Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Fiji

PANGANGARAL AT PAGTUTURO SA BUONG LUPA

Oceania

Oceania
  • LUPAIN 29

  • POPULASYON 41,051,379

  • MAMAMAHAYAG 98,574

  • PAG-AARAL SA BIBLIYA 67,609

Pagkalipas ng Siyam na Taon, Tumugon Din ang Teacher Niya

Nang si Olivia, sa Australia, ay nasa kindergarten, inanyayahan niya ang kaniyang teacher na dumalo sa Memoryal. Taon-taon, sa sumunod na walong taon, patuloy na inanyayahan ni Olivia ang teacher sa Memoryal. Sa wakas, noong 2016, tumawag sa telepono ang teacher para sabihing gusto niyang dumalo. Sinabi niyang natutuwa siya na inaanyayahan siya ni Olivia taon-taon. Dumalo ang teacher sa Memoryal kasama ang kaniyang mister. Dahil nagtrabaho noon ang mister niya sa town council, naalaala nito nang itayo ang Kingdom Hall sa bayan. Sinabi niya sa mga brother na hangang-hanga siya sa pagiging napakaorganisado ng proyekto ng Kingdom Hall. Labis na nag-enjoy ang teacher at ang mister nito noong gabing iyon anupat kabilang sila sa mga huling umuwi.

Australia: Pagkatapos ng siyam na taon, nagbunga rin ang pagtitiyaga ni Olivia

Tatlong Beses Niyang Binasa ang Aklat

Si Jacintu at ang kaniyang misis ay nakatira sa Timor-Leste. Mga saradong Katoliko sila kaya nagtataka sila nang maging Saksi ni Jehova ang kanilang pamangking lalaki at hindi na sumasambang kasama ng pamilya. Para patunayang mali ang kaniyang pamangkin, binasa ni Jacintu ang aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Ang layunin niya ay hanapin ang mga maling turo. Nang maglaon, sinabi niya sa kaniyang asawa: “Nabasa ko ang aklat. At tama ang lahat ng sinasabi nito.”

“Baka hindi tama ang pagbasa mo,” ang sagot niya. “Basahin mo ulit, pero ngayon, huwag mong madaliin ang pagbasa.”

Kaya binasa ito ulit ni Jacintu at sinabi muli sa kaniyang asawa, “Tama ang lahat ng sinasabi nito.” Idinagdag pa niya: “Lahat ay galing sa Bibliya. Maging ang sinasabi nito tungkol sa pagsamba sa mga patay ay nasa Bibliya rin.”

Sinabi ng misis: “Basahin mo ito sa ikatlong pagkakataon, pero ngayon, guhitan mo ang bawat parapo—pag-aralan mong mabuti. Tiyak na mali ang turo nila.”

Masusing pinag-aralan ni Jacintu ang aklat, na minamarkahan ang bawat parapo. Matapos ang masusing pagbabasa nito sa ikatlong pagkakataon, sinabi niya: “Totoo ang lahat ng sinasabi nito! Tama ang ating pamangkin.” Nag-aaral na ngayon si Jacinto ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova.

Nagsalita ang Kaniyang Anak na Babae

Dinalaw ng isang payunir na sister, na naninirahan sa Guam, ang isang babaeng taga-Pohnpei at ipinakita sa kaniya ang video na Bakit Magandang Mag-aral ng Bibliya? Sinabi ng sister na dadalaw siyang muli. Bagaman ilang beses na siyang bumabalik, hindi niya matagpuan ang babae sa bahay. Kaya nang ang anak na babae ang magbukas ng pinto, ipinakita ng sister ang isang video mula sa seryeng Maging Kaibigan ni Jehova. Gustong-gusto ito ng batang babae. Nang sumunod na dumalaw ang sister, ang nanay ang nagbukas ng pinto at positibong tumugon sa mensahe ng Bibliya. Mukhang sinabi ng anak sa kaniyang nanay na dapat silang pumunta sa simbahan ng babaeng nagpapanood sa kaniya ng video. Waring ito ang nakatulong para magkainteres ang nanay. Itinanghal ang isang pag-aaral sa Bibliya, at nagsagawa ng mga kaayusan para ipagpatuloy ito.

“Tulad ng mga Tupang Walang Pastol”

Si Terence, isang tagapangasiwa ng sirkito, ay naglakbay kasama ng kaniyang asawang si Stella patungong Inakor, isang di-nakaatas na teritoryo sa Papua New Guinea. Sinabi ni Terence: “Maagang-maaga, habang natutulog pa kami noong unang araw namin, may kumakatok na sa pinto. Maraming tao ang naghihintay sa labas, kaya nangaral kami sa kanila mula alas seis hanggang tanghali. Huminto kami para maligo, at nakita namin na marami pa ang naghihintay sa amin. Kaya nangaral kami mula alas dos ng hapon hanggang hatinggabi.” Kinabukasan, napakaagang umalis ng mag-asawa para dumalaw sa isa pang lugar. Muli, marami ang dumating at hinahanap sila sa kanilang tuluyan, pero wala na sila. “Nang malaman nila kung saan kami nagpunta,” ang sabi ni Terence, “sinundan nila kami at nakita kami. Nangaral ulit kami hanggang tanghali. Pagbalik namin sa aming tuluyan, isa pang grupo ang naghihintay sa amin. Ganito ang nangyari sa bawat araw. Ang mga tao roon ay ‘tulad ng mga tupang walang pastol.’”—Mat. 9:36.

Papua New Guinea: Sabik na naghihintay ang mga tao kina Terence at Stella

Mga Regalo Para sa Therapist

Si Agnès, isang payunir na nakatira sa New Caledonia, ay kailangang magpunta sa isang physiotherapist dahil masakit ang braso niya. Habang ginagamot si Agnès, sinabi ng therapist na napakaraming tao ang nagdurusa at iniisip niya kung malupit ba ang Diyos. Tahimik na pinasalamatan ni Agnès si Jehova sa pagbibigay sa kaniya ng pagkakataong ipagtanggol Siya. Pagkatapos, ipinakita niya sa therapist ang tract na Matatapos Pa Ba ang Pagdurusa? at binasa sa kaniya ang Apocalipsis 21:3, 4.

Sinabi ng therapist, “Hindi ko tiyak kung nasa Bibliya ko ang tekstong binasa mo; mga Ebanghelyo lang ang nasa Bibliya ko.” Nang malaman niyang Saksi ni Jehova si Agnès, sinabi niya na kilala na niya ang mga Saksi sa kaniyang bansa, sa Chile.

Naalaala ni Agnès na isang report ng sangay tungkol sa Chile ang mapapanood sa JW Broadcasting. Kaya noong sumunod niyang dalaw, dinala niya ang kaniyang tablet at ipinakita sa therapist ang video report. Labis siyang humanga nang makita niya ang Bethel at ang Assembly Hall sa Chile. Pagkatapos, sinabi ni Agnès, “Mayroon pa akong gustong ibigay sa ’yo, isang kumpletong Bibliya, para mabasa mo ang Apocalipsis 21:3, 4, na binasa ko sa iyo noong nakaraang linggo!” Agad na tumayo ang therapist at niyakap si Agnès na sinasabi, “Maraming salamat sa iyong dalawang napakagandang regalo!”

New Caledonia: Labis na humanga ang kaniyang physiotherapist

Sa sumunod na pagdalaw, dinala ni Agnès ang aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? at ipinaliwanag pa ang dahilan ng pagdurusa sa lupa. Sinabi ng therapist na aalis siya ng New Caledonia para magbakasyon sa Chile at dadalhin niya ang aklat upang mabasa niya itong lahat.