Kung Bakit Nagdudulot ng Kaligayahan ang Maka-Diyos na Pamumuhay
Kabanata 13
Kung Bakit Nagdudulot ng Kaligayahan ang Maka-Diyos na Pamumuhay
1. Bakit natin masasabi na ang daan ni Jehova ay nagdudulot ng kaligayahan?
SI JEHOVA ang “maligayang Diyos,” at nais niyang masiyahan ka sa buhay. (1 Timoteo 1:11) Sa paglakad sa kaniyang daan, makikinabang ka at magtatamasa ng walang-kupas at di-nagmamaliw na kapanatagan, gaya ng isang ilog na walang-tigil sa pag-agos. Ang paglakad sa daan ng Diyos ay nag-uudyok din sa isa na ugaliin ang mga gawa ng katuwiran, “gaya ng mga alon ng dagat.” Ito’y nagdudulot ng tunay na kaligayahan.—Isaias 48:17, 18.
2. Papaano maaaring maging maligaya ang mga Kristiyano bagaman kung minsan sila’y pinakikitunguhan nang masama?
2 Marahil ay tututol ang ilan, ‘Kung minsan ang mga tao’y nagdurusa dahil sa paggawa ng tama.’ Totoo naman, at iyan nga ang nangyari sa mga apostol ni Jesus. Ngunit, bagaman pinag-usig, sila’y nagsaya at nagpatuloy sa “pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo.” (Gawa 5:40-42) Matututo tayo ng mahahalagang aral mula rito. Ang isa ay na ang maka-Diyos na pamumuhay ay hindi garantiya na palaging mabuti ang magiging pakikitungo sa atin. “Sa katunayan,” isinulat ni apostol Pablo, “lahat niyaong mga nagnanasang mabuhay na may maka-Diyos na debosyon may kaugnayan kay Kristo Jesus ay pag-uusigin din.” (2 Timoteo 3:12) Ang dahilan nito ay sapagkat laban si Satanas at ang kaniyang sanlibutan sa mga namumuhay sa maka-Diyos na paraan. (Juan 15:18, 19; 1 Pedro 5:8) Ngunit ang tunay na kaligayahan ay hindi nakasalig sa panlabas na mga bagay. Sa halip, ito’y nagmumula sa pananalig na ang ginagawa nati’y tama at samakatuwid ay natatamo ang ngiti ng pagsang-ayon ng Diyos.—Mateo 5:10-12; Santiago 1:2, 3; 1 Pedro 4:13, 14.
3. Papaano dapat magkabisa sa buhay ng isang tao ang pagsamba kay Jehova?
3 May mga taong nag-aakalang matatamo nila ang pabor ng Diyos sa pamamagitan ng manaka-nakang pag-uukol ng debosyon sa kaniya ngunit nalilimutan naman siya sa ibang pagkakataon. Ang tunay na pagsamba sa Diyos na Jehova ay hindi ganiyan. Ito’y nagkakabisa sa paggawi ng isang tao sa bawat oras na siya’y gising, sa araw-araw, sa taun-taon. Iyan ang dahilan kung bakit ito’y tinawag ding “Ang Daan.” (Gawa 19:9; Isaias 30:21) Ito’y maka-Diyos na daan ng pamumuhay na humihiling sa atin na magsalita at gumawi na kasuwato ng Salita ng Diyos.
4. Bakit kapaki-pakinabang na gumawa ng mga pagbabago upang makapamuhay ayon sa mga daan ng Diyos?
4 Kapag nakita ng mga bagong mág-aarál ng Bibliya na kailangan nilang gumawa ng pagbabago upang mapaluguran si Jehova, baka isipin nila, ‘Kapaki-pakinabang nga kaya ang maka-Diyos na pamumuhay?’ Makatitiyak kang gayon nga. Bakit? Sapagkat “ang Diyos ay pag-ibig,” at ang kaniyang mga daan kung gayon ay para sa ating kapakinabangan. (1 Juan 4:8) Marunong din ang Diyos at alam niya kung ano ang pinakamabuti para sa atin. Yamang ang Diyos na Jehova ay makapangyarihan-sa-lahat, nakakaya niyang patibayin tayo upang matupad ang ating pagnanais na mapaluguran siya sa pamamagitan ng pagputol sa isang masamang bisyo. (Filipos 4:13) Isaalang-alang natin ang ilang simulain na kasangkot sa maka-Diyos na pamumuhay at tingnan kung papaano nagdudulot ng kaligayahan ang pagkakapit ng mga ito.
