Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapag ang Lupa’y Napuno Na ng Kaalaman ng Diyos

Kapag ang Lupa’y Napuno Na ng Kaalaman ng Diyos

Kabanata 19

Kapag ang Lupa’y Napuno Na ng Kaalaman ng Diyos

1, 2. Papaano nasira ang lalang ni Jehova?

 IPAGPALAGAY nang katatapus-tapos lamang ng magaling na pintor sa pagguhit ng isang napakagandang larawan. Makatuwiran lamang na ituring niya itong napakabuti​—isang obra-maestra! Ngunit pagkalipas lamang ng magdamag sinira ito ng isang inggiterong karibal. Natural, labis na masasaktan ang pintor. Anong tindi ng kaniyang paghahangad na makitang nakabilanggo ang tampalasan! At gunigunihin mo lamang kung papaano hinangad ng pintor na maisauli sa dating kagandahan nito ang kaniyang likha.

2 Gaya ng pintor na iyan, lumikha si Jehova ng isang obra-maestra sa paghahanda ng lupa at paglalagay ng mga tao rito. Pagkatapos likhain ang lalaki at babae, inihayag niya na ang lahat ng kaniyang mga gawa sa lupa ay “napakabuti.” (Genesis 1:31) Sina Adan at Eva ay sariling mga anak ng Diyos, at mahal na mahal niya sila. Pinangarap niya ang isang maligaya at maluwalhating kinabukasan para sa kanila. Totoo, inakay sila ni Satanas upang maghimagsik, subalit hindi naman lubusang nasira ang kahanga-hangang lalang ng Diyos kung kaya may lunas pa ito.​—Genesis 3:​23, 24; 6:​11, 12.

3. Ano ang “tunay na buhay”?

3 Nagpasiya ang Diyos na ituwid ang mga bagay-bagay. Gustung-gusto niyang makita tayong namumuhay ayon sa kaniyang orihinal na layunin. Ang ating maigsi at magulong pamumuhay ay hindi ang “tunay na buhay,” yamang ito’y napakalayo sa iniisip ni Jehova. Ang “tunay na buhay” na ibig ng Diyos para sa atin ay “buhay na walang-hanggan” sa ilalim ng sakdal na mga kalagayan.​—1 Timoteo 6:​12, 19.

4, 5. (a) Papaano matutupad ang pag-asa ng Paraiso? (b) Bakit dapat nating isip-isipin ang tungkol sa ating pag-asa sa hinaharap?

4 Ang kaalaman ng Diyos ay may kaakibat na pananagutan sa harap ni Jehova. (Santiago 4:17) Ngunit isip-isipin mo ang mga pagpapalang tatamasahin mo kung iyong ikakapit ang kaalamang iyan at aabutin ang buhay na walang-hanggan. Sa kaniyang Salita, ang Bibliya, gumuhit ang Diyos na Jehova ng isang magandang larawan ng magiging buhay sa Paraisong lupa na kaylapit-lapit na. Mangyari pa, bilang bayan ni Jehova hindi tayo naglilingkod sa Diyos dahil lamang sa paghahangad sa gantimpala. Naglilingkod tayo sa Diyos dahil iniibig natin siya. (Marcos 12:​29, 30) Isa pa, hindi tayo nagiging karapat-dapat sa buhay dahil sa paglilingkod kay Jehova. Ang buhay na walang-hanggan ay isang kaloob ng Diyos. (Roma 6:23) Makikinabang tayo sa pagbubulay-bulay sa gayong buhay sapagkat ang pag-asa ng Paraiso ay nagpapaalaala sa atin kung anong uri ng Diyos si Jehova​—ang maibiging “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga marubdob na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Ang isang pag-asang nagniningning sa ating isip at puso ay tutulong sa atin upang mabata ang mga paghihirap sa sanlibutan ni Satanas.​—Jeremias 23:20.

5 Ituon natin ngayon ang ating pansin sa salig-Bibliyang pag-asa ng buhay na walang-hanggan sa darating na makalupang Paraiso. Ano kaya ang magiging kalagayan ng buhay kapag ang lupa’y napuno na ng kaalaman ng Diyos?

