Bakit Tayo Tumatanda at Namamatay?
Kabanata 6
Bakit Tayo Tumatanda at Namamatay?
1. Ano ang hindi maipaliwanag ng mga siyentipiko hinggil sa buhay ng tao?
HINDI alam ng mga siyentipiko kung bakit ang mga tao’y tumatanda at namamatay. Sa wari’y dapat na maging bago nang bago ang ating mga selula at na tayo’y dapat mabuhay magpakailanman. Ganito ang sabi ng aklat na Hyojun Soshikigaku (Standard Histology): “Isang malaking hiwaga kung ano ang kaugnayan ng pagtanda ng mga selula sa pagtanda at kamatayan ng isang tao.” Maraming siyentipiko ang naniniwalang may isang “natural at likas” na hangganan ang buhay. Sa palagay mo kaya’y tama sila?
2. Ano ang nagawa na ng ilan dahil sa likas na kaigsian ng buhay?
2 Mula’t sapol ay gayon na lamang ang kasabikan ng mga tao sa pagkakaroon ng mahabang buhay at sinubok pa man din nila na maabot ang imortalidad. Mula noong ikaapat na siglo B.C.E., ang mga gamot na di-umano’y dinisenyo upang gawing posible ang imortalidad ay tumawag ng pansin sa mahaharlikang Intsik. Sinubukan ng sumunod na ilang emperador na Intsik ang sinasabing mga sangkap na pampahaba ng buhay—gawa mula sa asoge—at sila’y namatay! Sa palibot ng daigdig, naniniwala ang mga tao na ang kamatayan ay hindi siyang katapusan ng kanilang pag-iral. Ang mga Budista, Hindu, Muslim, at iba pa ay pawang may maningning na pag-asa ng isang buhay sa likod ng kamatayan. Sa Sangkakristiyanuhan, pinapangarap ng marami ang kabilang-buhay sa langit na puspos ng kaligayahan.
3. (a) Bakit ang mga tao’y nasasabik sa buhay na walang-hanggan? (b) Anu-anong tanong tungkol sa kamatayan ang kailangang sagutin?
3 Ang mga pangarap tungkol sa kaligayahan pagkamatay ay nagbabadya ng pananabik sa buhay na walang-hanggan. “Maging ang panahong walang takda ay kaniyang inilagay sa kanilang puso,” sabi ng Bibliya may kinalaman sa idea ng kawalang-hanggan na itinanim ng Diyos sa atin. (Eclesiastes 3:11) Nilalang niya ang unang mga tao taglay ang pag-asang sila’y maaaring mabuhay sa lupa magpakailanman. (Genesis 2:16, 17) Kung gayon, bakit namamatay ang mga tao? Papaano pumasok ang kamatayan sa sanlibutan? Ang kaalaman ng Diyos ay nagbibigay-liwanag sa mga tanong na ito.—Awit 119:105.
ISANG UBOD-SAMANG PAKANA
4. Papaano ipinakilala ni Jesus ang kriminal na siyang may kagagawan sa pagkamatay ng mga tao?
4 Sinisikap ng isang kriminal na pagtakpan ang kaniyang mga ginawa. Ito’y naging totoo rin sa isang may kagagawan sa isang krimen na nagdulot ng kamatayan sa bilyun-bilyon. Minaneobra niya ang mga bagay-bagay upang mabalutan ng misteryo ang pagkamatay ng mga tao. Ipinakilala ni Jesu-Kristo ang kriminal na ito nang sabihin Niya sa mga nais pumatay sa Kaniya: “Kayo ay mula sa inyong amang Diyablo, at ninanais ninyong gawin ang mga nasa ng inyong ama. Ang isang iyon ay mamamatay-tao nang siya ay magpasimula, at siya ay hindi tumayong matatag sa katotohanan, sapagkat ang katotohanan ay wala sa kaniya.”—Juan 8:31, 40, 44.
5. (a) Ano ang pinagmulan ng isa na naging Satanas na Diyablo? (b) Ano ang kahulugan ng mga salitang “Satanas” at “Diyablo”?
