Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Nangyayari sa Ating Yumaong mga Mahal sa Buhay?

Ano ang Nangyayari sa Ating Yumaong mga Mahal sa Buhay?

Kabanata 9

Ano ang Nangyayari sa Ating Yumaong mga Mahal sa Buhay?

1. Ano ang nadarama ng mga tao kapag namatayan ng minamahal?

 “NAGDURUSA ang isa kapag namatay ang isang minamahal sapagkat ang kamatayan ay isang kawalan tungo sa pangungulilang hindi maarok ng anumang pang-unawa.” Iyan ang sinabi ng isang anak na lalaki nang halos magkasunod na mamatay ang kaniyang ama at ina. Dahil sa kirot at pagkadama ng matinding pangungulila, naramdaman niyang siya’y “nadaraig ng emosyon.” Marahil ay nakaranas ka na rin ng ganito. Baka ibig mong malaman kung nasaan ang iyong mga mahal sa buhay at kung makikita mo pa kaya silang muli.

2. Anu-anong nakalilitong tanong ang bumabangon hinggil sa kamatayan?

2 Sinabihan ang ilang namimighating mga magulang na, “Pumipili ang Diyos ng pinakamagagandang bulaklak upang dalhin sa kaniya sa langit.” Totoo nga ba iyon? Pumupunta nga ba sa dako ng mga espiritu ang ating mga mahal sa buhay? Ito ba ang tinatawag ng ilan na Nirvana, na inilalarawan bilang isang napakaligayang kalagayan na ligtas sa lahat ng kirot at pagnanasa? Pumasok nga ba ang ating mga minamahal sa isang pintong patungo sa buhay na walang-kamatayan sa paraiso? O gaya ng sinasabi ng iba, ang kamatayan ba ay ang pagkasadlak sa walang-katapusang pagpaparusa sa mga nagkasala sa Diyos? May magagawa ba ang mga patay sa ating buhay? Upang matamo ang tapat na mga kasagutan sa mga tanong na ito, kailangan tayong sumangguni sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.

ANO ANG “ESPIRITU” NA NASA MGA TAO?

3. Ano ang palagay nina Socrates at Plato tungkol sa mga patay, at papaano ito nakaaapekto sa mga tao sa ngayon?

3 Ipinalagay nina Socrates at Plato, mga sinaunang Griegong pilosopo, na may isang bagay na likas na imortal na nasa loob ng katawan ng isang lalaki at babae​—isang kaluluwang patuloy na nabubuhay at hindi talagang namamatay kailanman. Sa buong daigdig, milyun-milyon sa ngayon ang naniniwala rito. Ang paniniwalang ito ay malimit na nagiging dahilan upang matakot sa mga patay at mabahala sa kanilang kapakanan. Ibang-iba ang itinuturo sa atin ng Bibliya tungkol sa mga patay.

4. (a) Ano ang sinasabi sa atin ng Genesis tungkol sa kaluluwa? (b) Ano ang inilagay ng Diyos kay Adan upang siya’y mabuhay?

4 Sa pagsasaalang-alang ng kalagayan ng mga patay, dapat nating alalahanin na ang ating orihinal na ama, si Adan, ay hindi nagtataglay ng isang kaluluwa. Siya ay isang kaluluwa. Sa isang kahanga-hangang gawa ng paglalang, inanyuan ng Diyos ang tao​—ang kaluluwa​—mula sa karaniwang mga elemento ng lupa at pagkatapos ay hiningahan siya ng “hininga ng buhay.” Ang Genesis 2:7 ay nagsasabi sa atin: “Nagpatuloy ang Diyos na Jehova na anyuan ang tao mula sa alabok ng lupa at hingahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” Pinanatili ang buhay ni Adan sa pamamagitan ng paghinga. Gayunman, higit pa sa paglalagay ng hangin sa mga bagà ng tao ang sangkot nang ilagay ng Diyos kay Adan ang hininga ng buhay. Ang Bibliya ay bumabanggit ng “puwersa ng buhay” na nagpapakilos sa nabubuhay na mga nilalang sa lupa.​—Genesis 7:22.

5, 6. (a) Ano ang “puwersa ng buhay”? (b) Ano ang nangyayari kapag ang “espiritu” na binanggit sa Awit 146:4 ay huminto na sa pagbibigay-buhay sa katawan?

