Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sino ang Tunay na Diyos?

Sino ang Tunay na Diyos?

Kabanata 3

Sino ang Tunay na Diyos?

1. Bakit marami ang sumasang-ayon sa pambungad na pananalita ng Bibliya?

 KAPAG tumingala ka sa langit sa isang maliwanag na gabi, hindi ka ba nanggigilalas na makita ang ganiyang karaming bituin? Papaano mo maipaliliwanag ang kanilang pag-iral? At kumusta naman ang mga nabubuhay na bagay sa lupa​—makukulay na bulaklak, mga ibon na masayang nag-aawitan, malalakas na balyenang nagluluksuhan sa dagat? Walang katapusan ang talaan. Ang lahat ng ito ay hindi maaaring nagkataon lamang. Hindi kataka-taka na marami ang sumasang-ayon sa pambungad na pananalita ng Bibliya: “Sa pasimula ay nilalang ng Diyos ang mga langit at ang lupa”!​—Genesis 1:1.

2. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Diyos, at ano ang hinihimok nitong gawin natin?

2 Lubhang nababahagi ang sangkatauhan may kaugnayan sa Diyos. Ipinalalagay ng ilan na ang Diyos ay isang di-personal na puwersa. Milyun-milyon ang sumasamba sa namatay na mga ninuno, na naniniwalang ang Diyos ay napakalayo para malapitan. Subalit isinisiwalat ng Bibliya na ang tunay na Diyos ay isang totoong persona na nagpapadama ng magiliw na pagmamalasakit sa atin bilang mga tao. Iyan ang dahilan kung bakit hinihimok tayong “hanapin ang Diyos,” na sinasabing: “Hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.”​—Gawa 17:27.

3. Bakit imposibleng igawa ang Diyos ng isang larawan?

3 Ano kaya ang hitsura ng Diyos? Ang ilan sa kaniyang mga lingkod ay nakakita ng mga pangitain ng kaniyang maningning na presensiya. Sa mga ito ay inilarawan niya ang kaniyang sarili na nakaupo sa isang trono, na sa kaniya’y nagmumula ang nakasisindak na liwanag. Gayunman, yaong nakakita ng mga pangitaing ito ay hindi kailanman nakapaglarawan ng malinaw na anyo ng isang mukha. (Daniel 7:​9, 10; Apocalipsis 4:​2, 3) Ang dahilan ay sapagkat ang “Diyos ay isang Espiritu”; wala siyang pisikal na katawan. (Juan 4:24) Sa katunayan, imposibleng makagawa ng isang tumpak na pisikal na larawan ng ating Maylalang, sapagkat “walang taong nakakita sa Diyos kailanman.” (Juan 1:18; Exodo 33:20) Gayunman, napakaraming itinuturo sa atin ang Bibliya tungkol sa Diyos.

MAY PANGALAN ANG TUNAY NA DIYOS

4. Ano ang ilang makahulugang titulo na ikinapit sa Diyos sa Bibliya?

4 Sa Bibliya, ang tunay na Diyos ay ipinakikilala sa pamamagitan ng pananalitang “Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” “Kataas-taasan,” “Dakilang Maylalang,” “Dakilang Instruktor,” “Soberanong Panginoon,” at “Haring walang-hanggan.” (Genesis 17:1; Awit 50:14; Eclesiastes 12:1; Isaias 30:20; Gawa 4:24; 1 Timoteo 1:17) Ang pagbubulay-bulay sa mga titulong ito ay makatutulong sa atin na lumago sa kaalaman tungkol sa Diyos.

