Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Inilibing Nang Biyernes—Linggo’y Walang Laman ang Pinaglibingan

Inilibing Nang Biyernes—Linggo’y Walang Laman ang Pinaglibingan

Kapitulo 127

Inilibing Nang Biyernes​—Linggo’y Walang Laman ang Pinaglibingan

NGAYON ay Biyernes na ng hapon, at ang Sabbath ng Nisan 15 ay magsisimula paglubog ng araw. Ang bangkay ni Jesus ay nakalungayngay sa pagkabitin sa tulos, subalit ang dalawang magnanakaw sa magkabilang tabi niya ay buháy pa. Ang hapon ng Biyernes ay tinatawag na Paghahanda sapagkat ito ay panahon na ang mga tao’y naghahanda ng pagkain at tinatapos ang anumang gawaing kailangang matapos bago sumapit ang Sabbath.

Ang Sabbath na noo’y malapit nang magsimula ay hindi lamang isang regular na Sabbath (ang ikapitong araw ng sanlinggo), kundi isa ring doblehan, o “dakila,” na Sabbath. Ito ang tawag doon sapagkat ang Nisan 15, na siyang unang araw ng pitong-araw na Kapistahan ng Tinapay na Walang-Lebadura (at laging isang Sabbath, anumang araw ng sanlinggo iyon), ay pumapatak sa kaparehong araw ng regular na Sabbath.

Sang-ayon sa Kautusan ng Diyos, ang mga bangkay ay hindi dapat iwanang nakabayubay sa tulos nang magdamag. Kaya hiniling ng mga Judio kay Pilato na ang pagkamatay ng mga binibitay ay pabilisin sa pamamagitan ng pagbali sa kanilang mga paa. Sa gayon, binali ng mga kawal ang mga paa ng dalawang magnanakaw. Subalit dahilan sa mukhang patay na si Jesus, ang kaniyang mga paa ay hindi binali. Ito’y katuparan ng kasulatan: “Walang isa mang buto niya ang madudurog.”

Gayunman, upang alisin ang anumang duda na si Jesus ay talagang patay, isa sa mga kawal ang sumibat sa kaniyang tagiliran. Ang sibat ay tumusok sa lugar ng kaniyang puso, at karakaraka’y may lumabas na dugo at tubig. Si apostol Juan, na isang nakasaksi, ay nag-uulat na ito’y katuparan ng isa pang kasulatan: “Kanilang mamasdan ang Isa na kanilang tinusok.”

Nang maganap ang pagbitay ay naroroon din si Jose na tagasiyudad ng Arimatea, isang kagalang-galang na kagawad ng Sanedrin. Siya’y tumangging bumoto na pabor sa di-makatarungang hatol ng mataas na hukuman laban kay Jesus. Si Jose ay aktuwal na isang alagad ni Jesus, bagaman natatakot siyang ipakilala ang kaniyang sarili na gayon nga. Gayunman, ngayon ay gumamit siya ng lakas ng loob at naparoon kay Pilato upang hingin ang bangkay ni Jesus. Ipinatawag ni Pilato ang opisyal ng hukbo na nangangasiwa, at pagkatapos na patunayan ng opisyal na patay na si Jesus, ang bangkay ay ipinadala ni Pilato.

Kinuha ni Jose ang bangkay at binalot iyon ng malinis na pinong lino upang ihanda iyon sa paglilibing. Siya’y tinulungan ni Nicodemo, isa pang kagawad ng Sanedrin. Si Nicodemo ay hindi rin nagpahayag ng kaniyang pananampalataya kay Jesus dahilan sa takot na mawalan ng kaniyang puwesto. Subalit ngayon siya’y nagdala ng isang rolyong may humigit-kumulang tatlumpu’t tatlong kilong mira at mamahaling mga aloe. Ang bangkay ni Jesus ay binalot ng mga benda na may mga pabangong ito, tulad ng paraan ng mga Judio ayon sa kaugalian na paghahanda ng mga bangkay upang ilibing.

Ang bangkay ay inilagay ngayon sa bagong alaalang libingan ni Jose na inuka sa batuhan sa karatig na halamanan. Sa katapus-tapusan, isang malaking bato ang pinagulong hanggang sa harap ng pinaglibingan. Upang maganap ang paglilibing bago dumating ang Sabbath, ang paghahanda ng bangkay ay minadali. Sa gayon, si Maria Magdalena at si Maria na ina ni Santiagong Bata, na marahil tumutulong sa paghahanda, ay dali-daling umuwi sa kanila upang maghanda ng higit pang mga pabango at mabangong langis. Pagkatapos ng Sabbath, balak nila ay ipagpatuloy pa ang pag-aayos sa bangkay ni Jesus upang mapanatili iyon sa loob ng isang mahaba-habang yugto ng panahon.

Kinabukasan, Sabado (ang Sabbath), ang mga punong saserdote at ang mga Fariseo ay naparoon kay Pilato at nagsabi: “Ginoo, naalaala namin ang sinabi ng sinungaling na iyan nang siya’y buháy pa, ‘Pagkalipas ng tatlong araw ako’y bubuhayin.’ Kaya ipag-utos mo na ang pinaglibingan ay huwag matinag hanggang sa ikatlong araw, upang ang kaniyang mga alagad ay huwag pumarito at nakawin siya at sabihin sa mga tao, ‘Siya’y binuhay buhat sa mga patay!’ at ang huling pagpapanggap na ito ay magiging masama pa kaysa una.”

“Kayo’y may bantay,” ang sagot ni Pilato. “Pumaroon kayo at gawin ninyo yaon na panatag gaya ng alam ninyo.” Kaya’t sila’y pumaroon at ang pinaglibingan ay pinatibay sa pamamagitan ng mahigpit na batong pansara at paglalagay ng mga kawal Romano bilang mga bantay.

Noong Linggo ng umaga, si Maria Magdalena at si Maria na ina ni Santiago, kasama si Salome, Joanna, at iba pang mga babae, ay nagdala ng pabango sa libingan upang gamitin sa bangkay ni Jesus. Samantalang sila’y papunta roon sinabi nila sa isa’t isa: “Sino ang magpapagulong ng bato upang maalis sa pinto ng alaalang libingan?” Subalit nang dumating, kanilang nakita na isang lindol ang naganap at ang anghel ni Jehova ang nagpagulong ng bato upang maalis. Wala na ang mga bantay, at walang laman ang pinaglibingan! Mateo 27:​57–​28:​2; Marcos 15:​42–​16:​4; Lucas 23:​50–​24:​3, 10; Juan 19:​14, Ju 19:31–​20:​1; Ju 12:​42; Levitico 23:​5-7; Deuteronomio 21:​22, 23; Awit 34:​20; Zacarias 12:10.

▪ Bakit ang Biyernes ay tinatawag na Paghahanda, at ano ba ang isang “dakilang” Sabbath?

▪ Anong mga kasulatan ang natupad may kaugnayan sa bangkay ni Jesus?

▪ Ano ba ang kinalaman ni Jose at ni Nicodemo sa paglilibing kay Jesus, at ano ang kanilang kaugnayan kay Jesus?

▪ Ano ang hiniling ng mga saserdote kay Pilato, at papaano siya tumugon?

▪ Ano ang naganap noong Linggo ng umaga?