Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

GEORGIA

Ang Tunay na Kristiyanong Pag-ibig ay Hindi Kailanman Nabibigo

Ang Tunay na Kristiyanong Pag-ibig ay Hindi Kailanman Nabibigo

Igor: Kabilang kami sa isang grupo ng mga Saksi sa bayan ng Tkvarcheli, Abkhazia. Yamang ang kongregasyon na kinabibilangan ng aming grupo ay mga 85 kilometro ang layo sa lunsod ng Jvari, naglalakbay ako sa Jvari buwan-buwan upang kumuha ng mga literatura sa Bibliya para sa grupong nasa malayo. Noong 1992, pagkabagsak ng Unyong Sobyet, sinikap ng autonomous region ng Abkhazia na humiwalay. Sumiklab ang digmaan sa pagitan ng grupong humiwalay at ng Georgian army, na nagdulot ng labis na kahirapan.

Sina Gizo Narmania at Igor Ochigava

Ang mga brother na ito ay gumawang magkasama para tulungan ang mga kapananampalataya noong panahon ng digmaan sa Abkhazia.

Gizo: Nabautismuhan ako sa edad na 21, isang taon lang bago ang digmaan. Nang sumiklab ang digmaan, pansamantalang huminto sa gawain ang mga kapatid dahil sa takot, at hindi nila alam kung ano ang gagawin. Ngunit pinatibay kami ni Igor, na isang mabuting pastol, sa pagsasabing: “Ito ang panahon kung kailan kailangan ng mga tao ang kaaliwan. Mananatili lang tayong malakas sa espirituwal kung patuloy tayong mangangaral.” Kaya maingat at araw-araw naming ibinahagi sa aming kapuwa ang nakaaaliw na mensahe mula sa Salita ng Diyos.

Igor: Dahil sa digmaan, hindi kami makaraan sa karaniwang ruta namin papunta at pabalik sa Jvari para kumuha ng ating literatura. Yamang lumaki ako sa rehiyong iyon, nakakita ako ng ligtas na daan sa mga taniman ng tsaa at kabundukan. Pero may panganib pa rin na makasalubong ang armadong grupo ng mga lalaki o matapakan ang nakatanim na mga bomba. Gayunman, ayokong isapanganib ang buhay ng aking mga kapatid, kaya ako na lang ang naglalakbay minsan sa isang buwan. Sa tulong ni Jehova, lagi akong nakakakuha ng napapanahong literatura na tutulong sa amin na manatiling malakas sa espirituwal.

Bagaman walang labanan sa Tkvarcheli, isinara ang aming bayan, anupat nahirapan kami noong panahon ng digmaan. Habang papalapit ang taglamig, nagkakaubusan na ng pagkain at nag-aalala kami para sa aming buhay. Natuwa kaming mabalitaan na nagsaayos ng misyon ang mga kapatid sa Jvari para tulungan kami!

Gizo: Isang araw, tinanong ni Igor ang pamilya ko kung puwede bang sa bahay namin iimbak at ipamahagi ang suplay ng pagkaing inihanda ng ating mga kapatid. Plano niyang kumuha nito sa Jvari. Nag-aalala kami sa kaligtasan niya, alam naming kailangan niyang magdaan sa maraming checkpoint at baka makasalubong niya ang armadong mga lalaki at mga magnanakaw.—Juan 15:13.

Tuwang-tuwa kami nang bumalik si Igor na ligtas makalipas ang ilang araw, na minamaneho ang isang sasakyang punô ng pagkain na kailangan namin sa susunod na mga buwan ng taglamig! Sa mahihirap na panahong iyon, talagang naranasan namin na ang tunay na Kristiyanong pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.—1 Cor. 13:8.