Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KUWENTO 57

Pinili ng Diyos si David

Pinili ng Diyos si David

NAKIKITA mo ba kung ano ang nangyari? Iniligtas ng bata ang korderong ito mula sa oso. Kakainin sana ng oso ang kordero, pero iniligtas ito ng bata. Pagkatapos ay pinatay ng bata ang oso! Sa isa pang pagkakataon ay iniligtas niya ang isang tupa mula sa leon. Hindi ba siya isang matapang na bata? Alam mo ba kung sino siya?

Siya ang batang si David. Nakatira siya sa Betlehem. Ang lolo niya ay si Obed, na anak nina Ruth at Boas. Naala-ala mo pa ba sila? Ang tatay ni David ay si Jesse. Inaalagaan ni David ang mga tupa ng kaniyang tatay. Ipinanganak siya 10 taon pagkatapos na mapili ni Jehova si Saul para maging hari.

Dumating ang panahon nang sabihin ni Jehova kay Samuel: ‘Kumuha ka ng espesyal na langis at pumunta ka sa bahay ni Jesse sa Betlehem. Isa sa kaniyang mga anak ang napili ko para maging hari.’ Nang makita ni Samuel ang panganay na anak ni Jesse na si Eliab, sinabi niya sa kaniyang sarili: ‘Tiyak na ito ang pinili ni Jehova.’ Pero sinabi sa kaniya ni Jehova: ‘Huwag mong tingnan ang kaniyang taas at kagandahan. hindi siya ang pinipili ko para maging hari.’

Kaya tinawag ni Jesse ang anak niyang si Abinadab, pero hindi rin siya ang napili ni Jehova. Sumunod ay inilabas ni Jesse ang anak niyang si Samma, pero hindi pa rin siya ang napili ni Jehova. Pitong anak ang iniharap ni Jesse kay Samuel, pero ni isa sa kanila ay walang napili si Jehova.

Sa wakas ay iniharap nila si David, ang pinakabunso. Sinabi ni Jehova: ‘Siya na nga. Pahiran n’yo siya ng langis.’ Kaya darating ang panahon na si David ang magiging hari sa Israel.