5 Ano ba ang “puwersa ng buhay”? Ito ang napakahalagang pintig ng buhay na inilagay ng Diyos sa walang-buhay na katawan ni Adan. Pagkaraan ay sinustinehan ang puwersang ito sa pamamagitan ng paghinga. Ngunit ano naman ang “espiritu” na tinukoy sa Awit 146:4? Ang talatang iyan ay nagsasabi tungkol sa isang namatay: “Ang espiritu niya ay pumapanaw, siya’y bumabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw na iyan ang kaniyang pag-iisip ay tunay na nawawala.” Nang gamitin ng mga manunulat ng Bibliya ang salitang “espiritu” sa paraang ito, wala sa kanilang isip ang isang humihiwalay-sa-katawang kaluluwa na patuloy na nabubuhay pagkamatay ng katawan.

6 Ang “espiritu” na humihiwalay sa mga tao kapag namatay ay ang puwersa ng buhay na nagmula sa ating Maylalang. (Awit 36:9; Gawa 17:28) Hindi taglay ng puwersang ito ng buhay ang anumang katangian ng nilalang na binibigyang-buhay nito, kung papaanong hindi rin taglay ng elektrisidad ang mga katangian ng kagamitang pinatatakbo nito. Kapag namatay ang isa, ang espiritu (puwersa ng buhay) ay humihinto sa pagbibigay-buhay sa mga selula ng katawan, kung papaanong ang ilaw ay nawawala kapag pinatay ang koryente. Kapag huminto na ang puwersa ng buhay sa pagsusustine sa katawan ng tao, ang tao​—ang kaluluwa​—ay namamatay.​—Awit 104:29; Eclesiastes 12:​1, 7.

“SA ALABOK KA UUWI”

7. Ano ang mangyayari kay Adan kung susuwayin niya ang Diyos?

7 Malinaw na ipinaliwanag ni Jehova kung ano ang magiging kahulugan ng kamatayan sa nagkasalang si Adan. Sinabi ng Diyos: “Sa pawis ng iyong mukha kakain ka ng tinapay hanggang sa mauwi ka sa lupa, sapagkat diyan ka kinuha. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.” (Genesis 3:19) Saan mauuwi si Adan? Sa lupa, sa alabok na mula roo’y nilalang siya. Si Adan ay basta hindi na lamang iiral kapag siya’y namatay!

8. Bilang mga kaluluwa, papaanong ang mga tao ay hindi nakahihigit sa mga hayop?

8 Sa diwang ito, walang pagkakaiba ang kamatayan ng mga tao at ng mga hayop. Sila rin ay mga kaluluwa, at may gayunding espiritu, o puwersa ng buhay, na nagpapakilos sa kanila. (Genesis 1:24) Sa Eclesiastes 3:​19, 20, ganito ang sabi sa atin ng pantas na taong si Solomon: “Kung paano namamatay ang isa, gayon din ang isa; at silang lahat ay may iisang espiritu, kung kaya [sa kamatayan] walang kahigitan ang tao sa hayop . . . Lahat ay galing sa alabok, at silang lahat ay uuwi sa alabok.” Ang tao ay nakahihigit sa hayop sa diwa na siya’y nilalang ayon sa larawan ng Diyos, na nagpapaaninag ng mga katangian ni Jehova. (Genesis 1:​26, 27) Ngunit, sa kamatayan ang mga tao at mga hayop ay kapuwa nauuwi sa alabok.

9. Ano ang kalagayan ng mga patay, at saan sila pumupunta?

9 Ipinaliwanag pa ni Solomon kung ano ang ibig sabihin ng kamatayan, sa pagsasabi: “Nalalaman ng mga buháy na sila’y mamamatay; ngunit kung para sa mga patay, wala silang nalalamang anuman.” Oo, talagang walang nalalamang anuman ang mga patay. Dahil dito, ganito ang paghimok ni Solomon: “Anumang masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo sa abot ng iyong kapangyarihan, sapagkat walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol, ang dakong iyong paroroonan.” (Eclesiastes 9:​5, 10) Saan pumupunta ang mga patay? Sa Sheol (Hebreo, sheʼohlʹ), ang karaniwang libingan ng sangkatauhan. Ang namatay nating mga mahal sa buhay ay walang nalalamang anuman. Sila’y hindi nagdurusa, at wala silang magagawa sa atin sa anumang paraan.

10. Bakit natin masasabi na ang kamatayan ay hindi kailangang maging ang wakas ng lahat?

10 Tayo bang lahat at ang ating mga minamahal ay dapat mabuhay nang ilang taon lamang at pagkatapos ay hindi na iiral magpakailanman? Hindi iyan ang sinasabi ng Bibliya. Noong panahong maghimagsik si Adan, karaka-rakang pinasimulan ng Diyos na Jehova ang mga kaayusan upang baligtarin ang kalunus-lunos na mga epekto ng pagkakasala ng tao. Ang kamatayan ay hindi bahagi ng layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. (Ezekiel 33:11; 2 Pedro 3:9) Kung gayon, ang kamatayan ay hindi kailangang maging ang wakas ng lahat para sa atin o sa ating mga minamahal.

