Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mexico: Magkasama silang nag-aaral ng Braille

PANGANGARAL AT PAGTUTURO SA BUONG LUPA

Mga Lupain sa Amerika

Mga Lupain sa Amerika
  • LUPAIN 57

  • POPULASYON 998,254,087

  • MAMAMAHAYAG 4,154,608

  • PAG-AARAL SA BIBLIYA 4,353,152

“Mag-aaral Tayong Dalawa”

Si Ismael, na nakatira sa Mexico, ay nagpasiyang basahin ang buong Bibliya. Sa loob ng isang taon, dalawang beses niya itong nabasa, ngunit nang maglaon ay nabulag siya. Makalipas ang ilang taon, nakilala ni Ángel, isang Saksi ni Jehova, si Ismael at ibinalita ang tungkol sa mga pangako ng Diyos. Sabik si Ismael na matuto nang higit pa, pero sinabi niya, “Bulag ako; hindi na ako makabasa ng Bibliya.”

Tiniyak sa kaniya ni Ángel, “Huwag kang mag-alala, tuturuan kita ng Braille.”

“Marunong ka ng Braille?” ang tanong ni Ismael.

“Hindi, pero mag-aaral tayong dalawa,” ang sagot ni Ángel. Hindi makapaniwala si Ismael na gagawin iyon ni Ángel para sa kaniya. Umuwi si Ángel, nag-research kung paano magbabasa ng Braille, at inihanda ang nakakapang mga titik ng Braille sa isang cardboard. Pagkatapos, tinuruan niya si Ismael na bumasa ng Braille. Di-nagtagal, natutuhan na ni Ismael ang alpabetong Braille, dumadalo na siya sa mga pulong, at nagbabasa na ng ating mga publikasyon sa Braille. Si Ángel ay may apat na ngayong estudyante sa Bibliya na mga bulag. Gustong-gusto nilang pag-usapan ang tungkol sa darating na Paraiso kung kailan makakakita na silang muli.

Hindi Niya Ito Nakilala

Si Viannei, isang 14-anyos na sister sa United States, ay sumulat: “Sa klase namin sa social studies, tinalakay ng aming substitute teacher ang tungkol sa mga relihiyon. Hinilingan niya kami na bumanggit ng ilan, kaya binanggit ko ang mga Saksi ni Jehova. Nagtawanan ang mga kaklase ko, at sinabi na inaabala natin sila, na wala tayong magawa, at na itinatapon nila ang ating literatura. Hindi rin maganda ang sinabi ni Sir tungkol sa atin.

“Kaya nanalangin ako kay Jehova na bigyan ako ng lakas para makapagpatotoo. Sinabi ko sa kanila na nagpupunta tayo sa bahay nila, hindi para abalahin sila, kundi dahil isinugo tayo ni Jehova para sabihin sa kanila ang mabuting payo na nasa Bibliya. Nakiusap ako sa kanila na huwag itapon ang mga literatura; maaari nitong baguhin ang kanilang buhay at iligtas sila. Nag-sorry si Sir at nangakong sa susunod na may dumalaw sa kaniya na Saksi, bubuksan niya ang pinto, makikinig, at babasahin ang ating literatura. Hindi ko pinaniwalaan ang sinabi niya.

“Nakita ko si Sir makalipas ang apat na buwan, at laking gulat ko, nag-aaral na siya ng Bibliya. Pagkalipas ng anim na buwan pa, hinanap niya ako sa paaralan para pasalamatan ako dahil nagpatotoo ako sa kaniya. Hindi ko nga siya nakilala kasi nagpagupit siya ng buhok at nag-ahit ng balbas. Isa na siyang di-bautisadong mamamahayag ngayon.”

Pagpapatotoo sa Amazon

Noong nakaraang taon, pinagtuunan ng pansin ng bayan ni Jehova ang malawak na rehiyon ng Amazon sa Brazil. Hindi pa narinig ng marami sa rehiyong iyon ang mabuting balita. Dahil diyan, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang espesyal na kampanya ng pangangaral sa buong taon para marating ang libo-libong tao na nakatira sa ilang pinakaliblib na lugar ng Amazon.

