Ang Pangalan ng Diyos—Kahulugan at Bigkas
Ang Pangalan ng Diyos—Kahulugan at Bigkas
ISA sa mga manunulat ng Bibliya ang nagtanong: “Sino ba ang pumisan ng hangin sa kaniyang mga kamay? Sino ang bumalot ng tubig sa kaniyang kasuotan? Sino ang nagpaangat sa lahat ng mga dulo ng lupa? Ano ba ang kaniyang pangalan at ano ang pangalan ng kaniyang anak, kung alam mo?” (Kawikaan 30:4) Paano natin malalaman ang pangalan ng Diyos? Mahalagang tanong iyan. Ang paglalang ay mariing patotoo na umiiral ang Diyos, nguni’t dito’y hindi natin malalaman ang kaniyang pangalan. (Roma 1:20) Oo, hindi natin malalaman ang pangalan ng Diyos maliban na sabihin sa atin ng Maylikha mismo. At ito’y sinasabi niya sa atin sa kaniyang sariling Aklat, ang Banal na Bibliya.
Minsan, binigkas ng Diyos ang kaniyang sariling pangalan, at inulit-ulit sa pandinig ni Moises. Isinulat ni Moises ang tungkol sa pangyayaring iyon at iningatan sa Bibliya hanggang sa araw na ito. (Exodo 34:5) Ang kaniyang pangalan ay isinulat pa man din ng Diyos ng sarili niyang “daliri.” Nang ibinigay niya kay Moises ang tinatawag natin ngayon na Sampung Utos, makahimalang isinulat pa iyon ng Diyos. Sinasabi ng ulat: “Ngayon pagkatapos na makipag-usap sa kaniya [ang Diyos] sa Bundok Sinai kaniyang binigyan si Moises ng dalawang tapyas ng Patotoo, mga tapyas ng bato na sinulatan ng daliri ng Diyos.” (Exodo 31:18) Ang pangalan ng Diyos ay lumilitaw nang walong beses sa orihinal na Sampung Utos. (Exodo 20:1-17) Ganiyan isiniwalat ng Diyos sa tao ang kaniyang pangalan kapuwa nang berbalan at sa sulat. Ano ba ang pangalang iyon?
Sa wikang Hebreo ay nakasulat iyon na יהוה. Ang apat na letrang ito, tinatawag na Tetragrammaton, ay binabasa mula sa kanan pakaliwa sa Hebreo at ang katumbas sa maraming modernong wika ay YHWH o JHVH. Ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig na ito, ay lumilitaw nang halos 7,000 ulit sa orihinal na “Matandang Tipan,” o Kasulatang Hebreo.
Ang pangalan ay isang anyo ng isang pandiwang Hebreo na ha·wahʹ (הוה), na ang kahulugan ay “maging,” at aktuwal na nangangahulugang “Kaniyang Pinapangyayari na Maging.” a Sa gayon, ang pangalan ng Diyos ay nagpapakilala sa kaniya bilang ang Isa na pasulong na tumutupad ng kaniyang mga pangako at walang pagkabigong layunin. Ang tunay na Diyos lamang ang makapagtataglay ng gayong makahulugang pangalan.
Natatandaan mo ba ang iba’t-ibang paraan ng paglitaw ng pangalan ng Diyos sa Awit 83:18, na nasa naunang seksiyon (pahina 5)? Dalawa sa mga saling iyon ay may titulo lamang (“ang PANGINOON,” ang “Walang-Hanggan”) na inihalili sa pangalan ng Diyos. Nguni’t sa dalawa, Yahweh at Jehova, makikita mo ang apat na letra ng pangalan ng Diyos. Subali’t, ang bigkas ay iba. Bakit?
Paano ba ang Bigkas ng Pangalan ng Diyos?
Walang sinuman na tiyakang nakakaalam kung paano unang-unang binigkas ang pangalan ng Diyos. Bakit ganoon? Hebreo ang unang wika na ginamit sa pagsulat ng Bibliya, at sa pagsulat sa Hebreo, ang isinusulat ng mga manunulat ay mga katinig lamang—hindi mga patinig. Kaya, nang isulat ng kinasihang mga manunulat ang pangalan ng Diyos, natural na ganoon din ang gawin nila at mga katinig lamang ang isinulat nila.
