Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Liham Mula sa Lupong Tagapamahala

Liham Mula sa Lupong Tagapamahala

Mahal na mga Kapatid:

Noong ikapitong siglo B.C.E., si propeta Ezekiel ay binigyan ng isang kagila-gilalas na pangitain. Nakita niya ang isang napakalaki at makalangit na karo na kontrolado ng Soberano ng uniberso. Lubhang kahanga-hanga ang pagkilos nito. Simbilis ito ng kidlat, kahit nagbabago ng direksiyon—nang hindi bumabagal o bumabaling!—Ezek. 1:4, 9, 12, 14, 16-27.

Ipinaaalaala sa atin ng pangitaing iyan na ang makalangit na bahagi ng pansansinukob na organisasyon ni Jehova ay laging abalang-abala. At ang makalupang bahagi? Malinaw na ipinakikita noong nakaraang taon ng paglilingkod na pinabibilis din ni Jehova ang kaniyang organisadong bayan dito sa lupa!

Laging abalang-abala ang makalangit na bahagi ng organisasyon ni Jehova

Dito sa United States, abala ang mga miyembro ng pamilyang Bethel sa paglipat mula sa Brooklyn tungo sa bagong pandaigdig na punong-tanggapan, sa Warwick, New York, pati na sa iba pang pasilidad at sa larangan. Ang mga Bethelite sa ilang sangay sa buong daigdig ay abala rin sa pagtatayo, pagre-remodel, pagmi-merge, o paglipat sa bagong mga lokasyon. Kumusta naman kayo? Kahit hindi kayo kasama sa ganiyang gawain, tiyak na naging abala rin kayo sa ibang paraan.

Lubhang naaantig at napatitibay ang Lupong Tagapamahala na makitang ang bayan ng Diyos sa buong daigdig ay naging mas abala sa pag-alinsabay sa organisasyon ni Jehova. Marami ang naglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Ang iba naman ay pumasok sa bagong larangan ng paglilingkod, gaya ng sa teritoryo na banyaga ang wika. Marami ang sumubok ng isang anyo ng pagpapatotoo na bago at hindi pamilyar sa kanila. Marami pa ang nagpalawak ng kanilang paglilingkod sa iba pang paraan. At lahat ng tapat na Kristiyano, kasama na ang mga may-edad at may-kapansanan, ay matapat na tumatakbo sa takbuhan ukol sa buhay—nananatiling abala sa paglilingkod kay Jehova at sa gayo’y inilalantad na sinungaling si Satanas!1 Cor. 9:24.

Makatitiyak kayo na nakikita ni Jehova ang inyong mga gawa. (Heb. 6:10) Ang inyong pagkamasunurin ay nagpapaalaala sa amin tungkol kina Abraham at Sara. Sa edad na 75, umalis si Abraham sa Ur na lunsod ng mga Caldeo at inakay ang kaniyang pamilya sa malayong Canaan, kung saan nanirahan siya sa mga tolda sa natitirang isang daang taon ng kaniyang buhay. Napakamasunurin nga nilang mag-asawa!—Gen. 11:31; Gawa 7:2, 3.

Ganiyan din ba kayo? Lahat kayo na tapat na nagbabata sa mahihirap na panahong ito ay sumusunod sa iniutos ni Jesus. Sinabi niya: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.”—Mat. 28:19.

Maging ang salitang ginamit ni Jesus na “humayo” ay nagpapahiwatig na dapat tayong maging abala at aktibo. Nakatutuwa ngang makita na napakarami nang naisagawa ng masisigasig na tagasunod ni Kristo sa nakalipas na taon! Kitang-kita na pinagpapala ng makapangyarihang kamay ni Jehova ang paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian sa lahat ng bansa.—Mar. 13:10.

Marami ang tumutugon sa mensahe. Nitong nakaraang taon, ang pinakamataas na bilang ng mamamahayag ay 8,340,847, at ang average na bilang ng pag-aaral sa Bibliya bawat buwan ay 10,115,264. Maliwanag, abala ang makalangit na karo, at kayo rin! Ipagpatuloy ninyo ang inyong mainam na gawa sa natitirang maikling panahon bago isara ni Jehova ang pinto ng kaligtasan.

Angkop na angkop nga ang ating taunang teksto para sa 2017 na “Magtiwala ka kay Jehova at gumawa ka ng mabuti”! (Awit 37:3) Kapag sinusunod ninyo ang mga salitang iyan, na gumagawang mabuti sa pamamagitan ng sagradong paglilingkod kay Jehova, ipinakikita ninyong nagtitiwala kayo sa kaniya. Laging isaisip na hindi kayo kailanman nag-iisa. Magkakatotoo ang mga salita ni Jesus: “Narito! Ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Mat. 28:20.

TAUNANG TEKSTO PARA SA 2017:

“Magtiwala ka kay Jehova at gumawa ka ng mabuti”

Makatitiyak kayo na patuloy na pagpapalain ni Jehova ang inyong tapat na paglilingkod. Maliit man o malaki ang ibinibigay ninyo, ang mahalaga kay Jehova ay na ito ang inyong pinakamainam at ibinigay ninyo ito nang may tamang motibo. Ang lahat ng iyan ay nakaaantig sa kaniyang puso at nagdudulot ng kaniyang pagsang-ayon. (2 Cor. 9:6, 7) Kaya patuloy na maging malapít sa inyong maibiging Ama sa pamamagitan ng regular na pananalangin, pag-aaral ng Salita ng Diyos, pagdalo sa Kristiyanong mga pagpupulong, at aktibong pakikibahagi sa ministeryo.

Hanggang sa matapos ang “maikling yugto ng panahon” para sa Diyablo, determinado siyang gamitin ang bawat paraang magagamit niya upang alisin ang ating katapatan kay Jehova. (Apoc. 12:12) Manatiling malapít kay Jehova, at mabibigo ang lahat ng pagsisikap ng Diyablo. (Awit 16:8) Mahal na mahal namin kayo, at pinahahalagahan namin ang inyong pagtulong sa pag-aasikaso sa kapakanan ng Kaharian ng Panginoon sa mga huling araw na ito.

Ang inyong mga kapatid,

Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova