Ang Buhay sa Mapayapang Bagong Sanlibutan
Ang Buhay sa Mapayapang Bagong Sanlibutan
Pagka minasdan mo ang larawan sa tract na ito, ano ang iyong nadarama? Hindi ba minimithi mo ang kapayapaan, kaligayahan, at kasaganaan na nakikita mo rito? Tiyak na ganiyan nga. Ngunit isa ba lamang panaginip, o pangarap, na maniwalang iiral sa lupa ang mga kalagayang ito?
Ganiyan ang paniwala ng maraming mga tao. Ang nasasaksihan ngayon ay digmaan, krimen, gutom, sakit, pagtanda—at ilan lamang iyan. Subalit may dahilan para umasa. Sa pagtanaw sa hinaharap, ibinabalita ng Bibliya ang isang “bagong langit at isang bagong lupa na hinihintay natin ayon sa pangako [ng Diyos], at sa mga ito’y tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:13; Isaias 65:17.
Ang “bagong langit” at “bagong lupa” na ito, ayon sa Bibliya, ay hindi isang bagong materyal na langit o bagong literal na lupa. Ang pisikal na lupa at langit ay ginawang sakdal, at ipinakikita ng Bibliya na ito’y mananatili magpakailanman. (Awit 89:36, 37; 104:5) Ang “bagong lupa” ay isang matuwid na lipunan ng mga taong naninirahan sa lupa, at ang “bagong langit” ay isang sakdal na makalangit na kaharian, o pamahalaan, na mamamahala sa makalupang lipunang ito ng mga tao. Subalit makatotohanan bang maniwala na posible ang “isang bagong lupa,” o maluwalhating bagong sanlibutan?
Bueno, pag-isipan na ang gayong sakdal na mga kalagayan ay siyang layunin noong una ng Diyos para sa lupang ito. Ang unang mag-asawa ay inilagay niya sa makalupang Paraiso ng Eden at binigyan sila ng kahanga-hangang atas: “Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at inyong supilin.” (Genesis 1:28) Oo, layunin ng Diyos na sila’y magkaanak at sa wakas palaganapin ang kanilang Paraiso sa buong lupa. Bagama’t sila noong magtagal ay sumuway sa Diyos, at pinatunayan na di na sila karapat-dapat mabuhay magpakailanman, ang layunin noong una ng Diyos ay hindi nagbago. At ito’y matutupad sa isang bagong sanlibutan!—Isaias 55:11.
Ang totoo, pagka ikaw ay nananalangin ng Panalangin ng Panginoon, o Ama Namin, na hinihinging dumating na sana ang Kaharian ng Diyos, idinadalangin mo na ang kabalakyutan dito sa lupa ay lipulin na sana ng kaniyang makalangit na pamahalaan at maghari na ito sa kaniyang bagong sanlibutan. (Mateo 6:9) At tayo’y makapananalig na sasagutin ng Diyos ang panalanging iyan, sapagkat ipinapangako ng kaniyang Salita: “Ang matuwid ang magsisipagmana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.”—Awit 37:29.
Ang Buhay sa Bagong Sanlibutan ng Diyos
Ang Kaharian ng Diyos ay magdadala ng makalupang mga pagpapala na walang katulad, gagawin ang lahat ng kabutihan na noong una pa’y nilayon ng Diyos na tamasahin ng kaniyang bayan sa lupa. Ang pagkakapootan at pagtatangi-tangi ay wala na roon, at sa wakas ang lahat dito sa lupa ay magiging tunay na magkakaibigan. Sa Bibliya, ipinapangako ng Diyos na kaniyang ‘pahihintuin ang mga digmaan hanggang sa wakas ng lupa.’ “Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mangag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”—Awit 46:9; Isaias 2:4.
Ang buong lupa balang araw ay magiging isang halamang paraiso. Sinasabi ng Bibliya: “Ang ilang at ang tuyong lupa ay sasaya, at ang malawak na disyerto ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng rosa. . . . Sapagkat sa ilang ay bubukal ang tubig, at magkakailog sa malawak na disyerto. At ang buhanginang kumikislap ay magiging lawa, at ang uhaw na lupa ay mga bukal ng tubig.”—Isaias 35:1, 6, 7.
May lahat ng dahilan na maging maligaya sa lupang Paraiso. Hindi na muling magugutom ang mga tao dahilan sa kakulangan ng pagkain. “Ang lupa ay tiyak na magsisibol ng kaniyang bunga,” ang sabi ng Bibliya. (Awit 67:6; 72:16) Lahat ay magtatamasa ng kanilang pinagpaguran, gaya ng pangako ng ating Maylikha: “Sila’y mangag-uubasan at magsisikain ng mga bunga niyaon. . . . sila’y hindi magtatanim at iba ang kakain.”—Isaias 65:21, 22.
Sa bagong sanlibutan ng Diyos, ang mga tao ay hindi na magsisiksikan sa malalaking mga apartment o giba-giba nang mga barungbarong, sapagkat nilayon ng Diyos: “Sila’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan . . . Sila’y hindi magtatayo at iba ang tatahan.” Ipinapangako rin ng Bibliya: “Sila’y hindi gagawa ng walang kabuluhan.” (Isaias 65:21-23) Ang mga tao ay magkakaroon ng mabunga at kasiya-siyang gawain. Hindi magiging kainip-inip ang buhay.
Balang araw, ibabalik ng Kaharian ng Diyos ang mapayapang relasyon na umiral sa hardin ng Eden sa pagitan ng mga hayop, at sa pagitan ng mga hayop at mga tao. Sinasabi ng Bibliya: “Ang lobo ay aktuwal na tatahang sandali kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing, at ang guya at ang batang leon at ang patabaing hayop na magkakasama; at isang munting batang lalaki ang papatnubay sa kanila.”—Isaias 11:6-9; Oseas 2:18.
Gunigunihin, sa lupang Paraiso lahat ng sakit at karamdaman ay pagagalingin din! Tinitiyak ng Salita ng Diyos: “Walang nananahan doon ang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’” (Isaias 33:24) “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.”—Apocalipsis 21:4.
Kung Paano Mo Makakamit Ito
Tiyak na naaantig ang iyong puso sa mga pangako ng Awit 145:16; Mikas 4:4.
Diyos tungkol sa buhay sa kaniyang bagong sanlibutan ng katuwiran. At bagaman itinuturing ng iba na imposibleng magkatotoo ang ganiyang mga pagpapala, hindi ito imposible na manggaling sa kamay ng ating maibiging Maylikha.—Siyempre, may mga kahilingan na dapat tupdin kung ibig nating mabuhay magpakailanman sa napipintong Paraiso sa lupa. Ipinakita ni Jesus ang isa rito, nang siya’y nananalangin sa Diyos: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.
Kaya kung talagang ibig nating mabuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos, dapat muna nating alamin ang kalooban ng Diyos at saka gawin iyon. Ito’y katotohanan: “Ang sanlibutan ay lumilipas at ang pita niyaon, datapuwat ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman,” upang tamasahin niya nang walang-hanggan ang mga pagpapala na pauulanin ng ating maibiging Maylikha.—1 Juan 2:17.
Maliban sa kung iba ang ipinakikita, lahat ng mga sinipi sa Bibliya ay kuha sa New World Translation of the Holy Scriptures.