Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kaninong Awtoridad ang Dapat Mong Kilalanin?

Kaninong Awtoridad ang Dapat Mong Kilalanin?

Kabanata 14

Kaninong Awtoridad ang Dapat Mong Kilalanin?

1, 2. Lahat ba ng anyo ng awtoridad ay nakapipinsala? Ipaliwanag.

 ANG “awtoridad” ay isang salitang di-nagugustuhan ng marami. Mauunawaan naman ito, sapagkat malimit na ang awtoridad ay inaabuso​—sa trabaho, sa pamilya, at ng mga pamahalaan. Makatotohanang sinasabi ng Bibliya: “Dominado ng tao ang kaniyang kapuwa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Oo, marami ang nagdomina sa iba sa paraang mapaniil at malasarili.

2 Ngunit hindi lahat ng awtoridad ay nakapipinsala. Halimbawa, masasabi na ang ating katawan ay may awtoridad sa atin. “Inuutusan” tayo nito na huminga, kumain, uminom, at matulog. Mahirap ba ito? Hindi. Ang pagsunod sa mga utos na ito ay para sa ating ikabubuti. Bagaman ang pagpapasakop sa mga pangangailangan ng ating katawan ay natural lamang na dapat gawin, may iba pang anyo ng awtoridad na nangangailangan ng ating kusang-loob na pagpapasakop. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.

ANG KATAAS-TAASANG AWTORIDAD

3. Bakit karapat-dapat tawagin si Jehova na “Soberanong Panginoon”?

3 Mahigit na 300 ulit sa Bibliya, si Jehova ay tinatawag na “Soberanong Panginoon.” Ang isang soberano ay nagtataglay ng kataas-taasang awtoridad. Ano ang nagbigay-karapatan kay Jehova sa kalagayang ito? Sumasagot ang Apocalipsis 4:11: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na amin ngang Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng mga bagay, at dahil sa iyong kalooban sila ay umiral at nalalang.”

4. Papaano minabuti ni Jehova na gamitin ang kaniyang awtoridad?

4 Bilang ating Maylalang, may karapatan si Jehova na gamitin ang kaniyang awtoridad sa anumang paraang nagugustuhan niya. Ito’y waring nakatatakot, lalo na nga’t iisipin nating taglay ng Diyos ang “saganang dinamikong lakas.” Siya’y tinatawag na “Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat”​—isang pananalita na sa Hebreo ay nagpapahiwatig ng idea ng nag-uumapaw-sa-kapangyarihang lakas. (Isaias 40:26; Genesis 17:1) Gayunman, ipinakikita ni Jehova ang kaniyang lakas sa isang mabait na paraan, yamang ang nangingibabaw niyang katangian ay ang pag-ibig.​—1 Juan 4:16.

5. Bakit hindi mahirap magpasakop sa awtoridad ni Jehova?

5 Bagaman nagbabala si Jehova na parurusahan niya ang mga di-nagsisising makasalanan, pangunahin nang kilala siya ni Moises bilang “ang tunay na Diyos, ang tapat na Diyos, na nag-iingat ng tipan at maibiging-kabaitan sa mga kaso niyaong umiibig sa kaniya at niyaong tumutupad ng kaniyang mga utos.” (Deuteronomio 7:9) Isip-isipin lamang! Hindi tayo pinipilit ng Kataas-taasang Awtoridad ng buong sansinukob na paglingkuran siya. Sa halip, tayo’y naaakit sa kaniya dahil sa kaniyang pag-ibig. (Roma 2:​4; 5:8) Ang pagpapasakop sa awtoridad ni Jehova ay isang kaluguran pa nga, yamang ang kaniyang mga batas ay lagi namang nauuwi sa ating ikabubuti.​—Awit 19:​7, 8.

6. Papaano bumangon ang usapin tungkol sa awtoridad sa halamanan ng Eden, at ano ang naging resulta?

6 Tinanggihan ng ating unang mga magulang ang soberanya ng Diyos. Gusto nilang magpasiya para sa kanilang sarili kung ano ang mabuti at kung ano ang masama. (Genesis 3:​4-6) Bilang resulta, sila’y pinalayas sa kanilang Paraisong tahanan. Mula noon ay pinahintulutan ni Jehova ang mga tao na gumawa ng sariling kaayusan ng awtoridad na magpapangyari sa kanilang mamuhay sa isang maayos, bagaman di-sakdal, na lipunan. Anu-ano ang ilan sa mga awtoridad na ito, at hanggang saan tayo inaasahan ng Diyos na magpapasakop sa mga ito?

