Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Si Jesu-Kristo—Ang Susi sa Kaalaman ng Diyos

Si Jesu-Kristo—Ang Susi sa Kaalaman ng Diyos

Kabanata 4

Si Jesu-Kristo—Ang Susi sa Kaalaman ng Diyos

1, 2. Papaano pinakialaman ng mga relihiyon ng sanlibutan ang susi sa kaalaman ng Diyos?

 IKAW ay nakatayo sa pintuan, inaapuhap mo ang iyong mga susi. Kasalukuyang malamig at madilim, at gustung-gusto mo nang makapasok​—subalit hindi makabukas ang susi. Mukha namang iyon nga ang susi, ngunit hindi nito mapihit ang kandado. Talagang nakayayamot! Tiningnan mong muli ang mga susi. Tama ba ang iyong ginagamit? May sumira kaya sa susi?

2 Iyan ay isang angkop na paglalarawan kung papaano naapektuhan ng relihiyosong kalituhan ng sanlibutan ang kaalaman ng Diyos. Sa wari, marami ang nakialam sa susi na nagbubukas nito sa ating pang-unawa​—si Jesu-Kristo. Inalis ng ilang relihiyon ang susi, anupat lubusang ipinagwawalang-bahala si Jesus. Binaligtad naman ng iba ang papel ni Jesus, anupat sinasamba siya bilang ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Alinman dito, ang kaalaman ng Diyos ay nakapinid sa atin kung wala ang tumpak na pagkaunawa sa pangunahing tauhang ito, si Jesu-Kristo.

3. Bakit masasabi na si Jesus ang susi sa kaalaman ng Diyos?

3 Marahil ay maaalaala mong sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Sa pagsasabi nito, hindi naghahambog si Jesus. Paulit-ulit na idiniriin ng Kasulatan ang pangangailangan ng tumpak na kaalaman kay Kristo. (Efeso 4:13; Colosas 2:2; 2 Pedro 1:8; 2:20) “Tungkol [kay Jesu-Kristo] ay nagpapatotoo ang lahat ng mga propeta,” ang sabi ni apostol Pedro. (Gawa 10:43) At sumulat si apostol Pablo: “Maingat na nakakubli [kay Jesus] ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman.” (Colosas 2:3) Sinabi pa nga ni Pablo na lahat ng ipinangako ni Jehova ay natupad dahil kay Jesus. (2 Corinto 1:20) Kaya nga si Jesu-Kristo ang mismong susi sa kaalaman ng Diyos. Ang ating kaalaman kay Jesus ay dapat na hindi baligtad sa kaniyang personal na katangian at sa kaniyang papel na ginagampanan sa kaayusan ng Diyos. Subalit bakit nga ba itinuturing ng mga tagasunod ni Jesus na siya ang pinakasentro ng mga layunin ng Diyos?

ANG IPINANGAKONG MESIYAS

4, 5. Anong mga pag-asa ang nakasentro sa Mesiyas, at papaano siya minalas ng mga alagad ni Jesus?

4 Mula pa noong kaarawan ng tapat na lalaking si Abel, ang mga lingkod ng Diyos ay sabik na sabik na sa Binhi na inihula ng Diyos na Jehova mismo. (Genesis 3:15; 4:​1-8; Hebreo 11:4) Isiniwalat noon na ang Binhi ay gaganap ng layunin ng Diyos bilang Mesiyas, na nangangahulugang “Pinahirang Isa.” ‘Wawakasan niya ang kasalanan,’ at ang mga kaluwalhatian ng kaniyang Kaharian ay inihula sa mga awit. (Daniel 9:​24-26; Awit 72:​1-20) Sino kaya ang mapatutunayang Mesiyas?

5 Gunigunihin ang pananabik na nadama ng kabataang Judio na si Andres nang mapakinggan niya ang mga salita ni Jesus ng Nazaret. Napatakbo si Andres sa kaniyang kapatid na si Simon Pedro at sinabi sa kaniya: “Nasumpungan na namin ang Mesiyas.” (Juan 1:41) Kumbinsido ang mga alagad ni Jesus na siya nga ang ipinangakong Mesiyas. (Mateo 16:16) At ang tunay na mga Kristiyano ay handang magbuwis ng kanilang buhay para sa kanilang paniniwala na si Jesus ngang talaga ang ipinangakong Mesiyas, o Kristo. Anong katibayan ang taglay nila? Tingnan natin ang tatlong hanay ng ebidensiya.