PAGKATAPOS NG ARMAGEDON​—ISANG PARAISONG LUPA

6. Ano ang Armagedon, at ano ang magiging kahulugan nito sa sangkatauhan?

6 Gaya ng ipinakita na, malapit nang puksain ng Diyos na Jehova ang kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay. Ang sanlibutan ay mabilis na patungo sa tinatawag ng Bibliya na Har–Magedon, o Armagedon. Maaaring akalain ng ilan na ang salitang iyan ay tumutukoy sa isang pamumuksang nuklear na dulot ng nagdirigmaang mga bansa, ngunit ibang-iba ang Armagedon. Gaya ng ipinakikita ng Apocalipsis 16:​14-16, ang Armagedon ay “ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Ito’y digmaang nagsasangkot sa “mga hari ng buong tinatahanang lupa,” o mga bansa. Ang Anak ng Diyos na Jehova, ang hinirang na Hari, ay malapit nang lumusob sa digmaan. Tiyak na tiyak ang kalalabasan. Lahat ng sumasalansang sa Kaharian ng Diyos at bahagi ng balakyot na sistema ni Satanas ay papawiin. Yaon lamang mga nagtatapat kay Jehova ang makaliligtas.​—Apocalipsis 7:​9, 14; 19:​11-21.

7. Mapapasaan si Satanas at ang kaniyang mga demonyo sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, at papaano makikinabang dito ang sangkatauhan?

7 Ipagpalagay nating ikaw ay nakaligtas sa malaking kapahamakang iyan. Ano ang magiging kalagayan ng buhay sa lupa sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos? (2 Pedro 3:13) Hindi tayo kailangang manghula pa, sapagkat ang Bibliya ang nagsasabi sa atin, at ang sinasabi nito ay kapana-panabik. Nalalaman natin na pipigilin si Satanas at ang kaniyang mga demonyo, ibibilanggo sa kalaliman ng pagkawalang-ginagawa sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo. Ang mga balakyot at malulupit na nilalang na iyon ay hindi na magpapaabang-abang pa sa likod, anupat nagsusulsol ng gulo at nagsisikap na itaboy tayo upang magtaksil laban sa Diyos. Anong laking ginhawa!​—Apocalipsis 20:​1-3.

8, 9. Sa bagong sanlibutan, ano ang mangyayari sa mga kahapisan, sakit, at pagtanda?

8 Darating ang panahon, mawawala na ang lahat ng uri ng sakit. (Isaias 33:24) Ang mga pilay ay tatayo, lalakad, tatakbo, at sasayaw na may malulusog at malalakas na binti. Pagkatapos ng mga taon ng pamumuhay sa kanilang sariling daigdig ng katahimikan, maririnig ng mga bingi ang nakagagalak na mga tunog sa paligid nila. Ang mga bulag ay mapápapalaták habang nabubuksan sa kanilang mga mata ang isang daigdig ng sari-saring magagarang kulay at hugis. (Isaias 35:​5, 6) Sa wakas, makikita na nila ang mga mukha ng kanilang mga minamahal! Sa panahong iyon, marahil ay pansamantalang manlalabo ang kanilang paningin dahil sa mga luha ng kagalakan.

9 Isip-isipin lamang! Wala nang salamin sa mata, wala nang saklay at tungkod, wala nang gamot, wala nang mga klinika para sa ngipin o mga ospital! Hindi na kailanman maaagaw ang kaligayahan ng tao dahil sa samâ ng loob at panlulumo. Wala nang magkakasakit na mga bata. Ang mga pinsalang dulot ng pagtanda ay mababaligtad. (Job 33:25) Tayo’y magiging mas malulusog at mas malalakas. Magigising tayo tuwing umaga mula sa mahimbing na pagtulog taglay ang panibagong lakas, tigib ng kasiglahan at pananabik para sa isang bagong araw ng masiglang buhay at nakasisiyang paggawa.