“ANG NAKATATAAS NA MGA AWTORIDAD”

7. Sino ang “nakatataas na mga awtoridad,” at ano ang kaugnayan ng kanilang posisyon sa awtoridad ng Diyos?

7 Sumulat si apostol Pablo: “Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad, sapagkat walang awtoridad malibang sa pamamagitan ng Diyos.” Sino ang “nakatataas na mga awtoridad”? Ang mga salita ni Pablo sa sumunod na mga talata ay nagpapakita na ito’y ang namamahalang mga awtoridad ng tao. (Roma 13:​1-7; Tito 3:1) Hindi si Jehova ang pinanggalingan ng namamahalang mga awtoridad ng tao, ngunit umiiral ang mga ito dahil na rin sa kaniyang pahintulot. Kaya maisusulat ni Pablo: “Ang umiiral na mga awtoridad ay inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon.” Ano ang ipinahihiwatig nito kung tungkol sa gayong makalupang awtoridad? Na ito’y sakop, o mababa, sa awtoridad ng Diyos. (Juan 19:​10, 11) Samakatuwid, kapag may pagkakasalungatan sa pagitan ng batas ng tao at ng batas ng Diyos, ang mga Kristiyano’y dapat maugitan ng kanilang sinanay-sa-Bibliyang budhi. “Dapat [nilang] sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”​—Gawa 5:29.

8. Papaano ka nakikinabang sa nakatataas na mga awtoridad, at papaano mo maipakikita ang iyong pagpapasakop sa kanila?

8 Gayunman, madalas na kumikilos ang nakatataas na mga awtoridad ng mga pamahalaan bilang ‘ministro ng Diyos sa atin para sa ating kabutihan.’ (Roma 13:4) Sa anu-anong paraan? Buweno, isaisip natin ang maraming serbisyong inilalaan ng nakatataas na mga awtoridad, gaya ng koreo, proteksiyon ng mga pulis at bumbero, sanitasyon, at edukasyon. “Iyan ang dahilan kung bakit nagbabayad din kayo ng mga buwis,” isinulat ni Pablo, “sapagkat sila ay mga pangmadlang lingkod ng Diyos na palagiang naglilingkod sa mismong layuning ito.” (Roma 13:6) May kinalaman sa mga buwis o sa iba pang legal na obligasyon, dapat tayong “gumawi nang matapat.”​—Hebreo 13:18.

9, 10. (a) Papaano nababagay ang nakatataas na mga awtoridad sa kaayusan ng Diyos? (b) Bakit magiging mali na salansangin ang nakatataas na mga awtoridad?

9 Kung minsan, mali ang paggamit ng nakatataas na mga awtoridad sa kanilang kapangyarihan. Ito ba’y nag-aalis sa atin ng pananagutan na manatiling nagpapasakop sa kanila? Hindi naman. Nakikita ni Jehova ang masasamang gawa ng mga awtoridad na ito. (Kawikaan 15:3) Ang kaniyang pagpaparayâ sa pamamahala ng tao ay hindi nangangahulugang ipinipikit na lamang niya ang kaniyang mga mata sa katiwalian nito; ni inaasahan niyang gayon ang gagawin natin. Ang totoo, malapit nang ‘durugin at wasakin [ng Diyos] ang lahat ng mga kahariang ito,’ at palitan ang mga ito ng kaniyang sariling matuwid na pamahalaan. (Daniel 2:44) Subalit hangga’t hindi pa ito nagaganap, ang nakatataas na mga awtoridad ay nagagamit sa isang kapaki-pakinabang na layunin.

10 Ipinaliwanag ni Pablo: “Siya na sumasalansang sa awtoridad ay naninindigan laban sa kaayusan ng Diyos.” (Roma 13:2) Ang nakatataas na mga awtoridad ay “kaayusan” ng Diyos sa diwa na sa papaano man ay naiingatan nila ang katahimikan, na kung wala ito’y mangingibabaw ang kaguluhan at anarkiya. Ang pagsalansang sa mga ito ay magiging di-maka-Kasulatan at walang-kabuluhan. Bilang halimbawa: Sabihin nating ikaw ay inopera at tinahi ang iyong hiwa. Bagaman ang tahi ay hindi bahagi ng iyong katawan, ito’y may layunin sa isang limitadong panahon. Magiging maselang kapag ito’y inalis agad. Sa ganito ring paraan, ang namamahalang mga awtoridad ng tao ay di-bahagi ng orihinal na layunin ng Diyos. Gayunman, hangga’t hindi pa lubusang namamahala sa lupa ang kaniyang Kaharian, ang mga pamahalaan ng tao ay nagsisilbing pambuklod ng lipunan, anupat gumaganap ng isang papel na nababagay sa kalooban ng Diyos sa kasalukuyan. Kaya nga tayo’y dapat na manatiling nagpapasakop sa nakatataas na mga awtoridad, bagaman inuuna natin ang batas at awtoridad ng Diyos.