EBIDENSIYA NA SI JESUS ANG MESIYAS

6. (a) Kaninong angkan magmumula ang ipinangakong Binhi, at papaano natin malalaman na si Jesus ay nagmula sa angkang iyan? (b) Bakit imposible para sa isang nabuhay pagkalipas ng 70 C.E. na patunayan ang pag-aangkin na siya ang Mesiyas?

6 Ang talaangkanan ni Jesus ay nagtatatag ng unang saligan upang makilalang siya nga ang ipinangakong Mesiyas. Sinabi ni Jehova sa Kaniyang lingkod na si Abraham na ang ipinangakong Binhi ay manggagaling sa kaniyang pamilya. Ang anak ni Abraham na si Isaac, ang anak ni Isaac na si Jacob, at ang anak ni Jacob na si Juda ay tumanggap bawat isa ng gayunding pangako. (Genesis 22:18; 26:​2-5; 28:​12-15; 49:10) Ang angkang panggagalingan ng Mesiyas ay lalong tiniyak pagkalipas ng ilang siglo nang sabihan si Haring David na sa kaniyang pamilya magmumula ang Isang ito. (Awit 132:11; Isaias 11:​1, 10) Pinatotohanan ng mga ulat ng Ebanghelyo nina Mateo at Lucas na si Jesus ay nagmula sa angkang iyan. (Mateo 1:​1-16; Lucas 3:​23-38) Bagaman si Jesus ay maraming mahihigpit na kaaway, isa man sa kanila’y walang tumutol sa kaniyang angkang pinagmulan na balitang-balita noon. (Mateo 21:​9, 15) Kung gayon, maliwanag na hindi mapag-aalinlanganan ang kaniyang talaangkanan. Gayunman, nasira ang talaan ng mga pamilya ng mga Judio nang manloob ang mga Romano sa Jerusalem noong 70 C.E. Nang lumipas ang panahon, hindi na kayang patunayan ng sinuman ang pag-aangkin na siya ang ipinangakong Mesiyas.

7. (a) Ano ang ikalawang hanay ng ebidensiya na si Jesus nga ang Mesiyas? (b) Papaano natupad ang Mikas 5:2 may kaugnayan kay Jesus?

7 Ang natupad na hula ang ikalawang hanay ng ebidensiya. Maraming hula sa Hebreong Kasulatan ang naglalarawan ng iba’t ibang bahagi ng buhay ng Mesiyas. Noong ikawalong siglo B.C.E., inihula ng propetang si Mikas na ang dakilang pinunong ito ay ipanganganak sa maliit na bayan ng Betlehem. Dalawang bayan sa Israel ang tinawag na Betlehem, ngunit tiniyak ng hulang ito kung alin sa dalawa: sa Betlehem Ephrathah, na doon ipinanganak si Haring David. (Mikas 5:2) Ang mga magulang ni Jesus, sina Jose at Maria, ay nakatira sa Nazaret, mga 150 kilometro sa gawing hilaga ng Betlehem. Gayunman, sa panahon ng pagdadalang-tao ni Maria, ang pinunong Romano na si Cesar Augusto ay nag-utos na lahat ng mamamayan ay magparehistro sa kanilang tinubuang lunsod. a Kaya kinailangang isama ni Jose sa Betlehem ang kaniyang kagampang asawa, kung saan ipinanganak si Jesus.​—Lucas 2:​1-7.

8. (a) Kailan at sa anong pangyayari nagsimula ang 69 na “sanlinggo”? (b) Gaano kahaba ang 69 na “sanlinggo,” at ano ang nangyari nang ang mga ito’y magtapos?

8 Noong ika-anim na siglo B.C.E., inihula ng propetang si Daniel na ang “Mesiyas na Lider” ay lilitaw 69 na “sanlinggo” pagkatapos na ibigay ang utos na isauli at muling itayo ang Jerusalem. (Daniel 9:​24, 25) Bawat isa sa mga ‘sanlinggong’ ito ay pitong taon ang haba. b Ayon sa Bibliya at sa sekular na kasaysayan, ang utos na muling itayo ang Jerusalem ay inilabas noong 455 B.C.E. (Nehemias 2:​1-8) Kaya ang Mesiyas ay lilitaw 483 (7 ulit na 69) taon pagkaraan ng 455 B.C.E. Dadalhin tayo nito sa 29 C.E., ang mismong taon na pinahiran ni Jehova si Jesus ng banal na espiritu. Sa gayon ay naging “ang Kristo” si Jesus (nangangahulugang “Pinahirang Isa”), o Mesiyas.​—Lucas 3:​15, 16, 21, 22.

