Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Suliranin ng Pamana

Ang Suliranin ng Pamana

Kapitulo 77

Ang Suliranin ng Pamana

ANG mga tao ay maliwanag na nakaaalam na si Jesus ay nakikipananghalian sa bahay ng Fariseo. Kaya nangaipon sila sa labas nang libu-libo at naghintay sa paglabas ni Jesus. Di-tulad ng mga Fariseo na sumasalangsang kay Jesus at nagsisikap na hulihin siya sa pagsasabi ng mali, ang mga tao ay sabik na nakikinig sa kaniya nang may pagpapahalaga.

Bumaling muna sa kaniyang mga alagad, sinabi ni Jesus: “Mangag-ingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo, na ito’y pagpapaimbabaw nga.” Tulad ng ipinakita sa panahon ng pananghalian, ang buong makarelihiyosong sistema ng mga Fariseo ay punô ng pagpapaimbabaw. Bagama’t ang kasamaan ng mga Fariseo ay maaaring itago sa pamamagitan ng pagpapakita ng kabanalan, sa bandang huli iyon ay mabubunyag. “Walang bagay na natatakpan,” sinabi ni Jesus, “na hindi mahahayag, at natatago na hindi malalaman.”

Nagpatuloy si Jesus na ulitin ang pagpapalakas-loob na ibinigay niya sa 12 nang suguin niya sila sa paglalakbay na pangangaral sa Galilea. Sinabi niya: “Huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan at pagkatapos ay wala na silang magagawa.” Yayamang hindi kinalilimutan ng Diyos kahit na ang iisang maya, tinitiyak ni Jesus sa kaniyang mga alagad na ang Diyos ay di kailanman makalilimot sa kanila. Ipinahayag niya: “At pagka kayo’y dadalhin sa harap ng mga sinagoga at sa mga pinuno at sa mga may kapamahalaan, . . . ituturo sa inyo ng banal na espiritu sa oras ding yaon ang inyong dapat sabihin.”

Isang lalaki mula sa karamihan ang nagsalita. “Guro,” pagsusumamo niya, “sabihin mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana.” Itinatakda ng Batas ni Moises na ang panganay na anak na lalaki ay dapat tumanggap ng dalawang bahagi ng mana, kaya walang dahilan para sa pagtatalo. Ngunit sa wari ay nais ng lalaki ng higit pa kaysa sa kaniyang legal na bahagi ng mana.

May katuwirang tumanggi si Jesus na masangkot. “Lalaki, sino ang gumawa sa aking hukom o tagapamahagi sa inyo?” ang tanong niya. Ibinigay niya pagkatapos ang mahalagang babala sa mga tao: “Kayo’y manatiling gising at mag-ingat kayo laban sa lahat ng uri ng kasakiman, sapagkat kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nanggagaling sa mga bagay na pag-aari niya.” Oo, walang halaga kung gaano man ang tinatangkilik ng isang tao, karaniwan nang siya’y mamamatay at iiwan niyang lahat iyon. Upang idiin ang katotohanang ito, gayundin upang ipakita ang kamalian ng pagkabigong gumawa ng isang mabuting reputasyon sa Diyos, gumamit si Jesus ng isang ilustrasyon. Ipinaliwanag niya:

“Ang lupa ng isang taong mayaman ay nag-aani nang sagana. Kaya naisip niya sa kaniyang sarili, na nagsasabi, ‘Ano kaya ang gagawin ko, ngayong wala na akong mapaglagyan ng aking mga inani?’ Kaya’t sinabi niya, ‘Ganito ang gagawin ko: Igigiba ko ang aking mga bangan at gagawa ako ng lalong malalaki, at doon ko ilalagay ang lahat ng aking binutil at lahat ng aking pag-aari; at sasabihin ko sa aking kaluluwa: “Kaluluwa, marami ka nang pag-aaring nakakamalig para sa maraming taon; magpakaginhawa ka na, kumain, uminom, magpakasaya.” ’ Ngunit sinabi sa kaniya ng Diyos, ‘Ikaw na walang katuwiran, sa gabing ito ay kanilang hihingin sa iyo ang iyong kaluluwa. Kanino, kung gayon, mapapapunta ang mga bagay na ikinamalig mo?’ ”

Sa wakas, pinuna ni Jesus: “Ganiyan nga ang taong nag-iimbak ng kayamanan para sa kaniyang sarili ngunit hindi mayaman sa Diyos.” Bagama’t ang mga alagad ni Jesus ay maaaring hindi madaya ng kahangalan ng pagtitipon ng kayamanan, dahilan sa pang-araw-araw na intindihin sa buhay sila’y maaaring madaling maabala mula sa buong kaluluwang paglilingkod kay Jehova. Kaya gumamit si Jesus ng pagkakataon para ulitin ang mabuting payo na naibigay na niya may isang taon at kalahati na ang nakararaan sa Sermon sa Bundok. Bumaling sa kaniyang mga alagad, sinabi niya:

“Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong mangabalisa tungkol sa inyong mga kaluluwa na kung ano ang inyong kakanin o tungkol sa inyong mga katawan na kung ano ang inyong daramtin. . . . Wariin ninyo ang mga uwak na hindi sila naghahasik ni nag-aani man, at sila’y walang bangan o kamalig man, ngunit sila’y pinakakain ng Diyos. . . . Wariin ninyo ang mga lirio kung paano nagsisilaki; hindi sila nagpapagal o nagsusulid man; ngunit sinasabi ko sa inyo, Kahit si Solomon man sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakagayak na gaya ng isa nito. . . .

“Kaya’t huwag kayong mabahala sa kung ano ang inyong kakanin at kung ano ang inyong iinumin, at huwag na kayong mabalisa; sapagkat lahat ng ito ang mga bagay na masikap na pinaghahanap ng mga bansa, ngunit batid ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga bagay na ito. Gayunman, patuloy na hanapin ninyo ang kaniyang kaharian, at lahat ng mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”

Lalo na sa mga panahong mahirap ang buhay ang mga salita ni Jesus ay binibigyan ng matamang pag-iisip. Ang mga taong labis na nababahala tungkol sa kaniyang materyal na mga pangangailangan at nagsisimulang magpabaya sa kaniyang espirituwal na mga gawain ay, ang sa katotohanan, nagpapakita ng kakulangan ng pananampalataya sa kakayahan ng Diyos na maglaan para sa Kaniyang mga lingkod. Lucas 12:​1-31; Deuteronomio 21:17.

▪ Bakit, malamang na nagtanong ang lalaki ng tungkol sa mana, at anong babala ang ibinigay ni Jesus?

▪ Anong ilustrasyon ang ginamit ni Jesus, at ano ang pinatitingkad nito?

▪ Anong payo ang inulit ni Jesus, at bakit angkop iyon?