Gawin Mong Tunguhin ang Maglingkod sa Diyos Magpakailanman
Kabanata 18
Gawin Mong Tunguhin ang Maglingkod sa Diyos Magpakailanman
1, 2. Ano pa ang kahilingan bukod sa pagtataglay lamang ng kaalaman ng Diyos?
IPAGPALAGAY nang nakatayo ka sa harap ng nakasusing pinto na papasók sa isang kuwartong kinalalagyan ng napakalaking kayamanan. Sabihin nating ibinigay sa iyo ng isang awtorisadong tao ang susi at sinabi sa iyong bahala ka na sa mahahalagang bagay na ito. Walang magagawang kabutihan ang susing iyon maliban lamang na ito’y iyong gamitin. Sa gayunding paraan, dapat mong gamitin ang kaalaman upang ito’y mapakinabangan mo.
2 Ito’y lalo nang totoo kung tungkol sa kaalaman ng Diyos. Tunay, ang tumpak na kaalaman tungkol kay Jehova at kay Jesu-Kristo ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan. (Juan 17:3) Ngunit, ang pag-asang iyan ay hindi matutupad sa basta pagtataglay lamang ng kaalaman. Kung papaanong dapat mong gamitin ang isang mahalagang susi, kailangan mong ikapit ang kaalaman ng Diyos sa iyong buhay. Sinabi ni Jesus na yaong gumagawa ng kalooban ng Diyos ay “papasok sa kaharian.” Ang gayong mga tao ay magkakapribilehiyong maglingkod sa Diyos magpakailanman!—Mateo 7:21; 1 Juan 2:17.
3. Ano ang kalooban ng Diyos para sa atin?
3 Pagkatapos na malaman ang kalooban ng Diyos, kinakailangang isagawa ito. Ano sa palagay mo ang kalooban ng Diyos para sa iyo? Ito’y maaaring buuin sa pananalitang ito: Tularan mo si Jesus. Ang 1 Pedro 2:21 ay nagsasabi sa atin: “Sa landasing ito ay tinawag kayo, sapagkat maging si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iiwan ng huwaran sa inyo upang sundan ninyo nang maingat ang kaniyang mga yapak.” Kung gayon, upang magawa ang kalooban ng Diyos, kailangang maingat na tularan mo hangga’t maaari ang halimbawa ni Jesus. Ganiyan mo ikinakapit ang kaalaman ng Diyos.
KUNG PAPAANO GINAMIT NI JESUS ANG KAALAMAN NG DIYOS
4. Bakit napakaraming alam ni Jesus tungkol kay Jehova, at papaano niya ginamit ang kaalamang ito?
4 Mas nakahihigit ang matalik na kaalaman ni Jesu-Kristo tungkol sa Diyos kaysa sa iba. Siya’y nabuhay at gumawang kasama ng Diyos na Jehova sa langit sa napakalaon nang panahon bago pumarito sa lupa. (Colosas 1:15, 16) At ano ang ginawa ni Jesus sa lahat ng kaalamang iyan? Hindi siya nasiyahan sa basta pagtataglay lamang nito. Si Jesus ay namuhay ayon dito. Iyan ang dahilan kung bakit siya’y napakabait, napakamatiisin, at napakamapagmahal sa pakikitungo sa kaniyang kapuwa tao. Sa gayon ay tinutularan ni Jesus ang kaniyang makalangit na Ama at gumagawing kasuwato ng kaniyang kaalaman tungkol sa mga pamamaraan at personalidad ni Jehova.—Juan 8:23, 28, 29, 38; 1 Juan 4:8.
