Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Buhay-Pamilya ni Jesus Nang Kaniyang Kabataan

Ang Buhay-Pamilya ni Jesus Nang Kaniyang Kabataan

Kapitulo 9

Ang Buhay-Pamilya ni Jesus Nang Kaniyang Kabataan

NANG lumalaki na si Jesus sa Nasaret, iyon ay isang medyo maliit, di-mahalagang lunsod. Iyon ay nasa maburol na lupain na tinatawag na Galilea, di-kalayuan sa magandang Libis ng Jezreel.

Nang si Jesus, marahil mga dalawang taon, ay dalhin dito mula sa Ehipto nina Jose at Maria, siya malamang ay nag-iisang anak pa lamang ni Maria. Ngunit hindi naman nagtagal. Dumating ang panahon, sina Santiago, Jose, Simon, at Judas ay ipinanganak, at sina Maria at Jose ay naging mga magulang din ng mga anak na babae. Sa katapusan si Jesus ay nagkaroon humigit-kumulang, anim na nakababatang mga kapatid na lalaki at babae.

May iba pa ring mga kamag-anak si Jesus. Kilala na natin ang kaniyang nakatatandang pinsan na si Juan, na naninirahan maraming milya ang layo sa Judea. Ngunit ang naninirahan malapit sa Galilea ay si Salome, na malamang ay kapatid ni Maria. Si Salome ay kasal kay Zebedeo, kaya ang kanilang dalawang anak na lalaki, sina Santiago at Juan, ay mga pinsan ni Jesus. Hindi natin alam kung, samantalang lumalaki, kasa-kasama niya ang dalawang batang ito, subalit pagkaraan sila’y naging matalik na magkakasama.

Kinailangang magtrabahong mabuti ni Jose upang suportahan ang kaniyang lumalaking pamilya. Siya ay isang anluwagi. Pinalaki ni Jose si Jesus tulad sa isang tunay na anak, kaya si Jesus ay tinawag na “ang anak ng anluwagi.” Tinuruan ni Jose si Jesus na maging isang anluwagi rin, at siya’y natutong mabuti. Iyan ang dahilan kung bakit nang malaon sinabi ng mga tao kay Jesus, “Ito ang anluwagi.”

Ang buhay ng pamilya ni Jose ay ginugol sa pagsamba kay Jehovang Diyos. Bilang pagsunod sa Batas ng Diyos, pinagkalooban nina Jose at Maria ang kanilang mga anak ng espirituwal na mga turo ‘pagka sila’y nakaupo sa kanilang bahay, pagka sila’y lumalakad sa daan, at pagka sila’y nahihiga, at pagka sila’y bumabangon.’ May sinagoga sa Nasaret, at nakatitiyak tayo na regular na dinadala ni Jose ang kaniyang pamilya roon upang sumamba. Subalit walang pagsalang nasumpungan nila ang pinakamalaking kagalakan sa regular na paglalakbay sa templo ni Jehova sa Jerusalem. Mateo 13:​55, 56; 27:​56; Marcos 15:​40; 6:​3; Deuteronomio 6:​6-9.

▪ Humigit-kumulang, ilang nakababatang mga kapatid na lalaki at babae mayroon si Jesus, at anu-ano ang pangalan ng ilan sa kanila?

▪ Sinu-sino ang mga kilalang pinsan ni Jesus?

▪ Anong sekular na trabaho ang sa bandang huli ay ginawa ni Jesus, at bakit?

▪ Anong mahalagang turo ang ipinagkaloob ni Jose para sa kaniyang pamilya?