Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pinakatanyag na Sermon Kailanman

Ang Pinakatanyag na Sermon Kailanman

Kapitulo 35

Ang Pinakatanyag na Sermon Kailanman

ANG tanawin ay isa na di-malilimot kailanman sa kasaysayan sa Bibliya: Si Jesus ay nakaupo sa tagiliran ng bundok at nagpapahayag ng kaniyang tanyag na Sermon sa Bundok. Ang lugar ay malapit sa Dagat ng Galilea, marahil malapit sa Capernaum. Pagkatapos na gugulin ang buong magdamag sa pananalangin, pinili ni Jesus ang 12 sa kaniyang mga alagad upang maging mga apostol. Pagkatapos, kasa-kasama silang lahat, siya’y bumaba sa patag na lugar na ito sa bundok.

Ngayon, maiisip mo, si Jesus ay pagod na pagod at naghahangad na matulog. Subalit dumagsa ang maraming tao, ang iba’y nanggaling pa sa Judea at sa Jerusalem, 100 hanggang 110 kilometro ang layo. Ang mga iba ay nanggaling sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon sa gawing norte. Sila’y nagpunta roon upang makinig kay Jesus at mapagaling ang kanilang mga sakit. Mayroon pa ring mga tao na inaalihan ng mga demonyo, ang balakyot na mga anghel ni Satanas.

Sa pagbaba ni Jesus, ang mga taong may sakit ay naggigitgitan upang siya’y mahipo man lang, at silang lahat ay kaniyang pinagaling. Pagkatapos, marahil si Jesus ay naparoon sa lalong mataas na lugar sa bundok. Doon ay umupo siya at nagsimulang magturo sa karamihan na nagsipangalat doon sa patag na lugar sa harap niya. At isip-isipin lamang iyon! Ngayon ay wala na kahit isang tao sa buong pulutong na iyon na may malubhang sakit!

Ang mga tao ay sabik na makinig sa tagapagturo na nakagawa ng kahima-himalang mga kababalaghang ito. Datapuwat, si Jesus ay nagpahayag ng kaniyang Sermon unang-una para sa kapakinabangan ng kaniyang mga alagad, na marahil nakapalibot doon na pinakamalapit sa kaniya. Ngunit upang tayo rin naman ay makinabang ito’y isinulat ni Mateo at ni Lucas.

Ang pag-uulat ni Mateo ng sermon ay mga apat na beses ang haba ng kay Lucas. At, sa mga bahagi ng isinulat ni Mateo, iniharap naman ito ni Lucas bilang sinabi ni Jesus sa ibang panahon nang siya’y nagsasagawa ng kaniyang ministeryo, gaya ng mapapansin kung ihahambing ang Mateo 6:​9-13 sa Lucas 11:​1-4, at ang Mateo 6:​25-34 sa Lucas 12:​22-31. Subalit ito’y hindi kataka-taka. Maliwanag na ang parehong mga bagay ay itinuro ni Jesus nang hindi lamang minsan, at minabuti ni Lucas na isulat ang ilan sa mga turong ito sa isang naiibang kapaligiran.

Ang sermon ni Jesus ay totoong mahalaga hindi lamang dahil sa lawak ng nilalaman nito na espirituwal na mga bagay kundi dahil din sa pagkasimple nito at sa malinaw na paghaharap niya ng mga katotohanang ito. Ang ginamit niya’y karaniwang mga karanasan at mga bagay na alam na alam ng mga tao, kaya naman ang mga ideya ay madaling naunawaan ng mga naghahanap ng isang lalong mainam na buhay ayon sa paraan ng Diyos.

Sino ang Talagang Maligaya?

Ibig ng bawat isa na maging maligaya. Sa pagkatalos nito, sinimulan ni Jesus ang kaniyang Sermon sa Bundok sa paglalarawan sa mga talagang maliligaya. Gaya ng maguguniguni natin, agad namang nabighani sa kaniyang sinabi ang malaking pulutong ng mga tagapakinig. Gayunman sa kaniyang pambungad na mga salita ay waring hindi sang-ayon ang marami.

