Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Bansang Napahamak, Ngunit Hindi Lahat

Isang Bansang Napahamak, Ngunit Hindi Lahat

Kapitulo 79

Isang Bansang Napahamak, Ngunit Hindi Lahat

DI-NAGTAGAL pagkatapos na magpaliwanag si Jesus sa mga taong nagtipon sa labas ng bahay ng isang Fariseo, mayroong mga nagsabi sa kaniya ng “tungkol sa mga Galileo na ang dugo ng mga ito’y inihalo ni Pilato [na Romanong gobernador na si Poncio] sa mga hain nila.” Ang mga Galileong ito ang marahil siyang mga nangasawi nang libu-libong mga Judio ang nagprotesta sa paggamit ni Pilato ng salapi na galing sa kabang-yaman ng templo upang gumawa ng isang paagusan ng tubig na maghahatid ng tubig sa Jerusalem. Yaong mga nagbabalita kay Jesus ng bagay na ito ay marahil nagpapahiwatig na ang mga Galileo’y dumanas ng kapahamakang iyon dahilan sa kanilang sariling masasamang gawa.

Subalit, sila’y itinuwid ni Jesus, na nagsabi: “Inaakala baga ninyo na ang mga Galileong ito ay higit ang pagkamakasalanan kaysa lahat ng iba pang mga Galileo dahil sa sila’y dumanas ng mga bagay na ito? Hindi nga,” ang sagot ni Jesus. Pagkatapos ay ginamit niya ang insidenteng iyon upang paalalahanan ang mga Judio: “Malibang kayo’y mangagsisi, kayong lahat ay mangapapahamak din.”

Sa pagpapatuloy, naalaala ni Jesus ang isa pang nangyari roon na kasawian, marahil ay may kaugnayan din sa pagtatayo ng paagusan ng tubig. Siya’y nagtanong: “O yaong labingwalo na nabagsakan ng moog sa Siloam, at nangamatay, inaakala baga ninyo na sila’y lalong salarin kaysa lahat ng iba pang mga taong nananahan sa Jerusalem?” Hindi, hindi dahilan sa kasamaan ng mga taong ito kung kaya nangyari na sila’y mangamatay, ang sabi ni Jesus. Bagkus, ang ‘panahon at di-inaasahang pangyayari’ ang karaniwan nang sanhi ng gayong mga kasawian. Gayumpaman, minsan pang ginamit ni Jesus ang okasyong iyon upang magpaalaala: “Datapuwat, malibang kayo’y mangagsisi, kayo’y mamamatay na lahat sa ganoon ding paraan.”

Pagkatapos ay nagpatuloy na nagbigay si Jesus ng isang angkop na ilustrasyon, na nagpapaliwanag: “Isang tao ang may punong igos na nakatanim sa kaniyang ubasan, siya’y naparoon at humanap ng bunga roon, ngunit walang natagpuan. At sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Narito, tatlong taon nang pumaparito ako na humahanap ng bunga sa puno ng igos na ito, ngunit wala akong masumpungan. Putulin mo! Bakit nga papayagan itong walang pakinabang sa lupa?’ Bilang tugon ay sinabi niya, ‘Panginoon, pabayaan mo muna hanggang sa taóng ito, hanggang sa mahukayan ko ang palibot at malagyan ng pataba; at kung pagkatapos ay magbubunga, magaling; subalit kung hindi, putulin mo na.’ ”

Si Jesus ay nagsikap nang mahigit na tatlong taon upang paunlarin ang pananampalataya ng mga nasa bansang Judio. Subalit ilang daan lamang mga alagad ang maituturing na bunga ng kaniyang pagpapagal. Ngayon, sa ikaapat na taon ng kaniyang ministeryo, kaniyang pinag-ibayo ang kaniyang mga pagsisikap, sa simbolikong pangungusap ay hinukayan niya at nilagyan ng pataba ang palibot ng punong igos na Judio sa pamamagitan ng masigasig na pangangaral at pagtuturo sa Judea at Perea. Subalit naging walang kabuluhan! Ang bansa ay tumangging magsisi at sa gayo’y napahanay na mapuksa. Isang nalabi lamang ng bansa ang tumugon.

Hindi nagtagal pagkatapos noon si Jesus ay nagturo sa isang sinagoga sa araw ng Sabbath. Doon ay nakita niya ang isang babae na, dahilan sa pinahirapan ng isang demonyo, ay lubhang nakabaluktot sa loob ng 18 taon. Si Jesus ay nahabag at ang sabi sa kaniya: “Babae, kalag ka na sa iyong sakit.” Kasabay nito’y kaniyang pinatungan siya ng kaniyang mga kamay, at agad-agad siya’y tumindig nang tuwid at nagsimulang lumuwalhati sa Diyos.

Gayunman, ang pinuno sa sinagoga ay nagalit. “May anim na araw na dapat magtrabaho,” ang may pagtutol na sabi niya. “Kaya, sa mga araw na iyan, magsiparito kayo at kayo’y pagagalingin, at huwag sa araw ng Sabbath.” Sa ganito’y kinilala ng pinuno ang kapangyarihan ni Jesus na magpagaling subalit kaniyang hinatulan ang mga tao dahil sa pagpunta nila doon upang pagalingin sa araw ng Sabbath!

“Kayong mga mapagpaimbabaw,” ang sagot ni Jesus, “hindi baga kinakalagan ng bawat isa sa inyo kung sabbath ang kaniyang bakang lalaki o ang kaniyang asno sa sabsaban at ito’y inilalabas upang painumin? At ang babaing itong anak ni Abraham, na tinalian ni Satanas, narito! sa loob ng labingwalong taon, hindi ba dapat kalagan ng taling ito sa araw ng sabbath?”

Ngayon, nang marinig ito, yaong mga sumasalansang kay Jesus ay nangapahiya. Datapuwat, ang karamihan ay nangagalak dahil sa lahat ng maluwalhating bagay na kanilang nakitang ginawa ni Jesus. Bilang tugon ay inulit ni Jesus ang dalawang makahulang ilustrasyon tungkol sa Kaharian ng Diyos, na kaniyang ipinahayag na sa kanila nang sila’y nakasakay sa isang bangka na naglalayag sa Dagat ng Galilea mga isang taon na ang nakalipas. Lucas 13:​1-21; Eclesiastes 9:11; Mateo 13:​31-33.

▪ Anong mga kapahamakan ang dito’y binanggit, at anong aral ang kinuha ni Jesus buhat sa mga ito?

▪ Paano maikakapit ang ilustrasyon tungkol sa di-namumungang punong igos, at gayundin ang pagtatangka na iyon ay pagbungahin?

▪ Paano kinilala ng pinuno ang kakayahan ni Jesus na magpagaling, ngunit paano inilantad ni Jesus ang pagpapaimbabaw ng taong iyon?