KUWENTO 49
Huminto ang Araw
TINGNAN mo si Josue. Sinasabi niya: ‘Araw, huminto ka!’ Kaya, ang araw ay huminto sa buong maghapon. Si Jehova ang may gawa nito! Alamin natin kung bakit gusto ni Josue na pahintuin ang araw.
Nang ang limang masamang hari ay sumalakay, ang mga Gabaonita ay nagsugo ng isang lalaki upang humingi ng tulong kay Josue.
Agad-agad, si Josue at lahat ng kaniyang mga kawal ay pumaroon. Buong magdamag silang naglakad. Nang dumating sila sa Gabaon, nagtakbuhan ang mga sundalo ng hari. Pagkatapos ay nagpaulan si Jehova ng malakas na granizo, kaya mas maraming sundalo ang namatay sa granizo kaysa mga napatay ng sundalo ni Josue.
Nakikita ni Josue na lulubog na ang araw. Didilim na at marami sa mga sundalong kaaway ang makakatakas. Kaya hiniling niya kay Jehova na pahintuin ang araw. Kung gayon ang mga Israelita ay maaaring manalo sa labanan habang maliwanag pa.
Lahat-lahat, 31 masasamang hari ang napopoot sa bayan ng Diyos. Gumugol si Josue at ang kaniyang hukbo ng anim na taon para talunin sila. Pagkatapos, naipamahagi ni Josue ang lupain sa mga tribo na wala pang teritoryo.
Pagkaraan ng maraming taon, namatay si Josue sa edad na 110. Nang siya at ang mga kaibigan niya ay nabubuhay pa, ang bayan ay sumusunod sa Diyos. Pero nang mamatay ang mabubuting mga taong ito, ang bayan ay nagsimulang gumawa ng masama kaya sila ay napahamak. Lalo nila ngayong kinailangan ang tulong ng Diyos.