“NAMAHINGA”

11. Papaano inilarawan ni Jesus ang kalagayan ng kaniyang namatay na kaibigang si Lazaro?

11 Layunin ni Jehova na tayo at ang ating mga mahal sa buhay ay sagipin mula sa Adanikong kamatayan. Dahil dito, ang Salita ng Diyos ay tumutukoy sa mga patay bilang natutulog. Halimbawa, nang mapag-alamang namatay ang kaniyang kaibigang si Lazaro, sinabi ni Jesu-Kristo sa Kaniyang mga alagad: “Si Lazaro na ating kaibigan ay namahinga, ngunit ako ay maglalakbay patungo roon upang gisingin siya mula sa pagkakatulog.” Yamang hindi agad nasakyan ng mga alagad ang kahulugan ng pananalitang ito, maliwanag na sinabi ni Jesus: “Si Lazaro ay namatay.” (Juan 11:​11, 14) Pagkaraan ay pumunta si Jesus sa bayan ng Betania, kung saan ang mga kapatid ni Lazaro na sina Marta at Maria ay namimighati sa pagkamatay ng kanilang kapatid. Nang sabihin ni Jesus kay Marta, “Ang iyong kapatid ay babangon,” ipinahayag niya ang kaniyang pananampalataya sa layunin ng Diyos na baligtarin ang mga epekto ng kamatayan sa pamilya ng tao. Sabi niya: “Alam ko na siya ay babangon sa pagkabuhay-muli sa huling araw.”​—Juan 11:​23, 24.

12. Anong pag-asa ang taglay ng nangungulilang si Marta kung tungkol sa mga patay?

12 Walang sinabi si Marta tungkol sa isang walang-kamatayang kaluluwa na patuloy na nabubuhay sa ibang dako pagkamatay ng katawan. Hindi siya naniniwalang si Lazaro ay pumunta na sa di-umano’y dako ng mga espiritu upang ipagpatuloy ang kaniyang buhay. Si Marta ay may pananampalataya sa kahanga-hangang pag-asa ng isang pagkabuhay-muli mula sa mga patay. Hindi siya naniwala na may kaluluwang di-namamatay na humihiwalay sa katawan ni Lazaro, kundi na ang kaniyang kapatid ay hindi na umiiral. Ang magiging lunas ay ang pagkabuhay-muli ng kaniyang kapatid.

13. Anong bigay-Diyos na kapangyarihan ang taglay ni Jesus, at papaano niya ipinamalas ang kapangyarihang ito?

13 Si Jesu-Kristo ang binigyang-kapangyarihan ni Jehova upang tubusin ang sangkatauhan. (Oseas 13:14) Kaya nga, bilang tugon sa pahayag ni Marta, sinabi ni Jesus: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Siya na nagsasagawa ng pananampalataya sa akin, kahit na siya ay mamatay, siya ay mabubuhay.” (Juan 11:25) Ipinamalas ni Jesus ang kaniyang bigay-Diyos na kapangyarihan sa bagay na ito nang siya’y tumungo sa libingan ni Lazaro, na apat na araw nang patay, at muli niya itong buhayin. (Juan 11:​38-44) Isip-isipin lamang ang kagalakan niyaong nakakita ng pagkabuhay-muling ito o ng iba pang isinagawa ni Jesu-Kristo!​—Marcos 5:​35-42; Lucas 7:​12-16.

14. Bakit ang pagkabuhay-muli at ang idea ng isang walang-kamatayang kaluluwa ay hindi nagkakatugma?

14 Huminto sandali at isaalang-alang ito: Walang sinuman ang kailangang buhaying-muli, o saulian ng buhay, kung mayroon pang walang-kamatayang kaluluwa pagkamatay. Sa katunayan, magiging isang kawalan ng kabaitan na buhaying-muli ang isang gaya ni Lazaro upang balikan pa ang di-sakdal na lupa kung siya nga’y nasa isa nang kahanga-hangang gantimpala sa langit. Ang totoo, hindi kailanman gumagamit ang Bibliya ng pananalitang “walang-kamatayang kaluluwa.” Sa halip, ang Kasulatan ay nagsasabi na ang nagkakasalang kaluluwang tao ay talagang namamatay. (Ezekiel 18:​4, 20) Kaya ang Bibliya ay tumutukoy sa paglalaan ng pagkabuhay-muli bilang siyang tunay na lunas sa kamatayan.