NAGBUBUNGA NG KALIGAYAHAN ANG KATAPATAN
5. Ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa pagsisinungaling at pagnanakaw?
5 Si Jehova ang “Diyos ng katotohanan.” (Awit 31:5) Walang pagsalang nais mong sundan ang kaniyang halimbawa at makilala bilang isang tapat na tao. Ang katapatan ay umaakay sa paggalang-sa-sarili at sa isang panatag na kalooban. Gayunman, yamang ang kawalang-katapatan ay palasak na sa makasalanang sanlibutang ito, kailangan ng mga Kristiyano ang paalaalang ito: “Magsalita ng katotohanan ang bawat isa sa inyo sa kaniyang kapuwa . . . Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi sa halip ay magtrabaho siya nang masikap . . . upang may maipamahagi siya sa sinumang nangangailangan.” (Efeso 4:25, 28) Ang mga empleadong Kristiyano ay tapat na nagtatrabaho sa buong maghapon. Maliban kung pahintulutan ng kanilang pinagtatrabahuhan, hindi nila kinukuha ang mga bagay na di-kanila. Sa trabaho man, sa paaralan, o sa tahanan, ang mananamba ni Jehova ay dapat na maging ‘tapat sa lahat ng bagay.’ (Hebreo 13:18) Sinuman na naging ugali na ang magsinungaling o magnakaw ay hindi makapagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos.—Deuteronomio 5:19; Apocalipsis 21:8.
6. Papaano maaaring magdulot ng kaluwalhatian kay Jehova ang maka-Diyos na katapatan ng isang tao?
6 Ang pagiging tapat ay nagbubunga ng maraming pagpapala. Si Selina ay isang mahirap na biyudang Aprikana na umiibig sa Diyos na Jehova at sa kaniyang matuwid na mga simulain. Isang araw, nakapulot siya ng isang bag na may libreta sa bangko at may napakalaking halaga ng salapi. Palibhasa’y hinanap niya sa direktoryo ng telepono, natagpuan niya ang may-ari—isang pinagnakawang tindero. Hindi makapaniwala ang lalaki nang si Selina, bagaman medyo may sakit, ay pumunta sa kaniya at isinauli ang lahat ng laman ng bag. “Ang ganitong katapatan ay dapat gantimpalaan,” sabi niya at siya’y binigyan niya ng pera. Ang higit na mahalaga, pinuri ng lalaking ito ang relihiyon ni Selina. Oo, ginagayakan ng tapat na mga gawa ang turo ng Bibliya, niluluwalhati ang Diyos na Jehova, at nagdudulot ng kaligayahan sa kaniyang tapat na mga mananamba.—Tito 2:10; 1 Pedro 2:12.
ANG PAGKABUKAS-PALAD AY NAGDUDULOT NG KALIGAYAHAN
7. Ano ba ang masama sa pagsusugal?
7 May kaligayahan sa pagiging bukas-palad, subalit ang mga taong sakim ay hindi “magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Corinto 6:10) Ang isang karaniwang anyo ng kasakiman ay ang pagsusugal, na isang pagbabaka-sakali na makinabang mula sa pagkatalo ng iba. Hindi sinasang-ayunan ni Jehova ang mga “sakim sa di-matapat na pakinabang.” (1 Timoteo 3:8) Maging sa mga dako na ang pagsusugal ay legal at ang isang tao ay nagsusugal bilang katuwaan lamang, siya’y maaaring malulong at maging promotor ng isang bisyong nagwawasak sa buhay ng marami. Madalas na ang pagsusugal ay nagdudulot ng kahirapan sa pamilya ng isang sugarol, na maaaring matirhan na lamang ng kaunting salapi upang ibili ng mga pangangailangang gaya ng pagkain at damit.—1 Timoteo 6:10.
