Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Pangitain ng Kaluwalhatian ng Kaharian ni Kristo

Isang Pangitain ng Kaluwalhatian ng Kaharian ni Kristo

Kapitulo 60

Isang Pangitain ng Kaluwalhatian ng Kaharian ni Kristo

SI Jesus ay nakarating sa bahagi ng Cesarea Filipos, at siya’y nagtuturo sa isang lubhang karamihan ng tao na kinabibilangan ng kaniyang mga apostol. Siya’y nagpahayag sa kanila ng ganitong kagila-gilalas na pangungusap: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na may ilan na nangakatayo rito na hindi titikim ng kamatayan sa anumang paraan hanggang sa kanilang makita muna ang Anak ng tao na pumaparito sa kaniyang kaharian.”

‘Ano kaya ang ibig sabihin ni Jesus?’ ang pagtataka marahil ng mga alagad. Mga isang linggo ang nakaraan, ipinagsama ni Jesus sina Pedro, Santiago, at Juan, at sila’y umakyat sa isang mataas na bundok. Marahil iyon ay kinagabihan, yamang ang mga alagad ay nangag-aantok. Samantalang nananalangin si Jesus, siya ay nagbagong-anyo sa harap nila. Ang kaniyang mukha ay naging kasinliwanag ng araw, at ang kaniyang mga kasuotan ay pumuting katulad sa ilaw.

Pagkatapos, may dalawa, na makikilalang sina “Moises at Elias,” ang lumitaw at nagsimulang makipag-usap kay Jesus tungkol sa kaniyang ‘paglisan na magaganap sa Jerusalem.’ Maliwanag na ang paglisan ay tumutukoy sa kamatayan ni Jesus at pagkatapos ay ang kaniyang pagkabuhay-muli. Samakatuwid, ang pag-uusap na ito ay nagpapatunay na ang kaniyang abang kamatayan ay hindi isang bagay na dapat iwasan, gaya ng ibig na mangyari ni Pedro.

Lubusang nagising na ngayon, ang mga alagad ay nagmasid at nakinig nang may buong pagtataka. Bagama’t ito ay isang pangitain, para bang tunay na tunay ito na anupa’t si Pedro ay nagsimulang sumali sa eksenang iyon, at nagsabi: “Panginoon, mabuti sa atin ang tayo’y dumito. Kung ibig mo, ako’y gagawa rito ng tatlong tabernakulo, isa ang sa iyo at isa ang kay Moises at isa ang kay Elias.”

Habang si Pedro ay nagsasalita, isang maningning na alapaap ang lumilim sa kanila, at isang tinig buhat sa alapaap ang nagsabi: “Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan; siya ang inyong pakinggan.” Pagkarinig nila sa tinig, ang mga alagad ay nagpatirapa. Subalit sinabi ni Jesus: “Magsitindig kayo at huwag matakot.” Nang kanilang gawin nga iyon, sila’y walang nakitang sinuman maliban kay Jesus.

Sa kanilang pagbaba sa bundok kinabukasan, iniutos ni Jesus: “Huwag ninyong sabihin sa kaninumang tao ang pangitain, hanggang sa ang Anak ng tao ay ibangon sa mga patay.” Dahil sa si Elias ay naroon sa pangitain, isang tanong ang bumangon sa isip ng mga alagad. “Bakit nga,” ang tanong nila, “sinasabi ng mga eskriba na kinakailangang pumarito muna si Elias?”

“Pumarito na si Elias,” ang sabi ni Jesus, “at hindi nila siya nakilala.” Subalit, ang tinutukoy ni Jesus ay si Juan Bautista, na tumupad ng isang papel na nahahawig sa ginampanang papel ni Elias. Si Juan ang naghanda ng daan para sa Kristo, gaya rin ni Elias na naghanda ng daan para kay Eliseo.

Anong laking pampatibay-loob ang pangitaing ito, kapuwa kay Jesus at sa mga alagad! Ang pangitain ay, wika nga, isang patiunang pagpapakita ng kaluwalhatian ng Kaharian ni Kristo. Sa katunayan, nakita ng mga alagad “ang Anak ng tao na pumaparito sa kaniyang kaharian,” gaya ng ipinangako ni Jesus may isang linggo bago noon. Pagkamatay ni Jesus, si Pedro ay sumulat tungkol sa kanilang ‘pagiging mga saksi sa kaluwalhatian ni Kristo samantalang sila’y kasa-kasama niya sa banal na bundok.’

Ang mga Fariseo ay humingi kay Jesus ng tanda upang patunayan na siya ang ipinangako sa Kasulatan na magiging piniling Hari ng Diyos. Sila’y hindi binigyan ng gayong tanda. Sa kabilang panig, ang matalik na mga alagad ni Jesus ay pinayagan na kanilang makita ang pagbabagong-anyo ni Jesus bilang pagpapatunay sa mga hula ng Kaharian. Kaya naman, nang malaunan ay sumulat si Pedro: “Kaya kami ay mayroong lalong panatag na salita ng hula.” Mateo 16:13, Mat 16:28–​17:13; Marcos 9:1-13; Lucas 9:27-37; 2 Pedro 1:16-19.

▪ Bago makatikim ng kamatayan, papaano nakita ng ilan si Kristo na pumaparito sa kaniyang Kaharian?

▪ Sa pangitain, ano ba ang pinag-uusapan nina Moises at Elias at ni Jesus?

▪ Bakit ang pangitaing ito ay isang malaking tulong na nagpalakas sa mga alagad?