Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Sambahin Nawa ang Pangalan Mo”—Anong Pangalan?

“Sambahin Nawa ang Pangalan Mo”—Anong Pangalan?

“Sambahin Nawa ang Pangalan Mo”—Anong Pangalan?

ISA ka bang relihiyoso? Tiyak, gaya ng marami, ikaw ay naniniwala sa isang Kataastaasang Persona. Malamang na lubhang iginagalang mo ang tanyag na panalangin sa Personang iyan, na itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod at tinatawag na Panalangin ng Panginoon, o Ama Namin. Nagsisimula iyon na ganito: “Ama namin na nasa langit, sambahin nawa ang pangalan mo.”​—Mateo 6:​9, New International Version.

Nagtataka ka ba kung bakit sa panalanging ito’y iniuna ni Jesus ang ‘pagsamba,’ o pagbanal, sa pangalan ng Diyos? Pagkatapos, binanggit niya ang iba pa tulad baga ng pagdating ng Kaharian ng Diyos, pagkaganap ng kalooban ng Diyos sa lupa at pagpapatawad sa ating mga kasalanan. Ang katuparan ng mga iba pang kahilingang ito ay mangangahulugan ng pag-iral ng walang hanggang kapayapaan sa lupa at buhay na walang hanggan para sa tao. Mayroon pa bang mas mahalaga riyan? Gayunman, ang unang ipinahihiling ni Jesus sa atin ay ang pagbanal sa pangalan ng Diyos.

Hindi nagkataon lamang na itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na sa kanilang panalangin ay ilagay na una ang pangalan ng Diyos. Ang pangalang iyan ay napakahalaga sa kaniya, sapagka’t inulit-ulit niya iyan sa kaniyang mga panalangin. Minsan nang nananalangin siya sa Diyos sa madla, sinabi niya: “Ama luwalhatiin mo ang iyong pangalan!” Sumagot ang Diyos mismo: “Niluwalhati ko na, at muli kong luluwalhatiin.”​—Juan 12:​28, The Jerusalem Bible.

Nang gabi bago namatay si Jesus, narinig ng mga alagad ang panalangin niya sa Diyos, at doo’y itinampok niya uli ang pangalan ng Diyos. Aniya: “Ipinakilala ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan.” Nang huli, inulit niya: “Ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan at patuloy na ipakikilala ko.”​—Juan 17:​6, 26, JB.

Bakit napakahalaga kay Jesus ang pangalan ng Diyos? Bakit niya ipinakita na iyon ay mahalaga para sa atin, din naman, nang sabihin niya na ipanalangin na pakabanalin iyon? Kailangan dito na malaman natin kung ano ang pagkakilala sa mga pangalan noong panahon na tinutukoy sa Bibliya.

Ang mga Pangalan Noong Panahon na Tinutukoy sa Bibliya

Maliwanag na nilagyan ng Diyos na Jehova ang tao ng hangarin na panganlan ang mga bagay. Ang unang tao ay may pangalan, Adan. Sa salaysay ng paglalang, sinasabing isa sa unang ginawa ni Adan ay bigyang-pangalan ang mga hayop. Nang bigyan ng Diyos ng asawa si Adan, agad tinawag ito ni Adan na “Babae” (’Ish·shahʹ, sa Hebreo). Pagkatapos, kaniyang pinanganlan ito na Eva, ibig sabihin ay “Isang Nabubuhay,” sapagka’t “siya ang naging ina ng lahat ng nabubuhay.” (Genesis 2:​19, 23; 3:​20) Ngayon ay binibigyan din natin ng mga pangalan ang mga tao. Mahirap gunigunihin kung ano ang magagawa natin kung walang mga pangalan.

Noong panahon ng mga Israelita, ang pangalan ay hindi lamang basta pangalan. May kahulugan iyon. Halimbawa, ang pangalan ni Isaac, “Pagtawa,” ay nagpapagunita ng pagtawa ng kaniyang matatanda nang mga magulang nang unang malaman nila na magkakaanak sila. (Genesis 17:​17, 19; 18:​12) “Balbon” ang kahulugan ng pangalan ni Esau. Ang iba pang pangalan niya, na Edom, “Pula,” o “Namumula,” ay nagpapaalaala na ang kaniyang karapatan sa pagkapanganay ay ipinagbili niya kapalit ng isang pinggang lutuin. (Genesis 25:​25, 30-34; 27:​11; 36:1) Si Jacob, na mas bata sa kaniyang kakambal, si Esau, ang bumili rito ng karapatan sa pagkapanganay at tumanggap ng kalakip na pagpapala buhat sa kaniyang ama. Ang kahulugan ng pangalan ni Jacob ay “Humahawak sa Sakong” o “Humalili.” (Genesis 27:​36) Ang kahulugan ng pangalan ni Salomon, na nang naghahari’y kapayapaan at kasaganaan ang tinatamasa ng Israel, ay “Mapayapa.”​—1 Cronica 22:9.

