Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Matagumpay na Pagpasok ni Kristo sa Jerusalem

Ang Matagumpay na Pagpasok ni Kristo sa Jerusalem

Kapitulo 102

Ang Matagumpay na Pagpasok ni Kristo sa Jerusalem

KINABUKASAN, Linggo, Nisan 9, nilisan ni Jesus ang Betania kasama ng kaniyang mga alagad at pumatungo sa Bundok ng Olibo sa gawi ng Jerusalem. Hindi nagluwat, sila’y malapit na noon sa Betfage, na nasa Bundok ng Olibo. Sa dalawang alagad niya ay itinagubilin ni Jesus:

“Magsiparoon kayo sa nayong natatanaw ninyo, at pagdaka’y masusumpungan ninyo ang isang asnong nakatali, na may kasamang isang batang asno; kalagan ninyo at dalhin ninyo sa akin. At kung ang sinuman ay magsabi ng anuman sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kinakailangan sila ng Panginoon.’ At pagdaka’y kaniyang ipadadala sila.”

Bagaman sa simula ay hindi naunawaan ng mga alagad na ang mga tagubiling ito ay may kinalaman sa katuparan ng hula sa Bibliya, nang bandang huli’y nakilala nila na ito pala’y katuparan ng mga hulang iyon. Inihula ni propeta Zacarias na ang ipinangakong Hari ng Diyos ay pupunta sa Jerusalem na sakay ng isang asno, oo, “nakasakay sa isang batang asno na anak ng isang babaing-asno.” Si Haring Solomon man nang siya’y pahiran ng langis ay sumakay rin sa anak ng isang asno.

Nang ang mga alagad ay pumasok sa Betfage at kunin ang anak ng asno at ang ina nito, ang ilan sa mga nangakatayo roon ay nagsabi: “Ano ba ang inyong ginagawa?” Subalit nang sabihin na ang mga hayop ay para sa Panginoon, ang mga lalaking iyon ay pumayag na ang mga ito’y dalhin ng mga alagad kay Jesus. Ang ginawa ng mga alagad ay inilagay ang kanilang panlabas na mga kasuotan sa ibabaw ng inang asno at ng kaniyang supling, subalit si Jesus ay sumakay sa batang asno.

Samantalang nakasakay si Jesus patungo sa Jerusalem, lalong dumami ang tao. Karamihan ng mga tao’y naglatag sa daan ng kanilang panlabas na kasuotan, samantalang ang iba naman ay pumutol ng mga sanga ng punungkahoy at inilatag sa daan. “Mapalad ang Isang pumaparito bilang Hari sa pangalan ni Jehova!” ang sigaw nila. “Kapayapaan sa langit, at kaluwalhatian sa kataas-taasan!”

Ang mga Fariseo na nasa karamihan ng tao ay nayamot sa mga pagkakaingay na ito at nagreklamo kay Jesus: “Guro, sawayin mo naman ang iyong mga alagad.” Subalit si Jesus ay tumugon: “Sinasabi ko sa inyo, Kung ang mga ito’y mananatiling tahimik, ang mga bato ang sisigaw.”

Samantalang papalapit si Jesus sa Jerusalem, kaniyang tinanaw ang siyudad at kaniyang tinangisan iyon, na ang sabi: “Kung sa araw na ito ay nakilala mo sana, sa iyong sarili, ang mga bagay na nauukol sa iyong kapayapaan​—datapuwat ngayo’y pawang nangatatago sa iyong mga mata.” Dahil sa kaniyang sadyang pagkamasuwayin, ang Jerusalem ay kailangang magbayad ng halaga, gaya ng inihula ni Jesus:

“Darating sa iyo ang mga araw na babakuran ka ng kuta ng mga kaaway mo [ang mga Romano sa ilalim ni Heneral Tito] at kukubkubin ka at gigipitin ka sa magkabi-kabila at ilulukso ka sa lupa at ang mga anak mo na nasa loob mo, at sa iyo’y hindi sila mag-iiwan ng bato sa ibabaw ng kapuwa bato.” Ang pagkapuksang ito ng Jerusalem na inihula ni Jesus ay aktuwal na naganap makalipas noon ang 37 taon, noong taóng 70 C.E.

Mga ilang linggo lamang bago nangyari ito, marami na naroon sa karamihan ng tao ang nakakita sa ginawa ni Jesus na pagbuhay kay Lasaro. Ngayon ang mga ito ay patuloy na nagbabalita sa iba ng tungkol sa himalang iyon. Kaya’t nang pumasok si Jesus sa Jerusalem, ang buong siyudad ay nagkagulo. “Sino kaya ito,” ang ibig malaman ng mga tao. At ang karamihan ay patuloy namang nagsasabi: “Ito ang propetang si Jesus, taga-Nazaret ng Galilea!” Nang makita ang nangyayaring iyon, natalos ng mga Fariseo na sila’y talagang walang mararating, sapagkat, gaya ng sabi nila: “Ang sanlibutan ay sumusunod na sa kaniya.”

Gaya ng kaniyang kinaugalian pagka dumadalaw sa Jerusalem, si Jesus ay naparoroon sa templo upang magturo. Doon ang mga bulag at mga pilay ay naglalapitan sa kaniya, at kaniyang pinagagaling sila! Nang makita ng mga pangulong saserdote at ng mga eskriba ang kamangha-manghang mga bagay na ginagawa ni Jesus at nang kanilang marinig ang mga batang lalaki sa templo na naghihiyawan, “Iligtas, aming isinasamo, ang Anak ni David!” sila’y nangagalit. “Naririnig ba ninyo ang sinasabi ng mga ito?” ang tutol nila.

“Oo,” ang tugon ni Jesus. “Hindi baga ninyo nabasa kailanman ang ganito, ‘Buhat sa bibig ng mga sanggol at mga pásusuhin ay pinangyari mong manggaling ang papuri’?”

Si Jesus ay nagpatuloy sa pagtuturo, at kaniyang pinagmasdan sa buong palibot ang lahat ng bagay sa templo. Hindi nagluwat at atrasado na. Kaya’t siya’y lumisan, kasama ang 12, at naglakbay nang pabalik nang may tatlong kilometro humigit-kumulang sa Betania. Doon ay nagpalipas siya ng Linggo ng gabi marahil sa tahanan ng kaniyang kaibigang si Lasaro. Mateo 21:​1-11, 14-17; Marcos 11:​1-11; Lucas 19:​29-44; Juan 12:​12-19; Zacarias 9:9.

▪ Kailan at papaano pumasok si Jesus sa Jerusalem bilang Hari?

▪ Gaanong kahalaga nga na purihin ng karamihan ng mga tao si Jesus?

▪ Ano ba ang nadama ni Jesus nang kaniyang matanaw ang Jerusalem, at anong hula ang kaniyang binigkas?

▪ Ano ang nangyari nang pumaroon sa templo si Jesus?