Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maaari Kang Magkaroon ng Maligayang Kinabukasan!

Maaari Kang Magkaroon ng Maligayang Kinabukasan!

Kabanata 1

Maaari Kang Magkaroon ng Maligayang Kinabukasan!

1, 2. Ano ang naisin ng iyong Maylalang para sa iyo?

 ISANG mahigpit na yakap mula sa iyong minamahal. Matutunog na halakhakan habang nagsasalu-salo kayo ng mahal mong mga kaibigan. Ang kalugurang nadarama habang pinanonood mo ang iyong mga anak na masayang naglalaro. Ang mga panahong katulad nito ay maliligayang sandali sa buhay. Gayunman, para sa marami, ang buhay ay waring naghaharap ng sunud-sunod na malulubhang suliranin. Kung iyan ang iyong nararanasan, lakasan mo ang iyong loob.

2 Kalooban ng Diyos na matamasa mo ang walang-katapusang kaligayahan sa ilalim ng pinakamabubuting kalagayan sa kahanga-hangang kapaligiran. Hindi ito isang panaginip lamang, sapagkat aktuwal na iniaalok sa iyo ng Diyos ang susi para sa gayong maligayang kinabukasan. Ang susing iyon ay ang kaalaman.

3. Anong kaalaman ang susi sa kaligayahan, at bakit tayo nakatitiyak na kayang ilaan ng Diyos ang kaalamang iyan?

3 Ang pinag-uusapan natin ay isang pantanging uri ng kaalaman na napakalaki ang kahigitan kaysa sa karunungan ng tao. Iyon ay “ang mismong kaalaman ng Diyos.” (Kawikaan 2:5) Halos 2,000 taon na ang nakalilipas, sinabi ng isang manunulat ng Bibliya: “Bawat bahay ay may nagtayo, ngunit siya na nagtayo ng lahat ng mga bagay ay ang Diyos.” (Hebreo 3:4) Isip-isipin mo ang kaalamang taglay ng Maygawa ng lahat ng mga bagay! Sinasabi ng Bibliya na binibilang ng Diyos at tinatawag sa pangalan ang lahat ng mga bituin. Halos di-maubos-maisip ito, yamang may daan-daang bilyong bituin sa ating galaksi, at may mga isang daang bilyong iba pang mga galaksi ayon sa mga astronomo! (Awit 147:4) Maging tayo man ay lubos na kilala ng Diyos, kaya sino pa nga ba ang makapaglalaan ng mas mabubuting sagot sa mahahalagang katanungan sa buhay?​—Mateo 10:30.

4. Bakit maaasahan natin na ang Diyos ay maglalaan ng mga tagubilin upang patnubayan tayo, at anong aklat ang nakasasapat sa pangangailangang ito?

4 Ilarawan sa isipan ang dalawang lalaking nagsisikap na kumpunihin ang kani-kaniyang kotse. Palibhasa’y suko na, inihagis ng isang lalaki ang kaniyang mga kagamitan. Mahinahong inaayos naman ng isa ang problema, isinusi, at napangiti nang umandar ang makina at tumakbo nang mahusay. Madali mong mahuhulaan kung sino sa dalawang lalaki ang may instruction manual mula sa may-ari ng pabrika. Hindi ba nararapat lamang na ang Diyos ay maglaan din ng mga tagubilin upang pumatnubay sa ating buhay? Gaya ng alam mo na marahil, ganiyan nga ang sinasabi ng Bibliya​—na ito’y isang aklat ng tagubilin at patnubay mula sa ating Maylalang, na sinadya upang ipagkaloob sa atin ang kaalaman ng Diyos.​—2 Timoteo 3:16.

