang ang gaya ng nadama ni apostol Juan, na sumulat: “Wala na akong mas dakilang dahilan sa pagpapasalamat kaysa sa mga bagay na ito, na marinig ko na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.”—3 Juan 4.

Puspusang Pagsisikap sa Pagsasalin

Noong 2013, inanyayahan ng Lupong Tagapamahala ang lahat ng sangay na alamin kung may mga publikasyong kailangan para sa karagdagang mga wika na sinasalita sa teritoryo ng kanilang sangay. Ang layunin ay para mas maraming tao ang mapaabutan ng mabuting balita.

Kaya nagpasiya ang sangay sa Georgia na isalin ang ilang publikasyon sa wikang Svan at Mingreliano, dalawang wika na nahahawig sa wikang Georgiano anupat itinuturing ito ng ilan na mga diyalekto.

Sumulat ang masisigasig na payunir mula sa rehiyon ng Svaneti: “Talagang interesado ang mga Svan tungkol sa Diyos, at may matinding paggalang sila sa Bibliya. Kahit ang mga dating atubiling tumanggap ng ating mga publikasyon ay kumuha ng mga naisalin sa kanilang sariling wika.”

Lubhang naantig ang lahat ng mamamahayag na nagsasalita ng wikang Mingreliano nang magsimula silang magpulong sa kanilang sariling wika. Sinabi ni Giga, isang kabataang payunir: “Ngayon, maaari na akong magkomento sa mga pulong sa sarili kong pananalita. Hindi ko na kailangang pag-isipan pa kung paano ito sasabihin.”

Ganito naman ang sinabi ni Zuri, isang elder sa kongregasyong nagsasalita ng Mingreliano na nasa Tkaia: “Marami akong nakaaantig na sandali sa buhay ko, masaya at malungkot, ngunit hindi ako naiyak. Pero nang awitin sa pulong ang mga awiting pang-Kaharian sa wikang Mingreliano sa unang pagkakataon, hindi mapigilan ng lahat na maluha, pati na ako.”

Mahahalagang Pangyayari Kamakailan

Isang mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng mga Saksi sa Georgia ang naganap noong Sabado, Abril 6, 2013, nang ibigay ni David Splane ng Lupong Tagapamahala ang pahayag sa pag-aalay para sa ni-renovate at pinalawak na pasilidad ng sangay, isang Assembly Hall, at isang bagong pasilidad para sa pag-aaral ng Bibliya. Maibiging pinatuloy ng maraming Saksi sa kanilang tahanan ang 338 delegado na nanggaling sa 24 na bansa.

Kinabukasan, nagbigay ng espesyal na pahayag si Brother Splane sa 15,200, na naging posible dahil sa audio/video streaming sa mga lugar ng pagpupulong ng kongregasyon sa buong bansa. Ito ang pinakamalaking internasyonal na teokratikong pagtitipon na idinaos sa Georgia. Talagang nakaaantig ang pagpapalitan ng pampatibay-loob pati na ang kagalakang naranasan ng mga kapatid. Sinabi ng isang kabataang brother, “Alam ko na ngayon kung ano ang pakiramdam sa bagong sanlibutan.”

Pag-aalay ng sangay sa Tbilisi, noong 2013

Isa ngang pagpapala para sa bayan ni Jehova sa Georgia ang Bible School for Christian Couples, ngayon ay tinatawag na School for Kingdom Evangelizers. Mula noong 2013, mahigit 200 estudyante na ang nagtapos dito. Palibhasa’y lubusang nagpapahalaga sa edukasyong tinanggap nila, handa silang maglingkod nang buong sigasig saanman may pangangailangan.

“Inaabot ang mga Bagay na Nasa Unahan”

Dahil sa pagsisikap ng malalakas-ang-loob na naunang mga tagapaghayag ng Kaharian, ang mabuting balita ay nakarating sa buong Georgia. Saganang pinagpala ni Jehova ang kanilang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa at ang kanilang pananampalataya, lakas ng loob, at pagiging mapamaraan.

Masayang ipinagpapatuloy ng mahigit 18,000 kapatid sa Georgia ang ginawa ng mga nauna sa kanila, at tinutulungan nila ang kanilang kapuwa na personal na maranasan ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos.—Fil. 3:13; 4:13.

Komite ng Sangay sa Georgia: Wayne Tomchuk, Levani Kopaliani, Joni Shalamberidze, Michael E. Jones