Ang Aklat na Nagsisiwalat sa Kaalaman ng Diyos
Kabanata 2
Ang Aklat na Nagsisiwalat sa Kaalaman ng Diyos
1, 2. Bakit kailangan natin ang patnubay ng ating Maylalang?
MAKATUWIRAN lamang na ang ating maibiging Maylalang ay maglaan ng isang aklat ng tagubilin at patnubay para sa sangkatauhan. At hindi ka ba sasang-ayon na ang mga tao ay nangangailangan nga ng patnubay?
2 Mahigit nang 2,500 taon ang nakalilipas, isang propeta at istoryador ang sumulat: “Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Sa ngayon, ang katotohanan ng pangungusap na iyan ay mas maliwanag higit kailanman. Kaya naman, ang istoryador na si William H. McNeill ay nagkomento: “Ang pakikipagsapalaran ng mga tao sa ibabaw ng planetang ito ay naging halos walang-patid na serye ng mga krisis at pagkalansag ng natatag na kaayusan ng lipunan.”
3, 4. (a) Papaano natin dapat malasin ang pag-aaral ng Bibliya? (b) Papaano natin isasagawa ang pagsusuri sa Bibliya?
3 Sinasapatan ng Bibliya ang lahat ng ating pangangailangan para sa matalinong tagubilin. Totoo, marami ang nabibigla sa unang pagsisiyasat nila sa Bibliya. Ito’y isang malaking aklat, at ang ilang bahagi nito ay hindi madaling unawain. Subalit kung ikaw ay bibigyan ng isang legal na dokumento na nagbabalangkas sa dapat mong gawin upang matanggap ang isang mahalagang pamana, hindi ka ba maglalaan ng panahon upang iyon ay pag-aralang mabuti? Kung makita mong ang ilang bahagi ng dokumento ay mahirap unawain, malamang na hihingi ka ng tulong sa isang makaranasan sa gayong mga bagay. Bakit hindi gayundin ang gawin sa Bibliya? (Gawa 17:11) Higit pa sa materyal na pamana ang nasasangkot. Tulad ng natutuhan natin sa nakaraang kabanata, ang kaalaman ng Diyos ay maaaring umakay sa buhay na walang-hanggan.
4 Suriin natin ang aklat na nagsisiwalat sa kaalaman ng Diyos. Magbibigay muna tayo ng isang maikling paglalarawan sa kabuuan ng Bibliya. Saka natin tatalakayin ang mga dahilan kung bakit marami sa may-kabatirang mga tao ang naniniwalang ito’y kinasihang Salita ng Diyos.
KUNG ANO ANG NILALAMAN NG BIBLIYA
5. (a) Ano ang saklaw ng Hebreong Kasulatan? (b) Ano ang sinasaklaw ng Griegong Kasulatan?
5 Ang Bibliya ay naglalaman ng 66 na aklat sa dalawang bahagi, karaniwang tinatawag na Lumang Tipan at Bagong Tipan. Tatlumpu’t siyam na aklat ng Bibliya ang sa kalakhang bahagi ay isinulat sa wikang Hebreo at 27 naman sa Griego. Ang Hebreong Kasulatan, na binubuo ng Genesis hanggang Malakias, ay sumasaklaw sa paglalang gayundin sa unang 3,500 taon ng kasaysayan ng tao. Sa pagsusuri ng bahaging ito ng Bibliya, matututuhan natin ang pakikitungo ng Diyos sa mga Israelita—mula sa kanilang pagsilang bilang isang bansa noong ika-16 na siglo B.C.E. patuloy hanggang sa ika-5 siglo B.C.E. a Ang Griegong Kasulatan, na binubuo ng mga aklat ng Mateo hanggang Apocalipsis, ay nagtutuon ng pansin sa mga turo at gawain ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga alagad noong unang siglo C.E.
