Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Suliranin ng Pagkaama

Ang Suliranin ng Pagkaama

Kapitulo 69

Ang Suliranin ng Pagkaama

NANG panahon ng Kapistahan, naging lalong matindi ang pakikipag-usap ni Jesus sa mga pangulong Judio. “Talastas ko na kayo’y binhi ni Abraham,” inamin ni Jesus, “gayunma’y pinagsisikapan ninyong ako’y patayin, sapagkat ang salita ko’y hindi magkasiya sa inyo. Sinasalita ko ang mga bagay na aking nakita sa aking Ama; at ginagawa rin ninyo ang mga bagay na inyong narinig sa inyong ama.”

Bagama’t hindi tinutukoy ang kanilang ama, nilinaw ni Jesus na ang kanilang ama ay iba kaysa kaniyang sariling Ama. Palibhasa’y hindi nila alam kung ano ang nasa isip ni Jesus, ang mga pinunong Judio ay tumugon: “Si Abraham ang ama namin.” Akala nila ay mayroon silang kaparehong pananampalataya na gaya ni Abraham, na kaibigan ng Diyos.

Gayunman, sila’y binigla ni Jesus sa tugon na: “Kung kayo’y mga anak ni Abraham, gawin ninyo ang mga gawa ni Abraham.” Oo, ang isang tunay na anak ay gumagaya sa kaniyang ama. “Subalit ngayon ay pinagsisikapan ninyo na patayin ako,” ang sabi ni Jesus, “na isang tao na sa inyo’y nagsabi ng katotohanan na narinig ko sa Diyos. Hindi ito ginawa ni Abraham.” Kaya’t muling sinabi ni Jesus: “Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama.”

Hindi pa rin nila naiintindihan kung sino ang tinutukoy ni Jesus. Kanilang sinabi na sila’y tunay na mga anak ni Abraham, na nagsasabi: “Hindi kami inianak sa pakikiapid.” Sa gayon, sa pag-aangkin nila na sila’y tunay na mga mananamba na katulad ni Abraham, kanilang sinabi: “Kami’y may iisang Ama, ang Diyos.”

Subalit ang Diyos nga kaya ang talagang Ama nila? “Kung ang Diyos ang inyong Ama” ang tugon ni Jesus, “inyong iibigin ako, sapagkat ako’y nagmula sa Diyos at ako’y naririto. Hindi ako naparito sa aking sariling kagustuhan, kundi may Isa na nagsugo sa akin. Bakit hindi ninyo napag-uunawa ang aking sinasabi?”

Sinikap ni Jesus na ipakita sa mga pinunong ito ng relihiyon ang resulta ng kanilang pagtatakwil sa kaniya. Subalit ngayon ay tahasang sinabi niya: “Kayo’y sa inyong amang Diyablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin.” Ano bang uri ng ama ang Diyablo? Siya’y ipinakilala ni Jesus bilang isang mamatay-tao at sinabi rin niya: “Siya’y isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.” Sinabi ni Jesus bilang pagtatapos: “Ang sa Diyos ay nakikinig ng mga salita ng Diyos. Dahil dito’y hindi ninyo dinirinig, sapagkat kayo’y hindi sa Diyos.”

Palibhasa’y pinagalit ng pangungusap ni Jesus, ang mga Judio ay sumagot: “Hindi baga matuwid ang aming pagkasabi, Ikaw ay isang Samaritano at mayroon kang demonyo?” Ang terminong “Samaritano” ay ginagamit bilang isang salitang paghamak at pag-upasala, palibhasa ang mga Samaritano ay isang bayan na kinapopootan ng mga Judio.

Hindi pinansin ni Jesus ang paghamak sa kaniya tungkol sa pagiging isang Samaritano, at siya’y tumugon: “Ako’y walang demonyo, kundi pinapupurihan ko ang aking Ama, at ako’y inyong sinisiraan ng puri.” Sa pagpapatuloy, ganito ang kagila-gilalas na pangako ni Jesus: “Kung ang sinuman ay tutupad ng aking salita, siya’y hindi makakakita ng kamatayan kailanman.” Mangyari pa, hindi ibig sabihin ni Jesus na lahat ng susunod sa kaniya ay literal na hindi makakakita ng kamatayan. Bagkus, ang ibig niyang sabihin ay hindi sila makakakita ng walang-hanggang pagkapuksa, o “ikalawang kamatayan,” na doo’y walang pagkabuhay-muli.

Subalit, literal ang pagkaintindi ng mga Judio sa mga salita ni Jesus. Sa gayon, sinabi nila: “Ngayo’y nalalaman namin na mayroon kang demonyo. Namatay si Abraham, at ang mga propeta; subalit sinasabi mo, ‘Kung ang sinuman ay tutupad ng aking salita, hindi siya makakakita ng kamatayan kailanman.’ Dakila ka pa ba sa aming amang Abraham, na namatay? At, nangamatay pati ang mga propeta. Sino ang ipinalalagay mo sa iyong sarili?”

Sa buong pag-uusap na ito, maliwanag na tinutukoy ni Jesus sa mga taong ito ang bagay na siya ang ipinangakong Mesiyas. Subalit imbis na tuwirang sagutin ang kanilang tanong tungkol sa kung sino nga siya, sinabi ni Jesus: “Kung niluluwalhati ko ang aking sarili, ang kaluwalhatian ko ay walang anuman. Ang aking Ama ang lumuluwalhati sa akin, siya na sinasabi ninyong inyong Diyos; gayunma’y hindi ninyo siya nakikilala. Ngunit nakikilala ko siya. At kung sasabihin kong hindi ko siya nakikilala ako’y magiging katulad ninyo, isang sinungaling.”

Sa pagpapatuloy, tinukoy muli ni Jesus ang tapat na si Abraham, na nagsasabi: “Ang inyong amang si Abraham ay nagalak na mainam sa pag-asang makikita ang aking kaarawan, at kaniyang nakita iyon at nagalak.” Oo, sa pamamagitan ng mga mata ng pananampalataya, natanaw ni Abraham sa malayo ang pagdating ng ipinangakong Mesiyas. Sa kanilang kawalang pananampalataya, ang mga Judio ay tumugon: “Wala ka pang limampung taon ay nakita mo na si Abraham?”

“Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo,” ang sagot ni Jesus, “bago ipinanganak si Abraham, ako ay nabubuhay na.” Mangyari pa, ang tinutukoy ni Jesus ay ang kaniyang buhay bago siya naging tao bilang isang makapangyarihang espiritung persona sa langit.

Palibhasa’y pinagalit ng pagsasabi ni Jesus na siya’y nabubuhay na bago pa ipinanganak si Abraham, ang mga Judio ay pumulot ng mga bato upang ibato sa kaniya. Subalit siya’y nagtago at pagkatapos ay lumabas sa templo nang hindi napipinsala bahagya man. Juan 8:37-59; Apocalipsis 3:14; 21:8.

▪ Paano ipinakikita ni Jesus na siya at ang kaniyang mga kaaway ay may magkaibang mga ama?

▪ Ano ang kahulugan ng pagkakapit kay Jesus ng mga Judio ng tawag na Samaritano?

▪ Sa anong diwa ibig sabihin ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay hindi makakakita kailanman ng kamatayan?