Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

GEORGIA | 1924-1990

Mga Pulong na Tumutulong Para Tumibay ang Pananampalataya

Mga Pulong na Tumutulong Para Tumibay ang Pananampalataya

Mahalaga ang mga Kristiyanong pagpupulong para matulungan ang mga baguhan na tumibay ang pananampalataya. Sa katunayan, gustong-gustong ipagamit ng mga baguhan gayundin ng matatagal na sa katotohanan ang kanilang mga tahanan para doon magpulong. Malugod na tinatanggap ang lahat ng dumadalo, na talagang nagpatibay sa kanilang buklod ng pag-ibig.

Kapag handa nang magpabautismo ang ilang estudyante, maingat na isasaayos ang pantanging pagpupulong. Noong Agosto 1973, nagsaayos ng gayong pulong ang mga kapatid sa labas ng Sokhumi, malapit sa baybayin ng Black Sea. Ngunit hindi nabautismuhan ang 35 kandidato! Bago matapos ang pulong, pinahinto ito ng mga pulis at inaresto ang ilang kapatid, kasama na si Vladimir Gladyuk.

Nang mapalaya si Vladimir at ang ibang kapatid, agad nilang kinontak ang lahat ng kandidato sa bautismo. Dalawang araw mula noong babautismuhan sana ang mga kandidato, natuloy rin ang bautismo nila. Sinabi ni Vladimir: “Nadama namin na si Jehova ay nasa aming panig. Pagkatapos ng bautismo, sama-sama kaming nanalangin at nagpasalamat kay Jehova.”

Nakatulong ang Pagsalansang Para Lumaganap ang Mabuting Balita

Dalawang araw pagkatapos ng bautismo, muling naaresto si Vladimir Gladyuk. Nang maglaon, siya, si Itta Sudarenko, at si Natela Chargeishvili ay nahatulang mabilanggo nang ilang taon. Bagaman ikinalungkot ng mga mamamahayag ang pag-arestong ito, nagpasiya silang magpatuloy sa ministeryo, ngunit mas maingat na sila.

Para hindi mapansin ng mga awtoridad, naglakbay ang mga mamamahayag sa ibang mga bayan at nayon para mangaral. Bilang resulta, nakatulong ang pagsalansang para lumaganap ang mabuting balita sa mas maraming lugar.

Noong rehimeng Komunista, ang mga mamamahayag sa malalaking lunsod ay nagpatotoo sa tahimik na mga lansangan at parke. Madalas nilang matagpuan ang mga tao mula sa ibang bayan at nayon na dumadalaw sa mga kamag-anak o namimili. Kapag nagpakita ng interes ang isa, tatanungin ng mamamahayag ang adres niya at isasaayos na magkita silang muli.

Kabilang si Babutsa Jejelava sa mga naglakbay sa buong kanlurang Georgia. Sinabi niya: “Yamang marami akong kamag-anak sa iba’t ibang lugar, hindi pinaghinalaan ang madalas kong pagbibiyahe. Pagkalipas ng mga dalawang taon, mahigit 20 ang Bible study ko sa Zugdidi at 5 pa sa bayan ng Chkhorotsku. Lahat sila ay nabautismuhan.”

Malaking Pangangailangan Para sa Literaturang Georgiano

Kitang-kita na may malaking pangangailangan para sa mga publikasyon sa wikang Georgiano. Kapag dumadalaw-muli o nagba-Bible study, nadarama ng mga mamamahayag ang pangangailangan para sa mga Bibliya at literatura sa Bibliya sa wikang madaling maunawaan ng kanilang mga estudyante. *

Naalaala ni Babutsa kung gaano kahirap mag-Bible study nang walang anumang publikasyon sa wikang Georgiano. Sinabi niya, “Mayroon lang akong Bibliya at ibang publikasyon sa wikang Ruso, kaya madalas kong isinasalin ang materyal sa pag-aaral para sa mga estudyante ko sa Bibliya.” Gamit lang ang isang diksyunaryo, isinalin niya ang mga artikulo mula sa ating mga magasin sa wikang Georgiano. Isinalin din niya ang buong Ebanghelyo ni Mateo!

Ginamit ng malalakas-loob na Saksi ang maliliit na mimeograph machine para makagawa ng mga publikasyon sa kanilang tahanan

Talagang pinahalagahan ng mga interesado ang mga artikulong isinalin sa kanilang sariling wika anupat handa silang kopyahin ang mga publikasyon para sa kanilang personal na gamit. Dahil mahirap makahanap ng mga kopya ng Bibliya sa wikang Georgiano, ang ilang estudyante sa Bibliya ay naging makabagong-panahong mga “tagakopya” ng Salita ng Diyos.

“Buong Araw Akong Kumopya”

Ang mga publikasyong isinalin sa wikang Georgiano ay ipinasa sa mga kapatid at interesado para mabasa ito ng lahat. Ang bawat isa ay may ilang araw lang o linggo para basahin ang publikasyon. Kaya nang isang kopya ng Griegong Kasulatan sa makabagong Georgiano ang napunta sa mga kapatid, sinamantala ng isang pamilya ang pagkakataon na kopyahin ito.