Habang ang sinaunang Hebreo ang ginagamit
na wika sa araw-araw, walang problema. Ang bigkas ng Pangalan ay alam na alam ng mga Israelita at pagka nakita nila ito na nakasulat, sila na ang naglalagay ng mga patinig nang hindi na nila iniisip pa (kung paano, para sa bumabasa ng Ingles, ang daglat na “Ltd.” ay “Limited” at ang “bldg.” ay “building”).Dalawang bagay ang bumago ng kalagayang ito. Una, nagkaroon ang mga Judio ng pamahiin na masamang sabihin nang malakas ang banal na pangalan, kaya pagka mayroon nito sa kanilang binabasa sa Bibliya ang binibigkas nila ay ang salitang Hebreo na ’Adho·naiʹ (“Soberanong Panginoon”). At, sa paglakad ng panahon, ang sinaunang wikang Hebreo ay hindi na ginagamit sa araw-araw, kaya ang orihinal na bigkas sa Hebreo ng pangalan ng Diyos ay nakalimutan.
Upang ang pagbigkas sa buong wikang Hebreo ay hindi makalimutan, ang mga iskolar na Judio noong ikalawang bahagi ng unang milenyo C.E. ay umimbento ng isang sistema ng mga puntos upang kumatawan sa mga patinig na hindi isinusulat, at kanilang inilagay ang mga ito sa palibot ng mga katinig sa Bibliyang Hebreo. Kaya, kapuwa ang mga patinig at katinig ay isinulat, at ang bigkas niyaon ay naingatan noon.
Pagdating sa pangalan ng Diyos, sa halip na ilagay sa palibot niyaon ang wastong mga puntos ng patinig, malimit na ang inilalagay nila ay mga ibang puntos ng patinig upang ipaalaala sa mambabasa na ang dapat niyang sabihin ay ’Adho·naiʹ. Dito nanggaling ang baybay o ispeling na Iehouah, at, sa wakas, Jehovah ang tinanggap na bigkas ng banal na pangalan sa Ingles. Taglay pa rin nito ang mahalagang mga bahagi ng pangalan ng Diyos sa orihinal na Hebreo.
Aling Bigkas ang Gagamitin Mo?
Nguni’t, saan galing ang bigkas na gaya ng Yahweh? Mga anyo ito na iminungkahi ng mga modernong iskolar na nanghihinuha kung ano ang orihinal na bigkas ng pangalan ng Diyos. Ang iba—bagaman
hindi lahat—ay naniniwala na ang mga Israelita bago noong panahon ni Jesus ay baka Yahweh ang bigkas sa pangalan ng Diyos. Walang nakatitiyak. Baka ganoon ang bigkas nila, baka hindi ganoon.Gayunman, ang bigkas na Jehova (sa Tagalog naman) ang gusto ng marami. Bakit? Sapagka’t ginagamit at kilala ito ng karamihan, di-gaya ng Yahweh. Hindi baga mas mabuting gamitin ang anyo na baka mas malapit sa orihinal na bigkas? Hindi, sapagka’t hindi ganiyan ang kaugalian sa mga pangalan sa Bibliya.
Ipaghalimbawa natin ito sa pangalan ni Jesus. Alam mo ba kung ano ang pang-araw-araw na tawag kay Jesus ng pamilya at mga kaibigan niya nang siya’y lumalaki sa Nazaret? Walang taong tiyakang nakakaalam niyan, bagaman baka nahahawig sa Yeshua (o marahil Yehoshua). Tiyak na hindi Jesus.