“LAHAT NIYAONG NASA MGA ALAALANG LIBINGAN”

15. (a) Ano ang kahulugan ng salitang “pagkabuhay-muli”? (b) Bakit hindi magiging problema para sa Diyos na Jehova na buhaying-muli ang mga tao?

15 Ang salitang ginamit ng mga alagad ni Jesus para sa “pagkabuhay-muli” ay literal na nangangahulugang “pagbangon” o “pagtayo.” Ito ay pagbangon mula sa walang-buhay na kalagayan ng mga patay​—o dili kaya, pagtayo mula sa karaniwang libingan ng sangkatauhan. Madali lamang sa Diyos na Jehova ang buhaying-muli ang isang tao. Bakit? Sapagkat si Jehova ang Tagapagpasimula ng buhay. Sa ngayon, naire-rekord ng mga tao ang tinig at larawan ng mga lalaki at babae sa videotape at naipalalabas ang mga rekording na ito pagkamatay ng mga indibiduwal na iyon. Tiyak lamang kung gayon na kayang irekord ng ating Maylalang na makapangyarihan-sa-lahat ang mga detalye ng sinumang tao at buhaying-muli ang taong iyon, anupat binibigyan siya ng isang bagong inanyuang katawan.

16. (a) Ano ang ipinangako ni Jesus tungkol sa lahat niyaong nasa mga alaalang libingan? (b) Ano ang titiyak sa kahahantungan ng pagkabuhay-muli ng isang tao?

16 Sabi ni Jesu-Kristo: “Ang oras ay dumarating na ang lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig [ni Jesus] at lalabas, yaong mga gumawa ng mabubuting bagay sa pagkabuhay-muli sa buhay, yaong mga nagsagawa ng buktot na mga bagay sa pagkabuhay-muli sa paghatol.” (Juan 5:​28, 29) Lahat niyaong nasa alaala ni Jehova ay bubuhaying-muli at tuturuan sa kaniyang mga daan. Para doon sa mga kumikilos na kasuwato ng kaalaman ng Diyos, ito’y magiging isang pagkabuhay-muli sa buhay. Ngunit, ito’y magiging isang pagkabuhay-muli sa paghatol para doon sa mga tumatanggi sa pagtuturo at pamamahala ng Diyos.

17. Sino ang mga bubuhaying-muli?

17 Mangyari pa, yaong mga nagtataguyod ng matuwid na landas bilang mga lingkod ni Jehova ay bubuhaying-muli. Sa katunayan, ang pag-asa ng pagkabuhay-muli ang nagpatibay sa marami upang harapin ang kamatayan, maging sa mga kaso ng mararahas na pag-uusig. Alam nilang maisasauli ng Diyos ang kanilang buhay. (Mateo 10:28) Subalit milyun-milyon ang namatay nang hindi naipakita kung sila’y tatalima o hindi sa matutuwid na pamantayan ng Diyos. Sila man ay bubuhaying-muli. Yamang may tiwala sa layunin ni Jehova sa bagay na ito, sinabi ni apostol Pablo: “May pag-asa ako sa Diyos . . . na magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.”​—Gawa 24:15.

18. (a) Tumanggap si apostol Juan ng anong pangitain tungkol sa pagkabuhay-muli? (b) Ano ang pupuksain sa “lawa ng apoy,” at ano ang isinasagisag ng ‘lawang’ ito?

18 Tumanggap si apostol Juan ng isang kapana-panabik na pangitain ng mga binuhay-muli na nakatayo sa harap ng trono ng Diyos. Pagkatapos ay sumulat si Juan: “Ibinigay ng dagat yaong mga patay na nasa kaniya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades yaong mga patay na nasa kanila, at hinatulan sila nang isa-isa alinsunod sa kanilang mga gawa. At inihagis ang kamatayan at ang Hades sa lawa ng apoy. Ito ay nangangahulugan ng ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy.” (Apocalipsis 20:​12-14) Isip-isipin mo iyan! Lahat ng mga patay na nasa alaala ng Diyos ay may pag-asang palayain mula sa Hades (Griego, haiʹdes), o Sheol, ang karaniwang libingan ng sangkatauhan. (Awit 16:10; Gawa 2:31) Sila’y magkakaroon ng pagkakataong ipamalas sa pamamagitan ng kanilang mga gawa kung maglilingkod sila o hindi sa Diyos. Pagkatapos ay ihahagis ang “kamatayan at Hades” sa tinatawag na “lawa ng apoy,” na sumasagisag sa lubusang pagkapuksa, gaya ng salitang “Gehenna.” (Lucas 12:5) Ang karaniwang libingan ng sangkatauhan mismo ay mawawalan ng laman at tuluyang maglalaho kapag nakumpleto na ang pagkabuhay-muli. Tunay na nakaaaliw na matutuhan mula sa Bibliya na hindi pinahihirapan ng Diyos ang sinuman!​—Jeremias 7:​30, 31.