9. (a) Papaano natupad ang Awit 2:2? (b) Ano pa ang ibang hula na natupad kay Jesus? (Tingnan ang tsart.)

9 Mangyari pa, hindi lahat ay tumanggap kay Jesus bilang ang ipinangakong Mesiyas, at inihula ito ng Kasulatan. Gaya ng iniulat sa Awit 2:​2, si Haring David ay humula taglay ang banal na pagkasi: “Ang mga hari sa lupa ay naghahanda at ang matataas na opisyal ay nagsama-sama laban kay Jehova at laban sa kaniyang pinahirang isa.” Ipinahiwatig ng hulang ito na ang mga lider mula sa higit sa isang lupain ay magkakaisa upang salakayin ang Pinahirang Isa ni Jehova, o ang Mesiyas. At nagkagayon nga. Ang mga Judiong lider ng relihiyon, si Haring Herodes, at ang Romanong gobernador na si Poncio Pilato ay pawang gumanap ng kanilang bahagi sa pagpatay kay Jesus. Ang dating magkaaway na sina Herodes at Pilato ay naging matalik na magkaibigan mula noon. (Mateo 27:​1, 2; Lucas 23:​10-12; Gawa 4:​25-28) Para sa higit pang katibayan na si Jesus nga ang Mesiyas, pakisuyong tingnan ang kalakip na tsart na pinamagatang “Ilang Tampok na Mesianikong mga Hula.”

10. Sa anu-anong paraan nagpatotoo si Jehova na si Jesus ang ipinangako niyang Pinahirang Isa?

10 Ang patotoo ng Diyos na Jehova ang ikatlong hanay ng ebidensiya na umaalalay sa pagiging Mesiyas ni Jesus. Nagsugo si Jehova ng mga anghel upang ipabatid sa mga tao na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas. (Lucas 2:​10-14) Sa katunayan, sa pamumuhay ni Jesus sa lupa, si Jehova mismo ay nagsalita mula sa langit, anupat nagpapahayag ng kaniyang pagsang-ayon kay Jesus. (Mateo 3:​16, 17; 17:​1-5) Binigyan ng Diyos na Jehova si Jesus ng kapangyarihan upang gumawa ng mga himala. Bawat isa nito ay higit pang katibayan mula sa Diyos na si Jesus nga ang Mesiyas, sapagkat ang Diyos ay hindi kailanman magbibigay ng kapangyarihan sa isang impostor upang gumawa ng mga himala. Ginamit din ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu upang kasihan ang mga ulat ng Ebanghelyo, upang ang ebidensiya ng pagiging Mesiyas ni Jesus ay maging bahagi ng Bibliya, ang aklat na may pinakamalawak na pagsasalin at pamamahagi sa buong kasaysayan.​—Juan 4:​25, 26.

11. Gaano karaming ebidensiya mayroon na si Jesus nga ang Mesiyas?

11 Lahat-lahat, ang mga kategoryang ito ng ebidensiya ay binubuo ng daan-daang tunay na pangyayari na nagpapakilala kay Jesus bilang ang ipinangakong Mesiyas. Kung gayon, maliwanag na tama ang mga tunay na Kristiyano sa pangmalas sa kaniya bilang ‘ang isa na pinatotohanan ng lahat ng mga propeta’ at siyang susi sa kaalaman ng Diyos. (Gawa 10:43) Subalit mayroon pang dapat matutuhan tungkol kay Jesu-Kristo bukod sa katotohanang siya nga ang Mesiyas. Saan siya nagmula? Anong uri siya ng persona?

ANG PAG-IRAL NI JESUS BAGO NAGING TAO

12, 13. (a) Papaano natin malalaman na si Jesus ay umiral sa langit bago siya pumarito sa lupa? (b) Sino “ang Salita,” at ano ang kaniyang ginawa bago siya naging tao?

12 Ang buhay ni Jesus ay maaaring hatiin sa tatlong yugto. Ang una ay nagsimula napakatagal nang panahon bago siya ipanganak sa lupa. Sinabi ng Mikas 5:2 na ang pinagmulan ng Mesiyas ay “mula noong unang panahon, mula sa mga araw ng panahong walang takda.” At maliwanag na sinabi ni Jesus na siya’y mula sa “mga dako sa itaas,” alalaong baga’y, sa langit. (Juan 8:23; 16:28) Gaano katagal siya umiral sa langit bago pumarito sa lupa?