AWTORIDAD SA PAMILYA

11. Papaano mo ipaliliwanag ang simulain ng pagkaulo?

11 Ang pamilya ang pinakasaligang yunit ng lipunan ng tao. Dito ay makasusumpong ang mag-asawa ng kapaki-pakinabang na pagsasamahan, at ang mga anak nama’y maiingatan at masasanay para sa paglaki. (Kawikaan 5:​15-21; Efeso 6:​1-4) Ang ganitong marangal na kaayusan ay kailangang organisahin sa paraang magpapangyari sa mga miyembro ng pamilya na mamuhay nang payapa at nagkakasuwato. Ang paraan ni Jehova ng pagsasagawa nito ay sa pamamagitan ng simulain ng pagkaulo, na binuo sa pananalitang ito, na masusumpungan sa 1 Corinto 11:3: “Ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.”

12, 13. Sino ang ulo ng pamilya, at ano ang matututuhan sa paraan ni Jesus ng pagtupad sa pagkaulo?

12 Ang asawang lalaki ang ulo ng pamilya. Gayunman, may ulo rin siya​—si Jesu-Kristo. Isinulat ni Pablo: “Mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyong mga asawang babae, kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito.” (Efeso 5:25) Ipinaaaninag ng asawang lalaki ang kaniyang pagpapasakop kay Kristo kapag pinakikitunguhan niya ang kaniyang asawa sa paraang kagaya ng parating pakikitungo ni Jesus sa kongregasyon. (1 Juan 2:6) Napakalaking awtoridad ang ipinagkaloob kay Jesus, subalit ginagamit niya ito taglay ang buong kahinahunan, pag-ibig, at pagkamakatuwiran. (Mateo 20:​25-28) Bilang isang tao, hindi kailanman inabuso ni Jesus ang kaniyang posisyon bilang may awtoridad. Siya’y “mahinahong-loob at mababa ang puso,” at tinawag niya ang kaniyang mga tagasunod na “mga kaibigan” sa halip na “mga alipin.” “Pananariwain ko kayo,” ang pangako niya, at iyan nga ang kaniyang ginawa.​—Mateo 11:​28, 29; Juan 15:15.

13 Itinuturo ng halimbawa ni Jesus sa mga asawang lalaki na ang Kristiyanong pagkaulo ay hindi isang posisyon ng malupit na paghahari-harian. Sa halip, iyon ay kagalang-galang at may pag-ibig na nagsasakripisyo sa sarili. Maliwanag na walang lugar dito para sa pisikal at bibigang pananakit sa asawa. (Efeso 4:​29, 31, 32; 5:​28, 29; Colosas 3:19) Kaya kapag nanakit nang gayon ang isang lalaking Kristiyano sa kaniyang asawa, mawawalan ng kabuluhan ang kaniyang ibang mabubuting gawa, at mahahadlangan ang kaniyang mga panalangin.​—1 Corinto 13:​1-3; 1 Pedro 3:7.

14, 15. Papaano tumutulong sa isang asawang babae ang kaalaman ng Diyos upang maging mapagpasakop sa kaniyang asawa?

14 Kapag tinularan ng isang asawang lalaki ang halimbawa ni Kristo, magiging mas madali para sa kaniyang asawa na sumunod sa mga salita ng Efeso 5:​22, 23: “Ang mga asawang babae ay magpasakop sa kanilang mga asawang lalaki gaya ng sa Panginoon, sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae kung paanong ang Kristo rin ay ulo ng kongregasyon.” Kung papaanong ang asawang lalaki ay dapat magpasakop sa Kristo, ang asawang babae ay dapat pasakop sa kaniyang asawa. Nililiwanag din ng Bibliya na umaani ng karangalan at papuri ang mga may-kakayahang asawang babae dahil sa kanilang maka-Diyos na karunungan at kasipagan.​—Kawikaan 31:​10-31.

