Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KUWENTO 3

Ang Unang Lalaki’t Babae

Ang Unang Lalaki’t Babae

ANO ang naiiba sa larawang ito? Oo, may mga tao dito. Sila ang unang lalaki at babae. Sino ang gumawa sa kanila? Ang Diyos. Alam mo ba ang pangalan niya? Iyon ay Jehova. Ang lalaki at babae ay tinawag na Adan at Eba.

Ganito ang ginawa ng Diyos nang lalangin niya si Adan. Kumuha siya ng alabok sa lupa at mula dito ay ginawa niya ang isang sakdal na katawan, katawan ng isang lalaki. Pagkatapos ay hinipan niya ang ilong ng lalaki, kaya si Adan ay nabuhay.

Sinabi ni Jehova kay Adan na bigyan ng pangalan ang lahat ng iba’t-ibang mga hayop. Marahil matagal din silang pinagmasdan ni Adan, para mapili niya ang pinakamabuting pangalan para sa kanila. Pagkatapos ay may nakita si Adan. Alam mo ba kung ano iyon?

Lahat ng mga hayop ay may asawa. May mga elepanteng tatay at elepanteng nanay, at may mga tatay na leon at nanay na leon. Pero si Adan ay walang asawa. Kaya si Adan ay binigyan ng Diyos ng mahimbing na tulog. Kumuha ang Diyos ng tadyang sa tagiliran ni Adan, at ginawa ito na isang babae para sa kaniya. Ito ang naging asawa ni Adan.

Masayang-masaya na ngayon sina Adan at Eba. Puwede na silang magkaanak at mabuhay nang maligaya.

Gusto ni Jehova na sina Adan at Eba ay mabuhay magpakailanman. Gusto niya na kanilang pagandahin ang buong lupa na gaya ng hardin ng Eden. Gusto mo bang sumali sa pagpapaganda sa lupa para ito ay maging isang magandang hardin? Pero ang kaligayahan nina Adan at Eba ay hindi nagtagal. Tingnan natin kung bakit.