10. Anong atas na gawain ang isasagawa ng mga makaliligtas sa Armagedon?

10 Napakaraming nakalulugod na trabaho ang gagawin ng mga makaliligtas sa Armagedon. Babaguhin nila ang lupa upang maging isang paraiso. Anumang bakas ng maruming matandang sistema ay papawiin. Lilitaw ang mga parke at halamanan sa dating lugar ng mga barung-barong at nasalantang lupain. Lahat ay magtatamasa ng komportable at kasiya-siyang tahanan. (Isaias 65:21) Sa paglipas ng mga panahon, ang malaparaisong bahagi ng lupa ay lalawak at lalaganap hanggang sa maabot ng buong globo ang pamantayan ng kagandahang inilagay ng Maylalang noon sa halamanan ng Eden. Anong laking kasiyahan kung gayon na makibahagi sa gawaing iyan ng pagsasauli!

11. Ano ang magiging paraan ng pakikisama ng sangkatauhan sa kapaligiran ng lupa at sa buhay-hayop sa hinaharap?

11 Lahat ng ito ay gagawin sa ilalim ng banal na patnubay upang ang kapaligiran ay hindi mapinsala. Ang mga tao ay makikipagpayapaan sa mga hayop. Sa halip na walang-pakundangang pagpapapatayin ang mga ito, sisimulang muli ng tao ang responsableng pangangasiwa sa lupa, anupat pinangangalagaang mabuti ang mga ito. Ilarawan sa iyong balintataw ang mga lobo at kordero, leon at guya, na kumakaing magkakasama​—at ang maaamong hayop ay lubusan nang ligtas. Maging ang munting bata ay walang dapat ikatakot sa mababangis na hayop, ni masisira ang kapayapaan ng bagong sanlibutan ng malulupit at mababangis na tao. (Isaias 11:​6-8) Tunay na iyon ay magiging isang mapayapang bagong sanlibutan!

BINAGONG SANGKATAUHAN

12. Papaano nagkakaroon ng katuparan sa ngayon ang Isaias 11:​9, at papaano ito matutupad sa Paraiso?

12 Sinasabi sa atin ng Isaias 11:9 kung bakit walang pinsalang magagawa sa buong lupa. Sabi nito: “Ang lupa ay tiyak na mapupunô ng kaalaman ni Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa mismong dagat.” Ito’y tumutukoy sa mga tao sapagkat ang mga hayop ay hindi makakukuha ng “kaalaman ni Jehova” at makagagawa ng mga pagbabago, yamang sila’y inuugitan lamang ng tinatawag na instinct. Subalit ang kaalaman ng ating Maylalang ay nagpapabago ng tao. Walang-pagsalang ikaw man ay nakagawa na ng ilang pagbabago bilang resulta ng pagkakapit ng kaalaman ng Diyos sa iyong buhay. Milyun-milyon ang nakagawa na nito. Samakatuwid, ang hulang ito ay nagsisimula nang matupad sa mga naglilingkod kay Jehova. Gayunman, tumutukoy rin ito sa isang panahon na aalisin na ng mga tao sa buong daigdig ang anumang makahayop o mararahas na ugali at sila’y magiging mapayapa magpakailanman.

13. Anong programa sa edukasyon ang magaganap sa lupa?

13 Magiging tunay na kamangha-mangha nga kapag ang lupa’y napuno na ng kaalaman ng Diyos! Magkakaroon ng malawakang programa sa edukasyon sa ilalim ng patnubay ng Haring si Jesu-Kristo at ng kaniyang 144,000 kasamang tagapamahala. Pagkatapos ay gagamitin ang bagong “mga balumbon”. Maliwanag na ito’y mga nakasulat na tagubilin ng Diyos na magsisilbing saligan sa pagtuturo sa mga mananahan sa lupa. (Apocalipsis 20:12) Matututuhan ng sangkatauhan ang kapayapaan, hindi ang digmaan. Mawawala na magpakailanman ang mga sandatang pamuksa. (Awit 46:9) Tuturuan ang mga mananahan sa bagong sanlibutan na pakitunguhan ang kanilang kapuwa taglay ang pag-ibig, paggalang, at dignidad.