Si Raul Karchava ay 13 anyos lang nang hilingan siya ng tatay niya na kopyahin ang Griegong Kasulatan. Sinabi niya: “Binilhan ako ni Itay ng isang kahon ng mga notebook at lahat ng klase ng panulat sa pag-asang masisiyahan ako sa paggawa nito. Bagaman mahirap, ginawa ko ito. Buong araw akong kumopya, at humihinto lang para mag-unat-unat ng aking mga kamay.”

Sulat-kamay na mga kopya ng Ang Bantayan at Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw sa wikang Georgiano

Tuwang-tuwa ang mga kamag-anak ni Raul nang malaman nilang pumayag ang mga kapatid na iwan ang aklat nang ilang linggo pa para matapos ito ni Raul. Sa loob lang ng dalawang buwan, nakopya niya ang 27 aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan!

Sa kabila ng gayong pagsisikap ng mga tagakopya, hindi lubusang masapatan ang espirituwal na pagkagutom ng dumaraming estudyante sa Bibliya. Para matugunan ang pangangailangan, buong-tapang na isinagawa ng mga kapatid ang mapanganib na atas—paggawa at pamamahagi ng mga publikasyon sa Bibliya mula sa kanilang tahanan.

Mabilis na sumulong ang gawaing pangangaral sa kanlurang Georgia. Kumusta naman sa gawing silangan ng bansa? Mayroon bang nasa kabiserang lunsod ng Tbilisi na makatutulong sa taimtim na mga naghahanap ng katotohanan gaya ni Vaso Kveniashvili, na binanggit kanina?

Nakarating sa Kabiserang Lunsod ang Katotohanan

Noong dekada ’70, sinikap na hadlangan ng mga awtoridad ng Sobyet ang mga Saksi sa pamamagitan ng pagpapalayas sa kanila sa kanilang mga tahanan. Iyan ang nangyari kina Oleksii at Lydia Kurdas, mag-asawang Ukrainiano na lumipat sa Tbilisi. Maraming taon silang nakulong sa mga kampong bilangguan ng Sobyet dahil sa kanilang pananampalataya.

Si Larisa Kessaeva (Gudadze) noong dekada ’70

Ibinahagi ng mga Kurdas ang katotohanan kina Zaur at Eteri Kessaev, mga taong napakarelihiyoso. Ikinuwento ng kanilang anak na si Larisa, 15 anyos nang panahong iyon, nang una nilang makilala sina Oleksii at Lydia: “Sinikap naming patunayan na ang Simbahang Ortodokso ang tanging tunay na relihiyon. Pagkatapos ng ilang diskusyon, naubusan na kami ng argumento, pero patuloy pa rin silang nangatuwiran mula sa Kasulatan.”

Sinabi pa ni Larisa: “Kapag nagsisimba kami, lagi kong binabasa ang Sampung Utos na nakasulat sa dingding sa pagitan ng dalawang imahen. Ngunit nang gabing iyon, natigilan ako nang basahin sa amin ni Oleksii ang Exodo 20:4, 5. Hindi ako makatulog sa kaiisip, ‘Sinusuway nga ba namin ang utos ng Diyos sa pamamagitan ng pagsamba sa mga imahen?’”

Dahil pursigidong malaman ang kasagutan, tumakbo si Larisa sa simbahan kinaumagahan at muling binasa ang utos na “Huwag kang gagawa para sa iyo ng inukit na imahen . . . Huwag mong yuyukuran ang mga iyon.” Noon lang niya naunawaan ang ibig sabihin ng utos na ito ng Diyos. Nang maglaon, nabautismuhan si Larisa at ang kaniyang mga magulang, at kabilang sila sa unang naging mga Saksi sa Tbilisi.

Ginantimpalaan ang Paghahanap Niya ng Katarungan

Makalipas ang halos 20 taon nang una niyang malaman ang katotohanan, nakilala ni Vaso Kveniashvili ang isa na dumadalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova sa Tbilisi. Masaya si Vaso na muling makita ang mga Saksi. Kay tagal niyang naghintay.

Naging Saksi si Vaso Kveniashvili makalipas ang mga 24 na taon mula nang una niyang malaman ang katotohanan

Sa simula, atubili ang mga Saksi roon na isama siya sa kanilang gawain, dahil kilalá si Vaso na dating kriminal. Natakot pa nga ang ilan na baka nag-eespiya siya sa mga Saksi para sa mga awtoridad ng Sobyet. Kaya si Vaso ay hindi pinayagang dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong nang apat na taon.

Nang matiyak nila na mabuti naman ang motibo ni Vaso, pinayagan siyang maging miyembro ng kongregasyon at mabautismuhan. Sa wakas, maaari nang maging malapít si Vaso sa “Diyos ng kahatulan” na hinahanap-hanap niya mula pa sa kaniyang kabataan! (Isa. 30:18) Naglingkod siya kay Jehova taglay ang gayunding di-natitinag na saloobin hanggang sa kaniyang kamatayan noong 2014.

Noong 1990, ang gawaing pangangaral ay matibay na naitatag kapuwa sa kanluran at silangang Georgia. Mga 900 mamamahayag ang nagdaraos ng 942 pag-aaral sa Bibliya. Nailatag na ang pundasyon para sa malaking pagsulong.

^ par. 12 Kakaunti ang kopya ng Bibliya noong panahon ng Komunista, kahit na ang mga bahagi ng Bibliya ay naisalin na sa wikang Georgiano sing-aga pa noong ikalimang siglo C.E.—Tingnan ang kahong “Ang Bibliya sa Wikang Georgiano.”