5 Oo, ang Diyablo ay isang pusakal na “mamamatay-tao.” Isinisiwalat ng Bibliya na siya’y isang tunay na persona, hindi lamang basta ang kasamaang nasa puso ng isa. (Mateo 4:1-11) Bagaman nilalang na isang matuwid na anghel, “hindi siya tumayong matatag sa katotohanan.” Talagang angkop lamang na tawagin siyang Satanas na Diyablo! (Apocalipsis 12:9) Siya’y tinawag na “Satanas,” o “manlalabán,” sapagkat sinalansang niya at nilabanan si Jehova. Ang kriminal na ito ay tinawag ding “Diyablo,” na nangangahulugang “maninirang-puri,” sapagkat siya’y may-kapusungang lumapastangan sa Diyos.
6. Bakit naghimagsik si Satanas laban sa Diyos?
6 Ano ang nag-udyok kay Satanas upang maghimagsik laban sa Diyos? Kasakiman. Buong-kasakiman niyang inimbot ang pagsambang nakakamit ni Jehova mula sa mga tao. Hindi agad inalis ng Diyablo ang pagnanasang mapasakaniya ang gayong pagsamba, na nararapat lamang sa Maylalang. (Ihambing ang Ezekiel 28:12-19.) Sa halip, pinalago ng anghel na naging Satanas ang sakim na pagnanasang ito hanggang sa ito’y maglihi at magsilang ng kasalanan.—Santiago 1:14, 15.
7. (a) Ano ang dahilan ng pagkamatay ng tao? (b) Ano ang kasalanan?
7 Nakilala na natin ang salarin na ang ginawang krimen ay nagdulot ng kamatayan sa mga tao. Subalit ano nga ba ang pinaka-ugat na dahilan ng kamatayan ng mga tao? Sinasabi ng Bibliya: “Ang tibo na nagbubunga ng kamatayan ay kasalanan.” (1 Corinto 15:56) At ano ang kasalanan? Upang maunawaan ang salitang ito, isaalang-alang natin ang kahulugang taglay nito sa orihinal na mga wika ng Bibliya. Ang mga pandiwang Hebreo at Griego na karaniwang isinasaling “magkasala” ay nangangahulugang “sumala” sa diwa na sumala sa marka o hindi nakaabot sa tunguhin. Sa anong marka tayong lahat sumala? Ang marka ng sakdal na pagsunod sa Diyos. Subalit, papaano pumasok sa sanlibutan ang kasalanan?
KUNG PAPAANO ISINAGAWA ANG PAKANA
8. Papaano sinikap ni Satanas na mapasakaniya ang pagsamba ng mga tao?
8 Maingat na bumuo si Satanas ng isang pakana sa pag-aakalang ito’y aakay sa kaniyang pamamahala sa lahat ng tao at sa pagkakamit ng kanilang pagsamba. Nagpasiya siyang ulukan ang unang mag-asawa, sina Adan at Eva, na magkasala laban sa Diyos. Binigyan ni Jehova ang ating unang mga magulang ng kaalaman na aakay sana sa buhay na walang-hanggan. Alam nila na ang kanilang Maylalang ay mabuti sapagkat inilagay niya sila sa magandang halamanan ng Eden. Lalo nang nadama ni Adan ang kabutihan ng kaniyang makalangit na Ama nang bigyan siya ng Diyos ng isang maganda at matulunging asawa. (Genesis 1:26, 29; 2:7-9, 18-23) Ang pananatiling buháy ng unang mag-asawa ay depende sa pagsunod sa Diyos.
9. Anong utos ang ibinigay ng Diyos sa unang tao, at bakit ito makatuwiran?
9 Inutusan ng Diyos si Adan: “Sa bawat punungkahoy sa halamanan ay makakakain kang may kasiyahan. Ngunit sa bunga ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain, sapagkat sa araw na kumain ka ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:16, 17) Bilang Maylalang, karapatan ng Diyos na Jehova na maglagay ng mga pamantayang moral at magtakda kung ano ang mabuti at kung ano ang masama para sa kaniyang mga nilalang. Ang kaniyang utos ay makatuwiran sapagkat malaya naman sina Adan at Eva na kumain ng bunga mula sa lahat ng ibang punungkahoy sa halamanan. Maaari silang magpakita ng pagpapahalaga sa matuwid na pamamahala ni Jehova sa pamamagitan ng pagsunod sa utos na ito sa halip na buong-pagmamalaking gumawa ng kanilang sariling mga pamantayang moral.