6. Bakit natin kailangang pag-aralan ang buong Bibliya?
6 Ang ilan ay nagsasabi na ang “Lumang Tipan” ay para sa mga Judio at ang “Bagong Tipan” ay para sa mga Kristiyano. Subalit ayon sa 2 Timoteo 3:16, “lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang.” Samakatuwid, ang isang wastong pag-aaral ng Kasulatan ay dapat na sumaklaw sa buong Bibliya. Sa totoo lamang, ang dalawang bahagi ng Bibliya ay nagtutulungan sa isa’t isa, anupat nagkakasuwato upang makabuo ng isang pangkalahatang tema.
7. Ano ang tema ng Bibliya?
7 Marahil ay may ilang taon ka na ring dumadalo sa mga serbisyong relihiyoso at narinig mo nang binabasa nang malakas ang bahagi ng Bibliya. O marahil ay nakabasa ka na mismo ng ilang halaw mula roon. Alam mo ba na ang Bibliya ay may iisang tema mula Genesis hanggang Apocalipsis? Oo, tagusan sa Bibliya ang isang nagkakasuwatong tema. Ano ang temang iyan? Iyan ay ang pagbabangong-puri sa karapatan ng Diyos na mamahala sa sangkatauhan at ang katuparan ng kaniyang maibiging layunin sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian. Sa bandang huli, makikita natin kung papaano tutuparin ng Diyos ang layuning ito.
8. Ano ang isinisiwalat ng Bibliya hinggil sa personalidad ng Diyos?
8 Bilang karagdagan sa pagbalangkas ng layunin ng Diyos, isinisiwalat ng Bibliya ang kaniyang personalidad. Halimbawa, mula sa Bibliya ay matututuhan natin na ang Diyos ay may pakiramdam at na ang mga pasiyang ginagawa natin ay mahalaga sa kaniya. (Awit 78:40, 41; Kawikaan 27:11; Ezekiel 33:11) Sinasabi ng Awit 103:8-14 na ang Diyos ay “maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan.” Pinakikitunguhan niya tayo nang may pagkamadamayin, na ‘inaalaalang tayo’y mula sa alabok lamang’ at bumabalik doon pagkamatay. (Genesis 2:7; 3:19) Tunay na kahanga-hangang mga katangian ang kaniyang ipinamamalas! Hindi ba ito ang uri ng Diyos na nais mong sambahin?
9. Papaano tayo binibigyan ng Bibliya ng isang malinaw na pagkaunawa sa mga pamantayan ng Diyos, at papaano tayo makikinabang mula sa gayong kaalaman?
9 Binibigyan tayo ng Bibliya ng isang malinaw na pagkaunawa sa mga pamantayan ng Diyos. Kung minsan ang mga ito’y inilalahad bilang mga batas. Gayunman, mas madalas na ang mga ito’y naaaninag sa mga simulain na itinuturo sa pamamagitan ng praktikal na mga halimbawa. May ilang mga pangyayari sa kasaysayan ng sinaunang mga Israelita na ipinasulat ng Diyos para sa ating kapakinabangan. Ang prangkahang mga salaysay na ito ay nagpapakita kung ano ang nangyayari kapag ang mga tao’y gumagawang kasuwato ng layunin ng Diyos, gayundin kung ano ang kalunus-lunos na resulta kapag sumunod sila sa sarili nilang kagustuhan. (1 Hari 5:4; 11:4-6; 2 Cronica 15:8-15) Ang pagbabasa ng gayong mga tunay na pangyayari ay walang pagsalang makasasaling sa ating puso. Kung sisikapin nating ilarawan sa isipan ang mga pangyayaring nakaulat, para bang tayo’y kabilang din sa mga taong sangkot dito. Sa gayon, maaari tayong makinabang mula sa mabubuting halimbawa at makaiwas sa mga patibong na sumilo sa masasama. Gayunman, ang mahalagang tanong na ito ay kailangang sagutin: Papaano tayo makatitiyak na ang ating binabasa sa Bibliya ay kinasihan nga ng Diyos?
MAKAPAGTITIWALA KA BA SA BIBLIYA?
10. (a) Bakit ipinalalagay ng ilan na ang Bibliya ay luma na? (b) Ano ang sinasabi sa atin ng 2 Timoteo 3:16, 17 hinggil sa Bibliya?