5. Gaano kahalaga ang kaalamang nilalaman ng Bibliya?

5 Kung ang sinasabi ng Bibliya ay totoo, isip-isipin lamang ang mga hiyas ng kaalamang taglay ng aklat na iyan! Sa Kawikaan 2:​1-5, hinihimok tayo nito na hanapin ang karunungan, na hukayin itong gaya ng gagawin natin sa nakabaong kayamanan​—hindi sa pagdudukal sa pag-iisip ng tao, kundi sa mismong Salita ng Diyos. Kung doon tayo maghahanap, “masusumpungan [natin] ang mismong kaalaman ng Diyos.” Yamang nauunawaan ng Diyos ang ating mga limitasyon at mga pangangailangan, binibigyan niya tayo ng tagubilin na tutulong sa atin na magkaroon ng tahimik at maligayang buhay. (Awit 103:14; Isaias 48:17) Isa pa, ang kaalaman ng Diyos ay nag-aalok sa atin ng nakapananabik na mabuting balita.

WALANG-HANGGANG BUHAY!

6. Anong katiyakan ang ibinigay ni Jesu-Kristo hinggil sa kaalaman ng Diyos?

6 Maliwanag na inilarawan ng kilalang tao sa kasaysayan na si Jesu-Kristo ang katangiang ito ng kaalaman ng Diyos. Sabi niya: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Akalain mo​—kaalaman na umaakay sa buhay na walang-hanggan!

7. Anong katibayan mayroon na hindi layunin ng Diyos na tayo’y mamatay?

7 Huwag mo namang sasabihin agad na ang buhay na walang-hanggan ay isang panaginip lamang. Sa halip, tingnan mo kung papaano ginawa ang katawan ng tao. Ito’y kahanga-hangang dinisenyo upang makalasa, makarinig, makaamoy, makakita, at makadama. Napakaraming bagay sa lupa na nakasisiya sa ating mga pandamdam​—masasarap na pagkain, nakawiwiling awit ng mga ibon, mababangong bulaklak, magagandang tanawin, nakalulugod na pagsasamahan! At ang ating kagila-gilalas na utak ay napakalaki ang kahigitan sa isang supercomputer, sapagkat pinapangyayari tayo nitong pahalagahan at tamasahin ang lahat ng bagay na ito. Sa palagay mo kaya’y nanaisin ng ating Maylalang na tayo’y mamatay at mawala ang lahat ng ito? Hindi kaya mas makatuwirang isipin na nais niyang tayo’y mabuhay nang maligaya at tamasahin ang buhay magpakailanman? Ang totoo, iyan ang maaaring idulot sa iyo ng kaalaman ng Diyos.

BUHAY SA PARAISO

8. Ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa kinabukasan ng sangkatauhan?

8 Ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kinabukasan ng lupa at ng sangkatauhan ay maaaring buuin sa isang salita​—Paraiso! Binanggit ito ni Jesu-Kristo nang pagsabihan niya ang isang naghihingalong lalaki: “Makakasama kita sa Paraiso.” (Lucas 23:43) Ang pagbanggit sa Paraiso ay walang alinlangang nagpaalaala sa lalaking ito ng maligayang kalagayan ng ating unang mga magulang, sina Adan at Eva. Nang lalangin sila ng Diyos, sila’y mga sakdal at nanirahan sa isang tulad-harding parke na dinisenyo at itinanim ng Maylalang. Iyon ay angkop na tawaging hardin ng Eden, na ang pangalan ay nagpapahiwatig ng kaluguran.

