Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Mapagmataas at ang Mapagpakumbaba

Ang Mapagmataas at ang Mapagpakumbaba

Kapitulo 39

Ang Mapagmataas at ang Mapagpakumbaba

PAGKATAPOS banggitin ang mabubuting ugali ni Juan Bautista, ibinaling ni Jesus ang kaniyang pansin sa mapagmataas, at salawahang mga tao sa palibot niya. “Ang lahing ito,” ang sabi niya, “ay katulad ng mga bata na nangakaupo sa pamilihan at sumisigaw sa kanilang mga kalaro, na nagsasabi, ‘Kayo’y tinugtugan namin ng plauta, ngunit hindi kayo nagsayaw; kami’y nanambitan, ngunit kayo’y hindi naghinagpis.’ ”

Ano ba ang ibig sabihin ni Jesus? Ganito ang kaniyang paliwanag: “Naparito si Juan na hindi kumakain ni umiinom, ngunit sinasabi ng mga tao, ‘siya’y may demonyo’; naparito ang Anak ng tao na kumakain at umiinom, gayumpama’y sinasabi ng mga tao, ‘Narito! Isang taong matakaw at manginginom ng alak, isang kaibigan ng maniningil ng buwis at ng mga makasalanan.’ ”

Imposible na bigyang kasiyahan ang mga tao. Walang anumang makalulugod sa kanila. Si Juan ay namuhay ng isang matipid na buhay ng pagkakait-sa-sarili bilang isang Nazareo, bilang pagsunod sa inihayag ng anghel na “siya’y huwag iinom ng alak at ng anumang matapang na inumin.” Gayunman ay sinasabi ng mga tao na siya’y may demonyo. Sa kabilang dako, si Jesus ay namuhay na gaya ng mga ibang tao, hindi nagkait ng anuman sa sarili, gayunma’y binibintangan siya ng pagmamalabis.

Kay hirap palugdan ang mga tao! Sila’y tulad ng mga ibang kalaro, na ayaw tumugon sa pamamagitan ng pagsasayaw gayong ang mga ibang bata ay tumutugtog ng plauta o ayaw na maghinagpis gayong ang kanilang mga kapuwa bata ay nananambitan. Subalit, sinabi ni Jesus: “Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa.” Oo, ang ebidensiya​—ang mga gawa​—ang nagpapatunay na ang mga pagpaparatang laban kay Juan at kay Jesus ay walang katotohanan.

Si Jesus ay nagpatuloy ng pagsasalita laban sa tatlong lunsod ng Chorazin, Bethsaida, at Capernaum, na kung saan ginawa niya ang karamihan ng kaniyang mga himala. Kung ang mga gawang iyon ay ginawa niya sa Fenicia sa mga lunsod ng Tiro at Sidon, sabi ni Jesus, ang mga lunsod na ito ay tiyak na nagsisi na sa kasuotang magaspang at sa abo. Hinatulan ang Capernaum, na maliwanag na ginawa niyang kaniyang tirahan sa panahon ng kaniyang ministeryo, si Jesus ay nagsabi: “Higit na mapagbibigyan pa ang lupain ng Sodoma sa Araw ng Paghuhukom kaysa sa inyo.”

Pagkatapos ay hayagang pinuri ni Jesus ang kaniyang Ama sa langit. Siya’y naudyukan na gawin iyon sapagkat ang mahalagang espirituwal na mga katotohanan ay ikinubli ng Diyos sa mga marurunong at matatalino ngunit isiniwalat ang kamangha-manghang mga bagay na ito sa mga mapagpakumbaba, sa mga sanggol, wika nga.

Sa wakas, si Jesus ay nagbigay ng kaakit-akit na paanyaya: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayong nagpapagal at nabibigatang lubha, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok at kayo’y maging mga alagad ko, sapagkat ako’y maamo at mapagpakumbabang puso, at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat malambot ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.”

Papaano nagbigay si Jesus ng kapahingahan? Ginawa niya ito sa pamamagitan ng pagpapalaya buhat sa umaaliping mga tradisyon na iniaatang ng mga pinunong relihiyoso sa mga tao, kasali na, halimbawa, ang mahigpit na mga utos tungkol sa pangingilin ng Sabbath. Ipinakita rin niya ang daan ng kaginhawahan sa mga taong nabibigatan sa mga pahirap na iniaatang ng dominanteng mga namiminunong mga maykapangyarihan at sa mga pumapasan ng bigat ng kanilang mga pagkakasala dahil sa isang nababagabag na budhi. Kaniyang isiniwalat sa mga taong binabagabag na ito kung papaano patatawarin ang kanilang mga kasalanan at kung papaano tatamasahin nila ang isang mahalagang pakikipag-ugnayan sa Diyos.

Ang malambot na pamatok na inialok ni Jesus ay isang lubos na pag-aalay ng sarili sa Diyos, ang paglilingkod sa ating maawain at mahabaging Ama sa langit. At ang magaan na pasan na iniaalok ni Jesus sa mga lumalapit sa kaniya ay yaong pagsunod sa mga kahilingan ng Diyos ukol sa buhay, na Kaniyang mga utos na nakatala sa Bibliya. At ang pagsunod sa mga ito ay hindi naman mabigat. Mateo 11:16-30; Lucas 1:15; 7:31-35; 1 Juan 5:3.

▪ Papaano ang mapagmataas, salawahang mga tao noong panahon ni Jesus ay tulad ng mga bata?

▪ Bakit naudyukan si Jesus na purihin ang kaniyang makalangit na Ama?

▪ Sa anong mga paraan nabibigatang lubha ang mga tao, at anong kaginhawahan ang inialok ni Jesus?