GEORGIA
Paghingi ng Patnubay kay Jehova
Tamazi Biblaia
-
ISINILANG 1954
-
NABAUTISMUHAN 1982
-
Tumulong siya sa palihim na pag-iimprenta at naglingkod din bilang isa sa unang mga naglalakbay na tagapangasiwa sa Georgia, samantalang nagpapalaki ng apat na anak.
TALAGANG nagalit si Nanay nang kami ng misis kong si Tsitso ay naging mga Saksi ni Jehova. Isang araw, tinawag niya ang lahat ng aming kamag-anak para hikayatin akong huwag nang makisama sa mga Saksi. Pinapili ako—magbago ng aking isip o itakwil ng pamilya.
Nagpasiya akong umalis sa aming bayan. Dahil platero ako, inisip kong lumipat sa ikalawang pinakamalaking lunsod sa Georgia, ang Kutaisi, kung saan madali akong makahahanap ng trabaho. Alam ko rin na may malaking pangangailangan para sa mga mamamahayag sa lunsod na iyon, kaya humingi ako ng patnubay kay Jehova.
Di-nagtagal, nakita ko ang isa sa mga estudyante ko sa Bibliya, na nakatira sa maliit na bayan ng Jvari. Nang malaman niyang balak kong lumipat sa Kutaisi, nakiusap siya sa akin na doon na lang ako lumipat sa kanilang bayan. “May apartment kami,” ang sabi niya. “Ang aming pamilya ay lilipat sa isang kuwarto, at kayong mag-asawa naman sa kabilang kuwarto.”
Dahil hinihiling ko ang patnubay ni Jehova, sinabi kong pansamantala kong tatanggapin ang alok niya kung agad akong makahahanap ng trabaho at mauupahang bahay sa Jvari. Laking gulat ko nang bumalik siya nang gabi ring iyon na dala ang isang listahan ng mga mapapasukang trabaho.
Makalipas ang ilang araw, lumipat na ang pamilya ko sa Jvari. Unang araw pa lang, nakakita na ako ng trabaho na may malaking suweldo. Inalok ako ng boss ko na tumira sa isang malaking bahay na pag-aari ng kompanya. Di-nagtagal, hinilingan akong tumulong sa palihim na pag-iimprenta ng literatura sa Bibliya. Maluwag ang aming bagong bahay, kaya ipinagamit namin ito para sa gawaing iyon.
Sa loob ng maraming taon, ang Memoryal at iba pang espesyal na mga okasyon ay ginaganap sa aming malaking bahay. Mahigit 500 indibiduwal ang nabautismuhan sa aming bahay! Natutuwa akong makita ang patnubay ni Jehova at sundin ito!