10 Marahil ay napapansin mong maraming aklat na nag-aalok ng payo ang naluluma na pagkalipas lamang ng ilang taon. Kumusta naman ang Bibliya? Ito’y napakatanda na, at halos 2,000 taon na ang lumipas mula nang isulat ang pinakahuling pananalita nito. Ang ilan kung gayon ay nagpapalagay na hindi na ito kapit sa ating modernong panahon. Subalit kung ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos, ang payo nito ay kailangang laging napapanahon sa kabila ng labis na katandaan nito. Ang Kasulatan ay kailangan pa ring maging “kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may-kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”—2 Timoteo 3:16, 17.
11-13. Bakit natin masasabi na ang Bibliya ay praktikal para sa ating kaarawan?
11 Ang masinsinang pagsusuri ay nagsisiwalat na ang mga simulain ng Bibliya ay kapit pa rin sa ngayon na gaya noong una itong isulat. Halimbawa, kung tungkol sa likas na pagkatao, naaaninag sa Bibliya ang matalas na pagkaunawa na kapit sa bawat salinlahi ng sangkatauhan. Makikita natin agad ito sa Sermon ni Jesus sa Bundok, na masusumpungan sa aklat ng Mateo, kabanata 5 hanggang 7. Gayon na lamang ang paghanga ng yumaong lider na taga-India na si Mohandas K. Gandhi anupat sinabi niya sa isang Britanong opisyal: “Kapag ang iyong bansa at ang sa akin ay nagkaisa sa mga turong inilahad ni Kristo sa Sermong ito sa Bundok, malulutas sana natin ang mga suliranin hindi lamang ng ating mga bansa kundi maging ng buong daigdig.”
12 Hindi nga kataka-taka na ang mga tao’y humanga sa mga turo ni Jesus! Sa Sermon sa Bundok, ipinakita niya sa atin ang daan tungo sa tunay na kaligayahan. Ipinaliwanag niya kung papaano lulutasin ang mga hidwaan. Inilaan ni Jesus ang mga tagubilin kung papaano mananalangin. Ipinaliwanag niya ang pinakamatalinong saloobin na dapat taglayin kung tungkol sa materyal na mga pangangailangan at ibinigay ang Gintong Aral para sa nararapat na pakikipagkapuwa-tao. Kung papaano matutuklasan ang mga pandaraya sa relihiyon at kung papaano magkakaroon ng tiwasay na kinabukasan ay ilan pa rin sa mga puntong sinaklaw sa sermong ito.
13 Sa dakilang Sermon sa Bundok at sa lahat ng natitirang pahina nito, malinaw na sinasabi sa atin ng Bibliya kung ano ang gagawin at kung ano ang iiwasan upang mapasulong ang ating kalagayan sa buhay. Napakapraktikal ng mga payo nito anupat nasabi ng isang edukador: “Bagaman ako’y isang tagapayo sa haiskul na may bachelor’s at master’s degrees at nakabasa na ng napakaraming aklat hinggil sa kalagayan ng pag-iisip at sikolohiya, natuklasan kong hindi mapapantayan ng anumang nabasa ko na o napag-aralan sa kolehiyo ang payo ng Bibliya sa mga bagay na gaya ng pagkakaroon ng matagumpay na pag-aasawa, paghadlang sa masamang asal ng mga kabataan at kung papaano magkakaroon at mapananatili ang pagkakaibigan.” Karagdagan pa sa pagiging praktikal at napapanahon, ang Bibliya ay maaasahan.