5. Ano ang pangalan ng Diyos, at gaano kadalas itong lumitaw sa Hebreong Kasulatan?

5 Ngunit, ang Diyos ay may isang bukod-tanging pangalan na lumilitaw nang halos 7,000 ulit sa Hebreong Kasulatan lamang​—mas madalas pa nga kaysa sa anumang mga titulo niya. Mga 1,900 taon na ang nakalilipas, tinigilan ng mga Judio ang pagbigkas ng banal na pangalan dahil sa pamahiin. Ang Biblikong Hebreo ay isinulat na walang patinig. Kaya nga, walang paraan upang makatiyak kung papaano nga talaga binigkas nina Moises, David, o iba pa noong sinaunang panahon ang apat na katinig (יהוה) na bumubuo ng banal na pangalan. Ipinahihiwatig ng ilang iskolar na ang pangalan ng Diyos ay maaaring binigkas na “Yahweh,” ngunit hindi sila makatiyak. Ang pagbigkas ng “Jehovah” sa Ingles ay ginagamit na sa loob ng maraming siglo, at ang katumbas nito sa maraming wika ay malawakang tinatanggap sa ngayon.​—Tingnan ang Exodo 6:3 at Isaias 26:4 sa King James Version.

KUNG BAKIT DAPAT MONG GAMITIN ANG PANGALAN NG DIYOS

6. Ano ang sinasabi ng Awit 83:18 tungkol kay Jehova, at bakit natin kailangang gamitin ang kaniyang pangalan?

6 Ang bukod-tanging pangalan ng Diyos, na Jehova, ay nagpapakita na siya’y naiiba sa lahat ng ibang diyos. Iyan ang dahilan kung bakit ang pangalang iyan ay napakadalas na lumilitaw sa Bibliya, lalo na sa Hebreong teksto nito. Maraming tagapagsalin ang hindi gumagamit ng banal na pangalang ito, ngunit ang Awit 83:18 ay maliwanag na nagsasabi: “Ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” Kaya nga angkop lamang para sa atin na gamitin ang personal na pangalan ng Diyos kapag siya’y ating binabanggit.

7. Ano ang itinuturo sa atin hinggil sa Diyos ng kahulugan ng pangalang Jehova?

7 Ang pangalang Jehova ay isang anyo ng pandiwang Hebreo na nangangahulugang “maging.” Kaya, ang pangalan ng Diyos ay nangangahulugang “Pinapangyayari Niyang Maging.” Sa ganiyang paraan ay ipinakikilala ng Diyos na Jehova ang kaniyang sarili bilang ang Dakilang Tagapaglayon. Palagi niyang pinapangyayari na matupad ang kaniyang mga layunin. Tanging ang tunay na Diyos lamang ang may karapatang magtaglay ng pangalang ito, yamang ang mga tao ay hindi kailanman makatitiyak na ang kanilang mga layunin ay magtatagumpay. (Santiago 4:​13, 14) Si Jehova lamang ang makapagsasabi: “Magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa aking bibig. . . . Tiyakang magtatagumpay ito sa pinagsuguan ko.”​—Isaias 55:11.

8. Anong layunin ang ipinatalastas ni Jehova sa pamamagitan ni Moises?

8 Bawat isa sa mga Hebreong patriyarkang sina Abraham, Isaac, at Jacob ay “tumawag sa pangalan ni Jehova,” subalit hindi nila alam ang ganap na kahulugan ng banal na pangalan. (Genesis 21:33; 26:25; 32:9; Exodo 6:3) Nang isiwalat ni Jehova nang bandang huli ang kaniyang layunin na iligtas ang kanilang mga inapo, ang mga Israelita, mula sa pagkaalipin sa Ehipto at bigyan sila ng “isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot,” marahil ito’y waring imposible. (Exodo 3:17) Gayunman, idiniin ng Diyos ang walang-hanggang kahulugan ng kaniyang pangalan sa pagsasabi sa kaniyang propetang si Moises: “Ganito ang sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Isinugo ako sa inyo ni Jehova na Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob.’ Ito ang aking pangalan hanggang sa panahong walang takda, at ito ang pang-alaala sa akin sa sali’t salinlahi.”​—Exodo 3:15.

9. Papaano minalas ni Faraon si Jehova?

9 Hiniling ni Moises kay Faraon, ang hari ng Ehipto, na payaunin ang mga Israelita upang sumamba kay Jehova sa ilang. Subalit si Faraon, isang itinuturing na diyos mismo at mananamba rin sa iba pang mga diyos sa Ehipto, ay sumagot: “Sino ba si Jehova, na susundin ko ang kaniyang tinig upang payagan kong yumaon ang Israel? Hindi ko nakikilala si Jehova at, isa pa, hindi ko papayagang yumaon ang Israel.”​—Exodo 5:​1, 2.