15 Ang pagpapasakop ng isang Kristiyanong asawang babae sa kaniyang asawa ay may-pasubali. Nangangahulugan ito na ang Diyos sa halip na ang tao ang dapat sundin kung ang magiging resulta ng pagpapasakop sa isang kaso ay ang pagsuway sa batas ng Diyos. Magkagayon man, ang matatag na paninindigan ng asawang babae ay dapat na palambutin ng isang “tahimik at mahinahong espiritu.” Dapat na makitang maliwanag na ang kaalaman ng Diyos ang nagpangyari sa kaniya na maging isang mas mabuting asawa. (1 Pedro 3:​1-4) Totoo rin ito sa isang Kristiyanong lalaki na ang asawa ay hindi sumasampalataya. Ang kaniyang pagsunod sa mga simulain ng Bibliya ay dapat magpangyari sa kaniya na maging isang mas mabuting asawa.

16. Papaano matutularan ng mga anak ang halimbawang ipinakita ni Jesus nang siya’y bata pa?

16 Binalangkas ng Efeso 6:1 ang papel ng mga anak, na nagsasabi: “Maging masunurin kayo sa inyong mga magulang kaisa ng Panginoon, sapagkat ito ay matuwid.” Tinutularan ng Kristiyanong mga anak ang halimbawa ni Jesus, na nanatiling nagpapasakop sa kaniyang mga magulang habang siya’y lumalaki. Bilang masunuring bata, siya’y “patuloy na sumulong sa karunungan at sa pisikal na paglaki at sa pabor ng Diyos at ng mga tao.”​—Lucas 2:​51, 52.

17. Ang paraan ng mga magulang sa paggamit ng awtoridad ay maaaring magkaroon ng anong epekto sa kanilang mga anak?

17 Ang pagganap ng mga magulang sa kanilang mga pananagutan ay maaaring makaimpluwensiya sa kanilang mga anak kung igagalang nga ba nila ang awtoridad o lalabanan ito. (Kawikaan 22:6) Kaya nararapat lamang na itanong ng mga magulang sa kanilang sarili, ‘Maibigin ba o malupit ang paraan ng paggamit ko ng aking awtoridad? Kunsintidor ba ako?’ Ang maka-Diyos na magulang ay inaasahang magiging maibigin at makonsiderasyon, ngunit matatag na nanghahawakan sa maka-Diyos na mga simulain. Angkop lamang kung gayon na isulat ni Pablo: “Mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak [sa literal, ‘pukawin sila sa poot’], kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.”​—Efeso 6:4; Colosas 3:21.

18. Papaano dapat igawad ng mga magulang ang disiplina?

18 Dapat na suriing mabuti ng mga magulang ang kanilang paraan ng pagsasanay, lalo na kung nais nilang ang kanilang mga anak ay maging masunurin at sa gayo’y magdulot sa kanila ng kagalakan. (Kawikaan 23:​24, 25) Sa Bibliya, ang disiplina ay pangunahin nang isang anyo ng pagtuturo. (Kawikaan 4:1; 8:33) Iniuugnay ito sa pag-ibig at kahinahunan, hindi sa galit at kalupitan. Kaya, ang mga Kristiyanong magulang ay kailangang kumilos nang may karunungan at magpigil sa kanilang sarili kapag dumidisiplina sa kanilang mga anak.​—Kawikaan 1:7.

AWTORIDAD SA KONGREGASYON

19. Papaano naglalaan ang Diyos ng mabuting kaayusan sa Kristiyanong kongregasyon?

19 Yamang si Jehova ay isang Diyos ng kaayusan, makatuwiran lamang na makapaglaan siya ng may-awtoridad at organisadong pangunguna sa kaniyang bayan. Sa gayon, inatasan niya si Jesus bilang Ulo ng Kristiyanong kongregasyon. (1 Corinto 14:​33, 40; Efeso 1:​20-23) Sa ilalim ng di-nakikitang pangunguna ni Kristo, sinang-ayunan ng Diyos ang kaayusan na doon ang inatasang matatanda sa bawat kongregasyon ay may-pananabik, maluwag sa kalooban, at maibiging nagpapastol sa kawan. (1 Pedro 5:​2, 3) Ang mga ministeryal na lingkod ay tumutulong sa kanila sa iba’t ibang paraan at nag-uukol ng mahalagang paglilingkod sa loob ng kongregasyon.​—Filipos 1:1.