8. Papaano nagbigay si Jesus ng isang mainam na halimbawa ng pagkabukas-palad, at papaano tayo magiging bukas-palad?
8 Dahil sa kanilang maibiging pagkabukas-palad, nakasusumpong ng kagalakan ang mga Kristiyano sa pagtulong sa iba, lalo na sa nangangailangang mga kapananampalataya. (Santiago 2:15, 16) Bago pumarito si Jesus sa lupa, namasdan niya ang pagkabukas-palad ng Diyos sa sangkatauhan. (Gawa 14:16, 17) Ibinigay mismo ni Jesus ang kaniyang panahon, ang kaniyang kakayahan, at maging ang kaniyang buhay alang-alang sa sangkatauhan. Kaya nga, karapat-dapat lamang na masabi niya: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Pinuri rin ni Jesus ang dukhang babaing balo na bukas-palad na naghulog ng dalawang maliit na barya sa kabang-yaman ng templo, sapagkat ibinigay niya ang “kaniyang buong ikabubuhay.” (Marcos 12:41-44) Ang sinaunang mga Israelita at ang unang-siglong mga Kristiyano ay nagsisilbing mga halimbawa ng maligayang pagkabukas-palad sa pagbibigay ng materyal na tulong sa kongregasyon at sa gawaing pang-Kaharian. (1 Cronica 29:9; 2 Corinto 9:11-14) Karagdagan pa sa pagbibigay ng materyal na mga kontribusyon para sa mga layuning ito, ang kasalukuyang mga Kristiyano ay maligayang naghahandog ng papuri sa Diyos at gumagamit ng kanilang buhay sa paglilingkuran sa kaniya. (Roma 12:1; Hebreo 13:15) Pinagpapala sila ni Jehova dahil sa paggamit nila ng kanilang panahon, lakas, at iba pang tinatangkilik, kasali na ang kanilang salapi, upang tustusan ang tunay na pagsamba at itaguyod ang pandaigdig na gawaing pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian.—Kawikaan 3:9, 10.
IBA PANG SALIK NA NAGTATAGUYOD NG KALIGAYAHAN
9. Ano ang masama sa labis na pag-inom ng alak?
9 Upang maging maligaya, ang mga Kristiyano ay dapat ding ‘magbantay sa kanilang kakayahang mag-isip.’ (Kawikaan 5:1, 2) Upang magawa ito, sila’y kailangang magbasa at magbulay-bulay sa Salita ng Diyos at sa kapaki-pakinabang na mga literatura sa Bibliya. Subalit may mga bagay na dapat iwasan. Halimbawa, ang labis na pag-inom ng alak ay makapag-aalis sa isang tao ng wastong pagpipigil sa kaniyang pag-iisip. Sa ganitong kalagayan, maraming tao ang nasasangkot sa imoral na paggawi, nagiging marahas sa pagkilos, at nagiging dahilan ng nakamamatay na mga aksidente. Hindi kataka-taka kung gayon na sabihin ng Bibliya na ang mga lasenggo ay hindi nga magmamana ng Kaharian ng Diyos! (1 Corinto 6:10) Palibhasa’y determinado na manatiling “matino sa pag-iisip,” iniiwasan ng tunay na mga Kristiyano ang paglalasing, at ito’y tumutulong sa pagtataguyod ng kaligayahan sa gitna nila.—Tito 2:2-6.
10. (a) Bakit hindi naninigarilyo ang mga Kristiyano? (b) Anu-anong pakinabang ang natatamo kapag tinigilan na ang nakasusugapang mga bisyo?