10. (a) Papaano lumapit si Satanas sa mga tao upang akitin silang pumanig sa kaniya? (b) Anong motibo ang ipinaratang ni Satanas kay Jehova? (c) Ano ang masasabi mo sa pagsalakay ni Satanas sa Diyos?
10 Nagpakana ang Diyablo na ilayo sa Diyos ang unang mga tao. Upang akitin silang pumanig sa kaniya, nagsinungaling si Satanas. Sa paggamit ng isang serpiyente, kung papaanong ang isang ventriloquist ay gumagamit ng manyika, nagtanong ang Diyablo kay Eva: “Talaga nga bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain ng bunga ng bawat punò sa halamanan?” Nang banggitin ni Eva ang utos ng Diyos, nagpahayag si Satanas: “Tiyak na hindi kayo mamamatay.” Pagkatapos ay pinaratangan niyang si Jehova ay may masamang motibo sa pagsasabi: “Alam ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo niyaon madidilat ang inyong mga mata at kayo’y magiging parang Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” (Genesis 3:1-5) Sa gayon ay ipinahiwatig ng Diyablo na ang Diyos ay may ipinagkakait na mabuting bagay. Tunay na isang mapanirang-puring pagsalakay sa tapat at maibiging Ama sa langit na si Jehova!
11. Papaano naging kasabuwat ni Satanas sina Adan at Eva?
11 Tiningnan muli ni Eva ang punungkahoy, at ang bunga nito ngayo’y nagmistulang lalong kaibig-ibig. Kaya pinitas niya ang prutas at kinain ito. Pagkaraan, kusang nakisali sa kaniya ang kaniyang asawa sa makasalanang gawang ito ng pagsuway sa Diyos. (Genesis 3:6) Bagaman nalinlang si Eva, siya at si Adan ay kapuwa sumuporta sa pakana ni Satanas na pamahalaan ang lahi ng tao. Sa diwa, sila’y naging mga kasabuwat niya.—Roma 6:16; 1 Timoteo 2:14.
12. Ano ang ibinunga ng paghihimagsik ng tao laban sa Diyos?
12 Kinailangang harapin nina Adan at Eva ang naging bunga ng kanilang ginawa. Hindi sila naging gaya ng Diyos, na may tanging kaalaman. Sa halip, sila’y napahiya at ikinubli ang kanilang sarili. Hiningan ni Jehova ng sulit si Adan at ipinahayag ang ganitong hatol: “Sa pawis ng iyong mukha kakain ka ng tinapay hanggang sa mauwi ka sa lupa, sapagkat diyan ka kinuha. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.” (Genesis 3:19) “Sa araw” na kumain ang ating unang mga magulang mula sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama, sila’y hinatulan ng Diyos at namatay na sa kaniyang paningin. Pagkatapos ay pinalayas sila sa Paraiso at nagsimula ang kanilang pagkahulog tungo sa pisikal na kamatayan.
KUNG PAPAANO LUMAGANAP ANG KASALANAN AT KAMATAYAN
13. Papaano lumaganap ang kasalanan sa buong lahi ng tao?
13 Sa wari’y nagtagumpay si Satanas sa kaniyang balak na makamit ang pagsamba ng mga tao. Ngunit, hindi niya mapanatiling buháy ang kaniyang mga mananamba. Nang magsimulang umepekto ang kasalanan sa unang mag-asawa, hindi na nila mailipat ang kasakdalan sa kanilang mga supling. Gaya ng nakaukit na inskripsiyon sa bato, ang kasalanan ay malalim na iniukit sa genes ng ating unang mga magulang. Kaya nga, sila’y maaari lamang magluwal ng di-sakdal na mga supling. Yamang ang lahat ng kanilang anak ay ipinaglihi pagkatapos na magkasala sina Adan at Eva, ang kanilang mga supling ay nagmana ng kasalanan at kamatayan.—Awit 51:5; Roma 5:12.
14. (a) Kanino natin maaaring itulad yaong hindi umaamin sa kanilang kasalanan? (b) Papaano ipinabatid sa mga Israelita ang kanilang pagiging makasalanan?
