Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KUWENTO 85

Isinilang si Jesus sa Kuwadra

Isinilang si Jesus sa Kuwadra

KILALA mo ba ang sanggol na ito? Oo, siya si Jesus. Kasisilang pa lang sa kaniya sa isang kuwadra. Ang kuwadra ay lugar na pinaglalagyan ng mga hayop. Inihiga ni Maria si Jesus sa sabsaban, na siyang pinaglalagyan ng pagkain ng mga hayop.

Bakit sila narito? Kasi, ang pinuno sa Roma ay nag-utos na lahat ay dapat umuwi sa lunsod na kanilang sinilangan para ipalista ang kanilang pangalan sa isang libro. Si Jose ay isinilang sa Betlehem. Pero nang dumating sila ni Maria, wala na silang matuluyan. Kaya dito sila napapunta sa mga hayop. At sa araw mismong ito, isinilang ni Maria si Jesus!

Nakikita mo ba ang mga pastol na dumadalaw kay Jesus? Nagaalaga sila ng kanilang tupa sa bukid, nang magpakita sa kanila ang isang anghel. Sinabi ng anghel: ‘Huwag kayong matakot! May mabuting balita ako. Sa araw na ito sa Betlehem, ang Kristong Panginoon ay isinilang.’ Biglang lumitaw ang maraming anghel at sila’y nag-awitan sa Diyos. Kaya umalis agad ang mga pastol para hanapin si Jesus, at ngayon ay nasumpungan nila siya.

Alam mo ba kung sino talaga si Jesus? Sa unang kuwento ng librong ito ay inilahad namin ang tungkol sa unang Anak ng Diyos. Ang Anak na ito ay tumulong kay Jehova sa paggawa ng langit at lupa at lahat ng iba pang bagay. Kaya, si Jesus ang Anak na iyon!

Oo, ang buhay ng kaniyang Anak sa langit ay inilipat ni Jehova sa tiyan ni Maria. Lumaki ang sanggol sa tiyan ni Maria, gaya ng ibang mga sanggol na lumalaki sa loob ng mga nanay nila. Pero ito ay Anak ng Diyos. Nakikita mo ba kung bakit tuwang-tuwa ang mga anghel sa pagsasabi na si Jesus ay isinilang na?