Brazil: Pangangaral sa Amazon

Ang tanggapang pansangay ay pumili ng 53 bayan na nakakalat sa kahabaan ng Ilog Amazon para padalhan ng mga mangangarál ng Kaharian sa panahong iyon. Sa loob lang ng apat na buwan, mahigit 6,500 mamamahayag ang tumugon sa panawagan.

Sa liblib na bayan ng Anamã, na walang mamamahayag ng Kaharian, 10 kapatid ang nanatili nang 11 araw. Nakapamahagi sila ng mahigit 12,500 literatura at nakapagpasimula ng mga 200 Bible study, na isinasagawa ngayon sa pamamagitan ng telepono. Habang naroon, nagpupulong din ang mga kapatid. Sa huling pulong bago sila umalis, tuwang-tuwa silang makita na 90 ang dumalo. Makikita pa natin ang epekto ng kampanya sa hinaharap.

Inirerekomenda ang jw.org

Sa nakalipas na anim na taon, sina Jehizel at Mariana ay magkaklase sa Venezuela. Dahil sa pagiging Saksi ni Jehova, madalas tuyain ni Mariana si Jehizel. Inaakala ni Mariana na hindi marunong mag-enjoy sa buhay si Jehizel. Isang araw, pagkatapos pang tuyain, nasabi ng ating sister: “Mariana, magpunta ka sa aming website na jw.org. Pumunta ka sa ‘Video,’ at i-click mo ang kahon na ‘Tin-edyer.’”

Nang hapong iyon, tinawagan ni Mariana si Jehizel. “Alam ko na ngayon kung bakit mo ginagawa ang lahat ng ito,” ang sabi niya.

Dahil hindi niya alam kung ano ang ibig nitong sabihin, nagtanong si Jehizel, “Pinagtatawanan mo na naman ba ako?”

“Hindi, hinding-hindi na,” ang sabi ni Mariana. “Dahil sa ’yo, alam ko na ngayon na ang inaakala kong ‘pag-e-enjoy sa buhay’ ang siya palang dahilan ng marami sa mga problema ko.” Isinaayos na si Mariana ay regular na mag-aral ng Bibliya, at dumadalo na siya ngayon sa lahat ng pulong.

Mga Tanong Para sa Pastor

Hangang-hanga si Gérole, na isang kalihim sa simbahan nila sa Haiti, dahil nasasagot ng mga Saksi ang lahat ng tanong niya mula sa Bibliya. Siya at ang anak niyang babae ay nag-aral ng Bibliya. Palibhasa’y naantig sa natututuhan nila, humiling sila na dalawang beses silang mag-aral sa isang linggo.

Pagkatapos ng tatlong-buwang pag-aaral, nilapitan ni Gérole ang kanilang pastor at nagbangon ng apat na tanong: “Kailan iniluklok si Jesus bilang Hari? Saan nagpupunta ang mabubuting tao kapag namatay sila? Saan nagpupunta ang masasama kapag namatay sila? Saan namatay si Jesus, sa krus o sa tulos?” Sinabi ng pastor na masasagot lang niya ang ikalawa at ikatlong tanong. “Sinasabi ng mga Saksi ni Jehova na 144,000 ang pupunta sa langit,” ang sabi niya. “Pero sinasabi ko na lahat ng gumagawa ng kalooban ng Diyos ay pupunta sa langit. Kung tungkol sa masasama, masusunog sila magpakailanman sa impiyerno.” Nang tanungin siya kung saan ito makikita sa Bibliya, wala siyang maipakitang teksto. Nadismaya si Gérole pero mas determinado siya ngayong ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral ng Bibliya. Nagbitiw siya sa simbahan nila at sinabing mas marami siyang natutuhan sa Bibliya sa loob ng tatlong-buwang pakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova kaysa sa pagsisimba niya sa loob ng mahigit 30 taon. Si Gérole at ang kaniyang anak ay nabautismuhan kamakailan, at nakapagpasimula sila ng 23 pag-aaral sa Bibliya sa kanilang nayon.

Haiti: Maraming Bible study si Gérole at ang anak niya