GEORGIA | 1991-1997
Mapagmalasakit na mga Pastol na Naglalaan ng Pagsasanay
Maaga noong dekada ’90, karamihan ng mga kongregasyon sa Georgia ay may isang elder lang o ministeryal na lingkod. Karaniwan na, ang mga kongregasyon ay binubuo ng iba’t ibang grupo na nagtitipon nang magkakahiwalay, dahil ang mga mamamahayag ay nakakalat sa napakalawak na teritoryo na may ilang bayan o nayon.
Sina Joni Shalamberidze at Pavle Abdushelishvili—na parehong nakapaglingkod na sa liblib na mga teritoryo—ay naatasang tumulong sa Telavi, isang lunsod sa rehiyon ng Kakheti. May 300 mamamahayag sa kongregasyon
doon, ngunit wala ni isang elder. Binubuo ito ng 13 grupo na nagtitipon sa iba’t ibang lugar.Napansin agad nina Joni at Pavle ang malaking hadlang sa espirituwal na pagsulong ng mga kapatid. Sinabi ni Joni: “Maraming kapatid ang may malalaking bukid at ubasan. Yamang kaugalian sa mga lalawigan na magtulungan ang magkakapitbahay sa gawain sa bukid, malaking panahon ang nagugugol ng mga kapatid kasama ang mga di-Saksi.”—1 Cor. 15:33.
Iminungkahi nina Joni at Pavle na magpatulong sila sa mga kapuwa Saksi sa kanilang pag-aani. Sa paggawa nito, makikinabang sila mula sa mabubuting kasama habang ginagawa ang kanilang mga gawain sa bukid. (Ecles. 4:9, 10) Sinabi ni Joni, “Lalong lumakas ang buklod ng pag-ibig ng mga kapatid sa kongregasyon.” Pag-alis nina Joni at Pavle sa rehiyon ng Kakheti pagkaraan ng tatlong taon, may 5 elder at 12 ministeryal na lingkod na roon.
Naging Mahuhusay na Mangangarál Dahil sa mga Pulong
Dahil mahigpit na ipinagbabawal ang ating gawain hanggang noong maaga ng dekada ’90, ang mga Saksi ay nagtitipon sa maliliit na grupo para lang sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat at sa Pag-aaral sa Bantayan. Bagaman nakapagpapatibay ang mga pulong na ito, hindi ito dinisenyo para sanayin ang mga mamamahayag para sa ministeryo.
Nagbago ito nang bumagsak ang rehimeng Komunista. Tinagubilinan ngayon ng organisasyon ni Jehova ang mga kongregasyon na magdaos ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at ng Pulong sa Paglilingkod bilang bahagi ng kanilang lingguhang mga pulong.
Si Naili Khutsishvili at ang kapatid niyang si Lali Alekperova ay may masasayang alaala sa pagdalo sa mga pulong na iyon. Naaalaala ni Lali: “Kapana-panabik na panahon
iyon. Tuwang-tuwa ang lahat dahil puwede nang makibahagi sa programa ang mga sister.”Natatandaan pa ni Naili: “Sa isang pagtatanghal, nagbabasa ng diyaryo ang may-bahay sa stage nang may kumatok sa pinto. Nang patuluyin sila, dalawang sister ang pumasok mula sa mismong pintuan at umakyat sa stage!” Sabi pa ni Lali, “Kahit pambihira kung minsan ang mga pulong na iyon, nakatulong ito sa amin na maging mahusay na mangangarál.”
Lumaki ang Pangangailangan Para sa Espirituwal na Pagkain
Sa loob ng maraming taon, ang ilang brother ay gumawa ng literatura sa Bibliya sa bahay gamit ang mano-manong mga makinang pangkopya. Dahil sa lumalaking pangangailangan para sa mga publikasyon, bumaling ang mga kapatid sa komersiyal na mga imprentahan na maglilimbag ng ating mga magasin sa makatuwirang halaga.
