Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA MGA PANGYAYARI NOONG NAKARAANG TAON

2016 Mga Legal na Usapin

2016 Mga Legal na Usapin

Sa mga pakikipaglaban sa korte at sa mahihirap na kalagayan, pinatutunayan ng ating Kristiyanong mga kapatid ang kanilang katapatan sa Diyos na Jehova. Ang kanilang halimbawa ay humihimok sa ating lahat na manindigang matatag sa ating pananampalataya at magtiwala na ‘pakikitunguhan ni Jehova ang kaniyang matapat sa pantanging paraan.’—Awit 4:3.

ARGENTINA | Karapatang Turuan ang mga Anak Tungkol sa Relihiyon

Si Ruth ay lumaki sa isang Kristiyanong sambahayan pero naging di-aktibo noong kaniyang kabataan. Nang maglaon, nakipagrelasyon siya sa isang lalaki at nagkaanak ng babae. Isang araw, sa lunsod ng La Plata, napansin ni Ruth ang mga Saksi ni Jehova na gamit ang displey ng literatura sa mesa, at naalaala niya ang kaniyang pamanang Kristiyano. Napakilos siya na muling makisama sa kongregasyon at turuan ng Bibliya ang kaniyang anak. Sinalansang ng ama ng bata ang relihiyosong gawain ni Ruth at nagsampa ng kaso sa korte para hadlangan si Ruth sa pagtuturo ng Bibliya sa kanilang anak o sa pagsasama sa bata sa mga pulong sa kongregasyon.

Nangatuwiran ang abogado ni Ruth na ang ama at ina ay may karapatang ibahagi ang kanilang relihiyosong paniniwala sa kanilang anak at na hindi puwedeng hadlangan ng korte ang karapatang iyon malibang may ebidensiya na ang bata ay napahamak dahil sa pagtuturo ng relihiyon. Nagdesisyon ang korte na dapat igalang ng mga magulang ang karapatan ng kanilang anak na malayang isagawa ang isang relihiyon, kahit na apat na taóng gulang pa lang siya noon! Ipinaliwanag ng court of appeal na napakabata pa nito para magdesisyon tungkol sa relihiyon at na ang mga magulang ay parehong may karapatang magturo sa kaniya tungkol sa relihiyon.

Binabasa ng anak ni Ruth ang kaniyang Bibliya gabi-gabi at dumadalo ngayon sa mga pulong kasama ng kaniyang nanay. Pinananabikan niya ang pagdalaw sa Bethel sa Buenos Aires.

AZERBAIJAN | Karapatang Ipahayag ang Relihiyosong Paniniwala

Napansin ni apostol Pablo na sa tunay na kongregasyong Kristiyano, “kung ang isang sangkap ay nagdurusa, ang lahat ng iba pang sangkap ay nagdurusang kasama nito.” (1 Cor. 12:26) Totoo ito, dahil talagang nakikiramay ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig sa pagdurusa nina Sister Irina Zakharchenko at Valida Jabrayilova sa Azerbaijan. Noong Pebrero 2015, pinaratangan ng mga awtoridad ang mga sister na ito ng ilegal na relihiyosong gawain. Ipinakulong sila ng hukom bago pa man litisin, at dahil sa sunod-sunod na pagpapaliban, nakulong sila nang halos isang taon, kung saan pinagmalupitan sila at pinagkaitan.

Azerbaijan: Sina Valida Jabrayilova at Irina Zakharchenko

Nang sa wakas ay litisin ang kanilang kaso noong Enero 2016, hinatulan ng hukom ang mga sister na nagkasala at pinagmulta sila, ngunit kinansela niya ang mga multa dahil sa pagkakakulong bago pa man ang paglilitis at pinayagan silang makauwi. Nang pawalang-saysay ng Baku Court of Appeal ang kanilang mga pakiusap laban sa hatol na krimen, umapela sila sa Supreme Court. Bukod diyan, nagsampa sila ng reklamo sa UN Human Rights Committee dahil sa pagmamaltrato at paglabag sa kanilang karapatang ipahayag ang relihiyosong paniniwala.

Samantala, nakaka-recover na ang mga sister sa kanilang mahirap na karanasan. Labis nilang pinasasalamatan ang mga panalangin at pagmamalasakit alang-alang sa kanila. Sumulat si Sister Jabrayilova sa Lupong Tagapamahala: “Ang inyong mga panalangin ay nakatulong sa amin na mabata ang mahirap na kalagayan, at damang-dama ko ito. Hinding-hindi ko malilimutan ang pag-ibig at pagmamalasakit na ipinakita n’yo, ni Jehova, at ng aking mga kapatid sa buong mundo.”