Si Jesus ay nagsimula, na kausap ang kaniyang mga alagad: “Maligaya kayong mga dukha, sapagkat inyo ang kaharian ng Diyos. Maligaya kayo na nagugutom ngayon, sapagkat kayo ay bubusugin. Maligaya kayo na nagsisitangis ngayon, sapagkat kayo ay magsisitawa. Maligaya kayo kung kayo’y kinapopootan ng mga tao . . . Mangagalak kayo sa araw na iyon at magsilukso kayo, sapagkat, narito! malaki ang ganti sa inyo sa langit.”

Ito ang paglalahad ni Lucas na pambungad ng sermon ni Jesus. Subalit ayon sa ulat ni Mateo, sinabi rin ni Jesus na ang mga maaamo, mahabagin, malinis ang puso, at mapagpayapa ay maligaya. Ang mga ito ay maligaya, sabi ni Jesus, sapagkat sila’y magmamana ng lupa, sila’y kahahabagan, kanilang makikita ang Diyos, at sila’y tatawaging mga anak ng Diyos.

Ang ibig sabihin ni Jesus na pagiging maligaya ay hindi lamang pagiging masaya o masayahin, pagka ang isa’y natutuwa. Ang tunay na kaligayahan ay mas malalim, may taglay na pagkakontento, kasiyahan at katuparan ng mithiin sa buhay.

Yaong mga talagang maliligaya, ayon sa ipinakita ni Jesus, ay mga taong palaisip sa kanilang espirituwalidad, mga taong nalulungkot dahil sa kanilang makasalanang kalagayan, at nakakakilala at naglilingkod sa Diyos. At, kahit na sila’y kinapopootan o pinag-uusig dahil sa paggawa ng kalooban ng Diyos, sila’y maligaya sapagkat batid nila na sila’y nakalulugod sa Diyos at tatanggap ng gantimpalang buhay na walang hanggan.

Datapuwat, marami sa mga tagapakinig ni Jesus, katulad din ng mga iba sa ngayon, ay naniniwala na ang pagiging asensado sa buhay at nagtatamasa ng kaluguran ang siyang nagpapaligaya sa isang tao. Hindi ganiyan ang alam ni Jesus. Kaniyang ipinakita ang pagkakaiba at tiyak na pinagtakhan ng marami sa kaniyang mga tagapakinig, nang kaniyang sabihin:

“Sa aba ninyong mayayaman, sapagkat tinanggap na ninyo nang lubusan ang inyong kaaliwan. Sa aba ninyong mga busog ngayon, sapagkat kayo’y magugutom. Sa aba ninyong nagsisitawa ngayon, sapagkat kayo’y magsisitaghoy at magsisitangis. Sa aba ninyo, pagka ang lahat ng mga tao ay nagsasalita ng magaling tungkol sa inyo, sapagkat mga bagay na katulad nito ang ginawa ng kanilang mga magulang sa mga bulaang propeta.”

Ano ba ang ibig sabihin ni Jesus? Bakit ang pagiging mayaman, ang pagtatawa at pagpapakalayaw, at pagtanggap ng mga papuri ng mga tao ay nagdadala ng kaabahan? Sapagkat pagka ang isang tao ay mayroon ng mga bagay na ito at pinakamamahal niya ito, ang paglilingkod sa Diyos, na tanging makapagdudulot ng tunay na kaligayahan, ay ipinupuwera niya sa kaniyang buhay. Ngunit, hindi ibig sabihin ni Jesus na ang basta pagiging dukha, nagugutom, at ang pagtangis ay nagpapaligaya sa isang tao. Kadalasan, ang gayong mga tao na nasa binanggit na mga kalagayan ay baka tumugon sa mga turo ni Jesus, at sa ganoo’y nagtatamo ng tunay na kaligayahan.

Pagkatapos, kausap ang kaniyang mga alagad, sinabi ni Jesus: “Kayo ang asin ng lupa.” Siyempre, hindi ang ibig niyang sabihin ay sila’y literal na asin. Kundi, ang asin ay isang preserbatiba. Isang malaking bunton nito ang nakalagay malapit sa dambana sa templo ni Jehova, at ang naghahandog na mga saserdote ang gumagamit nito sa pag-aasin sa mga handog.