Mapamaraan ang mga brother kapag naghahanda ng isang master copy para sa mga tagaimprenta. Ang isinaling materyal sa wikang Georgiano ay malinis na tina-type ayon sa pagkakaayos ng orihinal na magasin sa Ingles. Saka gugupitin ng mga brother ang mga ilustrasyon mula sa orihinal na magasin at ididikit sa naka-type na dokumento. Bilang panghuli, gugupitin nila ang mga titik mula sa mga diyaryo na gumagamit ng magagandang font at ididikit ito sa pabalat ng pahina. Handa na ngayong iimprenta ang master copy!
Nang magkaroon na ng mga personal computer, sina Brother Levani Kopaliani at Leri Mirzashvili ay nag-aral ng computer para matuto kung paano pinakamabuting magagamit ito. Naalaala ni Leri: “Wala kaming karanasan, at hindi laging maayos ang takbo ng mga bagay-bagay. Pero
sa tulong ni Jehova, natuto kaming mag-type at mag-compose ng ating mga magasin.”Sa kabila ng mga hadlang, tumatanggap na ang mga kongregasyon sa buong Georgia ng inimprenta at apat-na-kulay na mga magasin. Pero nang maglaon, mahirap nang makasabay sa lumalaking pangangailangan. Tamang-tama, dumating ang maibiging patnubay mula sa organisasyon ni Jehova para sa mga lingkod niya sa Georgia.
Isang Malaking Pagbabago
Sa 1992 internasyonal na kombensiyon sa St. Petersburg, Russia, nakilala ng mga brother mula sa Georgia ang mga kinatawan ng sangay mula sa Germany. “Ipinaliwanag nila kung paano ginagawa ang pagsasalin,” ang sabi ni Genadi Gudadze. “Sinabi nila na may dadalaw at tutulong sa amin sa gawaing pagsasalin.”
Hindi madali ang mag-imprenta ng mga publikasyon sa Bibliya sa wikang Georgiano. Yamang ang wikang ito ay may kakaibang alpabeto, wala pa sa Multilanguage Electronic Publishing System (MEPS) ng organisasyon ang alpabetong Georgiano. Kaya isang bagong font ang kailangang idisenyo para sa photocomposition at pag-iimprenta.
Bago nito, sa pagtatapos ng dekada ’70, isang pamilyang Georgiano, ang mga Datikashvili, ang nandayuhan sa United States, kung saan ang isa sa mga anak nila, si Marina, ay natuto ng katotohanan. Malaki ang naitulong niya para maidrowing ng mga brother sa Brooklyn Bethel ang bawat titik na Georgiano para maisama ang alpabeto sa sistema ng MEPS. Di-nagtagal, ang ilang tract at ang brosyur na “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng mga Bagay” ay iniimprenta na sa Germany.
Tulong sa Pag-oorganisa ng Gawaing Pagsasalin
Noong 1993, dumating ang mag-asawang Michael at Silvia Fleckenstein sa Tbilisi mula sa sangay sa Germany para mag-set up ng isang translation office. “Natatandaan ko pa ang miting sa St. Petersburg,” ang sabi ni Michael. “Pagdating namin sa Tbilisi makalipas ang 18 buwan, nagulat kami nang ipakilala kami sa isang mahusay na translation team!”
Sa loob lang ng ilang buwan, isang grupo ng 11 buong-panahong tagapagsalin ang nagtatrabaho na sa opisina sa isang maliit na apartment. Dahil sa mahalagang pagsasanay na inilaan ng organisasyon ni Jehova, isang tuloy-tuloy na suplay ng espirituwal na pagkain ang naihahatid sa mga kongregasyon.
Paghahatid ng Espirituwal na Pagkain sa Panahon ng Kaguluhan
Nang magkawatak-watak ang Unyong Sobyet, nagkaroon ng kaguluhang sibil at etnikong labanan sa maraming dating republika, kasama na ang Georgia. Kaya naging mapanganib ang paglalakbay, lalo na sa mga hangganan ng estado.