10 Ang isang malinis na katawan ay nagdudulot din ng kaligayahan. Ngunit, marami ang nagiging sugapa sa nakasasamang mga sangkap. Halimbawa, tingnan natin ang paggamit ng tabako. Nag-uulat ang World Health Organization na ang paninigarilyo “ay pumapatay ng tatlong milyon katao taun-taon.” Napakahirap tigilan ang paninigarilyo dahil sa tinatawag na pansamantalang withdrawal symptoms. Sa kabilang dako naman, maraming dating naninigarilyo ang nagtatamasa ng mas mabuting kalusugan at sila’y mas maraming panggastos para sa mga pangangailangan sa bahay. Oo, ang pagdaig sa bisyo ng paninigarilyo o pagkasugapa sa iba pang nakasasamang mga sangkap ay tutulong sa pagkakaroon ng isang malinis na pangangatawan, isang malinis na budhi, at ng tunay na kaligayahan.—2 Corinto 7:1.
KALIGAYAHAN SA PAG-AASAWA
11. Ano ang kailangan upang magkaroon ng isang legal at namamalaging marangal na pag-aasawa?
11 Dapat tiyakin niyaong mga nagsasama bilang mag-asawa na ang kanilang kasal ay wastong nakarehistro ayon sa batas ng sibil. (Marcos 12:17) Dapat din nilang malasin ang pag-aasawa bilang isang maselang na pananagutan. Totoo, baka kailanganin ang paghihiwalay sa mga kaso ng sinasadyang pagpapabaya, matinding pang-aabuso, o ganap na pagsasapanganib ng espirituwalidad. (1 Timoteo 5:8; Galacia 5:19-21) Subalit ang mga salita ni apostol Pablo sa 1 Corinto 7:10-17 ay humihimok sa mga mag-asawa na manatiling nagsasama. Mangyari pa, upang magkaroon ng tunay na kaligayahan, dapat silang maging tapat sa isa’t isa. Sumulat si Pablo: “Maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat, at ang higaang pangmag-asawa ay maging walang dungis, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya.” (Hebreo 13:4) Ang pananalitang “higaang pangmag-asawa” ay tumutukoy sa seksuwal na pagtatalik ng isang lalaki at babae na kasal sa isa’t isa ayon sa batas. Wala nang iba pang seksuwal na relasyon, gaya ng pagkakaroon ng higit sa isang asawa, ang mailalarawan bilang “marangal sa gitna ng lahat.” Isa pa, hinahatulan ng Bibliya ang pagtatalik bago ang kasal at ang homoseksuwalidad.—Roma 1:26, 27; 1 Corinto 6:18.
12. Ano ang ilan sa masasamang bunga ng pakikiapid?
12 Ang pakikiapid ay maaaring makapagdulot ng ilang sandali ng pisikal na kaluguran, subalit hindi ito nagbubunga ng tunay na kaligayahan. Hindi ito nakalulugod sa Diyos at maaaring magsilbing pilat sa budhi ng isa. (1 Tesalonica 4:3-5) Ang malulungkot na bunga ng imoral na pagtatalik ay maaaring ang AIDS at iba pang nakahahawang sakit sa sekso. “Taun-taon ay tinatayang mahigit sa 250 milyon katao sa buong daigdig ang nahahawahan ng gonorrhea, at mga 50 milyon ng syphilis,” ayon sa isang report sa medisina. Nariyan din ang problema ng di-nararapat na pagdadalang-tao. Iniuulat ng International Planned Parenthood Federation na, sa buong daigdig, mahigit sa 15 milyong kabataang babae sa pagitan ng mga edad 15 at 19 ang nagdadalang-tao taun-taon, at isang-katlo sa kanila ang nagpapalaglag. Ipinakita ng isang pagsusuri na sa isang bansa sa Aprika, ang 72 porsiyento ng kabuuang bilang ng pagkamatay ng mga babaing tin-edyer ay dahil sa mga komplikasyong bunga ng pagpapalaglag. Maaaring maligtasan ng ilang mapakiapid ang sakit at pagdadalang-tao ngunit hindi ang pinsala sa emosyon. Marami ang nawawalan ng paggalang sa sarili at kinasusuklaman pa nga ang kanilang sarili.
13. Ano pang mga problema ang dulot ng pangangalunya, at anong kinabukasan ang naghihintay para sa mga patuloy na nakikiapid at nangangalunya?