Nang isulat sa Griego ang kaniyang talambuhay, hindi ang orihinal na bigkas Hebreo ang inilagay roon ng kinasihang mga manunulat. Ang ginamit nila ay ang pangalan sa Griego, I·e·sousʹ. Ngayon, iba rin ang ginagamit at kaayon iyon ng wika ng bumabasa ng Bibliya. Ang mga mambabasa ng Bibliyang Kastila ay Jesús (binibigkas
na Hes·soosʹ). Ang ispeling Italyano ay Gesù (binibigkas na Djay·zooʹ). Ang ispeling ng mga Aleman ay Jesus (binibigkas na Yayʹsoos).Dapat ba tayong huminto ng paggamit ng pangalan ni Jesus dahil sa karamihan sa atin, o lahat pa nga sa atin, ay hindi talagang nakakaalam ng orihinal na bigkas niyaon? Wala pang tagapagsalin na nagmumungkahi ng ganiyan. Ibig nating gamitin ang pangalan, sapagka’t ipinakikilala nito ang sinisintang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, na naghandog ng kaniyang buhay para sa atin. Pagpaparangal ba kay Jesus kung aalisin sa Bibliya ang lahat ng kaniyang pangalan at hahalinhan iyon ng isang titulo lamang na gaya ng “Guro,” o “Tagapamagitan”? Hindi! May masasabi tayong kaugnayan kay Jesus pagka ginamit natin ang kaniyang pangalan ayon sa karaniwang bigkas sa ating wika.
Ganiyan din ang masasabi tungkol sa lahat ng pangalan na nababasa natin sa Bibliya. Ang bigkas natin ay ayon sa ating wika at hindi natin ginagaya ang orihinal na bigkas. Ang bigkas natin ay “Jeremias,” hindi Yir·meyaʹhu. Ang bigkas natin ay Isaias, bagaman noong kaniyang kaarawan malamang na ang propetang ito ay tinatawag na Yeshaʽ·yaʹhu. Maging ang mga iskolar man na may alam sa orihinal na bigkas ng mga pangalang ito ay yaong modernong bigkas ang ginagamit, hindi ang sinauna.
Totoo rin iyan sa pangalang Jehova. Bagaman ang modernong bigkas na Jehova ay baka hindi ang eksaktong bigkas niyan sa orihinal, hindi ito nakakabawas sa kahalagahan ng pangalan. Ipinakikilala nito ang Maylikha, ang Diyos na buháy, ang Kataastaasan na pinagsabihan ni Jesus: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo.”—Mateo 6:9.
‘Ito’y Hindi Maaaring Halinhan’
Bagaman maraming tagapagsalin ang sang-ayon sa bigkas na Yahweh, ang New World Translation at ang iba pang mga b
salin ay patuloy na gumagamit ng anyo na Jehova dahil sa ito ang nakasanayan na ng mga tao nang daan-daang taon. At, narito, gaya rin ng mga ibang anyo, ang apat na letra ng Tetragrammaton, YHWH o JHVH.Mas maaga, ang propesor Aleman na si Gustav Friedrich Oehler ay ganiyan din ang pasiya batay sa kaparehong dahilan. Tinalakay niya ang iba’t-ibang bigkas at ang sabi: “Buhat dito patuloy kong ginagamit ang salitang Jehova, sapagka’t, ang totoo, ang pangalang ito ay naging lalong natural ngayon sa ating talasalitaan, at hindi ito maaaring halinhan.”—Theologie des Alten Testaments (Teolohiya ng Matandang Tipan), ikalawang edisyon, lathala noong 1882, pahina 143.
Sa kaniyang Grammaire de l’hébreu biblique (Balarila ng Hebreo ng Bibliya), 1923 edisyon, sa isang talababa sa pahina 49, sinabi ng Jesuitang iskolar na si Paul Joüon: “Sa aming mga salin, sa halip na yaong (hipotetikong) anyong Yahweh, aming ginamit ang anyong Jéhovah . . . na siyang karaniwang anyo na ginagamit sa Pranses.” Sa marami pang mga ibang wika isang nahahawig na anyo ang ginagamit ng mga tagapagsalin ng Bibliya, gaya ng makikita sa kahon sa pahina 8.