10. Sa sinaunang Ehipto, ano ang naging pagkilos ni Jehova upang tuparin ang kaniyang layunin may kaugnayan sa mga Israelita?

10 Pagkatapos ay gumawa si Jehova ng sunud-sunod na hakbang upang tuparin ang kaniyang layunin, anupat kumikilos kasuwato ng kahulugan ng kaniyang pangalan. Ipinadala niya ang sampung salot sa sinaunang mga Ehipsiyo. Pinatay ng huling salot ang lahat ng panganay ng Ehipto, kasali na ang anak na lalaki ng palalong si Faraon. Pagkatapos nito ay hinangad ng mga Ehipsiyo na payaunin ang Israel. Gayunman, humanga ang ilang Ehipsiyo sa kapangyarihan ni Jehova anupat sumama sila sa mga Israelita sa pag-alis sa Ehipto.​—Exodo 12:​35-38.

11. Anong himala ang ginawa ni Jehova sa Dagat na Pula, at ano ang napilitang kilalanin ng kaniyang mga kaaway?

11 Ang matigas-ang-ulong si Faraon at ang kaniyang hukbo, kabilang ang daan-daang karwaheng pandigma nito, ay nagtangkang dakping muli ang kaniyang mga alipin. Habang papalapit ang mga Ehipsiyo, makahimalang hinati ng Diyos ang Dagat na Pula upang makatawid ang mga Israelita sa tuyong lupa. Nang makarating ang mga humahabol sa pinakasahig ng dagat, “patuloy na inalisan [ni Jehova] ng mga gulong ang mga karwahe nila anupat hinihila nila nang buong hirap.” Sumigaw ang mga mandirigmang Ehipsiyo: “Lumayo na tayo sa harap ng Israel, sapagkat tiyak na ipinaglalaban sila ni Jehova laban sa mga Ehipsiyo.” Subalit huli na ang lahat. Ang malalaking pinakapader ng tubig ay bumuhos at “natabunan ang mga karwaheng pandigma at ang mga mangangabayo na kasama sa buong puwersang hukbo ni Faraon.” (Exodo 14:​22-25, 28) Samakatuwid ay gumawa si Jehova ng dakilang pangalan para sa kaniyang sarili, at ang pangyayaring iyan ay hindi pa nalilimot hanggang sa ngayon.​—Josue 2:​9-11.

12, 13. (a) Ang pangalan ng Diyos ay may anong kahulugan para sa atin sa ngayon? (b) Ano ang dapat na apurahang matutuhan ng mga tao, at bakit?

12 Ang pangalang ginawa ni Jehova para sa kaniyang sarili ay may dakilang kahulugan para sa atin sa ngayon. Ang kaniyang pangalang Jehova ay tumatayo bilang isang garantiya na lahat ng kaniyang nilayon ay pangyayarihin niyang matupad. Kasali riyan ang pagsasakatuparan ng kaniyang orihinal na layunin na ang ating lupa ay magiging isang paraiso. (Genesis 1:28; 2:8) Sa layuning iyan, papalisin ng Diyos ang lahat ng mga tumututol sa kaniyang soberanya ngayon, sapagkat sinabi niya: “Kanilang makikilala na ako ay si Jehova.” (Ezekiel 38:23) Saka tutuparin ng Diyos ang kaniyang pangako na ililigtas ang kaniyang mga mananamba tungo sa isang bagong sanlibutan ng katuwiran.​—2 Pedro 3:13.

13 Lahat ng nagnanais ng pagsang-ayon ng Diyos ay dapat matutong tumawag sa kaniyang pangalan nang may pananampalataya. Nangangako ang Bibliya: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” (Roma 10:13) Oo, ang pangalang Jehova ay totoong makahulugan. Ang pagtawag kay Jehova bilang iyong Diyos at Tagapagligtas ay makaaakay sa iyo sa walang-katapusang kaligayahan.