Ang mga alagad ni Jesus “ang asin ng lupa” sa bagay na sila’y parang preserbatiba na may impluwensiya sa mga tao. Oo, ang mensahe na taglay nila ay pinaka-preserbatiba na magliligtas sa buhay ng lahat ng tumutugon! Dudulutan nito ang buhay ng gayong mga tao ng mga katangian ng pagkanamamalagi, ng katapatan, at pananampalataya, upang sila’y huwag mahulog sa kabulukan sa espirituwal at moral.

“Kayo ang ilaw ng sanlibutan,” ang sabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad. Ang isang ilawan ay hindi inilalagay sa ilalim ng isang basket kundi inilalagay sa isang kandelero, kaya naman sinabi ni Jesus: “Pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao.” Ito’y ginagawa ng mga alagad ni Jesus sa pamamagitan ng kanilang pangmadlang pagpapatotoo, at pagsisilbing maningning na mga halimbawa ng pamumuhay na kasuwato ng mga simulain ng Bibliya.

Isang Mataas na Pamantayan Para sa Kaniyang mga Tagasunod

Para sa mga pinunong relihiyoso, si Jesus ay isang manlalabag ng Kautusan ng Diyos at hindi pa nagtatagal ay kanilang pinag-isipan na patayin pa man din siya. Kaya habang nagpapatuloy si Jesus ng kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi niya: “Huwag ninyong isipin na ako’y naparito upang sirain ang Kautusan o ang mga Propeta. Ako’y naparito, hindi upang sirain, kundi upang tuparin iyon.”

Si Jesus ay may napakataas na pagkakilala sa Kautusan ng Diyos at kaniyang hinihimok ang mga iba na maging katulad din niya. Ang totoo, sinabi niya: “Kaya’t ang sinumang sumuway sa isa sa kaliit-liitang mga utos na ito at ituro ang gayon sa mga tao, siya’y tatawaging ‘kaliit-liitan’ kung tungkol sa kaharian ng langit,” na ibig sabihin ang ganoong tao ay hindi makapapasok sa Kaharian.

Bukod sa hindi winawalang-halaga ni Jesus ang Kautusan ng Diyos, kaniyang minamasama kahit na ang mga saloobin na umaakay tungo sa pagsuway dito ng isang tao. Pagkatapos na banggitin ang sinasabi ng Kautusan na, “Huwag kang papatay,” isinusog pa ni Jesus: “Datapuwa’t, sinasabi ko sa inyo na sinumang patuloy na nagagalit sa kaniyang kapatid ay mananagot sa hukuman ng katarungan.”

Yamang ang patuloy na pagkagalit sa isang kasama ay totoong mapanganib, at baka ito humantong pa sa pagpatay, ipinaghalimbawa ni Jesus ang dapat gawin ng isang tao upang makamit ang kapayapaan. Siya’y nagtagubilin: “Kung inihahandog mo ang hain mo sa dambana at maalaala mo na may anumang laban sa iyo ang kapatid mo, iwan mo roon sa harap ng dambana ang hain mo, at umalis ka; makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid, at pagbabalik mo ay saka mo ihandog ang iyong hain.”

Pagkatapos na ibaling ang pansin sa ikapito sa Sampung Utos, si Jesus ay nagpatuloy: “Narinig ninyo na sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ ” Gayunman, minamasama ni Jesus kahit na ang maluwag na pagkakilala sa pangangalunya. “Sinasabi ko sa inyo na sinumang patuloy na tumitingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad sa kaniya ay nagkasala na ng pangangalunya sa kaniyang puso.”

Dito hindi ang tinutukoy ni Jesus ay ang basta lamang kaisipan sa imoralidad kundi ang ‘patuloy na pagtingin.’ Ang gayong patuloy na pagtingin ang pumupukaw ng masamang hangarin, na, kung may pagkakataon, maaaring humantong sa pangangalunya. Papaano maiiwasan ito ng isang tao? Ipinakita ni Jesus kung papaano na baka kailanganin ang ultimong lunas, at ang sabi: “Bueno, kung ang kanang mata mo ay nagpapatisod sa iyo, dukitin mo at itapon. . . . At kung ang kanang kamay mo ay nagpapatisod sa iyo, putulin mo at itapon.”