13 Bagaman maaaring mapatawad ang pangangalunya, ito’y isang makatarungang batayan ayon sa Kasulatan para sa diborsiyo sa bahagi ng pinagkasalahang kabiyak. (Mateo 5:32; ihambing ang Oseas 3:1-5.) Kapag ang gayong imoralidad ay nagbunga ng paghihiwalay ng mag-asawa, ito’y maaaring mag-iwan ng malalim na emosyonal na sugat sa pinagkasalahang kabiyak at sa mga anak. Para sa kapakinabangan ng pamilya ng tao, ipinaliliwanag ng Salita ng Diyos na ang kaniyang hatol ay ipapataw sa mga di-nagsisising mapakiapid at mangangalunya. Isa pa, maliwanag na ipinakikita nito na yaong nagsasagawa ng seksuwal na imoralidad “ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—Galacia 5:19, 21.
“HINDI BAHAGI NG SANLIBUTAN”
14. (a) Anu-ano ang ilang anyo ng idolatriya na iniiwasan ng isang maka-Diyos na tao? (b) Anong patnubay ang inilalaan ng Juan 17:14 at Isaias 2:4?
14 Yaong mga nagnanais na mapaluguran si Jehova at magtamasa ng mga pagpapala ng Kaharian ay umiiwas sa anumang anyo ng idolatriya. Ipinakikita ng Bibliya na mali ang paggawa at pagsamba sa imahen, kasali na yaong kay Kristo, o sa ina ni Jesus, si Maria. (Exodo 20:4, 5; 1 Juan 5:21) Kaya naman, ang tunay na mga Kristiyano ay hindi nagbibigay-pitagan sa mga larawan, krus, at imahen. Iniiwasan din nila ang mas mapandayang mga anyo ng idolatriya, gaya ng pag-uukol ng debosyon sa mga bandila at pag-awit ng mga awiting lumuluwalhati sa mga bansa. Kapag ginigipit upang isakatuparan ang mga gawaing ito, naaalaala nila ang mga salita ni Jesus kay Satanas: “Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.” (Mateo 4:8-10) Sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:14) Ito’y nangangahulugan ng pagiging neutral sa makapulitikang mga gawain at ng pamumuhay nang payapa kasuwato ng Isaias 2:4, na nagsasabi: “Tiyak na hahatol siya [ang Diyos na Jehova] sa gitna ng mga bansa at magtutuwid ng mga bagay-bagay tungkol sa maraming bayan. At papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mangag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”
15. Ano ang Babilonyang Dakila, at ano ang ginagawa ng maraming baguhang mág-aarál ng Bibliya upang makalabas sa kaniya?
15 Ang pagiging “hindi bahagi ng sanlibutan” ay nangangahulugan din ng pagputol sa lahat ng pakikisama sa “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Ang di-malinis na pagsamba ay lumaganap mula sa sinaunang Babilonya hanggang sa ito’y magkaroon ng nakapipinsalang espirituwal na panunupil sa mga tao sa buong lupa. Kabilang sa “Babilonyang Dakila” ang lahat ng relihiyon na ang mga doktrina at mga gawain ay hindi kasuwato ng kaalaman ng Diyos. (Apocalipsis 17:1, 5, 15) Walang tapat na mananamba ni Jehova ang makikisali sa mga kilusan ng interfaith sa pamamagitan ng pakikibahagi sa pagsamba sa iba’t ibang relihiyon o sa pagkakaroon ng espirituwal na pakikihalubilo sa anumang bahagi ng Babilonyang Dakila. (Bilang 25:1-9; 2 Corinto 6:14) Sa gayon, maraming baguhang mág-aarál ng Bibliya ang nagpapadala ng liham ng paghiwalay sa relihiyosong organisasyon na kanilang kinabibilangan. Ito’y lalo nang nagpalapít sa kanila sa tunay na Diyos, gaya ng ipinangako: “ ‘Lumabas kayo mula sa gitna nila, at ihiwalay ninyo ang inyong mga sarili,’ sabi ni Jehova, ‘at tumigil kayo sa paghipo sa di-malinis na bagay’; ‘at tatanggapin ko kayo.’ ” (2 Corinto 6:17; Apocalipsis 18:4, 5) Hindi ba ang pagtanggap na iyan ng ating makalangit na Ama ang iyong labis na kinasasabikan?