ERITREA | Nakabilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya

Hanggang noong Hulyo 2016, ibinilanggo ng gobyerno ng Eritrea ang 55 Saksi ni Jehova dahil sa kanilang pananampalataya. Tatlong brother—sina Paulos Eyassu, Isaac Mogos, at Negede Teklemariam—ang nakabilanggo mula pa noong Setyembre 1994, at siyam na brother pa ang ikinulong ng gobyerno nang di-kukulanging 10 taon.

May magandang nangyari noong Enero 2016 nang litisin ng korte ang mga Saksing inaresto sa panahon ng Memoryal sa Asmara noong Abril 2014. Ito ang unang pagkakataon na pormal na kinasuhan ng mga awtoridad ng “krimen” ang mga Saksi, at binigyan sila ng pagkakataong ipagtanggol ang kanilang kaso. Gaya ng inaasahan, karamihan sa mga kapatid na nilitis ay hinatulang nagkasala dahil sa pagdalo sa isang “ilegal” na pulong, pinagmulta, at saka pinalaya. Pero tinanggihan ni Saron Gebru, isa sa mga akusadong sister, ang multa. Kaya hinatulan siyang mabilanggo nang anim na buwan. Si Sister Gebru ay puwedeng tumanggap ng dalaw minsan sa isang linggo at iniulat na mabuti naman ang pakikitungo sa kaniya. Pinahahalagahan niya at ng 54 pang Saksi sa bilangguan ang mga panalangin alang-alang sa kanila habang ating ‘iniingatan sa isipan yaong mga nasa bilangguan na para bang tayo ay kasama nila.’—Heb. 13:3.

GERMANY | Kalayaan sa Relihiyon—Legal na Kinilala

Noong Disyembre 21, 2015, pinagkalooban sa wakas ng estado ng Bremen, sa hilagang-kanluran ng Germany, ang Religious Association of Jehovah’s Witnesses sa Germany ng mas mataas na legal na katayuan kaysa sa dati. Tinapos nito ang apat-na-taóng pakikipaglaban sa mga korte sa Germany. Bilang pagsunod sa desisyon ng Higher Administrative Court sa Berlin, ipinagkaloob ng karamihan sa 16 na estado sa Germany sa mga Saksi ni Jehova ang napiling legal na katayuan, na tinatawag na public law status. Pero tutol ang mga awtoridad sa Bremen sa pagkakaloob ng status na ito sa mga Saksi, pangunahin na dahil sa huwad na mga akusasyong ikinalat ng mga sumasalansang.

Noong 2015, ipinasiya ng Federal Constitutional Court ng Germany na ang pagtanggi ng Bremen na ipagkaloob ang public law status ay paglabag sa karapatan ng mga Saksi ayon sa konstitusyon. Pinatutunayan ng desisyon na ginagarantiyahan ng konstitusyon ang kalayaan sa relihiyon na protektahan ang relihiyosong gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Bremen. Ang mga kongregasyon doon ay may karapatan sa eksemsiyon sa buwis at sa iba pang pribilehiyo na tinatamasa ng pangunahing mga relihiyon sa Germany.

KYRGYZSTAN | Karapatang Ipahayag ang Relihiyosong Paniniwala

Noong Marso 2013, idinemanda ng mga awtoridad sa Osh, Kyrgyzstan, si Oksana Koriakina at ang nanay niya, si Nadezhda Sergienko, batay sa inimbentong mga paratang. Inakusahan ng prosecutor ang mga Saksi na dinadaya nila ang mga tao habang ibinabahagi ang mga turo ng Bibliya sa kanilang mga kapitbahay, at hinatulan sila ng hukom ng house arrest habang hinihintay ang paglilitis. Noong Oktubre 2014, nasumpungan ng trial court na gawa-gawa lang ang ebidensiya, na nilabag nito ang mga proseso, at pinawalang-sala ang mga sister. Pinagtibay ng appeal court ang desisyong iyon noong Oktubre 2015.

Gayunman, muling umapela ang prosecutor ng Osh, sa pagkakataong ito ay sa Supreme Court ng Kyrgyzstan. Kinansela ng Korte ang pagpapawalang-sala sa mga sister at nag-utos ng bagong paglilitis. Sa pagdinig noong Abril 2016, iminungkahi ng mga abogadong kumakatawan sa mga sister ang pag-dismiss sa kaso dahil ang panahong itinakda para sa pagsasampa ng kaso o pagpaparusa ay expire na. Walang nagawa ang hukom kundi wakasan ang kaso at tapusin na ang paglilitis.