Ganito ang sabi ng The Illustrated Bible Dictionary (Tomo 1, pahina 572): “Ang pag-aaral ng salitang ‘pangalan’ sa M[atandang] T[ipan] ay nagsisiwalat kung gaano ang lawak ng kahulugan nito sa Hebreo. Ang pangalan ay hindi basta pangalan, kundi tumutukoy sa tunay na pagkatao ng may pangalan.”

Na mahalaga sa Diyos ang mga pangalan ay pinatutunayan ng bagay na, sa pamamagitan ng isang anghel, kaniyang sinabihan ang magiging mga magulang nina Juan Bautista at Jesus ng ipapangalan nila sa kanilang mga anak na ito. (Lucas 1:​13, 31) At kung minsan ay binabago niya ang mga pangalan, o binibigyan niya ng karagdagang mga pangalan ang mga tao, upang ipakita ang kanilang dako sa kaniyang layunin. Halimbawa, nang sabihin ng Diyos na ang kaniyang lingkod na si Abram (“Ama ng Pagkakataas”) ay magiging ama ng maraming bansa binago Niya ang pangalan nito at ginawang Abraham (“Ama ng Karamihan”). Kaniyang binago ang pangalan ng asawa ni Abraham, Sarai (“Palakontra”), at naging Sara (“Prinsesa”), sapagka’t siya ang magiging ina ng binhi ni Abraham.​—Genesis 17:​5, 15, 16; ihambing ang Genesis 32:​28; 2 Samuel 12:​24, 25.

Minahalaga rin ni Jesus ang mga pangalan at tinukoy niya ang pangalan ni Pedro sa pagbibigay dito ng pribilehiyo sa paglilingkod. (Mateo 16:​16-19) Kahit ang mga espiritung nilalang ay may mga pangalan. Ang dalawang binanggit sa Bibliya ay si Gabriel at si Miguel. (Lucas 1:​26; Judas 9) Pagka pinanganlan ng tao ang mga bagay na gaya baga ng mga bituin, planeta, bayan, bundok at mga ilog, kaniyang ginagaya ang kaniyang Maylikha. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya na lahat ng bituin ay tinatawag ng Diyos sa pangalan.​—Isaias 40:26.

Oo, ang pangalan ay mahalaga sa Diyos, at inilagay niya sa tao ang hangarin na makilala ang mga tao at mga bagay sa pamamagitan ng mga pangalan. Ang mga anghel, tao, hayop, pati mga bituin at iba pa, ay may mga pangalan. Katugma ba nito kung ang Maylikha ng lahat na ito ay hindi magtataglay sa sarili niya ng pangalan? Siempre hindi, sa liwanag ng sinabi ng salmista: “Purihin ng lahat ng laman ang banal na pangalan [ng Diyos] hanggang sa panahong walang takda, samakatuwid nga ay magpakailanman.”​—Awit 145:21.

Sinasabi ng The New International Dictionary of New Testament Theology (Tomo 2, pahina 649): “Isa sa pinakamahalaga at lubhang kailangan na katangian ng pagsisiwalat ng Bibliya ay yaong katotohanan na ang Diyos ay may pangalan: siya’y may personal na pangalan, na sa pamamagitan nito siya ay maaari, at kailangan, na tawagan.” Iyan ang pangalang nasa isip ni Jesus nang turuan niya ang mga alagad niya na manalangin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo.”​—Mateo 6:9.

Kung gayon, mahalaga na malaman natin kung ano ang pangalan ng Diyos. Alam mo ba ang personal na pangalan ng Diyos?

Ano ang Pangalan ng Diyos?

Kataka-taka, karamihan ng daan-daang milyong miyembro ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay marahil mahihirapan na sagutan ang tanong na iyan. May magsasabi na Jesu-Kristo ang pangalan ng Diyos. Subali’t si Jesus ay hindi sa sarili niya nananalangin nang sabihin niya: “Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan.” (Juan 17:6) Siya’y nananalangin noon sa Diyos sa langit, gaya ng isang anak na nakikipag-usap sa kaniyang ama. (Juan 17:1) Ang pangalan ng kaniyang makalangit na Ama ang kailangan na “sambahin,” o “pakabanalin.”