5. Bakit nagpabautismo si Jesus, at papaano niya tinupad ang kahulugan ng kaniyang bautismo?
5 Ang kaalamang taglay ni Jesus ay nagpakilos din sa kaniya upang kunin ang isang napakahalagang hakbang. Siya’y nanggaling sa Galilea patungo sa Ilog Jordan, at doo’y binautismuhan siya ni Juan. (Mateo 3:13-15) Ano ang isinagisag ng bautismo ni Jesus? Bilang isang Judio, siya’y ipinanganak sa isang bansang nakaalay sa Diyos. Kaya nga, si Jesus ay nakaalay na sa pagsilang pa lamang. (Exodo 19:5, 6) Sa pagpapasailalim sa bautismo, inihaharap niya ang kaniyang sarili kay Jehova upang gawin ang banal na kalooban para sa kaniya nang panahong iyon. (Hebreo 10:5, 7) At tinupad ni Jesus ang kahulugan ng kaniyang bautismo. Ibinuhos niya ang kaniyang buong buhay sa paglilingkod kay Jehova, na ibinabahagi ang kaalaman ng Diyos sa ibang tao sa bawat pagkakataon. Nakasumpong si Jesus ng kaluguran sa paggawa ng kalooban ng Diyos, anupat sinabi pa man ding ito’y waring pagkain para sa kaniya.—Juan 4:34.
6. Sa anong paraan itinatwa ni Jesus ang kaniyang sarili?
6 Lubusang naunawaan ni Jesus na ang kapalit ng paggawa ng kalooban ni Jehova ay isang napakataas na halaga—na magbubuwis pa man din ng kaniyang buhay. Magkagayon man, itinatwa ni Jesus ang kaniyang sarili, anupat inilagay ang kaniyang sariling pangangailangan sa pangalawahing dako. Ang paggawa ng kalooban ng Diyos ang lagi niyang inuuna. Sa bagay na ito, papaano natin matutularan ang sakdal na halimbawa ni Jesus?
MGA HAKBANG NA UMAAKAY SA BUHAY NA WALANG-HANGGAN
7. Ano ang ilang hakbang na dapat kunin ng isa upang maging karapat-dapat sa bautismo?
7 Di-gaya ni Jesus, tayo’y mga di-sakdal at makaaabot lamang sa puntong ito ng bautismo matapos kunin ang iba pang kinakailangang hakbang. Ito’y nagsisimula sa pagsasapuso ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. Ang paggawa nito’y magpapangyari sa atin na manampalataya at magkaroon ng masidhing pag-ibig sa Diyos. (Mateo 22:37-40; Roma 10:17; Hebreo 11:6) Ang pagtalima sa mga batas, simulain, at pamantayan ng Diyos ay dapat mag-udyok sa atin na magsisi, na ipinahahayag ang maka-Diyos na kalumbayan dahil sa nakaraang mga kasalanan. Ito’y umaakay sa pagkakumberte, alalaong baga’y, sa panunumbalik at pag-iiwan sa anumang maling landasing ating sinundan nang wala pa sa atin ang kaalaman ng Diyos. (Gawa 3:19) Siyempre pa, kung lihim na ginagawa pa natin ang ilang pagkakasala sa halip na gawin ang matuwid, hindi pa tayo tunay na nanunumbalik, ni nadaraya man natin ang Diyos. Nahahalata ni Jehova ang lahat ng pagpapaimbabaw.—Lucas 12:2, 3.
8. Anong pagkilos ang dapat mong gawin kung nais mong makibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian?
8 Ngayong kumukuha ka na ng kaalaman ng Diyos, hindi ba angkop lamang na isaalang-alang kung papaano personal mong maikakapit ang espirituwal na mga bagay? Marahil ay masasabik kang sabihin sa iyong mga kamag-anak, kaibigan, at sa iba pa ang iyong natututuhan. Sa katunayan, baka ginagawa mo na ito, kung papaanong ibinahagi ni Jesus ang mabuting balita sa iba sa impormal na mga kalagayan. (Lucas 10:38, 39; Juan 4:6-15) Ngayon ay baka nais mong gumawa nang higit pa. Malulugod ang Kristiyanong matatanda na makipag-usap sa iyo upang matiyak na ikaw ay kuwalipikado na at maaari nang makibahagi sa regular na gawain ng mga Saksi ni Jehova sa pangangaral ng Kaharian. Kung kuwalipikado ka na, gagawa ng mga kaayusan ang matatanda para sa iyo na sumama sa isang Saksi sa ministeryo. Sinunod ng mga alagad ni Jesus ang kaniyang mga tagubilin upang maisagawa ang kanilang ministeryo sa isang maayos na paraan. (Marcos 6:7, 30; Lucas 10:1) Makikinabang ka sa gayunding tulong habang nakikibahagi ka sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian sa bahay-bahay at sa iba pang paraan.—Gawa 20:20, 21.