PAGKABUHAY-MULI TUNGO SAAN?

19. Bakit ang ilan sa sangkatauhan ay bubuhaying-muli tungo sa langit, at anong uri ng katawan ang ibibigay sa kanila ng Diyos?

19 Isang limitadong bilang ng mga lalaki at babae ang bubuhaying-muli tungo sa buhay sa langit. Bilang mga hari at saserdoteng kasama ni Jesus, makikibahagi sila sa pagpapawalang-bisa sa mga epekto ng kamatayan na minana ng sangkatauhan mula sa unang tao, si Adan. (Roma 5:12; Apocalipsis 5:​9, 10) Ilan ang dadalhin ng Diyos sa langit upang mamahalang kasama ni Kristo? Ayon sa Bibliya, 144,000 lamang. (Apocalipsis 7:4; 14:1) Bibigyan ni Jehova ng isang katawang espiritu ang bawat binuhay-muling ito upang mabuhay sila sa langit.​—1 Corinto 15:​35, 38, 42-45; 1 Pedro 3:18.

20. Ano ang tatamasahin ng masunuring sangkatauhan, kabilang na ang mga binuhay-muli?

20 Di-palák na ang karamihan sa mga namatay ay bubuhaying-muli tungo sa isang paraisong lupa. (Awit 37:​11, 29; Mateo 6:10) Ang isang dahilan ng pagbuhay-muli sa ilan tungo sa langit ay upang makumpleto ang layunin ng Diyos para sa lupa. Unti-unting ibabalik ni Jesu-Kristo at ng 144,000 sa langit ang masunuring sangkatauhan tungo sa kasakdalan na naiwala ng ating orihinal na mga magulang. Mapapabilang dito ang mga binuhay-muli, gaya ng ipinahiwatig ni Jesus nang sabihin niya sa naghihingalong lalaki na nakapako sa tabi niya: “Makakasama kita sa Paraiso.”​—Lucas 23:​42, 43.

21. Ayon kina propeta Isaias at apostol Juan, ano ang mangyayari sa kamatayan?

21 Sa Paraisong lupa, ang kamatayan, na sa ngayon ay sanhi ng lahat ng kawalang-saysay, ay aalisin. (Roma 8:​19-21) Ipinahayag ni propeta Isaias na “aktuwal na lululunin [ng Diyos na Jehova] ang kamatayan magpakailanman.” (Isaias 25:8) Binigyan si apostol Juan ng isang pangitain ng panahong ang masunuring sangkatauhan ay magtatamasa ng kalayaan mula sa kirot at kamatayan. Oo, “ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”​—Apocalipsis 21:​1-4.

22. Papaano nakaaapekto sa iyo ang kaalaman tungkol sa pagkabuhay-muli?

22 Ang maliliwanag na turo ng Bibliya ay nag-aalis ng pagkalito tungkol sa nangyayari sa mga patay. Maliwanag na sinasabi ng Kasulatan na ang kamatayan ang “huling kaaway” na pupuksain. (1 Corinto 15:26) Ano ngang laking pampatibay at kaaliwan ang natatamo natin mula sa kaalaman tungkol sa pag-asa ng pagkabuhay-muli! At anong galak nga natin na malamang ang ating yumaong mga mahal sa buhay na nasa alaala ng Diyos ay magigising mula sa pagkakatulog sa kamatayan upang tamasahin ang lahat ng mabubuting bagay na inihanda niya para sa mga umiibig sa kaniya! (Awit 145:16) Ang gayong mga pagpapala ay isasakatuparan sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos. Ngunit kailan kaya nakatakdang magsimula ang pamamahala nito? Tingnan natin.

SUBUKIN ANG IYONG KAALAMAN

Ano ang espiritung nasa mga tao?

Papaano mo ilalarawan ang kalagayan ng mga patay?

Sinu-sino ang bubuhaying-muli?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 85]

Kung papaanong tinawag ni Jesus si Lazaro mula sa libingan, milyun-milyon din naman ang bubuhaying-muli

[Larawan sa pahina 86]

Mananaig ang kagalakan kapag ‘nilulon na ng Diyos ang kamatayan magpakailanman’