MGA KATANGIAN NG TUNAY NA DIYOS

14. Anu-anong pangunahing katangian ng Diyos ang itinatampok ng Bibliya?

14 Itinatampok ng isang pagsusuri sa pagliligtas ng Israel mula sa Ehipto ang apat na pangunahing katangian na taglay ng Diyos ayon sa sakdal na pagkatimbang. Ang kaniyang pakikitungo kay Faraon ay nagsiwalat ng kaniyang kasindak-sindak na kapangyarihan. (Exodo 9:16) Ang pantas na paraan ng Diyos sa pagharap sa masalimuot na kalagayang iyan ay nagpakita ng kaniyang walang-kapantay na karunungan. (Roma 11:33) Isiniwalat niya ang kaniyang katarungan sa paglalapat ng kaparusahan sa matitigas-ang-ulong mga mananalansang at maniniil ng kaniyang bayan. (Deuteronomio 32:4) Ang pinakadakilang katangian ng Diyos ay pag-ibig. Nagpakita si Jehova ng katangi-tanging pag-ibig sa pamamagitan ng pagtupad sa kaniyang pangako hinggil sa mga inapo ni Abraham. (Deuteronomio 7:8) Nagpakita rin siya ng pag-ibig sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa ilang Ehipsiyo na talikuran ang mga diyus-diyusan at makinabang nang malaki sa paninindigan nila sa tanging tunay na Diyos.

15, 16. Sa anu-anong paraan nagpakita ang Diyos ng pag-ibig?

15 Sa pagbabasa mo ng Bibliya, mapapansin mong ang pag-ibig ang pinakapangunahing katangian ng Diyos, at ipinamamalas niya ito sa maraming paraan. Halimbawa, nang dahil sa pag-ibig siya’y naging isang Maylalang at unang ibinahagi ang kagalakan ng buhay sa mga espiritung nilalang. Yaong daan-daang milyong anghel ay umiibig sa Diyos at pumupuri sa kaniya. (Job 38:​4, 7; Daniel 7:10) Ipinakita rin ng Diyos ang pag-ibig sa pamamagitan ng paglalang ng lupa at paghahanda nito para sa maligayang pag-iral ng mga tao.​—Genesis 1:​1, 26-28; Awit 115:16.

16 Tayo’y nakikinabang sa pag-ibig ng Diyos sa mga paraang totoong marami upang isa-isahin. Halimbawa, kagila-gilalas na ginawa ng Diyos ang ating katawan upang masiyahan tayo sa buhay. (Awit 139:14) Ipinakikita ang kaniyang pag-ibig sa paglalaan niya ng “mga ulan mula sa langit at mabubungang kapanahunan, na lubusang pinupunô ang [ating] mga puso ng pagkain at pagkagalak.” (Gawa 14:17) “Pinasisikat [pa man din ng Diyos] ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan sa mga taong matuwid at sa mga di-matuwid.” (Mateo 5:45) Nang dahil din sa pag-ibig kung kaya tinulungan tayo ng ating Maylalang na magtamo ng kaalaman ng Diyos at maligayang maglingkod sa kaniya bilang kaniyang mga mananamba. Tunay, “ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Subalit marami pang bahagi ang kaniyang personalidad.

“ISANG DIYOS NA MAAWAIN AT MAGANDANG-LOOB”

17. Ano ang matututuhan natin tungkol sa Diyos sa Exodo 34:​6, 7?

17 Pagkatawid ng mga Israelita sa Dagat na Pula, kailangan pa rin nilang higit na makilala ang Diyos. Nadama ni Moises ang pangangailangang ito at nanalangin: “Pakisuyo, kung ako’y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, pakisuyong ipakilala mo sa akin ang iyong mga daan, upang ikaw ay aking makilala, upang ako’y makasumpong ng biyaya sa iyong paningin.” (Exodo 33:13) Higit na nakilala ni Moises ang Diyos nang marinig niya ang sariling pahayag ng Diyos: “Jehova, Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-awa at katotohanan, na nagpapakita ng maibiging-awa sa libu-libo, nagpapatawad sa kamalian at pagsalansang at kasalanan, ngunit sa ano mang paraan ay hindi magkakait mula sa kaparusahan.” (Exodo 34:​6, 7) Tinitimbangan ng Diyos ang kaniyang pag-ibig ng katarungan, anupat ang mga kusang nagkakasala ay hindi ipinagsasanggalang sa mga nagiging bunga ng kanilang pagkakamali.