TUMPAK AT MAPAGKAKATIWALAAN
14. Ano ang nagpapakita na ang Bibliya ay tumpak sa makasiyentipikong paraan?
14 Bagaman ang Bibliya ay hindi isang aklat ng siyensiya, ito nama’y tumpak sa makasiyentipikong paraan. Halimbawa, noong panahong halos lahat ng mga tao’y naniniwalang ang lupa ay lapad, tinukoy ito ni propeta Isaias bilang “pabilog” (Hebreo, chugh, na nagdadala ng idea ng “globo”). (Isaias 40:22) Ang idea na ang lupa’y isang globo ay hindi malawakang tinanggap hanggang sa lumipas pa ang libu-libong taon pagkatapos ng kaarawan ni Isaias. Isa pa, ang Job 26:7—isinulat mahigit na 3,000 taon na ang nakalilipas—ay bumabanggit na “ibinibitin [ng Diyos] ang lupa sa wala.” Sabi ng isang iskolar sa Bibliya: “Kung papaano nalaman ni Job ang katotohanan, gaya ng ipinakikita ng astronomiya, na ang lupa’y nakabitin sa kaniyang sarili sa walang-lamang kalawakan, ay isang tanong na hindi madaling masasagot niyaong mga hindi naniniwala na ang Banal na Kasulatan ay kinasihan.”
15. Papaano napatitibay ang pagtitiwala sa Bibliya dahil sa paraan nito ng pag-uulat?
15 Ang paraan ng pag-uulat na masusumpungan sa Bibliya ay nakapagpapatibay rin ng ating pagtitiwala sa napakatandang aklat na ito. Di-gaya ng mga alamat, ang mga pangyayaring tinalakay sa Bibliya ay iniuugnay sa espesipikong mga tao at mga petsa. (1 Hari 14:25; Isaias 36:1; Lucas 3:1, 2) At samantalang halos palagi nang pinalalabisan ng sinaunang mga istoryador ang pagwawagi ng kanilang mga pinunò at itinatago ang kanilang mga pagkatalo at pagkakamali, ang mga manunulat naman ng Bibliya ay prangka at tapat—kahit na tungkol sa kanilang sariling malulubhang kasalanan.—Bilang 20:7-13; 2 Samuel 12:7-14; 24:10.
ISANG AKLAT NG HULA
16. Ano ang pinakamatibay na patotoo na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos?
16 Ang natupad nang hula ay nagbibigay ng kapani-paniwalang ebidensiya na ang Bibliya ay kinasihan nga ng Diyos. Ang Bibliya ay naglalaman ng maraming hulang natupad na kahit sa kaliit-liitang detalye. Maliwanag, hindi maaaring ito’y gawa ng mga tao lamang. Ano, kung gayon, ang nasa likod ng mga hulang ito? Ang Bibliya mismo ay nagsasabi na “ang hula ay hindi kailanman dinala sa pamamagitan ng kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang sila ay inaakay ng banal na espiritu,” o aktibong puwersa ng Diyos. (2 Pedro 1:21) Isaalang-alang ang ilang halimbawa.
17. Anu-anong hula ang patiunang bumanggit ng tungkol sa pagbagsak ng Babilonya, at papaano natupad ang mga ito?
17 Ang pagbagsak ng Babilonya. Inihula kapuwa nina Isaias at Jeremias ang pagbagsak ng Babilonya sa mga Medo at Persiyano. Kapansin-pansin, ang hula ni Isaias tungkol sa pangyayaring ito ay iniulat mga 200 taon pa bago nalupig ang Babilonya! Ang sumusunod na mga pangyayaring inihula ay naging bahagi na ng ulat ng kasaysayan: ang pagkatuyo ng Ilog Eufrates sa pamamagitan ng paglilihis ng tubig nito sa isang artipisyal na lawa (Isaias 44:27; Jeremias 50:38); ang pagpapabayâ ng mga bantay sa mga pintuan ng ilog ng Babilonya (Isaias 45:1); at ang pananakop ng isang pinunò na nagngangalang Ciro.—Isaias 44:28.