13 Si Jesus ay tinawag na “bugtong na Anak” ng Diyos sapagkat tuwiran siyang nilalang ni Jehova. (Juan 3:16) Bilang “panganay sa lahat ng nilalang,” si Jesus ay ginamit ng Diyos noon upang lalangin ang lahat ng iba pang bagay. (Colosas 1:15; Apocalipsis 3:14) Sinasabi ng Juan 1:1 na “ang Salita” (si Jesus sa kaniyang pag-iral bago naging tao) ay kasama ng Diyos “nang pasimula.” Kaya ang Salita ay kasama ni Jehova nang “ang mga langit at lupa” ay lalangin. Ang Diyos ay nakikipag-usap noon sa Salita nang sabihin Niya: “Gawin natin ang tao sa ating larawan.” (Genesis 1:​1, 26) Gayundin, maliwanag na ang Salita ang siyang pinakamamahal na “dalubhasang manggagawa” ng Diyos, na inilarawan sa Kawikaan 8:​22-31 bilang kumakatawan sa karunungan, na nagtatrabahong katabi ni Jehova sa paggawa ng lahat ng bagay. Pagkatapos na lalangin siya ni Jehova, ginugol ng Salita ang napakahabang panahon kasama ng Diyos sa langit bago naging tao sa lupa.

14. Bakit tinawag si Jesus na “ang larawan ng di-nakikitang Diyos”?

14 Hindi kataka-taka kung gayon na tawagin si Jesus sa Colosas 1:15 na “ang larawan ng di-nakikitang Diyos”! Sa loob ng di-mabilang na mga taon ng malapít na pagsasamahán, ang masunuring Anak ay naging katulad na katulad ng kaniyang Ama, si Jehova. Ito’y isa pang dahilan kung bakit si Jesus ang susi sa nagbibigay-buhay na kaalaman ng Diyos. Lahat ng ginawa ni Jesus habang nasa lupa ay siya ring eksaktong gagawin ni Jehova kung nasa gayong kalagayan. Kaya, ang pagkilala kay Jesus ay nagpapasulong din ng ating kaalaman kay Jehova. (Juan 8:28; 14:​8-10) Maliwanag kung gayon, na kailangang matuto pa ng higit tungkol kay Jesu-Kristo.

ANG BUHAY NI JESUS SA LUPA

15. Papaano nangyari na si Jesus ay isinilang bilang isang sakdal na sanggol?

15 Ang ikalawang yugto ng buhay ni Jesus ay dito sa lupa. Siya’y kusang nagpasakop nang ilipat ng Diyos ang kaniyang buhay mula sa langit tungo sa sinapupunan ng isang tapat na birheng Judio na nagngangalang Maria. Ang makapangyarihang banal na espiritu, o aktibong puwersa ni Jehova, ay ‘lumilim’ kay Maria, na nagpangyaring siya’y magdalang-tao at sa wakas ay magsilang ng isang sakdal na sanggol. (Lucas 1:​34, 35) Walang minanang di-kasakdalan si Jesus, yamang ang kaniyang buhay ay nanggaling sa isang sakdal na Pinagmulan. Siya’y pinalaki sa isang di-marangyang tahanan bilang ampon ng karpinterong si Jose at siyang panganay sa ilan pang mga anak sa pamilya.​—Isaias 7:14; Mateo 1:​22, 23; Marcos 6:3.

16, 17. (a) Saan kumuha si Jesus ng kapangyarihan upang gumawa ng mga himala, at ano ang ilan sa mga ito? (b) Ano ang ilang katangian na ipinamalas ni Jesus?

16 Nahalata na agad ang matinding debosyon ni Jesus kay Jehova nang siya’y 12 taóng gulang. (Lucas 2:​41-49) Nang siya’y lumaki na at nagpasimula na ng kaniyang ministeryo sa edad na 30, ipinamalas din ni Jesus ang kaniyang masidhing pag-ibig sa kaniyang mga kapuwa-tao. Nang siya’y bigyang-kapangyarihan ng banal na espiritu ng Diyos na gumawa ng mga himala, may pagkamadamayin niyang pinagaling ang mga maysakit, pilay, baldado, bulag, bingi, may ketong. (Mateo 8:​2-4; 15:30) Pinakain ni Jesus ang libu-libong nagugutom. (Mateo 15:​35-38) Pinahupa niya ang bagyo na nagsapanganib sa kaligtasan ng kaniyang mga kaibigan. (Marcos 4:​37-39) Sa katunayan, bumuhay pa siya ng mga patay. (Juan 11:​43, 44) Ang mga himalang ito ay mga pangyayaring pinagtibay ng kasaysayan. Maging ang mga kaaway ni Jesus ay umamin na siya nga’y ‘nagsagawa ng maraming tanda.’​—Juan 11:​47, 48.