18. Papaano napatunayang si Jehova ay maawain?

18 Gaya ng natutuhan ni Moises, nagpapakita si Jehova ng awa. Ang isang maawaing tao ay nahahabag sa mga nagdurusa at siya’y nagsisikap na sila’y mapaginhawa. Kaya ang Diyos ay nagpakita ng pagkamadamayin sa sangkatauhan sa pamamagitan ng paglalaan ng permanenteng kaginhawahan mula sa pagdurusa, sakit, at kamatayan. (Apocalipsis 21:​3-5) Ang mga mananamba sa Diyos ay maaaring dumanas ng mga kalamidad dahil sa mga kalagayan sa balakyot na sanlibutang ito, o maaaring sila’y gumawi nang walang katalinuhan at sa gayo’y mapasuong sa gulo. Ngunit kung sila’y buong-pagpapakumbabang hihingi ng tulong kay Jehova, aaliwin niya sila at tutulungan. Bakit? Sapagkat may-kaawaan siyang nagpapakita ng magiliw na pagmamalasakit sa kaniyang mga mananamba.​—Awit 86:15; 1 Pedro 5:​6, 7.

19. Bakit natin masasabi na ang Diyos ay magandang-loob?

19 Marami na nasa awtoridad ang malupit na nakikitungo sa iba. Di-tulad nila, anong laki ng kagandahang-loob ni Jehova sa kaniyang abang mga lingkod! Bagaman siya ang pinakamataas na awtoridad sa sansinukob, siya’y nagpapakita ng bukod-tanging kabaitan sa buong sangkatauhan sa pangkalahatan. (Awit 8:​3, 4; Lucas 6:35) Magandang-loob din si Jehova sa mga indibiduwal, anupat pinauunlakan ang kanilang espesipikong mga pagsusumamo. (Exodo 22:​26, 27; Lucas 18:​13, 14) Mangyari pa, hindi obligado ang Diyos na magpakita ng lingap o awa sa kaninuman. (Exodo 33:19) Dahil dito, kailangan nating magpamalas ng taimtim na pagpapahalaga sa awa at kagandahang-loob ng Diyos.​—Awit 145:​1, 8.

MABAGAL SA PAGKAGALIT, DI-NAGTATANGI, AT MATUWID

20. Ano ang nagpapakita na si Jehova ay kapuwa mabagal sa pagkagalit at di-nagtatangi?

20 Si Jehova ay mabagal sa pagkagalit. Ngunit, hindi ito nangangahulugang siya’y nagsasawalang-kibo na lamang, sapagkat siya’y kumilos din at pinuksa ang matigas-ang-ulong si Faraon at ang kaniyang hukbo sa Dagat na Pula. Hindi rin nagtatangi si Jehova. Kaya, nang dakong huli ay naiwala ng kaniyang piniling bayan, ang mga Israelita, ang kaniyang pagsang-ayon dahil sa kanilang patuloy na paggawa ng masama. Tinatanggap ng Diyos bilang kaniyang mga mananamba ang mga tao mula sa lahat ng bansa, ngunit yaon lamang sumusunod sa kaniyang matuwid na mga daan.​—Gawa 10:​34, 35.

21. (a) Ano ang itinuturo sa atin ng Apocalipsis 15:​2-4 tungkol sa Diyos? (b) Ano ang mas magpapadali para sa atin na gawin ang ayon sa Diyos ay tama?