9. Ano ang kalagayan ng pamumuhay sa orihinal na Paraiso?

9 Anong kasiya-siyang hardin iyon! Iyon ay isang tunay na paraiso. Kabilang sa naggagandahang punò ay yaong namumunga ng masasarap na prutas. Habang nililibot nina Adan at Eva ang kanilang lupain, umiinom ng manamis-namis na tubig, at namimitas ng mga bunga ng punungkahoy, walang dahilan upang sila’y mabalisa o matakot. Maging ang mga hayop ay hindi dapat katakutan, sapagkat inilagay ng Diyos ang lalaki at ang kaniyang asawa upang ang lahat ng mga ito ay pangasiwaan nang may pagmamahal. Karagdagan pa, taglay ng unang mag-asawa ang masiglang pangangatawan. Kung sila’y patuloy na tatalima sa Diyos, ang walang-hanggan at maligayang kinabukasan ay naghihintay sa kanila. Sila’y pinagkalooban ng kasiya-siyang gawain ng pangangalaga sa kanilang kahanga-hangang Paraisong tahanan. Isa pa, sina Adan at Eva ay pinag-utusan ng Diyos na “punuin ang lupa at supilin ito.” Palalawakin nila at ng kanilang mga supling ang mga hangganan ng Paraiso hanggang sa ang ating buong planeta ay maging isang dako ng kagandahan at kaluguran.​—Genesis 1:28.

10. Nang banggitin ni Jesus ang Paraiso, ano ang ibig niyang sabihin?

10 Gayunman, nang banggitin ni Jesus ang Paraiso, hindi niya ibig na isipin ng naghihingalong lalaki ang hinggil sa matagal nang lumipas na kahapon. Hindi, ang tinutukoy ni Jesus ay hinggil sa hinaharap! Alam niya na ang ating buong makalupang tahanan ay magiging isang paraiso. Samakatuwid ay tutuparin ng Diyos ang kaniyang orihinal na layunin para sa sangkatauhan at sa ating lupa. (Isaias 55:​10, 11) Oo, isasauli ang Paraiso! At ano ang magiging kalagayan dito? Hayaang ang Salita ng Diyos, ang Banal na Bibliya, ang siyang sumagot.

ANG BUHAY SA ISINAULING PARAISO

11. Sa isinauling Paraiso, ano ang mangyayari sa sakit, pagtanda, at kamatayan?

11 Hindi na iiral ang sakit, pagtanda, at kamatayan. “Sa panahong iyon ay madidilat ang mga mata ng bulag, at ang mga pakinig ng bingi ay mabubuksan. Sa panahong iyon ay lulukso ang pilay na parang usa, at ang dila ng pipi ay aawit sa kagalakan.” (Isaias 35:​5, 6) “Ang Diyos mismo ay sasakanila [sangkatauhan]. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”​—Apocalipsis 21:​3, 4.

12. Bakit tayo makatitiyak na mawawala na ang krimen, karahasan, at kabalakyutan sa darating na Paraiso?

12 Mawawala na kailanman ang krimen, karahasan, at kabalakyutan. “Ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin . . . Sandali na lamang, at ang balakyot ay mawawala na . . . Siya’y mawawala na. Ngunit ang maaamo ay magmamana ng lupa.” (Awit 37:​9-11) “Kung tungkol sa mga balakyot, sila’y lilipulin sa mismong lupa; at ang mga magdaraya, sila’y bubunutin dito.”​—Kawikaan 2:22.

13. Papaano pangyayarihin ng Diyos ang kapayapaan?

13 Mananaig ang kapayapaan sa buong lupa. “Pinatitigil niya [ng Diyos] ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa. Binabali niya ang busog at pinagpuputul-putol ang sibat.” (Awit 46:9) “Mamumukadkad ang mga matuwid, at saganang kapayapaan hanggang sa mawala ang buwan.”​—Awit 72:7.

14, 15. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagpapabahay, trabaho, at pagkain sa isinauling Paraiso?

14 Magiging tiwasay ang pagpapabahay at kasiya-siya ang trabaho. “Sila nga’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan . . . Sila’y hindi magtatayo at iba ang tatahan; sila’y hindi magtatanim at iba ang kakain. Sapagkat kung paano ang mga kaarawan ng punungkahoy ay magiging gayon ang mga kaarawan ng aking bayan; at ang aking pinili ay makikinabang na lubusan sa gawa ng kanilang sariling mga kamay. Sila’y hindi gagawa ng walang kabuluhan, o manganganak man para sa kasakunaan.”​—Isaias 65:​21-23.

