Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Buháy Na si Jesus!

Buháy Na si Jesus!

Kapitulo 128

Buháy Na si Jesus!

NANG matuklasan ng mga babae na wala nang laman ang pinaglibingan kay Jesus, si Maria Magdalena ay nagtatakbo upang sabihin iyon kay Pedro at kay Juan. Gayunman, ang mga ibang babae ay maliwanag na nanatili roon sa pinaglibingan. Di-nagtagal, isang anghel ang lumitaw at sila’y inanyayahan na pumasok sa loob.

Dito nakita ng mga babae ang isa pang anghel, at isa sa mga anghel ang nagsabi sa kanila: “Huwag kayong matakot, sapagkat batid ko na ang inyong hinahanap ay si Jesus na ibinayubay. Wala siya rito, sapagkat siya’y binuhay na, gaya ng sabi niya. Halikayo, tingnan ninyo ang lugar na kaniyang kinahimlayan. At pumaroon kayong madali at sabihin sa kaniyang mga alagad na siya’y binuhay na buhat sa mga patay.” Kaya taglay ang pagkatakot at malaking kagalakan, ang mga babaing ito ay nagsitakbo rin.

Sa mga sandaling ito, nakita na ni Maria si Pedro at si Juan, at kaniyang ibinalita sa kanila: “Kanilang kinuha ang Panginoon sa alaalang libingan at hindi namin alam kung saan siya inilagay.” Karakaraka ang dalawang apostol ay nagsitakbo. Si Juan ay mas mabilis tumakbo​—maliwanag na dahil sa nakababata—​at siya ang unang nakarating sa pinaglibingan. Nang mga sandaling ito ang mga babae ay nagsialis na, kaya walang sinuman na naroroon. Yumuko si Juan at sumilip sa pinaglibingan at nakita niya ang mga benda, subalit siya’y nanatili na roon sa labas.

Nang dumating si Pedro, siya’y hindi na nag-atubili kundi agad pumasok. Kaniyang nakita na naroroon ang mga benda at pati na ang panyo na ibinalot sa ulo ni Jesus. Iyon ay nakatiklop sa isang tabi. Si Juan ngayon ay pumasok na rin sa pinaglibingan, at siya’y naniwala sa ibinalita ni Maria. Ngunit hindi naintindihan ni Pedro o ni Juan na si Jesus ay binuhay na, bagaman Kaniyang malimit na sinasabi noon sa kanila na Siya’y bubuhayin. Nagugulumihanan ang dalawa kung kaya sila’y umuwi, subalit si Maria, na bumalik sa pinaglibingan, ay nanatili roon.

Samantala, ang ibang babae ay nagmamadalian upang ibalita sa mga alagad na si Jesus ay binuhay na, gaya ng iniutos sa kanila ng mga anghel na gawin. Samantalang sila’y nagtatakbuhan nang buong bilis ayon sa kaya nila, sila’y sinalubong ni Jesus at sa kanila’y sinabi: “Magandang araw!” Sila’y nagpatirapa sa kaniyang paanan, at nagpugay sa kaniya. Nang magkagayo’y sinabi ni Jesus: “Huwag kayong matakot! Humayo kayo, ibalita ninyo sa aking mga kapatid, upang sila’y magsipunta sa Galilea; at doo’y makikita nila ako.”

Maaga pa rito, nang maganap ang lindol at magpakita ang mga anghel, ang mga bantay na kawal ay nagitla at naging mistulang mga taong patay. Nang sila’y pagsaulian na ng malay, sila karakaraka ay naparoon sa lunsod at kanilang sinabi sa mga pangulong saserdote ang mga nangyari. Pagkatapos na komunsulta sa “nakatatandang mga lalaki” ng mga Judio, gumawa ng pasiya na huwag ipagmakaingay ang nangyaring iyon sa pamamagitan ng pagsuhol sa mga kawal. Sila’y pinagbilinan: “Sabihin ninyo, ‘Ang kaniyang mga alagad ay dumating nang kinagabihan at kanilang ninakaw ang kaniyang bangkay nang kami’y nangatutulog.’ ”