20. Bakit tayo dapat magpasakop sa inatasang Kristiyanong matatanda, at bakit ito kapaki-pakinabang?

20 Kung tungkol sa Kristiyanong matatanda, isinulat ni Pablo: “Maging masunurin kayo doon sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop, sapagkat patuloy silang nagbabantay sa inyong mga kaluluwa na gaya niyaong mga magsusulit; upang gawin nila ito nang may kagalakan at hindi nang may pagbubuntong-hininga, sapagkat ito ay makapipinsala sa inyo.” (Hebreo 13:17) Buong-katalinuhang ipinagkatiwala ng Diyos sa Kristiyanong mga tagapangasiwa ang pananagutan na pangalagaan ang espirituwal na mga pangangailangan niyaong nasa kongregasyon. Ang matatandang ito ay hindi isang uring klero. Sila’y mga lingkod at alipin ng Diyos, na naglilingkod sa mga pangangailangan ng kanilang kapuwa mananamba, gaya ng ginawa ng ating Panginoon, si Jesu-Kristo. (Juan 10:​14, 15) Palibhasa’y alam nating may mga lalaking kuwalipikado ayon sa Kasulatan na interesado sa ating pagsulong at espirituwal na paglaki, nahihimok tayong makipagtulungan at magpasakop.​—1 Corinto 16:16.

21. Papaano sinisikap ng inatasang matatanda na tulungan ang kapuwa mga Kristiyano sa espirituwal na paraan?

21 Kung minsan, ang mga tupa ay naliligaw o nanganganib dahil sa nakapipinsalang impluwensiya ng sanlibutan. Sa ilalim ng pangunguna ng Punong Pastol, ang matatanda bilang mga katulong na pastol ay alisto sa mga pangangailangan niyaong nasa ilalim ng kanilang pangangalaga at buong-kasigasigang nagbibigay sa kanila ng personal na atensiyon. (1 Pedro 5:4) Dumadalaw sila sa mga miyembro ng kongregasyon at nag-aalok ng mga salita ng pampatibay-loob. Palibhasa’y alam nilang sinisikap ng Diyablo na sirain ang kapayapaan ng bayan ng Diyos, ikinakapit ng matatanda ang karunungan mula sa itaas sa pagharap sa anumang mga suliranin. (Santiago 3:​17, 18) Nagpupunyagi sila upang mapanatili ang pagkakaisa at pagiging iisa ng pananampalataya, na siyang bagay na idinalangin mismo ni Jesus.​—Juan 17:​20-22; 1 Corinto 1:10.

22. Anong tulong ang inilalaan ng matatanda sa mga kaso ng pagkakasala?

22 Papaano kung ang isang Kristiyano ay nagtitiis ng kasamaan o pinanghihinaan ng loob dahil sa nagawang kasalanan? Ang nakagiginhawang payo sa Bibliya at ang taimtim na mga panalangin ng matatanda alang-alang sa kaniya ay makatutulong upang mapanumbalik ang kaniyang espirituwal na kalusugan. (Santiago 5:​13-15) Ang mga lalaking ito, na hinirang ng banal na espiritu, ay may awtoridad din na maglapat ng disiplina at sumaway sa sinuman na namimihasa sa pagkakasala o sinumang nagsasapanganib sa espirituwal at moral na kalinisan ng kongregasyon. (Gawa 20:28; Tito 1:9; 2:15) Upang mapanatiling malinis ang kongregasyon, baka kailangang isumbong ng mga indibiduwal ang mabigat na pagkakasala. (Levitico 5:1) Kapag tinanggap ng isang Kristiyanong nakagawa ng malubhang pagkakasala ang maka-Kasulatang disiplina at pagsaway at nagpakita ng katibayan ng tunay na pagsisisi, siya’y tutulungan. Mangyari pa, ang patuloy at di-nagsisising manlalabag ng batas ng Diyos ay itinitiwalag.​—1 Corinto 5:​9-13.