15 Magkakaroon ng saganang pampalusog na pagkain. “Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay may labis-labis.” (Awit 72:16) “Ang lupa mismo ay tiyak na magbibigay ng ani nito; ang Diyos, ang ating Diyos, ang sa ati’y magpapala.”​—Awit 67:6.

16. Bakit magiging kasiya-siya ang buhay sa Paraiso?

16 Magiging kasiya-siya ang walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa. “Ang matuwid ang magmamana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.” (Awit 37:29) “Ang ilang at ang tuyong lupa ay magsasaya, at ang malawak na disyerto ay magagalak at mamumukadkad na gaya ng rosa.”​—Isaias 35:1.

ANG KAALAMAN AT ANG IYONG KINABUKASAN

17. (a) Ano ang dapat mong gawin kung ang buhay sa Paraiso ay kaakit-akit sa iyo? (b) Papaano natin nalalaman na pangyayarihin ng Diyos ang malalaking pagbabago sa lupa?

17 Kung kaakit-akit sa iyo ang buhay sa Paraiso, huwag payagang may makahadlang sa iyo sa pagkuha ng kaalaman ng Diyos. Iniibig niya ang sangkatauhan at pangyayarihin niya ang kinakailangang mga pagbabago upang gawing paraiso ang lupa. Tutal, kung nasa kapangyarihan mong wakasan ang kahirapan at ang kawalan ng katarungan na palasak sa sanlibutan, hindi mo ba gagawin ito? Hindi ba iyon din ang ating aasahan sa Diyos? Ang totoo, napakaliwanag ng pagkakabanggit ng Bibliya sa panahong aalisin na ng Diyos ang sistemang ito na punung-puno ng alitan at papalitan ito ng isang sakdal at matuwid na pamamahala. (Daniel 2:44) Subalit ang Bibliya ay gumagawa ng higit pa kaysa sa pagsasabi lamang sa atin ng lahat ng ito. Ipinakikita nito sa atin kung papaano tayo makaliligtas tungo sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos.​—2 Pedro 3:13; 1 Juan 2:17.

18. Ano ang nagagawa sa iyo ng kaalaman ng Diyos ngayon pa lamang?

18 Ngayon pa lamang ay makikinabang ka na sa pagkakaroon ng kaalaman ng Diyos. Sinasagot ng Bibliya ang pinakamalalalim at nakababahalang mga katanungan sa buhay. Ang pagsunod sa patnubay nito ay tutulong sa iyo na mapaunlad ang pakikipagkaibigan sa Diyos. Anong dakilang pribilehiyo! At ito’y magpapangyari sa iyo na tamasahin ang kapayapaang tanging Diyos lamang ang makapagbibigay. (Roma 15:​13, 33) Habang kumukuha ka ng mahalagang kaalamang ito, sinisimulan mo ang pinakamahalaga at kapaki-pakinabang na gawain sa iyong buhay. Hindi mo kailanman pagsisisihan ang pagkuha ng kaalaman ng Diyos na umaakay sa buhay na walang-hanggan.

19. Anong tanong ang ating isasaalang-alang sa susunod na kabanata?

19 Tinukoy natin ang Bibliya bilang ang aklat na naglalaman ng kaalaman ng Diyos. Ngunit, papaano natin malalaman na ito’y hindi isang aklat ng karunungan ng tao, kundi mas nakahihigit pa? Isasaalang-alang natin ang tanong na ito sa susunod na kabanata.

SUBUKIN ANG IYONG KAALAMAN

Bakit ang kaalaman ng Diyos ay makaaakay sa iyo sa walang-hanggang kaligayahan?

Ano ang magiging kalagayan ng buhay sa darating na Paraisong lupa?

Bakit ka makikinabang sa pagkuha ng kaalaman ng Diyos ngayon?

[Mga Tanong sa Aralin]