PAGSASAALANG-ALANG NG MGA TAUNANG PAGDIRIWANG
16. Bakit hindi nagdiriwang ng Pasko ang tunay na mga Kristiyano?
16 Ang isang maka-Diyos na pamumuhay ay nagpapalaya sa atin mula sa madalas na nagpapabigat na mga pagdiriwang ng mga kapistahan ng sanlibutan. Halimbawa, hindi isinisiwalat ng Bibliya ang eksaktong araw ng kapanganakan ni Jesus. ‘Akala ko’y ipinanganak si Jesus noong Disyembre 25!’ marahil ay ibubulalas ng ilan. Imposible ito sapagkat siya’y namatay noong tagsibol ng 33 C.E. sa edad na 33 1/2 taon. Isa pa, nang ipanganak siya, ang mga pastol ay “naninirahan sa labas at nagbabantay sa gabi sa kanilang mga kawan.” (Lucas 2:8) Sa lupain ng Israel, ang dulo ng Disyembre ay malamig at maulang panahon anupat ang mga tupa ay kailangang ikanlong sa magdamag upang ingatan sila mula sa panahon ng taglamig. Ang totoo, ang Disyembre 25 ay itinaan ng mga Romano bilang kapanganakan ng kanilang diyos ng araw. Daan-daang taon pagkatapos ng buhay ni Jesus sa lupa, tinanggap ng mga apostatang Kristiyano ang petsang ito para sa pagdiriwang ng kapanganakan ni Kristo. Dahil dito, ang tunay na mga Kristiyano ay hindi nagdiriwang ng Pasko o ng anumang iba pang kapistahang batay sa huwad na relihiyosong paniniwala. Dahil sa ibinibigay nila kay Jehova ang bukod-tanging debosyon, hindi rin sila nagdiriwang ng mga kapistahang umiidolo sa makasalanang mga tao o mga bansa.
17. Bakit hindi nagdiriwang ng kapanganakan ang maka-Diyos na mga tao, at bakit sa kabila nito ay masasaya pa rin ang mga Kristiyanong kabataan?
17 Ang Bibliya ay tuwirang bumabanggit ng dalawa lamang pagdiriwang ng kapanganakan, na kapuwa nagsasangkot sa mga lalaking hindi naglilingkod sa Diyos. (Genesis 40:20-22; Mateo 14:6-11) Yamang hindi isinisiwalat ng Kasulatan ang petsa ng kapanganakan ng sakdal na taong si Jesu-Kristo, bakit naman tayo kailangang magbigay ng pantanging atensiyon sa mga kapanganakan ng di-sakdal na mga tao? (Eclesiastes 7:1) Siyempre pa, ang maka-Diyos na mga magulang ay hindi kailangang maghintay pa ng isang pantanging araw upang magpakita ng pag-ibig sa kanilang mga anak. Isang 13-taóng-gulang na Kristiyanong batang babae ang nagsabi: “Masayang-masaya kaming buong pamilya. . . . Malapít na malapít ako sa aking mga magulang, at kapag nagtatanong ang ibang mga bata kung bakit hindi ko ipinagdiriwang ang mga kapistahan, sinasabi ko sa kanilang nagdiriwang ako araw-araw.” Sabi naman ng isang Kristiyanong kabataan na edad 17: “Sa aming bahay, ang pagbibigayan ng regalo ay sa buong santaon.” Higit na kaligayahan ang idinudulot kapag ang mga regalo ay ibinibigay sa mga panahong di-inaasahan.
18. Anong nag-iisang taunang pagdiriwang ang iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na ipagdiwang, at ano ang ipinaaalaala nito sa atin?
