Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isinilang ang Tagapaghanda ng Daan

Isinilang ang Tagapaghanda ng Daan

Kapitulo 3

Isinilang ang Tagapaghanda ng Daan

KAGAMPANG-KAGAMPAN na si Elizabeth. Sa nakalipas na tatlong buwan na ito, si Maria ay kapiling niya. Subalit ngayon ay panahon na para magpaalam si Maria at maglakbay nang malayo pauwi sa Nasaret. Sa loob ng mga anim na buwan siya man ay manganganak na rin.

Hindi nagtagal pagkatapos na lumisan si Maria, si Elizabeth ay nanganak. Kaylaking kagalakan nang siya’y maluwalhating nakapanganak at si Elizabeth at ang kaniyang sanggol ay nasa mabuting kalagayan! Nang ipakita ni Elizabeth ang munting sanggol sa kaniyang mga kalapitbahay at sa mga kamag-anak, sila man ay nakigalak na kasama niya.

Sang-ayon sa Kautusan ng Diyos, makalipas ang walong araw pagkapanganak sa isang sanggol na lalaki sa Israel, siya ay kailangang tuliin. Sa pagkakataong ito ay dumalaw ang mga kaibigan at mga kamag-anak. Kanilang sinabi na ang pangalan ng sanggol ay dapat isunod sa pangalan ng kaniyang ama, si Zacarias. Subalit si Elizabeth ay sumagot. “Hindi gayon!” aniya, “kundi siya’y tatawaging Juan.” Tandaan, iyan ang pangalan na sinabi ng anghel na si Gabriel na dapat ibigay sa sanggol.

Datapuwat, tumutol ang kanilang mga kaibigan: “Wala sa iyong kamag-anak na tinatawag sa pangalang ito.” Pagkatapos, sa pamamagitan ng mga senyas, kanilang tinanong kung ano ang ibig ng ama na itawag sa kaniyang anak. Si Zacarias, pagkatapos na humingi ng isang mapagsusulatan, sa pagtataka ng lahat, ay sumulat: “Ang kaniyang pangalan ay Juan.”

Dahil diyan, parang himala na napasauli ang kakayahan ni Zacarias na magsalita. Maaalaala mo na nawalan siya ng kakayahang magsalita nang siya’y hindi maniwala sa patalastas ng anghel na si Elizabeth ay magkakaanak. Sa gayon, nang si Zacarias ay makapagsalita na, takang-taka ang lahat ng mga kapitbahay at ang sabi sa kanilang sarili: “Magiging ano nga kaya ang batang ito?”

Si Zacarias ngayon ay napuspos ng banal na espiritu, at siya’y masayang nagsabi: “Purihin si Jehova ang Diyos ng Israel, sapagkat kaniyang ibinaling ang kaniyang pansin at gumawa ng pagtubos sa kaniyang bayan. At nagtaas sa atin ng isang sungay ng kaligtasan sa bahay ni David na kaniyang alipin.” Ang “sungay ng kaligtasan” na ito, siyempre pa, ay ang Panginoong Jesus, na ipanganganak pa. Sa pamamagitan niya, ang sabi ni Zacarias, ang Diyos ay “magkakaloob sa atin, pagkatapos na tayo’y iligtas sa kamay ng mga kaaway, ng pribilehiyo na gumawa ng banal na paglilingkod sa kaniya na may katapatan at katuwiran sa harapan niya lahat ng ating mga araw.”

Pagkatapos si Zacarias ay humula tungkol sa kaniyang anak, si Juan: “Ngunit kung tungkol sa iyo, munting sanggol, tatawagin kang isang propeta ng Kataas-taasan, sapagkat magpapauna ka kay Jehova upang ihanda ang kaniyang mga daan, upang maipakilala ang kaligtasan sa kaniyang bayan sa pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan, dahil sa malumanay na kaawaan ng ating Diyos. Dahilan sa kaawaang ito ang bukang-liwayway buhat sa kaitaasan ay dadalaw sa atin, upang liwanagan ang nangakalugmok sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan, upang tulungang akayin ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.”

Sa panahong ito si Maria, na noo’y maliwanag na wala pa ring asawa, ay nakarating na sa kanila sa Nasaret. Ano kaya ang mangyayari sa kaniya pagka nahalata na siya ay nagdadalantao? Lucas 1:56-80; Levitico 12:2, 3.

▪ Gaano ang tanda ni Juan kay Jesus?

▪ Anong mga bagay ang nangyari nang si Juan ay walong araw ang edad?

▪ Papaano ibinaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa kaniyang bayan?

▪ Anong gawain ang inihula na gagawin ni Juan?