Sa buong panahong iyon, nanatiling positibo ang mga sister. Sinabi ni Sister Sergienko, “Madalas na sumasamâ ang loob ng mga tao kapag hindi mabuti ang pakikitungo sa kanila, ngunit nadama ko ang pag-ibig at pagmamalasakit ni Jehova sa pamamagitan ng mga kapatid—hindi kami kailanman nag-iisa.” Nakita mismo ng mga sister na laging tinutupad ni Jehova ang kaniyang pangako na nasa Isaias 41:10: “Huwag kang matakot . . . Talagang aalalayan kitang mabuti sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng katuwiran.”

KYRGYZSTAN | Kalayaan sa Relihiyon—Legal na Kinilala

Noong Agosto 9, 2015, biglang pumasok ang 10 opisyal ng pulis sa isang pulong ng kongregasyon sa lunsod ng Osh, Kyrgyzstan. Iniutos nila na itigil agad ang “ilegal” na pulong at pinagbantaan pa nga na babarilin nila ang mahigit 40 na dumalo. Dinala ng mga pulis ang 10 brother sa istasyon ng pulis, kung saan pinagmalupitan at binugbog ang 9 sa kanila at saka pinalaya. Makalipas ang dalawang araw, inaresto ng mga pulis si Nurlan Usupbaev, isa sa mga brother na walang-awang binugbog, at pinaratangan ng ilegal na relihiyosong gawain dahil sa pangangasiwa sa pulong.

Nang ang kaso laban kay Brother Usupbaev ay makarating sa Osh City Court, walang nakitang ebidensiya ang hukom sa mga paratang laban sa kaniya at pinawalang-saysay ang kaso. Umapela ang prosecutor sa Osh Regional Court, na nagpawalang-saysay sa apela, at pinatutunayan na si Brother Usupbaev ay hindi puwedeng magkasala ng ilegal na relihiyosong gawain sapagkat ang mga Saksi ni Jehova ay legal na nakarehistro sa Kyrgyzstan.

Dahil hindi pa rin sumusuko, umapela ang prosecutor sa Supreme Court ng Kyrgyzstan. Nakahinga nang maluwag si Brother Usupbaev nang wakasan ng Supreme Court ang kaso noong Marso 2016, anupat pinananatili ang positibong mga desisyon ng trial at appeal court at muling pinatutunayang ang mga Saksi ni Jehova ay may karapatang magdaos ng relihiyosong mga pulong sa Kyrgyzstan. Naghihintay pa sa paglilitis sa mga korte ang hiwalay na kasong isinampa ng mga biktima laban sa mga opisyal ng pulis sa Osh.

RUSSIA | Kalayaan sa Relihiyon

Sa kabila ng matinding pagtutol mula sa mga awtoridad ng karapatang pantao sa Russia, patuloy pa rin sa pag-atake ang gobyerno ng Russia laban sa mga Saksi ni Jehova at sa kanilang relihiyosong gawain. Ayon sa huling pagbilang, 88 sa ating mga publikasyon ang idineklara ng mga awtoridad na “ekstremista” at ipinagbawal ang jw.org, ang opisyal na website ng mga Saksi ni Jehova. Noong 2015, ipinagkait ng mga opisyal sa customs ang importasyon ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan, at pinag-iisipan ng isang korte sa Vyborg kung idedeklara bang “ekstremista” ang makabagong salin na ito ng Bibliya. Noong Marso 2016, pinagbantaan ng Prosecutor General’s Office na ipasasara ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Solnechnoye, sa labas ng St. Petersburg, dahil sa diumano’y “ekstremistang gawain.”

Sa kabila ng mabagsik na kampanyang itinaguyod ng estado laban sa mga Saksi ni Jehova, may ilang magandang balita. Noong Oktubre 2015, isang prosecutor ang nagsampa ng demanda para buwagin ang Local Religious Organization (LRO) sa Tyumen, mga 2,100 kilometro silangan ng Moscow. Sa kabila ng patotoo na inimbento ng mga pulis ang mga ebidensiya laban sa mga Saksi, hinatulan ng Tyumen Regional Court na nagkasala ang Tyumen LRO. Gayunman, noong Abril 15, 2016, binaligtad ng Supreme Court of the Russian Federation ang desisyon ng mababang korte, at ipinasiyang “walang dahilan para buwagin ang LRO ng mga Saksi ni Jehova sa Lunsod ng Tyumen.” Nang basahin ng hukom ang hatol, nagtayuan at nagpalakpakan ang 60 kapatid na nasa loob ng korte.