Yamang ang mga kawal na Romano ay maaaring parusahan ng kamatayan dahilan sa pagtulog kung sila’y nasa panunungkulan, ang mga saserdote ay nangako: “Kung ang [ulat ng inyong pagkatulog] na ito ay dumating sa pandinig ng gobernador, aming hihikayatin siya at kayo’y malilibre sa pag-aalala.” Palibhasa’y malaking halaga ang isinuhol, ginawa ng mga kawal ang sa kanila’y iniutos. Kaya naman, ang kasinungalingang pag-uulat tungkol sa pagnanakaw sa bangkay ni Jesus ay totoong lumaganap sa gitna ng mga Judio.

Si Maria Magdalena, na naiwanan pa rin sa libingan, ay nadaig ng paghihinagpis. Nasaan kaya si Jesus? Nang siya’y yumuko upang silipin ang pinaglibingan, kaniyang nakita ang dalawang anghel na nakaputi, na muling napakita! Ang isa ay nakaupo sa may ulunan at yaon namang isa ay sa may paanan ng kinahimlayan ng bangkay ni Jesus. “Babae, bakit ka tumatangis?” ang tanong nila.

“Kinuha nila ang aking Panginoon,” ang sagot ni Maria, “at hindi ko alam kung saan nila dinala.” Pagkatapos ay lumingon siya at nakita ang isa na umulit sa tanong na: “Babae, bakit ka tumatangis?” At ang isang ito ay nagtanong din: “Sino ang iyong hinahanap?”

Sa pag-aakalang ang taong ito ang tagapangalaga ng halamanan na kinaroroonan ng libingan, kaniyang sinabi rito: “Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa kaniya, sabihin mo sa akin kung saan mo dinala, at kukunin ko siya.”

“Maria!” ang sabi ng tao. At karakaraka’y nabatid niya, dahil sa kilalang-kilala niya ang estilo nito ng pakikipag-usap sa kaniya, na iyon ay si Jesus. “Rab·boʹni!” (na ang ibig sabihin “Guro!”) ang bulalas niya. At taglay ang di-masayod na kagalakan, siya’y dagling humawak sa kaniya. Subalit sinabi ni Jesus: “Huwag mo akong hipuin. Sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa Ama. Ngunit pumaroon ka sa aking mga kapatid at sabihin mo sa kanila, ‘Aakyat ako sa aking Ama at sa inyong Ama at sa aking Diyos at sa inyong Diyos.’ ”

Ngayon si Maria ay tumakbo sa kung saan nagtitipon ang mga apostol at mga kapuwa alagad. Kaniyang sinusugan ang ibinalita na ng ibang mga babae tungkol sa pagkakita sa binuhay-muling si Jesus. Subalit, ang mga lalaking ito, na hindi naniwala sa mga naunang babae ay hindi rin naman nagsipaniwala kay Maria. Mateo 28:​3-15; Marcos 16:​5-8; Lucas 24:​4-12; Juan 20:​2-18.

▪ Pagkatapos matuklasan na wala na ang bangkay sa pinaglibingan, ano ba ang ginawa ni Maria Magdalena, at ano ang karanasan ng mga ibang babae?

▪ Papaano kumilos si Pedro at si Juan nang matuklasan nila na wala nang laman ang pinaglibingan?

▪ Ano ba ang nakasagupa ng ibang babae nang sila’y patungo upang ibalita sa mga alagad ang pagkabuhay-muli ni Jesus?

▪ Ano ba ang nangyari sa bantay na kawal, at ano ang tugon sa kanilang pagbabalita sa mga saserdote?

▪ Ano ang nangyari nang si Maria Magdalena ay nag-iisa sa pinaglibingan, at ano ang tugon ng mga alagad sa mga ibinalita ng mga babae?