23. Ano ang inilalaan ng mga Kristiyanong tagapangasiwa para sa kabutihan ng kongregasyon?

23 Inihula ng Bibliya na sa ilalim ni Jesu-Kristo bilang Hari, aatasan ang maygulang sa espirituwal na mga lalaki upang maglaan ng kaaliwan, proteksiyon, at pagpapaginhawa para sa bayan ng Diyos. (Isaias 32:​1, 2) Mangunguna sila bilang mga ebanghelisador, pastol, at guro upang itaguyod ang espirituwal na paglaki. (Efeso 4:​11, 12, 16) Bagaman paminsan-minsan ang mga Kristiyanong tagapangasiwa ay sumasaway, nagtutuwid, at nagpapayo sa mga kapananampalataya, ang pagkakapit ng nakapagpapalusog na pagtuturo ng matatanda batay sa Salita ng Diyos ay tumutulong upang mapanatili ang lahat sa landas ng buhay.​—Kawikaan 3:​11, 12; 6:23; Tito 2:1.

TANGGAPIN ANG PANGMALAS NI JEHOVA SA AWTORIDAD

24. Sa anong usapin tayo sinusubok araw-araw?

24 Ang unang lalaki at babae ay sinubok sa usapin ng pagpapasakop sa awtoridad. Hindi kataka-taka kung gayon, isang katulad na pagsubok ang nakakaharap natin sa araw-araw. Naitaguyod na ni Satanas na Diyablo ang espiritu ng paghihimagsik sa gitna ng sangkatauhan. (Efeso 2:2) Ang landas ng pagsasarili ay pinapangyaring magmukhang mas nakararahuyo kaysa sa pagpapasakop.

25. Anu-ano ang pakinabang ng pagtanggi sa mapaghimagsik na espiritu ng sanlibutan at ng pagiging mapagpasakop sa awtoridad na ginagamit o pinahihintulutan ng Diyos?

25 Gayunman, dapat nating tanggihan ang mapaghimagsik na espiritu ng sanlibutan. Sa paggawa nito, masusumpungan nating ang maka-Diyos na pagpapasakop ay nagdudulot ng mayayamang gantimpala. Halimbawa, maiiwasan natin ang mga pagkabahala at pagkasiphayo na palasak doon sa mahihilig makipag-away sa sekular na mga awtoridad. Mababawasan natin ang mga hidwaang palasak sa maraming pamilya. At tatamasahin natin ang mga pakinabang ng mainit at maibiging pakikisama sa ating kapuwa Kristiyanong mananamba. Higit sa lahat, ang ating maka-Diyos na pagpapasakop ay magbubunga ng isang mabuting relasyon kay Jehova, ang Kataas-taasang Awtoridad.

SUBUKIN ANG IYONG KAALAMAN

Papaano ginagamit ni Jehova ang kaniyang awtoridad?

Sino ang “nakatataas na mga awtoridad,” at papaano tayo nananatiling nagpapasakop sa kanila?

Anong pananagutan ang iniaatang ng simulain ng pagkaulo sa bawat miyembro ng pamilya?

Papaano natin maipakikita ang pagpapasakop sa Kristiyanong kongregasyon?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon sa pahina 134]

MAPAGPASAKOP, HINDI MAPAGHIMAGSIK

Sa kanilang pangmadlang pangangaral, tinutukoy ng mga Saksi ni Jehova ang Kaharian ng Diyos bilang tanging pag-asa ng sangkatauhan para sa tunay na kapayapaan at katiwasayan. Subalit ang masisigasig na tagapaghayag na ito ng Kaharian ng Diyos ay hindi kailanman mapaghimagsik laban sa mga pamahalaang sumasakop sa kanila. Sa kabaligtaran pa nga, ang mga Saksi ang siyang mamamayang pinakamagalang at pinakamasunurin sa batas. “Kung ang lahat ng mga denominasyong relihiyoso ay kagaya ng mga Saksi ni Jehova,” sabi ng isang opisyal sa isang bansang Aprikano, “mawawala sa atin ang mga pagpaslang, panloloob, pagkadelingkuwente, mga bilanggo at bomba atomika. Hindi na kailangang palaging nakakandado ang mga pinto.”

Palibhasa’y kinikilala ito, pinahihintulutan ng mga opisyal sa maraming lupain na magpatuloy nang walang hadlang ang gawaing pangangaral ng mga Saksi. Sa ibang lupain, inalis na ang mga pagbabawal o paghihigpit nang maunawaan ng mga awtoridad na nakabubuti ang impluwensiya ng mga Saksi ni Jehova. Gaya ito ng isinulat ni apostol Pablo hinggil sa pagtalima sa nakatataas na mga awtoridad: “Patuloy kang gumawa ng mabuti, at tatanggap ka ng papuri mula rito.”​—Roma 13:​1, 3.