Ang mga tao malimit na ay payag na putulin ang isang literal na paa o kamay na may kapansanan upang mailigtas ang kanilang buhay. Subalit ayon kay Jesus, lalo pang mahalaga na “itapon” ang anuman, kahit na ang isang bagay na kasinghalaga ng isang mata o isang kamay, upang maiwasan ang pag-iisip ng mahahalay na bagay at ang pagpapadala roon. Sapagkat kung hindi, ang sabi ni Jesus, ang gayong mga tao ay ihahagis sa Gehenna (isang nagniningas na basurahan malapit sa Jerusalem), na sumasagisag sa walang hanggang pagkapuksa.

Tinalakay din ni Jesus kung papaano makikitungo sa mga taong nananakit at namiminsala. “Huwag kayong makilaban sa kaninumang masama,” ang kaniyang payo. “Kundi sa sinumang sa iyo’y sumampal sa kanan mong pisngi, iharap mo pa sa kaniya yaong kabila.” Hindi ibig sabihin ni Jesus na ang isang tao ay hindi magtatanggol ng kaniyang sarili o ng kaniyang pamilya kung sakaling siya’y inaaatake. Ang layunin ng pagsampal ay hindi upang makasakit sa iba kundi upang makainsulto. Kaya, ang ibig sabihin ni Jesus ay na kung mayroong sinuman na naghahamon ng away o ng pagtatalo, sa pamamagitan man ng literal na pananampal o ng mga pananalitang nakakainsulto, isang pagkakamali na patulan mo ang taong iyon.

Pagkatapos na itawag-pansin ang kautusan ng Diyos na ibigin ang iyong kapuwa, sinabi ni Jesus: “Datapuwat, sinasabi ko sa inyo: Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at idalangin ang mga umuusig sa inyo.” Pagkatapos na sabihin ang mainam na dahilan ng paggawa ng gayon, isinusog niya: “ [Sa ganoon] inyong mapatutunayan na kayo’y mga anak ng inyong Ama na nasa langit, yamang ang kaniyang araw ay pinasisikat niya sa mga taong balakyot at sa mabubuti.”

Tinapos ni Jesus ang bahaging ito ng kaniyang sermon sa payo na: “Kaya nga kayo’y magpakasakdal, gaya ng inyong makalangit na Ama na sakdal.” Hindi ibig sabihin ni Jesus na ang mga tao ay maaaring lubusang magpakasakdal. Bagkus, magagawa nila ito, sa pamamagitan ng pagtulad sa Diyos, pagpapalawak ng kanilang pag-ibig upang masakop kahit na ang kanilang mga kaaway. Ang katumbas na pag-uulat ni Lucas ay may ganitong pananalita ni Jesus: “Patuloy na maging mahabagin, gaya ng inyong Ama na mahabagin.”

Panalangin, at ang Pagtitiwala sa Diyos

Sa pagpapatuloy ni Jesus sa kaniyang sermon, kaniyang hinatulan ang mapagpaimbabaw na mga tao na pinagpaparangalan ang kanilang ipinagpapalagay na kabanalan. “Pagka ikaw ay nagkakaloob,” aniya, “huwag kang iihip ng trumpeta, gaya ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw.”

“At,” patuloy pa ni Jesus, “pagka ikaw ay nananalangin, huwag kang gagaya sa mga mapagpaimbabaw; sapagkat ang ibig nila’y manalangin nang nakatayo sa mga sinagoga at sa mga panulukang daan upang makita ng mga tao.” Sa halip, ang sabi niya: “Pagka ikaw ay nananalangin, pumasok ka sa iyong sariling silid at, pagkatapos na maisara mo ang iyong pinto, manalangin ka sa iyong Ama na nakakakita sa lihim.” Si Jesus mismo ay nanalangin sa harap ng maraming tao, kaya’t hindi niya hinahatulan ang mga ito. Ang kaniyang tinutukoy ay mga panalangin na ginagawa upang pahangain ang mga nakikinig at sila’y magsalita nang mga paghanga.