9. Papaano nag-aalay ang isang tao sa Diyos, at papaano nagkakabisa ang pag-aalay sa buhay ng isang tao?
9 Ang pangangaral ng mabuting balita sa lahat ng uri ng tao sa teritoryo ng kongregasyon ay isang paraan ng paghanap sa mga nakahilig sa katuwiran at isa sa maiinam na gawang nagpapatunay na ikaw ay may pananampalataya. (Gawa 10:34, 35; Santiago 2:17, 18, 26) Ang palagiang pagdalo sa mga pulong Kristiyano at pagkakaroon ng makabuluhang pakikibahagi sa gawaing pangangaral ay mga paraan din upang ipakitang ikaw ay nagsisi na at nanumbalik na at ngayo’y determinado nang mamuhay ayon sa kaalaman ng Diyos. Ano ang susunod na makatuwirang hakbang? Iyon ay ang pag-aalay sa Diyos na Jehova. Nangangahulugan ito na sa pamamagitan ng taos-pusong pananalangin, sinasabi mo sa Diyos na kusang-loob at buong-pusong ibinibigay mo ang iyong buhay sa kaniya sa paggawa ng kaniyang kalooban. Ito ang paraan ng pag-aalay ng iyong sarili kay Jehova at pagtanggap ng may-kabaitang pamatok ni Jesu-Kristo.—Mateo 11:29, 30.
BAUTISMO—ANG KAHULUGAN NITO PARA SA IYO
10. Bakit dapat kang pabautismo matapos mong ialay ang iyong sarili kay Jehova?
10 Ayon kay Jesus, lahat ng nagiging alagad niya ay dapat pabautismo. (Mateo 28:19, 20) Bakit kailangan ito matapos mag-alay ng iyong sarili sa Diyos? Yamang naialay mo na ang iyong sarili kay Jehova, alam niyang iniibig mo siya. Ngunit walang alinlangang nanaisin mong gumawa nang higit pa upang ipaalam sa iba ang iyong pag-ibig sa Diyos. Buweno, ang bautismo ay nagbibigay sa iyo ng pagkakataon upang ihayag sa madla ang iyong pag-aalay sa Diyos na Jehova.—Roma 10:9, 10.
11. Ano ang kahulugan ng bautismo?
11 Ang bautismo ay sagana sa makasagisag na kahulugan. Kapag ikaw ay inilubog, o “inilibing,” sa ilalim ng tubig, para bang ikaw ay namatay sa iyong dating landasin ng buhay. Nang ikaw ay bumangon sa tubig, para bang ikaw ay bumangon sa isang bagong buhay, isa na inuugitan ng kalooban ng Diyos at hindi ng iyong sarili. Mangyari pa, hindi iyan nangangahulugan na hindi ka na magkakasala, yamang tayong lahat ay di-sakdal at sa gayon ay nagkakasala araw-araw. Ngunit, bilang nakaalay at bautisadong lingkod ni Jehova, pumapasok ka na sa isang pantanging pakikipag-ugnayan sa kaniya. Dahil sa iyong pagsisisi at sa iyong mapagpakumbabang pagpapasakop sa bautismo, nalulugod si Jehova na patawarin ang iyong mga kasalanan batay sa haing pantubos ni Jesus. Ang bautismo kung gayon ay umaakay sa pagtataglay ng isang malinis na budhi sa harap ng Diyos.—1 Pedro 3:21.
12. Ano ang kahulugan ng pagpapabautismo (a) “sa pangalan ng Ama”? (b) ‘sa pangalan ng Anak’? (c) ‘sa pangalan ng banal na espiritu’?