18. Papaano natupad ang hula sa Bibliya tungkol sa pagbangon at pagbagsak ng “hari ng Gresya”?
18 Ang pagbangon at pagbagsak ng “hari ng Gresya.” Sa isang pangitain, nakita ni Daniel ang isang lalaking kambing na nagpabagsak sa isang lalaking tupa, anupat nabali ang dalawang sungay nito. Pagkatapos, ang malaking sungay ng kambing ay nabali, at apat na sungay ang tumubo sa lugar nito. (Daniel 8:1-8) Ipinaliwanag ito kay Daniel: “Ang lalaking tupa na iyong nakita na may dalawang sungay ay kumakatawan sa mga hari ng Media at Persiya. At ang mabalahibong kambing na lalaki ay kumakatawan sa hari ng Gresya; at ang malaking sungay na nasa pagitan ng kaniyang mga mata, ito’y kumakatawan sa unang hari. At tungkol sa nabali, kung kaya sa wakas ay may apat na tumayo na kahalili niyaon, may apat na kaharian mula sa kaniyang bansa na tatayo, ngunit hindi sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan.” (Daniel 8:20-22) Kasuwato ng hulang ito, pagkalipas ng mga dalawang siglo, ibinagsak ni Alejandrong Dakila, “ang hari ng Gresya,” ang may dalawang-sungay na Imperyo ng Medo-Persiya. Namatay si Alejandro noong 323 B.C.E. at noong dakong huli ay hinalinhan ng apat sa kanyang mga heneral. Gayunman, wala ni isa sa sumunod na mga kahariang ito ang nakapantay sa kapangyarihan ng imperyo ni Alejandro.
19. Anu-anong hula ang natupad kay Jesu-Kristo?
19 Ang buhay ni Jesu-Kristo. Ang Hebreong Kasulatan ay naglalaman ng maraming hulang natupad sa pagsilang, ministeryo, kamatayan, at pagkabuhay-muli ni Jesus. Halimbawa, mahigit na 700 taon patiuna, inihula ni Mikas na ang Mesiyas, o Kristo, ay ipanganganak sa Betlehem. (Mikas 5:2; Lucas 2:4-7) Ang kapanahon ni Mikas na si Isaias ay humula na ang Mesiyas ay sasaktan at duduraan. (Isaias 50:6; Mateo 26:67) Limang daang taon patiuna, inihula ni Zacarias na ipagkakanulo ang Mesiyas sa halagang 30 pirasong pilak. (Zacarias 11:12; Mateo 26:15) Mahigit na isang libong taon bago nito, inihula ni David ang mga pangyayaring kaugnay ng kamatayan ni Jesus na Mesiyas. (Awit 22:7, 8, 18; Mateo 27:35, 39-43) At mga limang siglo patiuna, isiniwalat ng hula ni Daniel kung kailan lilitaw ang Mesiyas gayundin ang magiging haba ng kaniyang ministeryo at ang panahon ng kaniyang kamatayan. (Daniel 9:24-27) Ito’y ilang halimbawa lamang ng mga hulang natupad kay Jesu-Kristo. Masusumpungan mong kapaki-pakinabang na basahin pa ang ilang bagay tungkol sa kaniya sa ibang pagkakataon.
20. Ang sakdal na ulat ng natupad na mga hula ng Bibliya ay dapat magbigay sa atin ng anong pananalig?
20 Maraming iba pang pangmatagalang mga hula sa Bibliya ang natupad na rin. ‘Ngunit,’ maitatanong mo, ‘papaano ito nakaaapekto sa aking buhay?’ Buweno, kung may isang nagsabi na sa iyo ng katotohanan sa loob ng maraming taon, bigla ka pa bang mag-aalinlangan sa kaniya kapag may sinabi siyang bago? Hindi! Ang Diyos ay nagsasabi ng katotohanan sa buong Bibliya. Hindi ba ito magpapatatag sa iyong pagtitiwala sa mga pangako ng Bibliya, gaya ng mga hula nito tungkol sa darating na lupang paraiso? Tunay, maaari nating taglayin ang gaya ng naging pananalig ni Pablo, ang isa sa mga unang-siglong alagad ni Jesus, na sumulat na ‘ang Diyos ay hindi makapagsisinungaling.’ (Tito 1:2) Isa pa, kapag binabasa natin ang Kasulatan at ikinakapit ang payo nito, nagpapakita tayo ng karunungan na hindi kayang tamuhin ng mga tao kung sa kanilang sarili lamang, sapagkat ang Bibliya ang aklat na nagsisiwalat sa kaalaman ng Diyos na umaakay sa buhay na walang-hanggan.
