Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Bautismo ni Jesus

Ang Bautismo ni Jesus

Kapitulo 12

Ang Bautismo ni Jesus

MGA anim na buwan pagkatapos na si Juan ay magsimulang mangaral, si Jesus, na ngayo’y 30 taóng gulang, ay lumapit sa kaniya sa Jordan. Sa anong dahilan? Upang dalawin siya? Interesado ba lamang si Jesus sa kalagayan ng pangangaral ni Juan? Hindi, si Jesus ay humiling kay Juan na bautismuhan siya.

Dali-daling tumutol si Juan: “Ako ang kailangang bautismuhan mo, at ikaw ang naparirito sa akin?” Alam ni Juan na ang kaniyang pinsang si Jesus ay siyang natatanging Anak ng Diyos. Aba, napalukso sa katuwaan si Juan sa sinapupunan ng kaniyang ina nang si Maria, na kagampan kay Jesus, ay dumalaw sa kanila! Ang ina ni Juan, si Elizabeth, ang walang pagsalang nagsabi sa kaniya tungkol dito. At tiyak na sinabi rin niya ang tungkol sa paghahayag ng mga anghel ng kapanganakan ni Jesus at tungkol sa pagpapakita ng mga anghel sa mga pastol noong gabing ipinanganak si Jesus.

Kaya kilala na ni Juan si Jesus. At alam ni Juan na ang kaniyang bautismo ay hindi para kay Jesus. Iyon ay para sa kanila na nagsisisi sa kanilang mga kasalanan, ngunit si Jesus ay walang kasalanan. Gayunman, sa kabila ng pagtanggi ni Juan, nagpumilit si Jesus: “Bayaan mo na ngayon, sapagkat ganiyan ang nararapat sa atin na ganapin ang lahat ng matuwid.”

Bakit matuwid na bautismuhan si Jesus? Sapagkat ang bautismo ni Jesus ay isang sagisag, hindi ng pagsisisi sa mga kasalanan, kundi ng kaniyang paghahandog sa kaniyang sarili upang gawin ang kalooban ng kaniyang Ama. Si Jesus ay naging isang anluwagi, subalit ngayon ay dumating na ang panahon upang pasimulan niyang ganapin ang ministeryo na siyang dahilan ng pagkasugo sa kaniya ni Jehova sa lupa. Sa palagay mo kaya’y may inaasahang di-pangkaraniwang pangyayari si Juan nang bautismuhan niya si Jesus?

Bueno, pagkaraan ay nag-ulat si Juan: “Siyang nagsugo sa aking magbautismo sa tubig ang nagsabi sa akin, ‘Sinumang siyang makita mong bababaan at dadapuan ng espiritu, siya nga ang babautismo sa banal na espiritu.’ ” Kaya nga si Juan ay umaasang ang espiritu ng Diyos ay bababa sa isang babautismuhan niya. Kung gayon, marahil, hindi siya totoong nabigla nang, habang si Jesus ay umaahon sa tubig, namasdan ni Juan ang “espiritu ng Diyos na bumababa sa kaniya na waring kalapati.”

Subalit higit pa roon ang naganap nang bautismuhan si Jesus. ‘Nabuksan ang mga langit’ sa kaniya. Ano ang kahulugan nito? Maliwanag na ang ibig sabihin nito ay na habang siya’y binabautismuhan, ang alaala ng kaniyang buhay sa langit bago naging tao ay nanumbalik sa kaniya. Sa gayon, lubusang naalaala ni Jesus ang kaniyang buhay bilang isang espiritung anak ng Diyos na Jehova, kasali na ang lahat ng mga bagay na sinabi sa kaniya ng Diyos sa langit sa panahon ng kaniyang pag-iral bago naging tao.

Bilang karagdagan, sa panahon ng kaniyang bautismo, isang tinig mula sa langit ang nagpahayag: “Ito ang aking Anak, na sinisinta, na siya kong lubos na kinalulugdan.” Kaninong tinig iyan? Sariling tinig ba ni Jesus? Tiyak na hindi! Iyon ay sa Diyos. Maliwanag, si Jesus ay Anak ng Diyos, hindi ang Diyos mismo, gaya ng sabi ng ibang tao.

Gayumpaman, si Jesus ay isang taong anak ng Diyos, kagaya ng unang tao, si Adan. Ang alagad na si Lucas, pagkatapos na ilarawan ang bautismo ni Jesus, ay sumulat: “Si Jesus din, nang magpasimula siyang magturo, ay may gulang na tatlumpung taon, na ayon sa sapantaha, anak ni Jose, anak ni Heli, . . . anak ni David, . . . anak ni Abraham, . . . anak ni Noe, . . . anak ni Adan, anak ng Diyos.”

Kung papaanong si Adan ay isang taong “anak ng Diyos,” gayundin si Jesus. Si Jesus ang pinakadakilang taong nabuhay, na nagiging maliwanag kapag sinusuri natin ang buhay ni Jesus. Gayunman, sa kaniyang bautismo, si Jesus ay pumasok sa isang bagong pakikipag-ugnayan sa Diyos, na nagiging espirituwal na Anak din ng Diyos. Ngayon ay tinawag na muli siya ng Diyos sa langit, wika nga, sa pamamagitan ng paglalagay sa kaniya sa isang landasin na hahantong sa pagtataya magpakailanman sa kaniyang sariling buhay bilang tao na inihandog alang-alang sa hinatulang sangkatuhan. Mateo 3:​13-17; Lucas 3:​21-38; 1:​34-36, 44; 2:​10-14; Juan 1:​32-34; Hebreo 10:​5-9.

▪ Bakit kilala ni Juan si Jesus?

▪ Yamang hindi naman siya nagkasala, bakit binautismuhan si Jesus?

▪ May kaugnayan sa nalalaman ni Juan tungkol kay Jesus, bakit hindi siya nabigla nang bumaba ang espiritu ng Diyos kay Jesus?