17 Naglakbay si Jesus sa palibot ng kaniyang sariling bayan, na nagtuturo sa mga tao ng tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 4:17) Nagpakita rin siya ng sukdulang halimbawa ng pagtitiis at pagkamakatuwiran. Maging nang siya’y biguin ng kaniyang mga alagad, inunawa niya sila sa pagsasabi: “Ang espiritu, sabihin pa, ay sabik, ngunit ang laman ay mahina.” (Marcos 14:​37, 38) Ngunit, si Jesus ay matapang at tahasan sa mga humahamak sa katotohanan at sumisiil sa mga mahihina. (Mateo 23:​27-33) Higit sa lahat, ganap na tinularan niya ang halimbawa ng pag-ibig ng kaniyang Ama. Handa pa man din si Jesus na mamatay upang magkaroon ng pag-asa sa hinaharap ang di-sakdal na sangkatauhan. Kung gayon, hindi nga kataka-taka kung tukuyin man natin si Jesus bilang susi sa kaalaman ng Diyos! Oo, siya ang nabubuhay na susi! Ngunit bakit natin sinasabing isang nabubuhay na susi? Ito’y nagdadala sa atin sa ikatlong yugto ng kaniyang buhay.

SI JESUS SA NGAYON

18. Papaano natin dapat malasin si Jesu-Kristo sa ngayon?

18 Bagaman ang Bibliya’y nag-uulat ng kamatayan ni Jesus, siya’y buháy na ngayon! Sa katunayan, daan-daang nabuhay noong unang siglo C.E. ay mga saksing nakakita na siya nga’y binuhay-muli. (1 Corinto 15:​3-8) Gaya ng inihula, siya’y naupo pagkatapos sa kanang kamay ng kaniyang Ama at naghintay sa pagtanggap ng makaharing kapangyarihan sa langit. (Awit 110:1; Hebreo 10:​12, 13) Kaya papaano natin dapat malasin si Jesus sa ngayon? Iisipin ba nating siya’y isang walang-kalaban-laban na sanggol sa isang sabsaban? O isang naghihirap na lalaking nakaharap sa kamatayan? Hindi. Siya’y isang makapangyarihan at nagpupunong Hari! At di na magtatagal, isasagawa niya ang kaniyang pamamahala sa ibabaw ng ating nababagabag na lupa.

19. Anong pagkilos ang gagawin ni Jesus sa malapit na hinaharap?

19 Sa Apocalipsis 19:​11-15, buong-tingkad na inilarawan ang Haring si Jesu-Kristo na dumarating taglay ang dakilang kapangyarihan upang puksain ang balakyot. Gayon na lamang marahil ang pananabik ng maibiging makalangit na Tagapamahalang ito na wakasan na ang pagdurusa na nagpapahirap sa milyun-milyon sa ngayon! At gayon din ang kaniyang pananabik na matulungan yaong nagsisikap na tularan ang sakdal na halimbawang ipinakita niya habang naririto sa lupa. (1 Pedro 2:21) Nais niyang maingatan sila sa panahon ng mabilis na dumarating na “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” na malimit tawaging Armagedon, upang sila’y mabuhay magpakailanman bilang mga sakop sa lupa ng makalangit na Kaharian ng Diyos.​—Apocalipsis 7:​9, 14; 16:​14, 16.

20. Ano ang gagawin ni Jesus para sa sangkatauhan sa panahon ng kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari?