Ipinayo pa ni Jesus: “Pagka kayo’y nananalangin, huwag ninyong sasabihin ang iyon at iyon ding mga bagay, gaya ng ginagawa ng mga tao ng mga bansa.” Hindi ibig sabihin ni Jesus na ang pag-uulit-ulit sa ganang sarili ay mali. Minsan, siya mismo ay paulit-ulit na gumamit “ng iyon at iyon ding salita” nang nananalangin. Ngunit ang kaniyang hindi sinasang-ayunan ay ang pagsasabi ng memoryadong mga salita “nang paulit-ulit,” tulad baga ng mga nagrurosaryo na pinauulit-ulit ang kanilang sauladong mga panalangin.

Upang tulungan ang kaniyang mga tagapakinig na manalangin, si Jesus ay nagbigay ng isang modelong panalangin na doo’y may pitong kahilingan. Ang unang tatlo ay matuwid na kumikilala sa pagkasoberano ng Diyos at ng kaniyang mga layunin. Ito’y mga kahilingan na pakabanalin ang pangalan ng Diyos, na dumating na sana ang kaniyang Kaharian, at maganap ang kaniyang kalooban. Ang natitirang apat ay personal na mga kahilingan, samakatuwid nga, ang araw-araw na pagkain, kapatawaran ng mga kasalanan, na huwag sanang subukin ka nang higit kaysa matitiis mo, at iligtas ka buhat sa balakyot.

Sa pagpapatuloy, binanggit ni Jesus ang silo ng labis na pagpapahalaga sa mga kayamanan. Sinabi niya: “Huwag kayong magtipon ng mga kayamanan sa lupa, na dito’y sumisira ang tanga at ang kalawang, at dito’y naghuhukay at nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw.” Ang gayong mga kayamanan ay pumapanaw at hindi nagdadala sa iyo ng pagsang-ayon ng Diyos.

Kaya naman, sinabi ni Jesus: “Kundi, magtipon kayo ng mga kayamanan sa langit.” Ito’y ginagawa sa pamamagitan ng paglalagay na una sa lahat sa iyong buhay ang paglilingkod sa Diyos. Walang sinuman na makapag-aalis ng pakinabang dito na ibibigay ng Diyos o ng dakilang gantimpala na resulta nito. Pagkatapos ay sinabi pa ni Jesus: “Kung saan naroroon ang iyong kayamanan, doroon din ang iyong puso.”

Sa pagpapatuloy ng paglalahad ng silo ng materyalismo, ganito ang ilustrasyon na ibinigay ni Jesus: “Ang ilawan ng katawan ay ang mata. Kung simple nga ang iyong mata, ang buong katawan mo’y mapupuspos ng liwanag; ngunit kung balakyot ang iyong mata, ang buong katawan mo’y mapupuspos ng kadiliman.” Ang mata na umaandar nang husto ay sa katawan gaya ng isang sindidong ilawan sa isang madilim na lugar. Subalit upang makakita nang husto, ang mata ay kailangang maging simple, samakatuwid nga, kailangang nakapokus sa iisang bagay. Ang isang matang hindi nakapokus ay mali ang pagkakita sa mga bagay-bagay, ang materyal na mga bagay ay pinahahalagahang higit kaysa paglilingkod sa Diyos, at ang resulta’y nagiging madilim ang “buong katawan.”

Tinapos ni Jesus ang tungkol sa bagay na ito sa pamamagitan ng mabisang ilustrasyon: “Sinuma’y hindi makapaglilingkod sa dalawang panginoon; sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa Kayamanan.”

Pagkatapos na magbigay ng ganitong payo, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig na sila’y huwag mabalisa tungkol sa kanilang materyal na mga pangangailangan kung kanilang inuuna ang paglilingkod sa Diyos. “Masdan ninyo ang mga ibon sa langit,” ang sabi niya, “sapagkat hindi sila naghahasik o nagsisigapas o nagtitipon man sa mga bangan; gayunma’y pinakakain sila ng inyong Ama sa langit.” Pagkatapos ay nagtanong siya: “Hindi baga lalong higit ang halaga ninyo kaysa kanila?”