14 Gayunman, marami sa ngayon ang hindi naniniwalang sila’y makasalanan. Sa ilang bahagi ng daigdig, ang idea ng minanang kasalanan ay hindi man lamang nababatid ng karamihan. Subalit hindi iyon patotoo na hindi umiiral ang kasalanan. Ang isang batang lalaki na may maruming mukha ay maaaring magsabing siya’y malinis, at maaari lamang mapaniwalang hindi nga kung titingin siya sa salamin. Ang sinaunang mga Israelita ay gaya ng batang lalaking iyan nang tanggapin nila ang Batas ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang propetang si Moises. Niliwanag ng Batas na ang kasalanan ay umiiral. “Tunay nga na hindi ko sana nakilala ang kasalanan kung hindi dahil sa Batas,” ang paliwanag ni apostol Pablo. (Roma 7:7-12) Gaya ng batang lalaking nakatingin sa salamin, sa pamamagitan ng paggamit ng Batas sa pagtingin sa kanilang sarili, makikita ng mga Israelita na sila’y marurumi sa paningin ni Jehova.
15. Ano ang naibunyag ng pagtingin sa salamin ng Salita ng Diyos?
15 Sa pagtingin sa salamin ng Salita ng Diyos at sa pagmamasid sa mga pamantayan nito, nakikita natin na tayo’y di-sakdal. (Santiago 1:23-25) Halimbawa, isaalang-alang ang sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad tungkol sa pag-ibig sa Diyos at sa kanilang kapuwa, gaya ng nakaulat sa Mateo 22:37-40. Tungkol dito’y napakadalas sumala sa marka ang mga tao! Marami ang hindi man lamang nasasaling ang budhi kapag nabigong magpakita ng pag-ibig sa Diyos o sa kanilang kapuwa.—Lucas 10:29-37.
MAG-INGAT SA MGA TAKTIKA NI SATANAS!
16. Ano ang maaari nating gawin upang huwag maging biktima ng mga pakana ni Satanas, at bakit ito mahirap gawin?
16 Sinisikap ni Satanas na hikayatin tayo na kusang gumawa ng pagkakasala. (1 Juan 3:8) May paraan ba upang huwag maging biktima ng kaniyang mga pakana? Oo, subalit kinakailangang labanan natin ang mga hilig na kusang magkasala. Hindi ito madali sapagkat napakalakas ng puwersa ng ating likas na hilig na magkasala. (Efeso 2:3) Kinailangan ni Pablo ang isang dibdibang pakikipagpunyagi. Bakit? Sapagkat ang kasalanan ay tumatahan sa kaniya. Kung hangad natin ang pagsang-ayon ng Diyos, tayo man ay dapat lumaban sa mga makasalanang hilig na nasa atin.—Roma 7:14-24; 2 Corinto 5:10.
17. Ano ang lalo nang nagpapahirap sa paglaban sa ating makasalanang mga hilig?
17 Yamang si Satanas ay palaging naghahanap ng mga pagkakataon upang akitin tayong lumabag sa mga batas ng Diyos, ang ating pakikipaglaban sa kasalanan ay hindi madali. (1 Pedro 5:8) Bilang pagpapakita ng pagmamalasakit sa kapuwa mga Kristiyano, sinabi ni Pablo: “Natatakot ako na sa paanuman, kung paanong dinaya ng serpiyente si Eva sa pamamagitan ng katusuhan nito, ang inyong mga isipan ay mapasamâ nang palayo sa kataimtiman at sa kalinisan na nauukol sa Kristo.” (2 Corinto 11:3) Gayundin ang ginagamit na mga taktika ni Satanas sa ngayon. Nagsisikap siyang maghasik ng mga binhi ng pag-aalinlangan tungkol sa kabutihan ni Jehova at sa pakinabang ng pagsunod sa mga utos ng Diyos. Sinisikap ng Diyablo na samantalahin ang ating minanang makasalanang hilig at ipasunod sa atin ang landas ng pagmamataas, kasakiman, poot, at pagtatangi.