18 Para sa mga nagtataguyod ng maka-Diyos na pamumuhay, may isang araw bawat taon na dapat bukod-tanging ipagdiwang. Iyon ang Hapunan ng Panginoon, na karaniwang tinatawag na ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Tungkol dito, pinag-utusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Patuloy ninyong gawin ito sa pag-alaala sa akin.” (Lucas 22:19, 20; 1 Corinto 11:23-25) Nang pasimulan ni Jesus ang hapunang ito noong gabi ng Nisan 14, 33 C.E., gumamit siya ng walang-lebadurang tinapay at pulang alak, na kumakatawan sa kaniyang walang-kasalanang katawang-tao at sa kaniyang sakdal na dugo. (Mateo 26:26-29) Nakibahagi sa mga sagisag na ito ang mga Kristiyanong pinahiran ng banal na espiritu ng Diyos. Sila’y dinala sa isang bagong tipan at sa tipan para sa Kaharian, at sila’y may makalangit na pag-asa. (Lucas 12:32; 22:20, 28-30; Roma 8:16, 17; Apocalipsis 14:1-5) Gayunpaman, ang lahat ng mga naroroon sa gabing iyon na katumbas ng Nisan 14 sa sinaunang kalendaryo ng mga Judio ay nakikinabang. Naipaaalaala sa kanila ang pag-ibig na ipinakita ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo sa pamamagitan ng pambayad-salang haing pantubos na siyang nagpapaging-posible sa walang-hanggang buhay para sa mga nagtataglay ng banal na pagsang-ayon.—Mateo 20:28; Juan 3:16.
TRABAHO AT LIBANGAN
19. Anong hamon ang napapaharap sa mga Kristiyano sa paghahanapbuhay?
19 Pananagutan ng tunay na mga Kristiyano na magtrabahong mabuti at paglaanan ang kanilang mga pangangailangan. Ang pagsasagawa nito ay nagdudulot ng kasiyahan sa mga ulo ng tahanan. (1 Tesalonica 4:11, 12) Mangyari pa, kung ang trabaho ng isang Kristiyano ay salungat sa Bibliya, maiwawala nito ang kaniyang kaligayahan. Gayunman, kung minsan ay napakahirap para sa isang Kristiyano na makasumpong ng trabahong kasuwato ng mga pamantayan ng Bibliya. Halimbawa, ang ilang empleado ay hinihilingang mandaya sa mga parokyano. Sa kabilang dako naman, pinagbibigyan ng maraming nagpapatrabaho ang budhi ng isang tapat na trabahador, upang huwag mawala ang isang mapagkakatiwalaang empleado. Gayunman, anuman ang maging kalagayan, makatitiyak ka na pagpapalain ng Diyos ang iyong pagsisikap na makasumpong ng trabahong magpapahintulot sa iyong malinis na budhi.—2 Corinto 4:2.
20. Bakit dapat tayong maging pihikan sa pagpili ng libangan?
20 Yamang nais ng Diyos na ang kaniyang mga lingkod ay lumigaya, kailangan ding timbangán natin ng nakarerepreskong panahon ng paglilibang at pamamahinga ang ating pagpapagal. (Marcos 6:31; Eclesiastes 3:12, 13) Ang sanlibutan ni Satanas ay nagtataguyod ng di-maka-Diyos na mga paglilibang. Subalit upang mapaluguran ang Diyos, tayo’y dapat na maging pihikan kung tungkol sa mga aklat na ating binabasa, mga programa sa radyo at musika na ating pinakikinggan, at mga konsiyerto, pelikula, dula, programa sa telebisyon, at mga video na ating pinanonood. Kung ang mga paglilibang na ating napili noon ay salungat sa mga babala sa mga kasulatang gaya ng Deuteronomio 18:10-12, Awit 11:5, at Efeso 5:3-5, mapaluluguran natin si Jehova at mas liligaya tayo kung gagawa tayo ng pagbabago.
PAGGALANG SA BUHAY AT SA DUGO
21. Papaano dapat makaapekto ang paggalang sa buhay sa ating pangmalas sa pagpapalaglag, gayundin sa ating paggawi at pag-uugali?
