Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bumalik na Uli sa Capernaum

Bumalik na Uli sa Capernaum

Kapitulo 26

Bumalik na Uli sa Capernaum

NGAYON ay napatanyag na si Jesus, at maraming tao ang naglakbay sa mga liblib na lugar na kaniyang kinaroroonan. Datapuwat, pagkalipas ng mga ilang araw ay bumalik siya sa Capernaum malapit sa Dagat ng Galilea. Agad na kumalat ang balita sa lunsod na siya ay bumalik na uli, at marami ang dumalaw sa bahay na tinutuluyan niya. Ang mga Fariseo at mga guro ng Kautusan ay nanggaling buhat sa sinlayo ng Jerusalem.

Ganiyan na lamang karami ang tao na anupa’t wala nang maraanan sa may pintuan, at sa loob naman ay wala nang lugar para sa kaninuman. Talagang noon ay handa na ang lahat para sa isang pambihirang pangyayari. Ang nangyayari sa mga sandaling ito ay napakahalaga, sapagkat dito’y nakikita natin na si Jesus ay may kapangyarihan na alisin ang pinagmumulan ng kahirapan ng tao at ibalik ang kalusugan sa lahat ng magalingin niya.

Samantalang si Jesus ay nagtuturo sa karamihan, apat na lalaki ang nagdala sa bahay na iyon ng isang paralitiko na nasa isang higaan. Ibig nilang ang kanilang kaibigan ay pagalingin ni Jesus, ngunit dahilan sa karamihan ng tao, ay hindi sila makapasok. Tunay na nakasisira ng loob! Ngunit hindi sila umurong. Umakyat sila sa patag na bubong, kanilang binutasan iyon, at ang kinahihigaan ng lumpo ay kanilang ibinaba roon sa tabing-tabi ni Jesus.

Nagalit ba si Jesus dahilan sa ginawang iyon? Hindi! Sa halip, siya’y totoong humanga sa kanilang pananampalataya. Sinabi niya sa lumpo: “Ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad.” Subalit talaga kayang makapagpapatawad ng mga kasalanan si Jesus? Hindi ganoon ang iniisip ng mga eskriba at mga Fariseo. Kaya’t sila’y nangatuwiran sa kanilang puso: “Bakit ganitong magsalita ang taong ito? Siya’y namumusong. Sino ba ang makapagpapatawad sa mga kasalanan kundi ang Diyos lamang?”

Palibhasa’y alam ni Jesus ang kanilang iniisip, sinabi niya sa kanila: “Bakit nangag-iisip kayo ng masama sa inyong mga puso? Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa lumpo, ‘Ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad,’ o ang sabihin, ‘Tumindig ka at buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka’?”

Pagkatapos, hinayaan ni Jesus ang karamihan, kasama na ang mga namimintas sa kaniya, na makita ang isang pambihirang patotoo na magsisiwalat na siya’y may karapatang magpatawad ng mga kasalanan sa lupa at tunay na siya ang pinakadakilang tao na nabuhay. Bumaling siya sa lumpo at nag-utos: “Tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na.” At ganoon nga ang ginawa niya kaagad, lumakad na bitbit ang kaniyang higaan sa harap nilang lahat! Manghang-manghang pinuri ng mga tao ang Diyos at bumulalas: “Ngayon lamang kami nakakita ng ganito”!

Napansin mo ba na binanggit ni Jesus ang mga kasalanan may kaugnayan sa sakit at na ang pagpapatawad sa mga kasalanan ay may kaugnayan sa pagtatamo ng pisikal na kalusugan? Sang-ayon sa Bibliya ang ating unang magulang, si Adan, ay nagkasala at tayong lahat ay nagmana ng mga bunga ng kasalanang iyon, ang sakit at kamatayan. Subalit sa ilalim ng paghahari ng Kaharian ng Diyos, patatawarin ni Jesus ang kasalanan ng lahat ng umiibig sa Diyos at naglilingkod sa Kaniya, at kung magkagayon lahat ng sakit ay mawawala na. Anong pagkainam-inam niyan! Marcos 2:​1-12; Lucas 5:​17-26; Mateo 9:​1-8; Roma 5:​12, 17-19.

▪ Ano ba ang pinangyarihan ng isang tunay na pambihirang himala?

▪ Papaano nakarating kay Jesus ang lumpo?

▪ Bakit tayong lahat ay may kasalanan, ngunit papaano nagbigay si Jesus ng pag-asa na ang kapatawaran ng ating mga kasalanan at sakdal na kalusugan ay maaaring mangyari?