Mali ba na gamitin ang isang anyo na gaya baga ng Yahweh? Hindi. Kaya lamang ay ang anyong Jehova ang malamang na makapukaw agad sa mambabasa sapagka’t nasa anyong “natural” sa karamihan ng wika. Ang mahalaga ay gamitin natin ang pangalan at ihayag ito sa mga iba. “Magpasalamat kayo kay Jehova, kayong mga tao! Kayo’y magsitawag sa kaniyang pangalan. Itanyag ninyo sa mga bayan ang kaniyang mga gawa. Sabihin ninyo na ang kaniyang pangalan ay dakila.”—Isaias 12:4.
Tingnan natin kung paano kumilos ang mga lingkod ng Diyos kasuwato ng utos na iyan sa nakalipas na daan-daang taon.
[Mga talababa]
a Tingnan ang Appendix 1A sa New World Translation of the Holy Scriptures, 1984 edisyon.
b Tingnan ang Appendix 1A sa New World Translation of the Holy Scriptures, 1984 edisyon.
[Kahon sa pahina 7]
Ang mga iskolar ay iba-iba ang ideya tungkol sa orihinal na bigkas ng pangalang YHWH.
Sa The Mysterious Name of Y.H.W.H., pahina 74, sinabi ni Dr. M. Reisel na ang “vocalisation ng Tetragrammaton ay tiyak na sa orihinal YeHūàH o YaHūàH.”
Si Canon D. D. Williams ng Cambridge ay naniniwala na “ipinakikita ng ebidensiya, halos pinatutunayan, na hindi Jāhwéh ang tunay na bigkas ng Tetragrammaton . . . Ang Pangalan mismo ay marahil JĀHÔH.”—Zeitschrift für die alttestamentliche Wissenschaft (Peryodiko para sa Kaalaman sa Matandang Tipan), 1936, Tomo 54, pahina 259.
Sa glosario ng Pranses na Revised Segond Version, pahina 9, ganito ang komento: “Ang bigkas na Yahvé na nasa mga ibang salin kamakailan ay salig sa mga ilang sinaunang saksi, nguni’t hindi kapanipaniwala. Kung isasaalang-alang ang personal na mga pangalan na kasali na rito ang banal na pangalan, gaya baga ng pangalang Hebreo ng propetang si Elias (Eliyahou) ang bigkas ay maaaring Yaho o Yahou.”
Noong 1749 ang Alemang iskolar ng Bibliya na si Teller ay bumanggit ng mga ilang iba’t-ibang bigkas ng pangalan ng Diyos na kaniyang nabasa: “Sina Diodorus na taga-Sicily, Macrobius, Clemens Alexandrinus, San Jerome at Origenes ay Jao ang isinulat; ang mga Samaritano, si Epiphanius, Theodoretus, Jahe, o Jave; si Ludwig Cappel ay Javoh; si Drusius, Jahve; Hottinger, Jehva; Mercerus, Jehovah; Castellio, Jovah; at le Clerc, Jawoh, o Javoh.”
Maliwanag na ang orihinal na bigkas ng pangalan ng Diyos ay hindi na alam. Hindi mahalaga iyan. Sapagka’t kung hindi, di sana’y iningatan iyon ng Diyos para magamit natin. Ang mahalaga’y gamitin ang pangalan ng Diyos ayon sa karaniwang bigkas niyaon sa ating wika.
[Kahon sa pahina 8]
Mga anyo ng banal na pangalan sa iba’t-ibang wika, na nagpapakita na tinatanggap sa buong daigdig ang anyong Jehova
Aleman - Jehova
Awabakal - Yehóa
Bugotu - Jihova
Cantonese - Yehwowah
Danes - Jehova
Efik - Jehovah
Fihiyano - Jiova
Futuna - Ihova
Hapones - Ehoba
Hungaryo - Jehova
Igbo - Jehova
Ingles - Jehovah
Italyano - Geova
Kastila - Jehová
Maori - Ihowa
Motu - Iehova
Mwala-Malu - Jihova
Narrinyeri - Jehovah
Nembe - Jihova
Olandes - Jehovah
Petats - Jihouva
Pinlandes - Jehova
Polako - Jehowa
Portuges - Jeová
Pranses - Jéhovah
Romaniano - Iehova
Samoano - Ieova
Sotho - Jehova
Swahili - Yehova
Sweko - Jehova
Tahitiano - Iehova
Tagalog - Jehova
Tongan - Jihova
Venda - Yehova
Xhosa - uYehova
Yoruba - Jehofah
Zulu - uJehova
[Kahon sa pahina 11]
Ang “Jehova” ay kilalang-kilala bilang ang pangalan ng Diyos maging sa mga konteksto man na di-Biblikal.