21 Upang tunay na lumigaya, kailangan nating malasin ang buhay ng tao bilang sagrado, yamang gayundin nga si Jehova. Pinagbabawalan tayo ng kaniyang Salita na pumaslang. (Mateo 19:16-18) Sa katunayan, ipinakikita ng Batas ng Diyos sa Israel na ang di pa naisisilang na sanggol ay itinuturing niyang isang buhay na dapat pagyamanin—isang bagay na hindi dapat kitlin. (Exodo 21:22, 23) Dahil diyan, hindi natin dapat ipagpalagay na ang buhay ay isang bagay na mumurahin sa pamamagitan ng paninigarilyo, pag-abuso sa ating katawan sa pamamagitan ng droga o alak, o di-kinakailangang pagsasapeligro nito. Hindi tayo dapat makisali sa anumang gawaing magsasapanganib ng ating buhay ni ipagwalang-bahala ang mga babalang pangkaligtasan, na maaaring humantong sa pagkakasala sa dugo.—Deuteronomio 22:8.
22. (a) Ano ang maka-Diyos na pangmalas sa dugo at sa gamit nito? (b) Kaninong dugo lamang ang tunay na nakapagliligtas-buhay?
22 Sinabihan ni Jehova si Noe at ang kaniyang pamilya na ang dugo ay kumakatawan sa kaluluwa, o buhay. Samakatuwid, sila’y pinagbawalan ng Diyos na kumain ng anumang dugo. (Genesis 9:3, 4) Yamang tayo’y mga inapo nila, ang batas na iyan ay kapit sa ating lahat. Sinabihan ni Jehova ang mga Israelita na ang dugo’y dapat itigis sa lupa at hindi dapat gamitin para sa sariling kapakanan ng tao. (Deuteronomio 12:15, 16) At ang batas ng Diyos sa dugo ay inulit nang tagubilinan ang unang-siglong mga Kristiyano: “Patuloy na umiwas . . . sa dugo.” (Gawa 15:28, 29) Dahil sa paggalang sa kabanalan ng buhay, hindi nagpapasalin ng dugo ang mga taong maka-Diyos, kahit na igiit ng iba na ang paraang iyan ay makapagliligtas ng buhay. Ang maraming panghaliling panggagamot na di-tinututulan ng mga Saksi ni Jehova ay napatunayan nang napakaepektibo at hindi nailalantad ang sinuman sa mga panganib ng pagsasalin ng dugo. Alam ng mga Kristiyano na tanging ang itinigis na dugo lamang ni Jesus ang tunay na nakapagliligtas-buhay. Ang pananampalataya rito ay nagdudulot ng kapatawaran at ng pag-asa ng buhay na walang-hanggan.—Efeso 1:7.
23. Anu-ano ang ilang gantimpala ng isang maka-Diyos na paraan ng pamumuhay?
23 Maliwanag kung gayon, ang maka-Diyos na pamumuhay ay nangangailangan ng pagsisikap. Ito’y maaaring maging sanhi ng panlilibak mula sa mga miyembro ng pamilya o sa mga kakilala. (Mateo 10:32-39; 1 Pedro 4:4) Ngunit ang mga gantimpala ng gayong pamumuhay ay makapupong nakahihigit kaysa sa anumang mga pagsubok. Ang bunga nito’y isang malinis na budhi at naglalaan ng kapaki-pakinabang na pakikipagsamahan sa mga kapuwa mananamba ni Jehova. (Mateo 19:27, 29) At saka, isip-isipin lamang ang mabuhay magpakailanman sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos. (Isaias 65:17, 18) At anong laking kagalakan mayroon sa pagsunod sa payo ng Bibliya at sa gayo’y nagpapasaya sa puso ni Jehova! (Kawikaan 27:11) Hindi nga kataka-taka na ang maka-Diyos na pamumuhay ay nagdudulot ng kaligayahan!—Awit 128:1, 2.
SUBUKIN ANG IYONG KAALAMAN
Ano ang ilang dahilan kung bakit nagdudulot ng kaligayahan ang maka-Diyos na pamumuhay?
Ang maka-Diyos na pamumuhay ay humihiling ng anu-anong pagbabago?
Bakit nais mong sundin ang maka-Diyos na pamumuhay?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 124, 125]
Ang pagtitimbang ng espirituwal na mga gawain at ng mga panahon ng paglilibang ay nakapagdudulot ng kaligayahan sa mga sumusunod sa maka-Diyos na pamumuhay