12 Inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na bautismuhan ang mga bagong alagad “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.” (Mateo 28:19) Ano ang ibig ipakahulugan ni Jesus? Ang pagpapabautismo “sa pangalan ng Ama” ay nagpapahiwatig na tinatanggap nang buong-puso ng taong nagpabautismo ang Diyos na Jehova bilang ang Maylalang at karapat-dapat na Soberano ng sansinukob. (Awit 36:9; 83:18; Eclesiastes 12:1) Ang pagiging nabautismuhan ‘sa pangalan ng Anak’ ay nangangahulugang kinikilala ng indibiduwal si Jesu-Kristo—at lalo na ang Kaniyang haing pantubos—bilang tanging paraan ng kaligtasan na inilaan ng Diyos. (Gawa 4:12) Ang bautismo ‘sa pangalan ng banal na espiritu’ ay tanda na kinikilala ng kandidato sa bautismo ang banal na espiritu ni Jehova, o aktibong puwersa, bilang instrumento ng Diyos sa pagsasagawa ng Kaniyang mga layunin at upang magpalakas sa Kaniyang mga lingkod na gawin ang Kaniyang matuwid na kalooban may kaugnayan sa Kaniyang pinapatnubayan-ng-espiritung organisasyon.—Genesis 1:2; Awit 104:30; Juan 14:26; 2 Pedro 1:21.
HANDA KA NA BANG PABAUTISMO?
13, 14. Bakit hindi tayo dapat matakot na piliing paglingkuran ang Diyos na Jehova?
13 Yamang ang bautismo ay may gayon na lamang kahulugan at isang napakahalagang pangyayari sa buhay ng isang tao, ito ba’y isang hakbang na dapat mong katakutan? Hinding-hindi! Bagaman ang pasiyang pabautismo ay hindi dapat maliitin, walang-alinlangang ito ang pinakamatalinong pasiya na maaari mong gawin.
14 Ang bautismo ay isang katibayan na pinili mong paglingkuran ang Diyos na Jehova. Isip-isipin ang mga taong nakakasalamuha mo. Sa paanu’t paano man, di ba’t bawat isa sa kanila’y naglilingkod sa isang panginoon? Ang ilan ay alipin ng kayamanan. (Mateo 6:24) Ang iba nama’y buong-pagsisikap na nagtataguyod sa kanilang karera o naglilingkod sa kanilang sarili anupat ginagawang pangunahin sa buhay ang pag-abót sa kanilang sariling mga pangarap. Ang iba pa’y naglilingkod sa huwad na mga diyos. Ngunit pinili mong paglingkuran ang tunay na Diyos, si Jehova. Wala nang sinuman ang makapagpapamalas ng gayong kabaitan, pagkamadamayin, at pag-ibig. Pinararangalan ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng may-layuning gawain na umaakay sa kanila sa kaligtasan. Ginagantimpalaan niya ng buhay na walang-hanggan ang kaniyang mga lingkod. Tiyak, ang pagsunod sa halimbawa ni Jesus at pagbibigay ng iyong buhay kay Jehova ay hindi isang landasing dapat katakutan. Ang totoo, tanging ito lamang ang nakalulugod sa Diyos at ganap na makatuwiran.—1 Hari 18:21.
15. Ano ang ilang karaniwang hadlang sa pagpapabautismo?
15 Gayunman, ang bautismo ay hindi isang hakbang na dapat kunin dahil sa napipilitan lamang. Ito’y isang pansariling bagay sa pagitan mo at ni Jehova. (Galacia 6:4) Habang sumusulong ka sa espirituwal, baka maisip mo: “Ano ang nakapipigil sa akin upang mabautismuhan?” (Gawa 8:35, 36) Maaari mong itanong sa iyong sarili, ‘Ang pagsalansang ba ng pamilya ang pumipigil sa akin? Nasasangkot pa ba ako sa ilang di-maka-Kasulatang kalagayan o makasalanang gawa? Ako kaya’y natatakot lamang na baka layuan ako sa komunidad?’ Ito ang ilan sa mga bagay na dapat isaalang-alang, ngunit makatotohanang timbang-timbangin ang mga ito.