Gayunman sa maraming modernong Bibliya ay wala ang pangalan, at pambihirang gamitin sa mga simbahan. Sa halip na “sambahin,” ito’y hindi kilala ng milyun-milyong mambabasa ng Bibliya. Bilang halimbawa ng pakikitungo sa pangalan ng Diyos ng mga tagapagsalin ng Bibliya, tingnan natin ang isa lamang talata na mayroon nito: Awit 83:​18. Ganito ang pagkasalin sa talatang ito sa apat na iba’t-ibang Bibliya:

“Hayaang maalaman nila na ikaw lamang, na ang pangalan ay ang PANGINOON, ang Kataastaasan sa buong lupa.” (Revised Standard Version ng 1952)

“Upang ituro sa kanila na ikaw, Oh Walang-Hanggan, ikaw ang Diyos na Kataastaasan sa buong sanlibutan.” (A New Translation of the Bible, ni James Moffatt, ng 1922)

“Hayaang maalaman nila ito: ikaw lamang ang may pangalang Yahweh, Kataastaasan sa buong sanlibutan.” (Katolikong Jerusalem Bible ng 1966)

“Upang maalaman ng mga tao na ikaw lamang, na ang tanging pangalan ay JEHOVA, ang kataastaasan sa buong lupa.” (Authorized, o King James, Version ng 1611)

Bakit ang pangalan ng Diyos ay iba-iba sa mga saling ito? Ang kaniya bang pangalan ay PANGINOON, ang Walang-Hanggan, Yahweh o Jehova? O lahat ba nito ay dapat tanggapin?

Para masagot ito, tandaan na ang orihinal na Bibliya ay hindi isinulat sa Ingles o sa Tagalog. Ang mga manunulat ng Bibliya ay mga Hebreo, at karamihan nito ay isinulat nila sa mga wikang Hebreo at Griego noong kanilang kaarawan. Karamihan sa atin ay hindi nagsasalita ng sinaunang mga wikang iyan. Nguni’t ang Bibliya ay isinalin sa maraming modernong mga wika, at magagamit natin ang mga saling ito kung ibig nating basahin ang Salita ng Diyos.

Ang mga Kristiyano ay may matinding paggalang sa Bibliya at naniniwala sila na “lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” (2 Timoteo 3:​16) Ang pagsasalin sa Bibliya ay isang mabigat na pananagutan. Kung kusang binago o kinaltas ng sinuman ang ano mang bahagi ng Bibliya, kaniyang pinanghihimasukan ang kinasihang Salita. Kumakapit sa kaniya ang babala ng Kasulatan: “Kung daragdagan ninuman ang mga bagay na ito, idaragdag sa kaniya ng Diyos ang mga salot na nasusulat sa balumbon na ito; at kung babawasan ninuman ang mga salita ng balumbon ng hulang ito, aalisin ng Diyos ang kaniyang bahagi sa mga punungkahoy ng buhay.”​—Apocalipsis 22:​18, 19; tingnan din ang Deuteronomio 4:2.

Tiyak na karamihan ng tagapagsalin ng Bibliya ay gumagalang sa Bibliya at taimtim sila sa hangaring gawing kauna-unawa ito sa modernong panahong ito. Nguni’t sila’y hindi kinasihan. Marami sa kanila ang may matinding opinyon tungkol sa relihiyon at baka naiimpluwensiyahan ng sariling mga kuru-kuro at kagustuhan. Baka sila magkamali rin pati sa paghatol.

Kaya, may katuwirang magtanong: Ano ang talagang pangalan ng Diyos? Bakit ang iba’t-ibang tagapagsalin ng Bibliya ay may iba’t-ibang pangalan para sa Diyos? Pagkatapos na masagot ang mga tanong na ito, makababalik tayo sa ating unang-unang tanong: Bakit napakahalaga ang pagbanal sa pangalan ng Diyos?

[Blurb sa pahina 4]

Ang mga anghel, tao, hayop, pati mga bituin at iba pa ay may mga pangalan. Katugma ba nito kung ang Maylikha ng lahat na ito ay walang pangalan?

[Blurb sa pahina 5]

Ang pangalan ng Diyos ay napakahalaga kay Jesus, sapagka’t inulit-ulit niya iyan sa kaniyang mga panalangin