Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ikatlong Pagkakataon na Narinig ang Tinig ng Diyos

Ikatlong Pagkakataon na Narinig ang Tinig ng Diyos

Kapitulo 104

Ikatlong Pagkakataon na Narinig ang Tinig ng Diyos

SAMANTALANG nasa templo, naghihirap ang kalooban ni Jesus dahil sa kamatayan na malapit na niyang harapin. Ang pangunahing iniisip niya ay kung papaano maaapektuhan niyaon ang malinis na pangalan ng kaniyang Ama, kaya’t siya’y nanalangin: “Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.”

Kapagdaka, dumating ang isang makapangyarihang tinig buhat sa langit, na nagsasabi: “Niluwalhati ko na at luluwalhatiin ko uli.”

Ang karamihan ng mga taong nakatayo sa palibot ay nagulumihanan. “Isang anghel ang nakipag-usap sa kaniya,” ang sabi ng iba. Ang sabi naman ng iba ay kumulog daw. Subalit, ang totoo, ang Diyos na Jehova ang nagsalita! Gayunman, hindi ito ang unang pagkakataon na ang tinig ng Diyos ay narinig may kaugnayan kay Jesus.

Nang bautismuhan si Jesus, tatlo at kalahating taon na ang nakaraan, narinig ni Juan Bautista na sinabi ng Diyos tungkol kay Jesus: “Ito ang aking sinisintang Anak, na aking sinang-ayunan.” Nang magkagayon, pagkatapos ng naunang Paskuwa, nang si Jesus ay magbagong-anyo sa harap nila, sina Santiago, Juan, at Pedro ay nakarinig ng ipinahayag ng Diyos na: “Ito ang aking sinisintang Anak, na aking sinang-ayunan; makinig kayo sa kaniya.” At ngayon, sa ikatlong pagkakataon, noong Nisan 10, apat na araw bago mamatay si Jesus, muli na namang narinig ng mga tao ang tinig ng Diyos. Subalit sa pagkakataong ito si Jehova ay nagsalita upang marinig ng lubhang karamihan ng tao!

Ganito ang paliwanag ni Jesus: “Ang tinig na ito’y hindi dumating dahil sa akin, kundi dahil sa inyo.” Ito’y patotoo na si Jesus nga ay Anak ng Diyos, ang ipinangakong Mesiyas. “Ngayon ang paghatol sa sanlibutang ito,” ang patuloy ni Jesus, “ngayon ang prinsipe ng sanlibutang ito ay palalayasin.” Ang katapatan ni Jesus nang siya’y nabubuhay, sa katunayan, ang nagpapatunay na si Satanas na Diyablo, ang prinsipe ng sanlibutan, ay karapat-dapat na ‘palayasin,’ patayin.

Pagkatapos banggitin ang ibubunga ng kaniyang dumarating na kamatayan, si Jesus ay nagsabi: “At ako, kung ako’y mataas na mula sa lupa, ang lahat ng uring mga tao ay palalapitin ko sa akin.” Ang kaniyang kamatayan ay hinding-hindi isang pagkatalo, sapagkat sa pamamagitan nito, ang iba ay kaniyang palalapitin sa kaniya upang sila’y magtamasa ng buhay na walang-hanggan.

Subalit ang karamihan ng tao ay tumutol: “Aming narinig buhat sa Kautusan na ang Kristo ay lumalagi magpakailanman; at papaanong sinasabi mo na ang Anak ng tao’y kailangang mataas? Sino ba itong Anak ng taong ito?”

Sa kabila ng lahat ng katibayan, kasali na ang pagkarinig sa sariling tinig ng Diyos, karamihan ay hindi naniniwala na si Jesus ang tunay na Anak ng tao, ang ipinangakong Mesiyas. Subalit, gaya ng ginawa niya may anim na buwan na ang nakalipas doon sa Kapistahan ng mga Tabernakulo, muli na namang tinukoy ni Jesus ang kaniyang sarili bilang “ang ilaw” at pinalakas-loob ang kaniyang mga tagapakinig: “Samantalang nasa inyo ang ilaw, kayo’y magsisampalataya sa ilaw, upang kayo’y maging mga anak ng ilaw.” Pagkatapos na masabi ito, si Jesus ay humayo na at nagtago, marahil dahilan sa nanganganib ang kaniyang buhay.

Ang kawalan ng pananampalataya ng mga Judio kay Jesus ay tumutupad sa mga salita ni Isaias tungkol sa ‘mga mata ng mga tao na binulag at ang kanilang mga puso’y pinatigas para sila’y huwag makapagbalik-loob upang mapagaling.’ Sa pangitain ay nakita ni Isaias ang makalangit na dakong kinaroroonan ni Jehova, nang si Jesus ay naroroon pa sa kaluwalhatian kasama ni Jehova bago siya naging tao. Gayunman, ang mga Judio, bilang katuparan ng inihula ni Isaias, ay buong katigasan ng ulong tinanggihan ang ebidensiya na ang Isang ito ang ipinangakong Manunubos.

Sa kabilang panig, marami kahit na sa mga pinuno (marahil mga kagawad ng mataas na hukumang Judio, ang Sanedrin) ang aktuwal na nanampalataya kay Jesus. Si Nicodemo at si Jose ng Arimathea ang dalawa sa mga pinunong ito. Subalit ang mga pinuno, kahit man lamang sa kasalukuyan, ay hindi nagpahayag ng kanilang pananampalataya, sa takot nila na sila’y mapaalis sa kanilang mga katungkulan sa sinagoga. Anong laki ng nawala sa gayong mga tao!

Nagpatuloy si Jesus na nagsabi: “Ang sumasampalataya sa akin ay hindi lamang sa akin sumasampalataya, kundi sa kaniya rin na nagsugo sa akin; at ang nakakita sa akin ay nakakita rin sa kaniya na nagsugo sa akin. . . . Ngunit kung ang sinuman ay nakikinig sa aking pananalita at hindi naman ginagawa, hindi ko siya hinahatulan; sapagkat hindi ako naparito upang humatol sa sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan. . . . Ang salita na aking sinalita ang siyang hahatol sa kaniya sa huling araw.”

Ang pag-ibig ni Jehova sa sanlibutan ng sangkatauhan ang nagtulak sa kaniya na suguin si Jesus upang yaong mga may pananampalataya sa kaniya ay maligtas. Ang kaligtasan ng mga tao ay nakasalalay sa kung sila’y susunod sa mga bagay na itinagubilin ng Diyos kay Jesus na salitain. Ang paghatol ay magaganap “sa huling araw,” sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo.

Si Jesus ay nagtapos sa pagsasabi: “Hindi ako nagsalita mula sa aking sarili, kundi ang Ama na nagsugo sa akin na nagbigay sa akin ng isang utos tungkol sa kung ano ang dapat sabihin at kung ano ang dapat salitain. At, nalalaman ko na ang kaniyang utos ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan. Kaya ang mga bagay na sinasalita ko, ayon sa sinabi sa akin ng Ama, ganoon ko sinasalita.” Juan 12:28-50; 19:​38, 39; Mateo 3:​17; 17:​5; Isaias 6:​1, 8-10.

▪ Sa anong tatlong pagkakataon narinig ang tinig ng Diyos kung tungkol kay Jesus?

▪ Papaano nakita ni propeta Isaias ang kaluwalhatian ni Jesus?

▪ Sino ang mga pinuno na sumampalataya kay Jesus, subalit bakit nila hindi naipahayag siya nang hayagan?

▪ Ano “ang huling araw,” at sa anong saligan hahatulan ang mga tao sa panahong iyon?