16. Papaano ka makikinabang sa paglilingkod kay Jehova?
16 Hindi magiging makatotohanan kung ang iisipin lamang ay ang magiging halaga nang hindi isinasaalang-alang ang kapalit na mga pakinabang ng paglilingkod kay Jehova. Halimbawa, kunin natin ang pagsalansang ng pamilya. Nangako si Jesus na kahit mawalan ng kanilang mga kamag-anak ang kaniyang mga alagad dahil sa pagsunod sa kaniya, magtatamo sila ng mas malaking espirituwal na pamilya. (Marcos 10:29, 30) Ang mga kapananampalatayang ito ay magpapakita sa iyo ng pag-ibig kapatid, tutulong sa iyong mabata ang pag-uusig, at susuportahan ka sa daang patungo sa buhay. (1 Pedro 5:9) Lalo nang makatutulong sa iyo ang matatanda sa kongregasyon na mapagtagumpayan ang mga suliranin at madaig ang iba pang mga hamon. (Santiago 5:14-16) Kung tungkol naman sa paglayo sa iyo ng sanlibutang ito, maaaring tanungin mo ang iyong sarili, ‘Ano pa ba ang maaaring ihambing sa pagkakaroon ng pagsang-ayon ng Maylalang ng buong sansinukob, na pinasasaya siya dahil sa aking piniling landasin sa buhay?’—Kawikaan 27:11.
PAMUMUHAY AYON SA IYONG PAG-AALAY AT BAUTISMO
17. Bakit dapat mong malasin ang bautismo bilang isang pasimula sa halip na ang wakas?
17 Mahalagang tandaan na ang bautismo ay hindi ang wakas ng iyong espirituwal na pagsulong. Ito’y tanda ng pasimula ng habang-buhay na paglilingkod sa Diyos bilang ordinadong ministro at isa sa mga Saksi ni Jehova. Bagaman ang bautismo ay napakahalaga, ito’y hindi garantiya ng kaligtasan. Hindi sinabi ni Jesus: ‘Lahat ng nabautismuhan ay maliligtas.’ Sa halip, sinabi niya: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Mateo 24:13) Samakatuwid, kinakailangang hanapin mo muna ang Kaharian ng Diyos anupat ginagawa mo itong pangunahing bagay sa iyong buhay.—Mateo 6:25-34.
18. Pagkatapos ng bautismo, anu-ano ang tunguhing maaaring itaguyod?
18 Upang makapagbata sa iyong paglilingkod kay Jehova, nanaisin mong maglagay ng espirituwal na mga tunguhin para sa iyong sarili. Ang isang mahalagang tunguhin ay ang pasulungin pa ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng regular na personal na pag-aaral ng kaniyang Salita. Isaplano ang isang pang-araw-araw na pagbabasa ng Bibliya. (Awit 1:1, 2) Palagiang dumalo sa mga pulong Kristiyano, sapagkat ang pagsasamahang masusumpungan mo roon ay tutulong upang mabigyan ka ng lakas sa espirituwal. Para sa iyong bahagi, bakit hindi mo gawing tunguhin na magkomento sa mga pulong sa kongregasyon at sa gayo’y pinupuri si Jehova at sinisikap na mapatibay ang iba? (Roma 1:11, 12) Maaaring ang isa pang tunguhin ay ang pasulungin pa ang uri ng iyong mga panalangin.—Lucas 11:2-4.
19. Matutulungan ka ng banal na espiritu na ipamalas ang anu-anong katangian?
19 Upang makapamuhay ka ayon sa kahulugan ng iyong bautismo, kailangan mong magbigay-pansin sa tuwi-tuwina sa iyong ginagawa, na hinahayaang mamunga sa iyo ang banal na espiritu ng Diyos ng mga katangiang gaya ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang-pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil-sa-sarili. (Galacia 5:22, 23; 2 Pedro 3:11) Tandaan, nagbibigay si Jehova ng kaniyang banal na espiritu sa lahat ng nananalangin ukol rito at sa mga sumusunod sa kaniya bilang kaniyang tapat na mga lingkod. (Lucas 11:13; Gawa 5:32) Kaya manalangin ka sa Diyos ukol sa kaniyang espiritu at humingi ng tulong sa kaniya sa pagpapamalas ng mga katangian na nakalulugod sa kaniya. Ang gayong mga katangian ay higit na mahahalata sa iyong pagsasalita at gawi habang tumutugon ka sa impluwensiya ng espiritu ng Diyos. Mangyari pa, bawat isa sa Kristiyanong kongregasyon ay nagsisikap na paunlarin ang “bagong personalidad” upang maging higit na gaya ni Kristo. (Colosas 3:9-14) Bawat isa sa atin ay napapaharap sa iba’t ibang hamon sa paggawa nito sapagkat tayo’y may kani-kaniyang sariling baitang ng pagsulong sa espirituwal. Yamang ikaw ay di-sakdal, dapat kang makipagpunyagi upang magkaroon ng tulad-Kristong personalidad. Ngunit huwag kailanman mawawalan ng pag-asa sa bagay na ito, sapagkat posible iyan sa tulong ng Diyos.
