Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Malaking Pananampalataya ng Isang Opisyal ng Hukbo

Ang Malaking Pananampalataya ng Isang Opisyal ng Hukbo

Kapitulo 36

Ang Malaking Pananampalataya ng Isang Opisyal ng Hukbo

NANG ipahayag ni Jesus ang kaniyang Sermon sa Bundok, halos nangangalahati na siya sa kaniyang pangmadlang ministeryo. Ito’y nangangahulugan na mayroon na lamang siyang isang taon at siyam na buwan humigit-kumulang na natitira upang tapusin ang kaniyang gawain sa lupa.

Ngayon ay pumapasok si Jesus sa siyudad ng Capernaum, na pinaka-himpilan niya para sa kaniyang mga gawain. Dito’y nilapitan siya ng mga nakatatandang lalaki sa mga Judio na humiling ng isang bagay. Sila pala’y pinapunta roon ng isang opisyal sa hukbong Romano na isang Gentil, isang taong may ibang lahi kaysa mga Judio.

Ang minamahal na utusan ng opisyal ng hukbo ay halos mamamatay na dahil sa isang malubhang sakit, at ibig niya na pagalingin ni Jesus ang kaniyang utusan. Ang mga Judio ay nagmakaawa alang-alang sa opisyal: “Karapat-dapat siya na gawin mo sa kaniya ito,” sabi nila, “sapagkat iniibig niya ang ating bansa at ipinagtayo niya tayo ng ating sinagoga.”

Walang pag-aatubili na sumama si Jesus sa mga lalaki. Subalit, nang sila’y malapit na, ang opisyal ng hukbo ay nagpapunta ng mga kaibigan upang sabihin: “Ginoo, huwag ka nang mag-abala pa, sapagkat ako’y hindi karapat-dapat na ikaw ay pumasok sa ilalim ng aking bubong. Kaya hindi ko inaakalang ako’y karapat-dapat man lamang pumariyan sa iyo.”

Anong laking pagpapakumbaba para sa isang opisyal na nahirating magmando sa iba! Subalit marahil ay iniisip din niya si Jesus, yamang alam niya na labag sa kaugalian na ang isang Judio’y makisalamuha sa sosyal na pagtitipon ng mga di-Judio. Maging si Pedro man ay nagsabi: “Alam na alam naman ninyo na hindi matuwid na ang isang Judio ay makisama o lumapit sa isang taong may ibang lahi.”

Marahil dahil sa hindi niya ibig na danasin ni Jesus ang resulta ng paglabag sa kaugaliang ito, sinabi ng opisyal sa kaniyang mga kaibigan na hilingin sa kaniya: “Sabihin mo ang salita, at gagaling ang aking utusan. Sapagkat ako rin naman ay isang taong may autoridad, may nasasakupan akong mga kawal, at sinasabi ko rito, ‘Yumaon ka!’ at siya’y yumayaon, at sa isa pa, ‘Halika!’ at siya’y lumalapit, at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ at kaniyang ginagawa ito.”

Ngayon, nang marinig ito ni Jesus, ay nagtaka siya. “Sasabihin ko sa inyo ang totoo,” aniya, “walang sinuman sa Israel na kinakitaan ko ng ganitong kalaking pananampalataya.” Pagkatapos na pagalingin ang utusan ng opisyal, ginamit ni Jesus ang okasyong iyon upang ilahad kung papaanong ang sumasampalatayang di-Judio ay pagkakalooban ng mga pagpapala na tinatanggihan ng walang-sampalatayang mga Judio.

“Marami,” sabi ni Jesus, “ang manggagaling sa silangan at sa kanluran at mauupong kasama ni Abraham at ni Isaac at ni Jacob sa kaharian ng langit; datapuwat ang mga anak ng kaharian ay itatapon sa kadiliman sa labas. Diyan na nga ang pagtangis at pagngangalit ng kanilang mga ngipin.”

“Ang mga anak ng kaharian na . . . itatapon sa kadiliman sa labas” ay likas na mga Judio na umaayaw sa pagkakataon na unang inialok sa kanila na paghaharing kasama ni Kristo. Si Abraham, Isaac, at Jacob ay kumakatawan sa kaayusang Pangkaharian ng Diyos. Samakatuwid ay inilalahad ni Jesus kung papaanong ang mga Gentil ay tatanggapin upang umupong magkakasama sa makalangit na hapag, wika nga, “sa kaharian ng langit.” Lucas 7:1-10; Mateo 8:5-13; Gawa 10:28.

▪ Bakit ang mga Judio ay nakiusap alang-alang sa isang opisyal ng hukbong Gentil?

▪ Ano ang makapagpapaliwanag kung bakit hindi inanyayahan ng opisyal na pumasok sa kaniyang bahay si Jesus?

▪ Ano ang ibig sabihin ni Jesus sa kaniyang panghuling sinabi?