Pagkatapos, tinukoy ni Jesus ang mga liryo sa parang at sinabi niya na “si Solomon man sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakagayak na gaya ng isa sa mga ito. Ngunit,” ang sabi niya, “kung pinararamtan ng Diyos ng ganito ang damo sa parang, . . . hindi baga kayo ay lalong higit na pararamtan niya, kayong may kakaunting pananampalataya?” Kaya nga ganito ang pagtatapos ni Jesus: “Huwag kayong mabalisa at magsabi, ‘Ano ang aming kakanin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming daramtin?’ . . . Sapagkat talastas ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng bagay na ito. Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at lahat ng iba pang mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.”

Ang Daang Patungo sa Buhay

Ang daan ng buhay ay ang pananatili sa mga turo ni Jesus. Ngunit hindi ito madaling gawin. Halimbawa, ang mga Fariseo ay may karahasang humahatol sa iba, at malamang na marami ang gumagaya sa kanila. Kaya’t sa pagpapatuloy ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi niya: “Huwag kayong humatol upang kayo’y huwag hatulan; sapagkat sa hatol na inyong ihahatol, kayo ay hahatulan.”

Mapanganib na tumulad sa labis mamintas na mga Fariseo. Sang-ayon sa ulat ni Lucas, ipinaghalimbawa ni Jesus ang panganib na ito sa pagsasabi: “Ang bulag ay hindi makaaakay sa bulag, di ba? Kapuwa sila mahuhulog sa hukay, di ba?”

Ang lubhang pamimintas sa iba, na pinalalaki ang kanilang kahinaan at pinag-iinitan sila, ay isang malubhang kasalanan. Kaya’t ang tanong ni Jesus: “Papaano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Pabayaan mong alisin ko ang puwing sa mata mo’; gayong, narito! may tahilan sa iyong sariling mata? Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang tahilan sa iyong sariling mata, at kung magkagayo’y makikita mong malinaw ang pag-aalis mo ng puwing sa mata ng iyong kapatid.”

Hindi ibig sabihin nito na ang mga alagad ni Jesus ay hindi gumagamit ng pang-unawa sa pakikitungo sa iba, sapagkat kaniyang sinabi: “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anumang banal, ni ihagis man ang inyong mga perlas sa harap ng mga baboy.” Ang mga katotohanan buhat sa Salita ng Diyos ay banal. Ito’y katulad ng makasagisag na mga perlas. Ngunit kung ang ibang mga tao, na tulad ng mga aso o mga baboy, ay hindi nagpapahalaga sa mahalagang katotohanang ito, sila’y dapat iwanan ng mga alagad ni Jesus at humanap ng mga taong makikinig.

Bagaman maaga sa kaniyang Sermon sa Bundok, tinalakay ni Jesus ang tungkol sa panalangin, ngayon ay idinidiin niya na kailangang manatili sa pananalangin. “Patuloy na humingi,” ang payo niya, “at yao’y ibibigay sa inyo.” Upang ipakita na handa ang Diyos na sumagot sa mga panalangin, si Jesus ay nagtanong: “Anong tao sa inyo ang kung siya’y hingan ng tinapay ng kaniyang anak​—ay bato ang ibibigay? . . . Kung kayo nga, bagaman masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit na magbibigay ng mabubuting bagay sa humihingi sa kaniya?”

Pagkatapos ay nagbigay si Jesus ng naging isang tanyag na alituntunin ng asal, karaniwang tinatawag na Gintong Alituntunin. Sabi niya: “Kaya nga lahat ng bagay na ibig ninyong sa inyo’y gawin ng mga tao, gawin naman ninyo ang gayon sa kanila.” Ang pagsunod sa alituntuning ito ay nangangailangan ng positibong pagkilos sa paggawa ng mabuti sa iba, na tinatrato sila na gaya ng ibig mong itrato sa iyo.

Isiniwalat ng payo ni Jesus na hindi madali ang lumakad sa daan ng buhay: “Kayo’y magsipasok sa makipot na pintuan; sapagkat maluwang ang pintuan, at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo’y nagsisipasok; sapagkat makipot ang pintuan, at makitid ang daan patungo sa buhay at kakaunti ang nakakasumpong niyaon.”

Ang panganib na maligaw ay malaki, kaya’t ang babala ni Jesus: “Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta na nagsisilapit sa inyo na may damit-tupa, datapuwa’t sa loob ay mga lobong maninila.” Maging ang mabubuti at masasamang punungkahoy ay nakikilala sa kanilang mga bunga, ang sabi ni Jesus, kaya naman ang mga bulaang propeta ay makikilala rin sa kanilang inuugali at mga turo.