20. Sa anu-anong paraan matutularan mo si Jesus sa ministeryo?
20 Dapat na kabilang sa iyong espirituwal na mga tunguhin ang pagiging higit na maingat sa pagtulad sa maligayang halimbawa ni Jesus. (Hebreo 12:1-3) Mahal niya ang ministeryo. Sa gayon, kung ikaw ay may pribilehiyong makibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian, huwag mong hayaang ito’y maging rutina na lamang. Sikapin mong makadama ng kasiyahan sa pagtuturo sa iba ng tungkol sa Kaharian ng Diyos na gaya ni Jesus. Gamitin mo ang mga tagubiling inilalaan ng kongregasyon upang tulungan kang sumulong bilang isang guro. At asahan mong mabibigyan ka ni Jehova ng lakas upang ganapin ang iyong ministeryo.—1 Corinto 9:19-23.
21. (a) Papaano natin nalalaman na itinatangi ni Jehova ang tapat na mga bautisadong indibiduwal? (b) Ano ang nagpapakitang mahalaga ang bautismo sa ating kaligtasan kapag inilapat na ang hatol ng Diyos sa balakyot na sistemang ito ng mga bagay?
21 Ang isang nakaalay at bautisadong tao na tapat na nagsisikap na masundan si Jesus ay itinatangi ng Diyos. Sinusuri ni Jehova ang bilyun-bilyong puso ng tao at alam niya kung gaano kadalang ang mga indibiduwal na ito. Itinuturing niya silang mga kayamanan, “kanais-nais na mga bagay.” (Hagai 2:7) Ipinakikita ng mga hula sa Bibliya na minamalas ng Diyos ang mga ito bilang tinatakan na makaliligtas sa paglalapat ng kaniyang hatol na malapit nang sumapit sa balakyot na sistemang ito ng mga bagay. (Ezekiel 9:1-6; Malakias 3:16, 18) Ikaw ba’y “wastong nakaayon sa buhay na walang-hanggan”? (Gawa 13:48) Tapat ba ang iyong pagnanais na matatakan bilang isang naglilingkod sa Diyos? Ang pag-aalay at bautismo ay bahagi ng tatak na iyan, at ang mga ito’y kailangan para sa kaligtasan.
22. Anong pag-asa ang inaasam-asam ng “malaking pulutong”?
22 Pagkatapos ng pandaigdig na Baha, lumabas si Noe at ang kaniyang pamilya sa daong tungo sa isang nilinis na lupa. Gayundin sa ngayon, “isang malaking pulutong” na nagkakapit ng kaalaman ng Diyos sa kanilang buhay at nagkakamit ng pagsang-ayon ni Jehova ang may pag-asang makaligtas sa katapusan ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay at magtamasa ng buhay na walang-hanggan sa isang lupa na mamamalaging malinis. (Apocalipsis 7:9, 14) Ano kaya ang magiging kalagayan ng buhay na iyan?
SUBUKIN ANG IYONG KAALAMAN
Papaano nais ni Jehova na gamitin mo ang iyong kaalaman tungkol sa kaniya?
Anu-ano ang ilang hakbang na umaakay sa bautismo?
Bakit ang bautismo ay hindi ang wakas kundi ang pasimula?
Papaano tayo makapamumuhay ayon sa ating pag-aalay at bautismo?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 172]
Nakapag-alay ka na ba sa Diyos sa panalangin?
[Mga larawan sa pahina 174]
Ano ang nakapipigil sa iyo upang mabautismuhan?