Isang araw noong Nobyembre 1994, si Aleko Gvritishvili kasama ang dalawang brother ay tumatawid sa isang
hangganan ng estado nang pahintuin sila at palabasin ng kotse ng isang grupo ng armadong mga lalaki. “Nagalit sila nang makita nila ang ating literatura sa Bibliya,” ang sabi ni Aleko. “Pinapila nila kami na para kaming papatayin. Marubdob kaming nanalangin kay Jehova. Makalipas ang mga dalawang oras, sinabi ng isa sa kanila, ‘Dalhin n’yo ang inyong mga literatura at umalis na kayo—’pag bumalik pa kayo, susunugin namin ang kotse n’yo at papatayin namin kayo.’”Sa kabila ng pananakot, patuloy pa ring inihatid ng mga brother ang espirituwal na pagkain. Sinabi ni Brother Zaza Jikurashvili, na talagang nagsakripisyo para dalhin ang mga literatura sa Bibliya sa Georgia: “Alam namin na kailangan ng ating mga kapatid ang espirituwal na pagkain. Todo-todo ang suporta sa amin ng mahal naming mga asawa.”
“Marami sa mga brother na naghahatid ng literatura ay may pamilya,” ang sabi ni Aleko. Ano ang nagpakilos sa kanila na magpatuloy sa kabila ng panganib? Sinabi pa niya: “Pangunahin na, ito ay dahil sa malaking utang na loob namin at pag-ibig kay Jehova. Gusto rin naming ipakita ang pangangalaga ni Jehova sa mahal nating mga kapatid.”
Dahil sa mapagsakripisyong saloobin ng mga kapatid, tuloy-tuloy ang paghahatid ng mga literatura noong panahon ng kaguluhan. Nang maglaon, nakakita sila ng mas ligtas na daan sa pagitan ng Germany at Georgia.
Napapanahong Espirituwal na Pampatibay-Loob
Nang bumuti na ang kalagayan sa politika noong 1995, nagsaayos ang mga Saksi na magdaos ng kanilang kauna-unahang pandistritong kombensiyon. Noong tag-araw ng 1996, mga 6,000 delegado mula sa buong Georgia ang dumalo sa mga pandistritong kombensiyon sa tatlong lokasyon: Gori, Marneuli, at Tsnori.
Ang kombensiyong malapit sa Gori ay lalo nang di-malilimutan ng mga dumalo. Ibang-iba ito noong panahong hindi matiyak ng mga kapatid kung mapupuno ba nila ang awditoryum para sa Memoryal! Mahigit 2,000 ngayon ang inaasahan nilang dadalo, pero hindi sila makakita ng malaking lugar para pagdausan ng kombensiyon. Nagpasiya silang idaos ang kombensiyon sa magandang camping area ng bundok malapit sa lunsod.
Si Brother Kako Lomidze, na miyembro ng Convention Committee ay nagsabi: “Pagkatapos ng programa, hindi agad umuwi ang mga kapatid, nag-awitan sila at masayang nagsama-sama. Kitang-kita ng lahat na ang bayan ng Diyos ay pinagkakaisa ng matibay na buklod ng pag-ibig.”—Juan 13:35.
Lalong Sumulong Dahil sa Maibiging mga Paglalaan
Simula noong 1996, nagkaroon ng mga kaayusan para sa mga naglalakbay na tagapangasiwa na dalawin ang bawat kongregasyon sa bansa nang isang buong linggo. Para matugunan ito, nag-atas ng bagong mga naglalakbay na tagapangasiwa para sumama sa mga brother na dati nang naglilingkod sa kanluran at silangang Georgia.
Tiyak na ang “maibiging pagpapagal” at tapat na paglilingkod ng mga naglalakbay na tagapangasiwang ito ay nakatulong sa mga kongregasyon na sumulong at maingat na sumunod sa teokratikong mga tagubilin. (1 Tes. 1:3) Mula 1990 hanggang 1997, talagang pambihira ang pagsulong. May 904 na mamamahayag ang nag-ulat noong 1990. Makalipas lang ang pitong taon, 11,082 na ang naghahayag ng mabuting balita!
Kitang-kita ngayon ang espirituwal na pagsulong na nagsimula mga ilang dekada na at lumaganap sa buong bansa. Pero higit pang pagpapala ang ilalaan ni Jehova para sa kaniyang bayan sa Georgia.