Patuloy na ipinaliwanag ni Jesus na hindi lamang ang sinasabi ng isang tao ang gumagawa sa kaniya na Kaniyang alagad kundi ang kaniyang ginagawa. Kahit na kung sinasabi ng mga tao na si Jesus ang kanilang Panginoon, kung hindi naman nila ginagawa ang kalooban ng kaniyang Ama, ang sabi niya: “Sasabihin ko sa kanila: Kailanma’y hindi ko kayo nakikilala! Magsilayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.”

Bilang pagtatapos, ibinigay ni Jesus ang di-malilimot na konklusyon sa kaniyang sermon. Sinabi niya: “Sinumang nakakapakinig ng mga salita kong ito at ginagawa ay mahahalintulad sa isang taong pantas, na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng batong-bundok. At lumagpak ang ulan at bumaha at humihip ang hangin at hinampas ang bahay na iyon, subalit hindi bumagsak, sapagkat nakatayo sa ibabaw ng batong-bundok.”

Sa kabilang dako, sinabi ni Jesus: “Bawa’t nakakapakinig ng aking mga salitang ito at hindi ginagawa ay mahahalintulad sa isang taong mangmang, na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng buhanginan. At lumagpak ang ulan at bumaha at humihip ang hangin at bumayo sa bahay na iyon at bumagsak iyon, at kakila-kilabot ang pagbagsak.”

Nang matapos ni Jesus ang kaniyang sermon, ang karamihan ay nanggilalas sa kaniyang paraan ng pagtuturo, sapagkat siya’y nagtuturo sa kanila na gaya ng isang taong may autoridad at hindi gaya ng kanilang mga pinunong relihiyoso. Lucas 6:​12-23; Mateo 5:​1-12; Lucas 6:​24-26; Mateo 5:​13-48; 6:​1-34; 26:​36-45; 7:​1-29; Lucas 6:27-49.

▪ Saan sinalita ni Jesus ang kaniyang sermon na di-malilimot kailanman, sino ang mga naroroon, at ano ang nangyari bago siya nagsermon?

▪ Bakit hindi kataka-taka na si Lucas ay nag-uulat ng mga ilang turo ng sermon na iyan sa isang naiibang kapaligiran?

▪ Ano ang nagpapaging totoong mahalaga sa sermon ni Jesus?

▪ Sino ang talagang maligaya, at bakit?

▪ Sino ang nasa kaabahan, at bakit?

▪ Papaanong ang mga alagad ni Jesus ay “asin ng lupa” at “ilaw ng sanlibutan”?

▪ Papaanong nagpakita si Jesus ng mataas na pagkakilala sa Kautusan ng Diyos?

▪ Ano ang itinagubilin ni Jesus upang maalis ang sanhi na pinagmumulan ng pagpatay at pangangalunya?

▪ Ano ba ang ibig sabihin ni Jesus nang banggitin niya ang tungkol sa paghahantad ng kabilang pisngi?

▪ Papaano tayo makapagiging sakdal na gaya ng Diyos na sakdal?

▪ Ano ang mga itinuro ni Jesus tungkol sa panalangin?

▪ Bakit ang makalangit na mga kayamanan ay nakahihigit, at papaano natatamo ang mga iyan?

▪ Anong mga ilustrasyon ang ibinigay upang tulungan ang isa na iwasan ang materyalismo?

▪ Bakit sinabi ni Jesus na hindi tayo dapat mabalisa?

▪ Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa paghatol sa iba; gayunma’y papaano niya ipinakikita na kailangang gumamit ang kaniyang mga alagad ng pang-unawa tungkol sa mga tao?

▪ Ano pa ang sinabi ni Jesus tungkol sa panalangin, at anong alituntunin ng asal ang ibinigay niya?

▪ Papaano ipinakita ni Jesus na ang daang patungo sa buhay ay hindi madali at mayroong panganib na ikaw ay mailigaw?

▪ Papaano tinapos ni Jesus ang kaniyang sermon, at ano ang epekto niyaon?