Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya, Tacoma, Washington, U.S.A.

100 Taon Na ang Nakalilipas—1917

100 Taon Na ang Nakalilipas—1917

“SUMISIKAT na ang bagong taon sa gitna ng alitan, kaguluhan at pagdanak ng dugo,” ang sabi ng The Watch Tower ng Enero 1, 1917. Oo, ang madugong Digmaang Pandaigdig I, na tinatawag noon na Malaking Digmaan, ay patuloy na nagngangalit sa Europa.

Bagaman hindi pa lubusang naunawaan noon ng mga Estudyante ng Bibliya kung ano ang nasasangkot sa tunay na Kristiyanong neutralidad, kapuri-puri ang pagsisikap ng marami sa kanila na umiwas sa pagkakasala sa dugo. Halimbawa, sa England, determinado ang 19-anyos na si Stanley Willis na manatiling neutral. Bago humarap sa paglilitis dahil sa kaniyang paninindigan, sumulat siya: “Malaking pribilehiyo para sa akin na magpatotoo. Sinabi sa akin ng Koronel kaninang umaga na uutusan akong magsuot ng uniporme ng militar, at kung tatanggi ako, lilitisin ako sa hukumang militar.”

Nang tumangging makipagkompromiso si Stanley, nahatulan siya ng sapilitang pagtatrabaho sa bilangguan. Gayunman, nanatili siyang positibo. Makalipas ang dalawang buwan, sumulat siya: “Sa ‘espiritu ng kapangyarihan’ na ibinibigay ng Katotohanan, may-pagtitiis . . . na mababata ng isa ang mga bagay na mas mahirap mabata ng iba.” May-katalinuhan niyang ginamit ang kaniyang panahon sa bilangguan at nagsabi: “Ang isa sa pinakamalaking pagpapala ko mula sa mga pagsubok na ito ay ang pribilehiyo na magkaroon ng maraming panahon para sa pananalangin, pagbubulay-bulay at pag-aaral.”

Di-nagtagal, sumama na sa digmaan ang United States. Sa isang talumpati sa Kongreso ng United States noong Abril 2, 1917, pormal na ipinahayag ng Pangulong Woodrow Wilson ang pakikipagdigma sa Germany. Makalipas ang apat na araw, sumabak na sa digmaan ang United States. Agad na napaharap ang mga Kristiyano sa United States sa isyu ng neutralidad.

Para magkaroon ng sapat na mga sundalo, ipinatupad ng United States ang Selective Service Act noong Mayo. Pagkalipas ng isang buwan, isinabatas ang Espionage Act. Dahil sa unang batas, maaaring tawagin ng gobyerno ng U.S. na magsundalo ang libo-libong lalaki, at hinahatulan naman ng huling-banggit na batas na isang krimen ang hindi pagsusundalo. Di-nagtagal, ginamit ng mga kaaway ng katotohanan ang batas na ito upang ‘magpanukala ng kaguluhan sa pamamagitan ng batas’ para sa mga mananamba ni Jehova na maibigin sa kapayapaan.—Awit 94:20.

Hindi na ikinagulat ng mga Estudyante ng Bibliya ang kaguluhan at digmaan sa daigdig. Ilang dekada na nilang itinatawag-pansin ang mga hula sa Bibliya na bumabanggit sa mga kalagayang iyon. Ngunit marami ang nagulat sa kontrobersiyang sumabog sa gitna ng bayan ni Jehova.

Pagsubok at Pagsala

Sa United States, nagkaroon ng problema hindi pa natatagalan pagkamatay ni Charles Taze Russell. Ang isyu ay kung paano pangangasiwaan ang gawain ng mga lingkod ni Jehova. Legal na itinatag ni Brother Russell bilang isang korporasyon ang Zion’s Watch Tower Tract Society noong 1884 at naging presidente nito hanggang mamatay siya noong Oktubre 1916. Nang humalili si Joseph F. Rutherford, ang ilang prominenteng lalaki sa organisasyon, kasama na ang apat na board of director, ay naging ambisyoso.

Ayaw ng apat na ito, pati ng iba pa, sa pangangasiwa ni Brother Rutherford. Ang isa sa mga isyu ay tungkol sa gawain ni Paul S. L. Johnson, na naglingkod bilang isang pilgrim, o naglalakbay na tagapangasiwa.

Bago mamatay si Brother Russell, isinaayos niya na ipadala si Johnson sa England bilang isa sa mga naglalakbay na kinatawan ng organisasyon. Si Johnson ay mangangaral ng mabuting balita, dadalaw sa mga kongregasyon, at mag-uulat tungkol sa gawain doon. Pagdating niya noong Nobyembre 1916, magiliw siyang tinanggap ng mga kapatid sa England. Nakalulungkot, dahil sa labis na papuring tinanggap niya, lumaki ang kaniyang ulo, at naisip niya na siya ang dapat na maging kahalili ni Brother Russell.

