Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Nagkawanggawang Samaritano

Isang Nagkawanggawang Samaritano

Kapitulo 73

Isang Nagkawanggawang Samaritano

SI Jesus ay marahil malapit sa Betania, isang nayon na humigit-kumulang tatlong kilometro ang layo sa Jerusalem. Isang lalaki na dalubhasa sa Kautusan ni Moises ang lumapit sa kaniya at nagtanong: “Guro, sa pamamagitan ng paggawa ng ano magmamana ako ng buhay na walang-hanggan?”

Nahalata ni Jesus na ang lalaki, isang abogado, ay nagtatanong hindi ng impormasyon kundi, sa halip, dahil ibig niyang subukin si Jesus. Ang layunin ng abogado ay marahil mapasagot niya si Jesus sa paraan na magdaramdam ang mga Judio. Kaya’t nagawa ni Jesus na ang abogado ay lumitaw ang pangmalas, sa pagtatanong dito: “Ano ang nasusulat sa Kautusan? Ano ang nababasa mo?”

Bilang tugon, ang abogado, na gumamit ng pambihirang unawa, ay sumipi sa mga kautusan ng Diyos sa Deuteronomio 6:5 at Levitico 19:​18, na ang sabi: “ ‘Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos ng iyong buong puso at ng iyong buong kaluluwa at ng iyong buong lakas at ng iyong buong isip,’ at, ‘ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.’ ”

“Tama ang sagot mo,” ang tugon ni Jesus. “Patuloy na gawin mo ito at ikaw ay magkakamit ng buhay.”

Gayunman, ang abogado ay hindi pa nasiyahan. Ang sagot ni Jesus ay hindi naman gaanong espesipiko para sa kaniya. Ibig niyang patunayan ni Jesus na ang kaniyang sariling mga kuru-kuro ay tama at sa gayo’y matuwid siya sa kaniyang pakikitungo sa iba. Kaya, siya’y nagtanong: “Sino bang talaga ang aking kapuwa?”

Ang mga Judio’y naniniwala na ang terminong “kapuwa” ay kumakapit lamang sa mga kapuwa Judio, gaya ng waring ipinakikita ng konteksto ng Levitico 19:18. Sa katunayan, nang maglaon kahit na si apostol Pedro ay nagsabi: “Alam na alam ninyo na hindi matuwid para sa isang Judio na makisama o lumapit sa isang taong may ibang lahi.” Kaya’t ang abogado, at marahil pati na rin ang mga alagad ni Jesus, ay naniniwala na sila’y matuwid kung ang tanging pakikitunguhan nila nang may kabaitan ay ang kanilang mga kapuwa Judio lamang, palibhasa, sa kanilang paniniwala, ang mga taong di-Judio ay hindi naman talagang mga kapuwa nila.

Paano maitutuwid ni Jesus ang kanilang mga paniwala nang hindi magdaramdam ang kaniyang mga tagapakinig? Siya ay naglahad ng kuwento, marahil batay sa isang aktuwal na pangyayari. “Isang [Judio],” ang sabi ni Jesus, “ang bumababa sa Jericho galing sa Jerusalem at siya’y nahulog sa kamay ng mga tulisan, na naghubad at gumulpi sa kanya, at nagsialis, iniwan siya na halos patay na.”

“Ngayon, nagkataon naman,” ang patuloy na paglalahad ni Jesus, “isang saserdote ang sadaraan doon, ngunit, nang kaniyang makita ang taong iyon, siya’y lumipat sa kabilang tabi. Gayundin, isang Levita naman, na nang dumaan siya sa daang iyon at nakita niya ito ay lumipat sa kabilang tabi. Subalit isang Samaritano na dumaraan sa daang iyon ang dumating sa kaniya at nang makita siya, nabagbag ang damdamin dahil sa pagkaawa.”

Maraming mga saserdote at kani-kanilang mga katulong sa templo na Levita ang naninirahan sa Jericho, may layong 23 kilometro at 900 metrong palusong sa isang mapanganib na daan pagka sila’y naglilingkod sa templo sa Jerusalem. Ang saserdote at ang Levita ay maaasahan na tutulong sa kanilang kapuwa Judio na nasa kahirapan. Subalit hindi sila tumulong. Sa halip, isang Samaritano ang tumulong. Ganiyan na lamang ang poot ng mga Judio sa mga Samaritano anupa’t kamakailan kanilang ininsulto si Jesus sa matitinding pananalita sa pamamagitan ng pagkakabit sa kaniya ng tawag na “isang Samaritano.”

Ano ang ginawa ng Samaritano upang tulungan ang Judio? “Kaniyang nilapitan ito,” ang sabi ni Jesus, “at tinalian ang kaniyang mga sugat, at binuhusan iyon ng langis at alak. Pagkatapos ay kaniyang isinakay ito sa kaniyang sariling hayop at dinala sa bahay-tuluyan at inalagaan. At kinabukasan ay dumukot siya ng dalawang denaryo [na dalawang araw na kita], ibinigay iyon sa katiwala ng bahay-tuluyan, at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at ang anumang magugol mong higit, aking babayaran sa iyo pagbalik ko rito.’ ”

Pagkatapos na ilahad ang kuwento, tinanong ni Jesus ang abogado: “Sino sa tatlong ito ang sa palagay mo ay nagpakilalang kapuwa ng taong nahulog sa mga kamay ng mga tulisan?”

Palibhasa’y hindi niya maatim na ang kapurihan ay ibigay sa isang Samaritano, sumagot lamang ang abogado ng ganito: “Yaong isa na nagkawanggawa sa kaniya.”

“Humayo ka at gayundin ang gawin mo,” ang sabi ni Jesus.

Kung tuwirang sinabi ni Jesus sa abogado na ang mga di-Judio ay kapuwa tao rin niya, hindi lamang marahil tatanggihan ito ng taong iyon kundi karamihan ng mga naroroong nakikinig ay marahil kakampi sa kaniya sa pakikipag-usap na iyon kay Jesus. Gayunman, ang istoryang ito sa tunay na buhay ay nagbigay-linaw sa hindi matututulang paraan na kasali sa ating mga kapuwa yaong mga taong hindi natin kalahi at kabansa. Anong kahanga-hangang paraan ang pagtuturo ni Jesus! Lucas 10:​25-37; Gawa 10:28; Juan 4:​9; 8:48.

▪ Anong mga tanong ang iniharap kay Jesus ng abogado, at ano ang maliwanag na layunin niya sa pagtatanong?

▪ Sino ayon sa paniwala ng mga Judio ang kanilang kapuwa, at anong dahilan mayroon upang maniwala na kahit ang mga alagad ay mayroon ding ganitong paniniwala?

▪ Paano iniharap ni Jesus ang tamang pangmalas na anupa’t hindi matututulan iyon ng abogado?