Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Unang mga Alagad ni Jesus

Ang Unang mga Alagad ni Jesus

Kapitulo 14

Ang Unang mga Alagad ni Jesus

PAGKARAAN ng 40 araw sa ilang, bumalik si Jesus kay Juan, na nagbautismo sa kaniya. Habang siya’y papalapit, sa wari’y itinuro siya ni Juan at bumulalas sa mga naroroon: “Narito, ang Kordero ng Diyos na umaalis ng kasalanan ng sanlibutan! Ito yaong tungkol sa kaniya’y sinabi ko, Sa hulihan ko’y dumarating ang isang lalaki na magiging una sa akin, sapagkat siya’y nabuhay nang una sa akin.” Bagaman si Juan ay mas matanda sa kaniyang pinsang si Jesus, alam ni Juan na si Jesus ay nabuhay nang una sa kaniya bilang isang espiritung persona sa langit.

Gayunman, ilang linggo ang kaagahan, nang si Jesus ay dumating upang pabautismo, waring hindi tiyak ni Juan na si Jesus ang magiging Mesiyas. “At siya’y hindi ko nakilala,” inamin ni Juan, “datapuwat upang siya’y mahayag sa Israel, dahil dito’y naparito ako na nagbabautismo sa tubig.”

Nagpatuloy si Juan ng pagpapaliwanag sa kaniyang mga tagapakinig sa nangyari nang bautismuhan niya si Jesus: “Namasdan ko ang espiritung bumababa na waring kalapati mula sa langit, at dumapo ito sa kaniya. Maging ako man ay di-nakakilala sa kaniya, kundi Siyang nagsugo sa aking magbautismo sa tubig ang nagsabi sa akin, ‘Sinuman siyang makita mong babaan at dapuan ng espiritu, siya nga ang babautismo sa banal na espiritu.’ At namasdan ko ito, at nagpatunay ako na ito nga ang Anak ng Diyos.”

Nang sumunod na araw si Juan ay nakatayo kasama ng kaniyang dalawang alagad. Muli, habang si Jesus ay papalapit, sinabi niya: “Narito, ang Kordero ng Diyos!” Dahil dito, ang dalawang alagad ni Juan Bautista ay sumunod kay Jesus. Ang isa sa kanila ay si Andres, at ang isa ay maliwanag na ang mismong taong sumulat ng mga bagay na ito, na tinawag ding Juan. Ang Juan na ito, sang-ayon sa mga palatandaan, ay pinsan din ni Jesus, waring dahilan sa pagiging anak ng kapatid ni Maria, na si Salome.

Nang lumingon at makitang sina Andres at Juan ay sumusunod sa kaniya, nagtanong si Jesus: “Ano ang inyong hinahanap?”

“Rabbi,” ang tanong nila, “saan ka tumitira?”

“Magsiparito kayo at inyong makikita,” ang sagot ni Jesus.

Noon ay mga alas kuwatro na ng hapon, at sina Andres at Juan ay sumama kay Jesus nang araw na yaon. Pagkaraan si Andres ay tuwang-tuwa kung kaya dali-dali niyang hinanap ang kaniyang kapatid, na si Pedro. “Nasumpungan namin ang Mesiyas,” ang sabi niya sa kaniya. At dinala niya si Pedro kay Jesus. Marahil kasabay niyaon ay natagpuan naman ni Juan ang kaniyang kapatid na si Santiago at dinala kay Jesus; gayunman, likas lamang na hindi na isinama ni Juan ang personal na impormasyong ito sa kaniyang Ebanghelyo.

Nang sumunod na araw, nasumpungan ni Jesus si Felipe, na taga-Bethsaida, ang lunsod na pinagmulan din nina Andres at Pedro. Inanyayahan niya siya: “Sumunod ka sa akin.”

Pagkatapos ay nasumpungan ni Felipe si Natanael, na tinatawag ding Bartolome, at sinabi: “Nasumpungan namin yaong isinulat ni Moises sa Kautusan, at gayundin sa Mga Propeta, si Jesus, ang anak ni Jose, na taga-Nasaret.” Alinlangan si Natanael. “Mangyayari bang lumitaw ang anumang magaling na bagay sa Nasaret?” ang tanong niya.

“Pumarito ka at tingnan mo,” ang giít ni Felipe. Nang sila’y patungo na kay Jesus, Sinabi ni Jesus tungkol kay Natanael: “Narito, ang isang tunay na Israelita, na sa kaniya’y walang daya.”

“Papaano mo ako nakilala?” Ang tanong ni Natanael.

“Bago ka tinawag ni Felipe, nang ikaw ay nasa ilalim ng punò ng igos, ay nakita kita,” ang sagot ni Jesus.

Humanga si Natanael. “Rabbi, [nangangahulugang Guro], ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel,” ang sabi niya.

“Dahil ba sa sinabi ko sa iyo na kita’y nakita sa ilalim ng punò ng igos kaya ka sumasampalataya?” ang tanong ni Jesus. “Makikita mo ang mga bagay na lalong dakila kaysa rito.” Pagkatapos ay ipinangako niya: “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Makikita ninyong bukás ang langit at ang mga anghel ng Diyos na nagmamanhik-manaog sa Anak ng tao.”

Karakaraka pagkatapos nito, nilisan ni Jesus, kasama ng kaniyang bagong kakukuhang mga alagad, ang Libis ng Jordan at naglakbay patungo sa Galilea. Juan 1:​29-51.

▪ Sinu-sino ang mga unang alagad ni Jesus?

▪ Papaano ipinakilala kay Jesus si Pedro, gayundin marahil si Santiago?

▪ Ano ang nakakumbinsi kay Natanael na talagang si Jesus ay Anak ng Diyos?