Walang pahintulot, pinaalis ni Johnson ang ilang miyembro ng pamilyang Bethel sa England na laban sa kaniya. Sinikap din niyang kunin ang pera sa bangko ng organisasyon sa London, kaya pinabalik siya ni Brother Rutherford sa United States.

Bumalik si Johnson sa Brooklyn, pero sa halip na mapagpakumbabang tanggapin ang pagtutuwid sa kaniya, paulit-ulit niyang hinikayat si Brother Rutherford na pabalikin siya sa England para ipagpatuloy ang gawain niya roon. Palibhasa’y nabigo sa pagsisikap na ito, inimpluwensiyahan niya ang mga board of director, at apat sa kanila ang kumampi sa kaniya.

Dahil iniisip na baka kunin ng mga lalaking ito ang mga pondo ng organisasyon sa United States, gaya ng tinangkang gawin ni Johnson sa England, inalis sila ni Brother Rutherford bilang mga board of director. Hinihiling ng batas ng United States na ang bawat miyembro ng board of director ay dapat ihalal taon-taon ng mga miyembro ng korporasyon. Pero sa taunang miting ng korporasyon noong Enero 6, 1917, tatlong miyembro lang ng board, sina Joseph F. Rutherford, Andrew N. Pierson, at William E. Van Amburgh, ang nahalal. Nanungkulan sila bilang presidente, bise presidente, at secretary-treasurer, ayon sa pagkakasunod-sunod. Wala nang eleksiyon para sa natitirang apat na posisyon sa board of director. Ang mga lalaking nanungkulan dito, ang apat na sumalansang, ay nahalal noon, at inakala ng ilan na habambuhay ang panunungkulan nila. Gayunman, dahil hindi sila muling nahalal sa taunang miting, talagang hindi na sila legal na mga miyembro ng board! Kaya noong Hulyo 1917, ginamit ni Brother Rutherford ang kaniyang karapatang humirang ng apat na lalaking tapat para punán ang bakanteng mga posisyon.

Gaya ng inaasahan, ang apat na pinaalis na board of director ay galit na galit at nangampanya para maibalik sa kanilang posisyon. Pero nabigo sila. Kahit pumanig sa kanila ang ilang Estudyante ng Bibliya at bumuo ng ibang organisasyon, ang karamihan ng mga Estudyante ng Bibliya ay nanatiling tapat, at ang apat ay hindi na naibalik bilang mga board of director.

Pagsulong sa Kabila ng Mahihirap na Kalagayan

Noong panahong iyon, si Brother Rutherford at ang iba pang tapat na mga kapatid sa Bethel ay patuloy na gumawa para sa ikasusulong ng kapakanan ng Kaharian. Dumami ang bilang ng mga naglalakbay na tagapangasiwa, na pilgrim ang tawag noon, mula 69 ay naging 93. Dumami rin ang bilang ng mga colporteur, o regular pioneer, mula 372 ay naging 461. Bukod diyan, nag-atas sa unang pagkakataon ng mga special colporteur, katulad ng mga auxiliary pioneer sa ngayon. Ang ilang kongregasyon ay may kasindami ng 100 masisigasig na manggagawang iyon.

Noong Hulyo 17, 1917, inilabas ang isang bagong aklat, ang The Finished Mystery. Sa pagtatapos ng taon, naubos na ang mga suplay ng aklat at 850,000 kopya pa ang inorder sa kompanyang nag-iimprenta ng ating literatura. *

Ang muling pag-oorganisa ng gawain sa Bethel na sinimulan ni Brother Russell noong 1916 ay natapos noong 1917. Noong Disyembre ng taóng iyon, ang The Watch Tower ay nag-ulat: “Ang muling pag-oorganisa ng mga manggagawa sa Tanggapan . . . ay natapos at kumikilos ngayon nang maayos at mahusay gaya ng dapat asahan sa isang institusyong pinamamahalaang mabuti . . . Natanto ng mga miyembro ng manggagawa sa Tanggapan na ito ay isang pribilehiyo at hindi isang karapatan.”

Noong Setyembre 1917, binanggit ng The Watch Tower: “Mula Enero 1, dumami [ang produksiyon ng literatura] sa bawat buwan kumpara sa kaparehong buwan ng taóng 1916 . . . Matibay na ebidensiya ito sa amin na pinagpapala ng Panginoon ang gawain dito sa Brooklyn.”

Hindi Pa Tapos ang Pagsubok at Pagsala

Naalis na sa organisasyon ang mga sumasalansang, at ipinakikita ng mga resulta ng reperendum ng mga kongregasyon, na inilathala sa The Watch Tower, na sinuportahan ng karamihan ng mga kapatid si Brother Rutherford at ang tapat na mga lalaki sa Bethel. Pero hindi pa tapos ang pagsubok sa mga lalaking ito. Bagaman ang 1918 ay nagsimula nang positibo, maghuhudyat ito ng pinakamadilim na panahon sa ating makabagong-panahong kasaysayan.

^ par. 18 Hanggang 1920, lahat ng ating pag-iimprenta ay ginagawa ng komersiyal na mga imprentahan.