18. Papaano ginagamit ni Satanas ang sanlibutan upang itaguyod ang kasalanan?
18 Isa sa mga pakanang ginagamit ng Diyablo laban sa atin ay ang sanlibutan, na nasa ilalim ng kaniyang kapangyarihan. (1 Juan 5:19) Kung tayo’y hindi mag-iingat, gigipitin tayo ng mga taong tiwali at di-tapat sa sanlibutang nakapaligid sa atin tungo sa makasalanang landasin na lumalabag sa mga pamantayang moral ng Diyos. (1 Pedro 4:3-5) Marami ang nagwawalang-bahala sa mga batas ng Diyos at ni hindi pinapansin ang pag-antig ng kanilang budhi, hanggang sa ito’y mawalan na ng pakiramdam. (Roma 2:14, 15; 1 Timoteo 4:1, 2) Ang ilan ay unti-unting sumasang-ayon sa isang landasin na dati ay hindi pinahihintulutan maging ng kanilang di-sakdal na budhi.—Roma 1:24-32; Efeso 4:17-19.
19. Bakit hindi sapat na basta mamuhay nang malinis?
19 Ang malinis na pamumuhay ay isang pambihirang bagay sa sanlibutang ito. Gayunman, upang mapaluguran ang ating Maylalang, higit pa ang kailangan. Dapat din tayong manampalataya sa Diyos at makadama ng pananagutan sa kaniya. (Hebreo 11:6) “Kung nalalaman ng isa kung paano gagawin ang tama at gayunma’y hindi ito ginagawa, ito ay kasalanan sa kaniya,” isinulat ng alagad na si Santiago. (Santiago 4:17) Oo, ang sinasadyang pagwawalang-bahala sa Diyos at sa kaniyang mga utos sa ganang sarili ay isang anyo ng kasalanan.
20. Papaano maaaring sikapin ni Satanas na hadlangan ka sa paggawa ng tama, ngunit ano ang tutulong sa iyo upang labanan ang gayong mga panggigipit?
20 Malamang na nag-udyok si Satanas ng pagsalansang sa iyong pagkuha ng kaalaman ng Diyos sa pamamagitan ng iyong pag-aaral ng Bibliya. Sana naman ay huwag mong pahintulutang mahadlangan ng gayong mga panggigipit ang iyong paggawa ng tama. (Juan 16:2) Bagaman maraming tagapamahala ang naglagak ng pananampalataya kay Jesus sa panahon ng kaniyang ministeryo, hindi nila siya ipinahayag sapagkat sila’y natakot na baka sila’y iwasan sa kanilang komunidad. (Juan 12:42, 43) Walang-awang sinisikap ni Satanas na takutin ang sinumang naghahanap ng kaalaman ng Diyos. Gayunman, dapat mong palaging alalahanin at pahalagahan ang kahanga-hangang mga bagay na nagawa na ni Jehova. Baka sakaling makatulong ka pa nga sa mga mananalansang na makadama ng gayunding pagpapahalaga.
21. Papaano natin madaraig ang sanlibutan at ang ating sariling mga makasalanang hilig?
21 Habang tayo’y mga di-sakdal pa, tayo’y magkakasala. (1 Juan 1:8) Gayunman, tayo’y tinutulungan sa pakikipaglabang ito. Oo, posibleng magtagumpay tayo sa ating pakikipaglaban sa balakyot na isa, si Satanas na Diyablo. (Roma 5:21) Sa wakas ng ministeryo ni Jesus sa lupa, pinatibay niya ang kaniyang mga tagasunod sa mga salitang ito: “Sa sanlibutan ay may kapighatian kayo, ngunit lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.” (Juan 16:33) Maging sa di-sakdal na mga tao, posibleng madaig ang sanlibutan sa tulong ng Diyos. Hindi kayang hawakan ni Satanas yaong sumasalansang sa kaniya at ‘nagpapasakop ng kanilang sarili sa Diyos.’ (Santiago 4:7; 1 Juan 5:18) Gaya ng makikita pa natin, naglaan ang Diyos ng paraan upang makalaya sa kasalanan at kamatayan.
SUBUKIN ANG IYONG KAALAMAN
Sino si Satanas na Diyablo?
Bakit ang mga tao ay tumatanda at namamatay?
Ano ang kasalanan?
Papaano hinihikayat ni Satanas ang mga tao sa kusang pagkakasala laban sa Diyos?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Buong-pahinang larawan sa pahina 54]