14. Papaano mapapaiba ang daigdig kapag ang sangkatauhan ay isa nang nagkakaisang pamilya?

14 Ang sangkatauhan ay magiging isang nagkakaisang pamilya. Mawawala na ang mga hadlang sa pagkakaisa at pagkakapatiran. (Awit 133:​1-3) Wala nang tahanan ang kailangang ikandado upang hindi makapasok ang mga magnanakaw. Ang kapayapaan ay maghahari sa bawat puso, sa bawat tahanan, sa bawat bahagi ng lupa.​—Mikas 4:4.

ANG NAKAGAGALAK NA PAGKABUHAY-MULI

15. Anong dalawang grupo ang bubuhaying-muli sa lupa?

15 Sa panahon ng Milenyong iyan, magaganap ang pagkabuhay-muli. Yaong mga kusang-loob na nagkasala laban sa banal na espiritu ng Diyos, o aktibong puwersa, sa pamamagitan ng di-nagsisising pagsalungat sa hayag na pagkilos o mga patnubay nito ay hindi bubuhaying-muli. (Mateo 23:​15, 33; Hebreo 6:​4-6) Mangyari pa, ang Diyos ang magpapasiya kung sino ang nagkasala sa gayong paraan. Ngunit dalawang magkaibang grupo ang bubuhaying-muli​—“mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Yamang magkakaroon ng wastong pagkakasunud-sunod, makatuwiran lamang na isiping ang unang sasalubungin sa pagkabuhay-muli sa lupa ay ang mga matuwid, yaong mga tapat na naglingkod kay Jehova.​—Hebreo 11:​35-39.

16. (a) Sino ang kabilang sa “mga matuwid” na bubuhaying-muli sa lupa? (b) Sinu-sinong tapat na mga tao noong sinaunang panahon ang personal na nais mong makilala, at bakit?

16 Sa halip na makarinig ng mga balita tungkol sa digmaan, kasakunaan, at kamatayan, tatanggap ang mga lingkod ni Jehova ng kahanga-hangang mga ulat ng pagkabuhay-muli. Magiging kapana-panabik na malaman ang tungkol sa pagbabalik ng mga tapat na lalaki at babae na gaya nina Abel, Enoc, Noe, Abraham, Sara, Job, Moises, Rahab, Ruth, David, Elias, Esther. Tunay ngang nakapupukaw-damdaming mga pangyayari sa kasaysayan ang ihaharap nila habang ibinibigay nila ang mga detalye sa likod ng maraming ulat ng Bibliya! Walang-alinlangang sila at ang mga matuwid na namatay nitong bandang huli ay mananabik ding makaalam ng tungkol sa katapusan ng sistema ni Satanas at kung papaano pinabanal ni Jehova ang kaniyang banal na pangalan at ipinagbangong-puri ang kaniyang soberanya.

17. Anong tulong ang maibibigay ng tapat na mga tao sa iba na binuhay-muli?

17 Malaki ang maitutulong ng mga tapat na ito sa sumunod na bahagi ng pagkabuhay-muli, kapag bilyun-bilyon ng “mga di-matuwid” ang pinalaya na sa gapos ng kamatayan! Karamihan sa sangkatauhan ang hindi kailanman nagkaroon ng pagkakataong makilala si Jehova. ‘Binulag ni Satanas ang kanilang isipan.’ (2 Corinto 4:4) Ngunit ang gawa ng Diyablo ay lubusan nang mababaon sa limot. Ang mga di-matuwid ay babalik sa isang maganda at mapayapang lupa. Sila’y sasalubungin ng isang bayang lubhang organisado upang turuan sila ng tungkol kay Jehova at sa kaniyang naghaharing Anak, si Jesu-Kristo. Habang bilyun-bilyong binuhay-muli ang nakakakilala at umiibig sa kanilang Maylalang, ang lupa’y mapupuno ng kaalaman ni Jehova sa isang walang-katulad na paraan.