“MAGKAROON . . . NG PANANABIK” SA KAALAMAN NG DIYOS
21. Ano ang kailangan mong gawin kapag ang ilang bagay na natututuhan mo sa Bibliya ay waring nakabibigla?
21 Habang pinag-aaralan mo ang Bibliya, malamang na mayroon kang matututuhan na kakaiba sa dating itinuro sa iyo. Masusumpungan mo pa nga na ang ilan sa iyong pinakamamahal na mga kaugaliang relihiyoso ay hindi pala nakalulugod sa Diyos. Matututuhan mong ang Diyos ay may mga pamantayan sa kung ano ang tama at mali na mas mataas kaysa sa palasak na sinusunod ng maluwag na sanlibutang ito. Maaaring makabigla ito sa iyo sa simula. Subalit pagtiyagaan mo! Maingat na suriin mo ang Kasulatan upang masumpungan ang kaalaman ng Diyos. Ihanda mo ang iyong sarili sa posibilidad na kailanganing baguhin ang iyong pag-iisip at mga gawi dahil sa payo ng Bibliya.
22. Bakit mo pinag-aaralan ang Bibliya, at papaano mo matutulungan ang iba na maunawaan ito?
22 Ang may mabuting-motibong mga kaibigan at kamag-anak ay baka tumutol sa iyong pag-aaral ng Bibliya, subalit sinabi ni Jesus: “Bawat isa, kung gayon, na nagpapahayag na kaisa ko sa harap ng mga tao, ako rin ay magpapahayag na kaisa niya sa harap ng aking Ama na nasa mga langit; ngunit sinuman na nagtatatwa sa akin sa harap ng mga tao, ay akin ding itatatwa siya sa harap ng aking Ama na nasa mga langit.” (Mateo 10:32, 33) Baka ang ilan ay mangamba na ikaw ay masangkot sa isang kulto o kaya’y maging isang panatiko. Ngunit ang totoo, ikaw ay nagsisikap lamang na magtamo ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos at sa kaniyang katotohanan. (1 Timoteo 2:3, 4) Upang tulungan ang iba na maunawaan ito, maging makatuwiran, huwag makipagtalo, kapag ipinakikipag-usap mo sa kanila ang tungkol sa iyong natututuhan. (Filipos 4:5) Tandaan na marami ang ‘nawawagi nang walang salita’ kapag nakikita nila ang katibayan na ang kaalaman sa Bibliya ay tunay na kapaki-pakinabang sa mga tao.—1 Pedro 3:1, 2.
23. Papaano ka maaaring “magkaroon . . . ng pananabik” sa kaalaman ng Diyos?
23 Hinihimok tayo ng Bibliya: “Gaya ng mga sanggol na bagong-silang, magkaroon kayo ng pananabik sa di-nabantuang gatas na nauukol sa salita.” (1 Pedro 2:2) Ang isang sanggol ay umaasa sa pagkain mula sa kaniyang ina at nagpipilit na makamit ang pangangailangang iyan. Gayundin, tayo’y umaasa sa kaalaman mula sa Diyos. “Magkaroon . . . ng pananabik” sa kaniyang Salita sa pamamagitan ng pagpapatuloy sa iyong pag-aaral. Oo, gawin mong tunguhin na basahin ang Bibliya araw-araw. (Awit 1:1-3) Ito’y magdudulot sa iyo ng mayayamang pagpapala, yamang ang Awit 19:11 ay nagsasabi ng tungkol sa mga batas ng Diyos: “Sa pagsunod dito ay may malaking gantimpala.”
[Talababa]
a Ang B.C.E. ay nangangahulugang “before the Common Era,” (“bago ang Karaniwang Panahon”), na mas tumpak kaysa B.C. (“before Christ” o “bago si Kristo”). Ang C.E. ay tumutukoy sa “Common Era,” (“Karaniwang Panahon”), na madalas na tinatawag na A.D., para sa anno Domini, na nangangahulugang “sa taon ng ating Panginoon.”