20 Sa panahon ng inihulang Sanlibong Taóng Paghahari ng kapayapaan ni Jesus, siya’y gagawa ng mga himala alang-alang sa buong sangkatauhan. (Isaias 9:​6, 7; 11:​1-10; Apocalipsis 20:6) Pagagalingin ni Jesus ang lahat ng sakit at wawakasan ang kamatayan. Bubuhayin niyang muli ang bilyun-bilyon upang sila man ay magkaroon ng pagkakataong mabuhay magpakailanman sa lupa. (Juan 5:​28, 29) Masasabik kang matutuhan pa ang tungkol sa kaniyang Mesianikong Kaharian sa isa pang susunod na kabanata. Asahan mo ito: Ni hindi natin maguguniguni kung gaano kamangha-mangha ang ating magiging buhay sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian. Napakahalaga kung gayon na higit pang makilala si Jesu-Kristo! Oo, mahalaga na huwag natin kailanman kalilimutan si Jesus, ang nabubuhay na susi sa kaalaman ng Diyos na umaakay sa buhay na walang-hanggan.

[Mga talababa]

a Ang pagrerehistrong ito ay upang mapadali ang paniningil ng buwis ng Imperyong Romano. Kaya, walang-kamalay-malay na nakatulong si Augusto sa pagtupad ng hula tungkol sa isang pinuno na ‘magpapangyaring ang maniningil ay dumaan sa kaharian.’ Patiunang binanggit ng hula ring iyan na “ang Lider ng tipan,” o Mesiyas, ay “mapapahamak” sa kaarawan ng kahalili ng pinunong ito. Pinatay si Jesus sa panahon ng paghahari ng kahalili ni Augusto, si Tiberio.​—Daniel 11:​20-22.

b Pangkaraniwan sa sinaunang mga Judio ang idea ng mga sanlinggo ng mga taon. Halimbawa, kung papaanong bawat ikapitong araw ay araw ng Sabbath, bawat ikapitong taon ay taon ng Sabbath.​—Exodo 20:​8-11; 23:​10, 11.

SUBUKIN ANG IYONG KAALAMAN

Papaano umaalalay ang talaangkanan ni Jesus sa kaniyang pagsasabi na siya ang Mesiyas?

Ano ang ilang Mesianikong mga hula na natupad kay Jesus?

Papaano tuwirang ipinakita ng Diyos na si Jesus ang kaniyang Pinahirang Isa?

Bakit si Jesus ang nabubuhay na susi sa kaalaman ng Diyos?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Chart sa pahina 37]

ILANG TAMPOK NA MESIANIKONG MGA HULA

HULA PANGYAYARI KATUPARAN

ANG KANIYANG KABATAAN

Isaias 7:14 Ipinanganak ng isang birhen Mateo 1:​18-23

Jeremias 31:15 Pinagpapatay ang mga Mateo 2:​16-18

sanggol pagkasilang niya

ANG KANIYANG MINISTERYO

Isaias 61:​1, 2 Ang kaniyang atas mula Lucas 4:​18-21

sa Diyos

Isaias 9:​1, 2 Ang mga tao’y nakakita ng Mateo 4:​13-16

dakilang liwanag dahil

sa ministeryo

Awit 69:9 Masigasig para sa bahay Juan 2:​13-17

ni Jehova

Isaias 53:1 Hindi pinaniwalaan Juan 12:​37, 38

Zacarias 9:9; Pagpasok sa Jerusalem Mateo 21:​1-9

Awit 118:26 sakay ng bisirong asno;

ipinagbunyi bilang hari

at bilang ang isang dumarating

sa pangalan ni Jehova

ANG PAGKAKANULO AT PAGPATAY SA KANIYA

Awit 41:9; 109:8 Isang apostol ang hindi Gawa 1:​15-20

naging tapat; nagkanulo kay

Jesus at pinalitan pagkaraan

Zacarias 11:12 Ipinagkanulo sa halagang Mateo 26:​14, 15

30 pirasong pilak

Awit 27:12 Ginamit ang mga bulaang Mateo 26:​59-61

saksi laban sa kaniya

Awit 22:18 Pinagpalabunutan ang Juan 19:​23, 24

kaniyang kasuutan

Isaias 53:12 Ibinilang sa mga makasalanan Mateo 27:38

Awit 22:​7, 8 Nilait habang naghihingalo Marcos 15:​29-32

Awit 69:21 Binigyan ng sukà Marcos 15:​23, 36

Isaias 53:5; Inulos Juan 19:​34, 37

Zacarias 12:10

Isaias 53:9 Inilibing kasama ng mayayaman Mateo 27:​57-60

Awit 16:​8-11, Ibinangon bago mabulok Gawa 2:​25-32;

tlb. (sa Ingles) Gaw 13:​34-37

[Larawan sa pahina 35]

Binigyan ng Diyos ng kapangyarihan si Jesus upang pagalingin ang mga maysakit