Determinado ang mga lingkod ni Jehova sa Russia na patuloy siyang sambahin sa kabila ng anumang “sandata na aanyuan laban sa [kanila].”—Isa. 54:17.

RWANDA | Karapatang Makapag-aral Nang Walang Diskriminasyon Dahil sa Relihiyon

Nitong nakalipas na mga taon, pinatalsik sa paaralan ang mga mag-aarál na Saksi sa Rwanda dahil ayaw nilang sumuporta sa mga relihiyoso o makabayang mga gawain sa paaralan. Para lutasin ang problemang ito, noong Disyembre 14, 2015, ang gobyerno ay naglabas ng isang utos na naglalayong alisin sa mga paaralan ang diskriminasyon dahil sa relihiyon. Ipinag-utos nito sa mga paaralan na respetuhin ang kalayaang sumamba ng mga estudyante.

Noong Hunyo 9, 2016, inilathala ng Newsroom ng jw.org ang isang artikulo na pinamagatang “Kinontra ng Rwanda ang Diskriminasyon sa Paaralan Dahil sa Relihiyon.” Kapansin-pansin, isang popular na online na pahayagan sa Rwanda ang muling nag-post ng artikulo. Di-nagtagal, mahigit 3,000 ang pumunta sa website ng pahayagan, at maraming mambabasa ang nag-post ng positibong mga komento tungkol sa ginawa ng gobyerno. Nagpapasalamat ang mga Saksi sa Rwanda sa utos na tumitiyak na ang kanilang mga anak ay makapag-aaral nang walang diskriminasyon dahil sa relihiyon.

Rwanda: Bumalik sila sa paaralan

SOUTH KOREA | Kalayaan ng Budhi—Pagtangging Magsundalo Udyok ng Budhi

Sa loob ng mahigit 60 taon, napapaharap ang mga lalaking Saksi sa South Korea na ang edad ay nasa pagitan ng 19 at 35 anyos sa usapin ng pagsusundalo. Hindi kinikilala ng gobyerno ng South Korea ang karapatang tumangging magsundalo udyok ng budhi, at wala itong iniaalok na alternatibong paglilingkod kahalili ng pagsusundalo. Sa ilang kaso, sunod-sunod na salinlahi ng mga Saksi—lolo, ama, at anak na lalaki—ang walang mapagpipilian kundi ang mabilanggo kapag tinawag na magsundalo.

Dalawang beses nang nagpasiya ang Constitutional Court na ang Military Service Law ay ayon sa konstitusyon, ngunit muling iniharap ng mabababang hukuman at ng mga lalaking pinarusahan ng batas na iyan ang usapin sa Constitutional Court. Dahil dito, noong Hulyo 9, 2015, dininig ng Korte ang mga argumento alang-alang sa mga tumatangging magsundalo udyok ng budhi. Ganito ang sabi ni Brother Min-hwan Kim, na nakulong nang 18 buwan dahil hindi siya pinapayagan ng kaniyang budhi na tumanggap ng pagsasanay-militar: “Pinarusahan ako at pinalaya. Pero umaasa ako na marami pang tumatangging magsundalo udyok ng budhi ang hindi na parurusahan. Kung papayagan silang magsagawa ng alternatibong paglilingkod, makatutulong sila sa komunidad.” Malapit nang ipahayag ng Constitutional Court ang desisyon nito.

TURKMENISTAN | Bahram Hemdemov

Si Brother Hemdemov, 53 anyos, ay may asawa at apat na anak na lalaki. Masigasig siya sa espirituwal at isang iginagalang na miyembro ng komunidad. Noong Mayo 2015, sinentensiyahan siya ng isang korte ng apat-na-taóng sapilitang pagtatrabaho sa bilangguan dahil sa pagdaraos ng “ilegal” na relihiyosong pagtitipon sa bahay niya. Ikinulong siya sa napakamiserableng labor camp sa bayan ng Seydi, kung saan isinailalim siya sa paulit-ulit na interogasyon at walang-awang pinagbubugbog. Gayunman, nanatili siyang tapat sa Diyos na Jehova, gayundin ang kaniyang pamilya. Sa pana-panahon, dinadalaw si Brother Hemdemov ng kaniyang asawang si Gulzira para patibayin siya.

Habang nakikita natin ang bayan ni Jehova na patuloy na pinatutunayan ang kanilang pagkamatapat sa ilalim ng pagsubok, ipanalangin natin sila. Inuudyukan din tayo ng kanilang halimbawa na patibayin ang ating katapatan sa Diyos, na nagtitiwala sa pangakong nasa Awit 37:28: “Hindi niya iiwan ang kaniyang mga matapat.”