SUBUKIN ANG IYONG KAALAMAN
Sa anu-anong paraan naiiba ang Bibliya sa ibang aklat?
Bakit ka makapagtitiwala sa Bibliya?
Ano ang nagpapatunay sa iyo na ang Bibliya ay kinasihang Salita ng Diyos?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon sa pahina 14]
MAGING PAMILYAR SA IYONG BIBLIYA
Ang pagiging pamilyar sa Bibliya ay hindi naman kailangang maging mahirap. Gamitin ang talaan ng mga nilalaman nito upang matutuhan ang pagkakasunud-sunod at kinalalagyan ng mga aklat ng Bibliya.
Ang mga aklat ng Bibliya ay may mga kabanata at mga talata para sa madaling reperensiya. Ang paghahati-hati ng kabanata ay idinagdag noong ika-13 siglo, at sa wari’y hinati ng isang manlilimbag na Pranses noong ika-16 na siglo ang Griegong Kasulatan sa kasalukuyang mga talata. Ang unang kumpletong Bibliya na nagkaroon ng mga numero ng kapuwa kabanata at talata ay isang edisyong Pranses, na inilathala noong 1553.
Kapag ang mga kasulatan ay binabanggit sa aklat na ito, ang unang numero ay tumutukoy sa kabanata, at ang sumunod ay nagpapakilala ng talata. Halimbawa, ang pagbanggit sa “Kawikaan 2:5” ay nangangahulugang ang aklat ng Kawikaan, kabanata 2, talatang 5. Sa pamamagitan ng paghanap sa binabanggit na mga kasulatan, masasanay kang makita agad ang mga teksto sa Bibliya.
Ang pinakamabuting paraan upang maging pamilyar sa Bibliya ay ang pagbabasa nito araw-araw. Sa simula, waring ito’y isang hamon. Subalit kung babasahin mo ang tatlo hanggang limang kabanata bawat araw, depende sa haba ng mga ito, matatapos mo ang pagbabasa ng buong Bibliya sa loob ng isang taon. Bakit hindi mo pa simulan ngayon?
[Kahon sa pahina 19]
ANG BIBLIYA—ISANG BUKOD-TANGING AKLAT
• Ang Bibliya ay “kinasihan ng Diyos.” (2 Timoteo 3:16) Bagaman mga tao ang sumulat, pinatnubayan naman ng Diyos ang kanilang mga pag-iisip, kung kaya ang Bibliya ay tunay na “ang salita ng Diyos.”—1 Tesalonica 2:13.
• Ang Bibliya ay isinulat sa loob ng 16 na siglo, ng mga 40 manunulat mula sa iba’t ibang pinagmulan. Gayunpaman, ang kumpletong Bibliya ay nagkakasuwato mula pasimula hanggang katapusan.
• Nakaligtas ang Bibliya mula sa mas maraming kontrobersiya kaysa sa anumang ibang aklat. Noong Edad Medya, ang mga tao’y sinunog sa tulos dahil lamang sa pagkakaroon ng isang kopya ng Kasulatan.
• Ang Bibliya ang pinakamabiling aklat sa buong daigdig. Ito’y naisalin na, sa kabuuan o sa ilang bahagi, sa mahigit na 2,000 wika. Bilyun-bilyong kopya ang nailimbag na, at halos walang dako sa daigdig na hindi ka makasusumpong ng Bibliya.
• Ang pinakamatandang bahagi ng Bibliya ay noon pang ika-16 na siglo B.C.E. Ito’y bago lumitaw ang Hindu na Rig-Veda (noong mga 1300 B.C.E.), o ang Budistang “Canon of the Three Baskets” (ikalimang siglo B.C.E.), o ang Islamikong Koran (ikapitong siglo C.E.), gayundin ang Nihongi ng Shinto (720 C.E.).
[Buong-pahinang larawan sa pahina 20]