Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Tampulan ng Pagtatalo

Isang Tampulan ng Pagtatalo

Kapitulo 41

Isang Tampulan ng Pagtatalo

DI PA nagtatagal pagkatapos na siya’y naging bisita sa tahanan ni Simon, si Jesus ay nagsimula ng pangalawang paglalakbay sa Galilea sa kaniyang pangangaral. Sa kaniyang nauna ritong paglalakbay sa teritoryo, kasa-kasama niya ang kaniyang unang mga disipulo, si Pedro, si Andres, si Santiago, at si Juan. Subalit ngayon ang 12 apostol, at mayroon pa ring mga ilang babae ang sumama sa kaniya. Kasali na rito sina Maria Magdalena, Susana, at si Juana, na ang asawa ay isang opisyal ni Haring Herodes.

Habang ang bilis ng ministeryo ni Jesus ay tumitindi, ganoon din ang pagtatalo tungkol sa kaniyang gawain. Isang lalaking inaalihan ng demonyo, na bulag din naman at pipi, ang dinala kay Jesus. Nang siya’y pagalingin ni Jesus, at siya’y nakalaya na sa kapangyarihan ng demonyo at nakapagsasalita na at nakakakita, ganiyan na lamang ang pagtataka ng karamihan ng tao. Kanilang sinabi: “Hindi kaya ito ang Anak ni David?”

Pinagkulumpunan ng maraming tao ang bahay na tinutuluyan ni Jesus kung kaya’t siya at ang kaniyang mga alagad ay hindi man lamang makakain. Bukod doon sa mga naniniwalang baka siya ang ipinangakong “Anak ni David,” mayroon pang mga eskriba at Fariseo na nagsipanggaling pa sa Jerusalem upang manirà sa kaniya. Nang mabalitaan ng mga kamag-anak ni Jesus ang gulo na may kaugnayan kay Jesus, sila’y naparoon upang kaunin siya. Sa anong dahilan?

Bueno, noon ay hindi pa naniniwala kahit ang sariling mga kapatid ni Jesus na siya ay Anak ng Diyos. At, ang gulo at kaingay sa madla na kaniyang nilikha ay lubusang hindi nila nakita kay Jesus na kanilang kilala nang siya’y lumalaki pa noon sa Nazaret. Kaya naman, may paniwala sila na si Jesus ay may malubhang diperensiya sa isip. “Siya’y nasisiraan na ng isip,” ang sabi nila, at ibig nilang sunggaban siya at ipagsama.

Subalit malinaw ang katibayan na pinagaling ni Jesus ang taong inaalihan ng demonyo. Batid ng mga eskriba at mga Fariseo na hindi nila maaaring itatuwa ang katotohanang ito. Kaya’t upang siraan si Jesus ay kanilang sinabi sa mga tao: “Ang taong ito ay hindi nagpapalabas ng mga demonyo kundi sa pamamagitan ni Beelzebub, ang hari ng mga demonyo.”

Palibhasa’y batid ni Jesus ang kanilang kaisipan, tinawag niya ang mga eskriba at mga Fariseo at sinabi niya: “Bawat kaharian na nababahagi laban sa sarili ay magigiba, at bawat lunsod o bahay na nababahagi sa sarili ay hindi tatayo. Ganoon din naman, kung si Satanas ang magpalabas kay Satanas, siya’y nababahagi laban sa kaniyang sarili; papaano nga, kung gayon, tatayo ang kaniyang kaharian?”

Anong nakapagwawasak na lohika nga! Yamang sinasabi ng mga Fariseo na mga taong mga kasamahan din nila ang nakapagpalabas ng mga demonyo, si Jesus ay nagtanong naman: “Kung ako’y nagpapalabas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub, sa pamamagitan naman nino nagpapalabas ang inyong mga anak?” Sa ibang pananalita, ang kanilang bintang kay Jesus ay dapat din namang ikapit sa kanila gaya sa kaniya. Pagkatapos ay nagbabala naman si Jesus: “Ngunit kung sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos nagpapalabas ako ng mga demonyo, tunay na dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos.”

Upang ipakita na ang pagpapalabas na ito ng mga demonyo ay katunayan ng kaniyang kapangyarihan kay Satanas, sinabi ni Jesus: “Papaano bagang makapapasok ang sinuman sa bahay ng malakas na tao at sasamsamin ang kaniyang mga nadadalang pag-aari, kung hindi muna igagapos ang taong malakas? At kung magkagayo’y saka niya masasamsaman ang bahay niyaon. Siyang hindi sumasa-aking panig ay laban sa akin, at siyang hindi nagtitipon na kasama ko ay nagsasambulat.” Maliwanag na ang mga Fariseo ay laban kay Jesus, na nagpapakilala na sila’y mga ahente ni Satanas. Kanilang pinasasambulat ang mga Israelita upang mapalayo sa kaniya.

Kaya naman, pinaalalahanan ni Jesus ang mga maka-Satanas na mananalansang na ito na “ang pamumusong laban sa espiritu ay hindi patatawarin.” Kaniyang ipinaliwanag: “Sinumang magsalita laban sa Anak ng tao, iyon ay ipatatawad sa kaniya; ngunit sinumang magsalita laban sa banal na espiritu, yaon ay hindi ipatatawad sa kaniya, hindi nga, maging sa sistemang ito ng mga bagay ni doon man sa darating.” Ang mga eskriba at mga Fariseong iyon ay nakagawa ng pagkakasalang walang kapatawaran dahil sa malisyosong pagsasabi na si Satanas ang may gawa ng isang himalang maliwanag na gawa ng banal na espiritu ng Diyos. Mateo 12:22-32; Marcos 3:19-30; Juan 7:5.

▪ Papaanong ang ikalawang paglalakbay ni Jesus sa Galilea ay naiiba sa una?

▪ Bakit pinagtangkaan ng mga kamag-anak ni Jesus na sunggaban siya?

▪ Papaano tinangka ng mga Fariseo na siraan si Jesus sa kaniyang mga himala, at papaano sila binara ni Jesus?

▪ Ano ang pagkakasala ng mga Fariseong iyon, at bakit?