Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KUWENTO 70

Si Jonas at ang Malaking Isda

Si Jonas at ang Malaking Isda

TINGNAN mo ang lalaking nasa tubig. Lalamunin siya ng isda! Kilala mo ba ang lalaking ito? Jonas ang pangalan niya. Tingnan natin kung bakit siya napasuot sa panganib na ito.

Si Jonas ay propeta ni Jehova. Bago pa lang namamatay si Eliseo nang sabihin ni Jehova kay Jonas: ‘Pumunta ka sa Nineve. Napakasama ang mga tao roon, at gusto kong kausapin mo sila tungkol dito.’

Pero ayaw pumunta ni Jonas. Sumakay siya sa bapor na papalayo sa Nineve. Hindi natuwa si Jehova kaya nagpadala siya ng malakas na bagyo. Natakot ang mga tripulante na baka lumubog ang kanilang bapor. Nanalangin sila sa kanilang mga diyos.

Sa wakas, sinabi sa kanila ni Jonas: ‘Mananamba ako ni Jehova. Umiiwas ako sa ipinagagawa niya sa akin.’ Kaya nagtanong ang mga tripulante: ‘Ano ang dapat naming gawin para huminto ang bagyo?’

‘Ihagis n’yo ako sa dagat,’ sabi ni Jonas. Ayaw ng mga tripulante, pero lumalakas ang bagyo kaya napilitan din silang ihagis si Jonas sa dagat. Karaka-raka, huminto ang bagyo.

Nilamon si Jonas ng malaking isda. Pero hindi siya namatay. Tatlong araw at tatlong gabi siya sa loob ng isda. Abut-abot ang pagsisisi ni Jonas dahil sa sinuway niya si Jehova at hindi siya pumunta sa Nineve.

Nanalangin si Jonas kay Jehova. Kaya pinangyari ni Jehova na si Jonas ay iluwa ng isda sa tuyong lupa. Pagkatapos nito, nagpunta si Jonas sa Nineve. Hindi ba ito nagtuturo sa atin na mahalagang gawin ang anomang sinasabi ni Jehova?

Aklat ng Bibliya na Jonas.