18. Ano sa palagay mo ang iyong madarama kapag sinalubong mo na ang binuhay-muling mga minamahal?

18 Anong laking kagalakan ang idudulot sa ating puso ng pagkabuhay-muli! Sino ang hindi nagdusa dahil sa ating kaaway na kamatayan? Tunay, sino ang hindi lubusang naguluhan nang malagot ang bigkis ng pag-ibig o pagkakaibigan nang mamatay ang isang minamahal dahil sa sakit, pagtanda, aksidente, o karahasan? Kung gayon, maguguniguni mo ang kagalakan kapag nagkita-kitang muli sa Paraiso. Ang mga nanay at tatay, mga anak na lalaki at babae, mga kaibigan at kamag-anak, ay magyayakapan, habang naghahalakhakan at nag-iiyakan dahil sa galak.

KASAKDALAN SA WAKAS!

19. Anong himala ang magaganap sa buong panahon ng Milenyo?

19 Sa buong panahon ng Milenyo, magaganap ang isang kahanga-hangang himala. Para sa sangkatauhan, marahil iyon ay magiging pinakakapana-panabik na bahagi ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo. Bibigyang-utos ni Jehova ang kaniyang Anak na ikapit ang mga pakinabang ng haing pantubos sa bawat isang tapat at masunuring lalaki at babae. Sa pamamagitan nito, lahat ng kasalanan ay mawawala na at ang sangkatauhan ay itataas sa kasakdalan.​—1 Juan 2:2; Apocalipsis 21:​1-4.

20. (a) Ano ang magiging kahulugan ng pagiging sakdal? (b) Kailan magsisimulang mabuhay ang mga makaliligtas sa Armagedon at ang mga bubuhaying-muli sa ganap na diwa nito?

20 Kasakdalan! Ano ang magiging kahulugan nito? Ito’y mangangahulugan ng pagbabalik sa uri ng buhay na tinamasa nina Adan at Eva bago sila nagkasala sa Diyos na Jehova. Sa pisikal, mental, emosyonal, moral, espirituwal​—sa bawat paraang maguguniguni​—lubusang maaabot ng sakdal na mga tao ang mga pamantayan ng Diyos. Ngunit magkakapare-pareho ba ang lahat ng tao roon? Tiyak na hindi! Ang mga nilalang ni Jehova​—ang mga punò, bulaklak, hayop​—lahat ay nagtuturo sa atin na gustung-gusto niya ang pagkakaiba-iba. Ang mga sakdal na tao ay magkakaroon ng iba’t ibang personalidad at kakayahan. Bawat isa’y magtatamasa ng buhay na gaya ng orihinal na nilayon ng Diyos. Sinasabi ng Apocalipsis 20:5: “Ang iba sa mga patay ay hindi nabuhay hanggang sa matapos ang isang libong taon.” Gaya ng malaking pulutong na nakaligtas sa Armagedon, ang mga binuhay-muli ay lubusang mabubuhay kapag naabot na nila ang walang-kasalanang kasakdalan.

21. (a) Ano ang magaganap sa katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo? (b) Ano sa wakas ang mangyayari kay Satanas at sa lahat ng pumapanig sa kaniya?

21 Ang sakdal na mga tao ay haharap sa isang huling pagsubok. Sa wakas ng Milenyo, si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay pakakawalan mula sa kalaliman sa maikling panahon at pahihintulutang gumawa ng huling pagsisikap na italikod ang mga tao kay Jehova. Higit na pahahalagahan ng ilan ang kanilang maling pagnanasa kaysa sa pag-ibig sa Diyos, ngunit ang paghihimagsik na ito ay paiikliin. Pupuksain ni Jehova ang mga mapag-imbot na ito kasama ni Satanas at ng lahat niyang mga demonyo. Lahat ng manggagawa ng masama kung gayon ay mawawala na magpakailanman.​—Apocalipsis 20:​7-10.

ANO ANG GAGAWIN MO?