21 Itinatampok ng aklat ng Apocalipsis sa Bibliya ang kahalagahan ng pagkatuto tungkol sa “matutuwid na dekreto” ng Diyos. Sinasabi nito sa atin na ang makalangit na mga nilalang ay umaawit: “Dakila at kamangha-mangha ang iyong mga gawa, Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat. Matuwid at totoo ang iyong mga daan, Haring walang-hanggan. Sino talaga ang hindi matatakot sa iyo, Jehova, at luluwalhati sa iyong pangalan, sapagkat ikaw lamang ang matapat? Sapagkat ang lahat ng mga bansa ay lalapit at sasamba sa harap mo, sapagkat ang iyong matutuwid na dekreto ay naihayag na.” (Apocalipsis 15:​2-4) Ipinakikita natin ang nararapat na pagkatakot kay Jehova, o pagpipitagan sa kaniya, sa pamamagitan ng pagtalima sa lahat ng ayon sa kaniya’y tama. Ito’y mas mapadadali kung lagi nating aalalahanin ang karunungan at pag-ibig ng Diyos. Lahat ng kaniyang mga utos ay para sa ating ikabubuti.​—Isaias 48:​17, 18.

“SI JEHOVA NA ATING DIYOS AY IISA”

22. Bakit yaong sumasang-ayon sa Bibliya ay hindi sumasamba sa isang Trinidad?

22 Ang sinaunang mga Ehipsiyo ay maraming sinasambang diyos, subalit si Jehova ay “isang Diyos na humihingi ng bukod-tanging debosyon.” (Exodo 20:5) Ipinaalaala ni Moises sa mga Israelita na “si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova.” (Deuteronomio 6:4) Inulit ni Jesu-Kristo ang pananalitang iyon. (Marcos 12:​28, 29) Samakatuwid, yaong mga sumasang-ayon na ang Bibliya ay Salita ng Diyos ay hindi sumasamba sa isang Trinidad na binubuo ng tatlong persona o mga diyos na pinag-isa. Sa katunayan, ang salitang “Trinidad” ay hindi man lamang lumitaw sa Bibliya. Ang tunay na Diyos ay nag-iisang Persona, na hiwalay kay Jesu-Kristo. (Juan 14:28; 1 Corinto 15:28) Ang banal na espiritu ng Diyos ay hindi persona. Iyon ang aktibong puwersa ni Jehova, na ginagamit ng Makapangyarihan-sa-lahat upang ganapin ang kaniyang mga layunin.​—Genesis 1:2; Gawa 2:​1-4, 32, 33; 2 Pedro 1:​20, 21.

23. (a) Papaano lalago ang iyong pag-ibig sa Diyos? (b) Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa pag-ibig sa Diyos, at ano ang kailangan nating matutuhan tungkol kay Kristo?

23 Kapag iniisip mo kung gaano kahanga-hanga si Jehova, hindi ka ba sasang-ayon na siya’y karapat-dapat lamang sa iyong pagsamba? Sa iyong pag-aaral ng kaniyang Salita, ang Bibliya, makikilala mo pa siyang higit at matututuhan mo kung ano ang hinihiling niya sa iyo para sa iyong walang-hanggang kapakanan at kaligayahan. (Mateo 5:​3, 6) Karagdagan pa, lalago ang iyong pag-ibig sa Diyos. Angkop lamang ito, sapagkat sinabi ni Jesus: “Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo.” (Marcos 12:30) Maliwanag, taglay ni Jesus ang pag-ibig na iyan sa Diyos. Subalit ano ang isinisiwalat ng Bibliya tungkol kay Jesu-Kristo? Ano ang kaniyang papel sa layunin ni Jehova?

SUBUKIN ANG IYONG KAALAMAN

Ano ang pangalan ng Diyos, at gaano kadalas ito ginamit sa Hebreong Kasulatan?

Bakit kailangan mong gamitin ang pangalan ng Diyos?

Anu-anong katangian ng Diyos na Jehova ang lalo nang nakaaakit sa iyo?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 29]

Gaano mo kakilala ang Maylalang ng lahat ng bagay?