Si Franz Schubert ang kompositor ng musika para sa liriko na pinamagatang “The Almightiness,” na isinulat ni Johann Ladislav Pyrker, at makalawang lumilitaw dito ang pangalang Jehova. Ginagamit din ito sa dulo ng huling eksena ng opera ni Verdi na “Nabucco.”
At, sa oratoriong “King David” ng kompositor Pranses na si Arthur Honegger ay litaw ang pangalang Jehova, at mahigit na 30 beses ginamit ito ng kilalang autor Pranses na si Victor Hugo sa kaniyang mga katha. Sila ni Lamartine ay kapuwa sumulat ng mga tula na pinamagatang “Jehovah.”
Sa aklat na Deutsche Taler (Ang Sinsilyong Aleman), na lathala noong 1967 ng Federal Bank ng Alemanya, may isang larawan ng isa sa pinakamatatandang barya na may taglay ng pangalang “Jehova,” isang Reichstaler noong 1634 buhat sa Duchy ng Silesia. Tungkol sa larawan sa kabilang mukha ng barya, sinasabi: “Sa ilalim ng maningning na pangalang JEHOVA, sumisikat sa gitna ng mga alapaap, ay narito ang isang kalasag na may korona at kutamaya ng Silesia.”
Sa isang museo sa Rudolstadt, Silangang Alemanya, makikita mo sa kuwelyo ng kagayakang baluti na minsa’y isinuot ni Gustavus II Adolph, isang hari ng Sweden noong ika-17 siglo, ang pangalang JEHOVA sa malalaking titik.
Samakatuwid, kung mga ilang siglo na ang anyong Jehova ang kinikilala sa buong daigdig bilang bigkas sa pangalan ng Diyos, at agad nakikilala ng mga taong nakakarinig kung sino ang tinutukoy. Gaya ng sinabi ni Propesor Oehler, “Ang pangalang ito ay naging lalong natural ngayon sa ating talasalitaan, at hindi ito maaaring halinhan.”—Theologie des Alten Testaments (Teolohiya ng Matandang Tipan).
[Larawan sa pahina 6]
Larawan ng isang anghel na may taglay na pangalan ng Diyos, natagpuan sa libingan ni Papa Clement XIII sa St. Peter’s Basilica, Vaticano
[Larawan sa pahina 7]
Maraming sinsilyo ang ginawa na may taglay na pangalan ng Diyos. Ito’y may petsang 1661 at galing sa Nuremberg, Alemanya. Ang tekstong Latin ay: “Sa ilalim ng anino ng iyong mga bagwis”
[Mga larawan sa pahina 9]
Noong nakalipas, ang pangalan ng Diyos sa anyong Tetragrammaton ay ginawang bahagi ng dekorasyon ng maraming gusali ng relihiyon
Fourvière Katolikong Basilica, Lyons, Pransiya
Katedral ng Bourges, Pransiya
Simbahan sa La Celle, Dunoise, Pransiya
Simbahan sa Digne, timugang Pransiya
Simbahan sa São Paulo, Brazil
Katedral sa Strasbourg, Pransiya
Katedral ni San Marcos, Venice, Italya
[Mga larawan sa pahina 10]
Ang pangalan ni Jehova sa isang monasteryo sa Bordesholm, Alemanya;
sa isang sinsilyong Aleman na may petsang 1635;
sa itaas ng pinto sa isang simbahan sa Fehmarn, Alemanya;
at sa isang lapida noong 1845 sa Harmannschlag, Lower Austria