22. Ano ang pinananabikan mong gawin sa Paraiso?

22 Ang kawalang-hanggan ay igagawad sa mga umiibig sa Diyos na Jehova at naninirahan sa lupang Paraiso. Halos di natin maguniguni ang kanilang kagalakan, at ikaw man ay maaaring makibahagi rito. Ang musika, sining, gawang-kamay​—aba, hihigitan ng mga gawa ng sakdal na mga tao ang pinakamahuhusay na gawa ng pinakamagagaling na kilalang tao sa matandang sanlibutan! Tutal, lahat ng tao ay magiging sakdal at walang limitasyon ang kanilang panahon. Gunigunihin kung ano ang iyong magagawa bilang isang sakdal na tao. Isip-isipin din kung ano ang matututuhan mo at ng iyong kapuwa tungkol sa paglalang ni Jehova​—mula sa bilyun-bilyong galaksi sa buong sansinukob hanggang sa pagkaliliit na subatomic particles. Ang bawat gawa ng sangkatauhan ay magpapalugod pang higit sa puso ng ating maibiging makalangit na Ama, si Jehova.​—Awit 150:​1-6.

23. Bakit hindi kailanman magiging kabagut-bagot ang buhay sa Paraiso?

23 Ang buhay sa panahong iyon ay hindi magiging kabagut-bagot. Iyon ay higit at higit na magiging kapana-panabik sa patuloy na paglakad ng panahon. Kasi, wala namang katapusan ang kaalaman ng Diyos. (Roma 11:33) Sa panahong walang-hanggan, palagi nang mayroon pang matututuhan at magagalugad na mga bagong lugar. (Eclesiastes 3:11) At habang patuloy kang natututo ng tungkol sa Diyos na Jehova, patuloy kang mabubuhay​—hindi lamang sa loob ng ilang taon kundi magpakailanman!​—Awit 22:26.

24, 25. Bakit dapat kang mabuhay sa ngayon na kasuwato ng kaalaman ng Diyos?

24 Hindi ba ang kalugud-lugod na kinabukasan sa isang lupang paraiso ay karapat-dapat sa anumang pagsisikap o sakripisyo na iyong ginagawa? Siyempre naman! Buweno, iniabot na sa iyo ni Jehova ang susi sa maningning na kinabukasang iyan. Ang susing iyan ay ang kaalaman ng Diyos. Gagamitin mo ba ito?

25 Kung iniibig mo si Jehova, makasusumpong ka ng kaluguran sa paggawa ng kaniyang kalooban. (1 Juan 5:3) Habang itinataguyod mo ang landasing iyan, anong laking pagpapala ang iyong tatamasahin! Kapag ikinapit mo ang kaalaman ng Diyos, magdudulot ito sa iyo ng mas maligayang buhay kahit sa magulong sanlibutang ito. At ang mga gantimpala sa kinabukasan ay napakalaki, sapagkat ito ang kaalaman na umaakay sa buhay na walang-hanggan! Ngayon na ang kaayaayang panahon para sa iyo upang kumilos. Magpasiyang mamuhay kasuwato ng kaalaman ng Diyos. Ipakita ang iyong pag-ibig kay Jehova. Parangalan ang kaniyang banal na pangalan at patunayang sinungaling si Satanas. Ang Diyos na Jehova naman, na Pinagmumulan ng tunay na karunungan at kaalaman, ay magsasaya dahil sa iyo mula sa kaniyang dakila at maibiging puso. (Jeremias 31:3; Zefanias 3:17) At iibigin ka niya magpakailanman!

SUBUKIN ANG IYONG KAALAMAN

Ano ang “tunay na buhay”?

Pagkatapos ng Armagedon, ano ang magaganap sa lupa?

Sino ang bubuhayin sa lupa?

Papaano magiging sakdal ang sangkatauhan at sa wakas ay susubukin?

Ano ang iyong pag-asa kung tungkol sa Paraiso?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 188, 189]

Umaasa ka bang mabubuhay sa Paraiso, kapag ang lupa’y napuno na ng kaalaman ng Diyos?